Chapter 18 - XVII

"Saan ka nagtungo?" mahinang tanong ng Punong Lakan nang makarating si Maia at si Einar sa kinaroroonan nito.

Nasa isang bahagi ito ng silid kasama si Akila pati si Gat Amir na malapit sa pwesto ng pamilya ng hari.

Hindi niya alam kung anong mararamdaman sa kaalamang iyon ngunit bilang wala pa naman ang mga maginoong may dugong-bughaw, mamaya na niya iisipin kung paano makakaiwas sa taong pinaka-kailangan niyang iwasan---ang prinsipe.

Sinuri niya ang mukha ng Punong Lakan. Tila hindi naman ito galit... o marahil ay wala naman talaga itong pakialam kaya sinabi na lamang niya ang katotohanan. "Ako lamang po ay nag-ikot-ikot at... kumain."

Nang hindi naman nagbago ang ekspresyon sa mukha nito sa kabila ng kaunting pagkunot ng noo nito, napatunayan niyang wala talaga itong pakialam at nakahinga siya nang maluwag.

Ngunit dahil hindi lang naman ito ang nandito, si Akila na naman ang may masasasabi. "Kababae mong tao, pagkain agad ang iyong tinungo? Wala ka bang kahihiyan?"

Ang nais ba nitong sabihin ay hindi na niya binigyan ng kahihiyan ang mga ito?

Nais tumirik ng kaniyang mga mata. Ano ba'ng mali doon? Hindi ba na ang silbi ng mga nakahandang pagkain sa bulwagang ito ay para kainin?

Hindi pa siya kumakain ngayong araw sapagkat bukod sa halos buong araw pala ang paghahanda sa ganitong pagdiriwang, hindi pa marunong magluto si Mindy at ang mga pagkaing ipinadala na naman sa kaniya ng kusinero sa Palasyo Raselis ay hindi naman masasabing pagkain. Gutom siya.

Sa totoo lang, hindi naman niya plano na kumain nang iniwan niya ang tabi ng mga ito. Hindi niya alam na gutom siya noong mga oras na iyon. Ngunit nang makita at maamoy niya ang mga pagkain na nakahain, doon niya napagtanto na, oo nga, hindi pa siya kumakain.

Ipinihit ni Maia ang katawan paharap kay Akila. Hindi niya maintindihan kung bakit lagi nalang itong may sinasabi sa kaniya---kay Malika. Kailangan ba talaga na sa tuwing makikita nito ang inampong kapatid, ay sisirain nito ang araw nito?

Humalukipkip siya at handa nang sumagot dito ngunit tila napansin na iyon ng Punong Lakan at pinigilan siya. "Malika, dito ka lamang. Maaaring parating na ang pamilya ng hari. Tayo ang unang babati sa pamilya ng Kaniyang Kamahalan kaya huwag ka munang magtungo kung saan-saan." Ibinaling nito ang tingin kay Akila. "Akila, sumama ka sa akin. May ipakikilala ako sa iyo."

Nagsimulang maglakad ang mag-ama ngunit bago pa makalayo ang mga ito, huminto ang Punong Lakan at bumaling sa kaniya. "Malika, kung ikaw ay may kailangan, utusan mo sila Amir at Einar. Maliwanag ba?"

Dahil nangako siya dito na hindi siya gagawa ng gulo at magpapakabait---hindi. Malayo iyon sa kaniyang rason. Susunod siya sapagkat iyon ang makabubuti sa kaniyang misyon. Marahan siyang yumuko. "Akin pong naiintindihan."

Nang maglakad muli ang Punong Lakan ay tumayo na ng tuwid si Maia. Tinitigan niya ang mga ito hanggang sa huminto ang mga ito sa grupo ng mga ginoo na nag-uusap.

Bumalik sa kaniya ang mga sinabi nito na sila ang unang babati sa pamilya ng hari. Nais niyang matawa. Heto siya at iniisip kung paano iiwasan ang prinsipe ngunit kailangan pa pala na siya ang lumapit at bumati dito. 𝘛𝘪𝘨𝘯𝘢𝘯 𝘮𝘰 𝘯𝘨𝘢 𝘯𝘢𝘮𝘢𝘯 𝘢𝘯𝘨 𝘢𝘬𝘪𝘯𝘨 𝘴𝘸𝘦𝘳𝘵𝘦.

Halos bumaba ang kaniyang mga balikat ngunit ngayong iniisip niya, hindi ba na malaki ang posibilidad na wala namang pakialam o kahit na katiting na interes ang buong pamilya ng hari sa kaniya? Kahit pa sabihin na inampon si Malika ng isang pamilya na napakalapit sa mga ito---bilang ayon sa mga alaala ni Malika ay matalik na kaibigan ng Hari ang Punong Lakan---dating alipin pa rin ito.

Tama. Wala siyang dapat ipag-alala. Kung ang Punong Lakan nga ay halos hindi tinitignan si Malika, ang mga taong may dugong-bughaw pa kaya?

Hindi na rin iyon nakapagtataka kung pagbabasehan ang mga ugali ng mga maginoong nakilala ni Malika. Tila ay pare-pareho lamang ang mga tao dito. Ayaw ng mga ito sa isang alipin.

Nagkibit-balikat na lamang siya nang mapagtantong masyado lamang siyang nag-iisip na umabot na sa puntong ginagawa niyang problema ang hindi naman problema at tumalikod sa direksyon ng Punong Lakan upang maghanap ng lugar na wala masyadong tao, ngunit naharangan siya ng dalawang kabalyero.

Iniwas niya ang tingin sa mga ito at iniba ang kaniyang direksyon. At nang mapansin na malapit na nakasunod sa kaniya ang dalawa, ay hinarap niya ang mga ito. "Gat Amir, Gat Einar... Kung maaari ay kuhaan niyo ako ng maiinom at makakain."

Nagtinginan ang mga ito, nagtanguan, at pagkatapos ay yumuko sa kaniya si Einar bago ito naglakad mag-isa na ipinagtaka ni Maia.

𝘗𝘪𝘯𝘢𝘣𝘢𝘣𝘢𝘯𝘵𝘢𝘺𝘢𝘯 𝘣𝘢 𝘢𝘬𝘰 𝘯𝘨 𝘗𝘶𝘯𝘰𝘯𝘨 𝘓𝘢𝘬𝘢𝘯? tanong niya sa sarili.

Ang akala niya ay wala nang pakialam ang Punong Lakan sa mga gagawin ni Malika at wala na siyang magiging problema pagdating sa mga ito at sa gabing ito. Ngunit nagkamali ba siya? Ang mas malala, tila siya ay bantay-sarado at may dalawang bantay pa.

Tinignan niya ang naiwang kabalyero na halos kasing-edad ng Punong Lakan. "Gat Amir? Wala ka bang nais puntahan? Maari ka ring kumuha ng iyong makakain," paghikayat niya dito.

Ngumiti ito sa kaniya. "Maraming salamat po sa inyong pag-aalala, Mahal na Binibini, ngunit ayos lamang po ako. At katulad po ng inyong Ama, kahit 'Amir' na lamang po ang inyong itawag sa akin."

Isang pilit na pagngiti ang ibinalik niya dito bago niya ito tinalikuran kasabay ng paglusaw ng pekeng ngiti sa kaniyang mukha. 𝘛𝘤𝘩. 𝘉𝘪𝘯𝘢𝘣𝘢𝘯𝘵𝘢𝘺𝘢𝘯 𝘯𝘨𝘢 𝘢𝘬𝘰.

Napailing si Maia sa kaniyang isip bago nagpasyang hayaan nalang ang nangyayari. Hindi naman niya ito matatawag na hadlang sa kaniyang mga plano. Wala siyang kailangan gawin ngayong gabi bukod sa pagpapakabait hanggang sa matapos ang pagtitipon na ito---na siyang mas magiging epektibo kung may saksi sa 'pagpapakabait' na iyon.

Nilibot niya na lamang muli ang tingin sa bulwagan at sa pagkakataong ito, upang maghanap ng mauupuan. At sa gilid malapit sa matataas na pader na may naglalakihang mga pinto ay may mga munti ngunit magagarang kanape. Bilang wala rin namang nais kumausap kay Malika, ipagpapatuloy na lamang niya ang pagmamasid.

Isa pa...

Pinakiramdaman niya ang paligid. Kanina pa niya pansin na bukod kila Gat Amir, may iba pang tao na nagmamasid sa kan---

"Ah!"

Natigilan si Maia sa narinig na pagbulalas kasabay ng pagbangga sa kaniya ng isang tagapaglingkod at pagtapon ng dala nitong mga inumin sa kaniyang damit.

Nagtinginan ang mga maginoo na nakapansin sa nangyari na nagdulot ng mga bulungan habang narinig niya si Gat Amir na tumawag sa kaniya mula sa kaniyang likod.

Napuno naman ng kaba at takot ang mga mata ng babaeng tagapaglingkod nang mapagtanto ang nangyari. Bigla itong tumayo at lumayo sa kaniya ngunit nang mapansin ni Maia na mawawalan ito ng balanse ay agad niyang hinawakan ang braso nito at agad na kinuha dito ang dala nitong bandeha bago pa magsilaglagan at mabasag ang mga baso.

"Binibini, ayos lang po ba kayo?!" ani Gat Amir na hindi niya nilingon.

"B-Binibini!" takot na bulalas naman ng tagapaglingkod. Tinignan nito ang damit niya. "Hindi... N-Naku po... H-Hindi... Pa--- P-Paumanhin... Paumanhin po!"

Akma na itong luluhod at yuyuko sa kaniyang harapan ngunit mabuti na hawak pa niya ang braso nito at napigilan niya ito. Umiling siya nang tumingin ito sa kaniya. "Ayos lang. Aksidente---"

"Tsk, tsk, tsk. Ano ngayon ang iyong gagawin, Mahal na Binibini?"

Inangat ni Maia ang tingin niya sa binibining mahinang nagsalita na halos nasa likod lamang ng tagapaglingkod na natumba patungo sa kaniya at hindi siya makapaniwala na iyon ay si Binibining Rusilla.

Hindi niya maiwasang maisip kung inunahan at inabangan siya nito dito.

"Hindi ka maaaring humarap sa pamilya ng hari na ganiyan ang iyong itsura," dagdag nito. "Nakahihiya."

Tinignan nang mabuti ni Maia si Rusilla bago niya inilibot ang tingin sa mga maginoong nakikiusyoso sa paligid. At nang makita niya ang mga kaibigan nito at kung paano ngumiti nang matagumpay ang mga ito, nakumpirma niya ang kaniyang hinala na hindi aksidente kundi sinasadya ang pangyayaring ito sa kaniya.

𝘏𝘢𝘢𝘢𝘢𝘢𝘢𝘢𝘢𝘢𝘺.... paghinga niya sa kaniyang isip. 𝘛𝘢𝘭𝘢𝘨𝘢 𝘣𝘢? 𝘈𝘯𝘰 𝘣𝘢'𝘯𝘨 𝘱𝘳𝘰𝘣𝘭𝘦𝘮 𝘯𝘨 𝘮𝘨𝘢 𝘪𝘵𝘰 𝘬𝘢𝘺 𝘔𝘢𝘭𝘪𝘬𝘢?

Nanahimik na nga siya ngunit ang mga ito ang patuloy na lumalapit. Ni hindi talaga ito natinag sa kaniyang pagbabanta bagkus, ginamit ng mga ito ang kaniyang mga sinabi sa kaniya---ng literal. Siya ngayon ang hindi maayos ang itsura.

Ngunit kung sabagay, sino ba ang matatakot sa pagbabanta niya? Dagdag pa doon, sanay na ang binibining ito sa pasimpleng pang-aapi kay Malika na natitiyak niya ay hindi napansin ni Gat Amir ang tunay na nangyari.

Binigay ni Maia ang hawak na bandeha sa kabalyero na tila ay nabigla. "Binibini?"

Hindi niya ito pinansin tulad ng hindi na lamang niya pagpansin kay Rusilla at sa mga maginoong nagbubulungan; habang ang tagapaglingkod sa kaniyang harap ay halos maiyak na. Nagtangka muli itong lumuhod ngunit hinigpitan ni Maia ang pagkakahawak sa braso nito.

Yumuko siya at nilapit ang mukha dito. "Ano ang iyong ngalan?"

"A-Ana po," kinakabahang sagot nito.

"Ana," pag-ulit niya bago tinitigan ito ng direkta sa mga mata. "Aksidente ang nangyari. Wala kang kasalanan. Maliwanag ba?"

Bumilog ang mga naiiyak nitong mga mata bago hindi makapaniwalang tumango. "O-Opo, Binibini. M-Maraming salamat po."

Binigyan niya ito ng maliit na ngiti at binitawan bago nilingon ang dalawang tagapaglingkod---isang babae at isang lalaki, na malapit sa kanila at tila ay natatakot rin. Sinenyasan niya ang mga ito na lumapit na sandaling nagpatahimik sa mga nakapaligid bago muling nagsimula ang mga bulungan.

"Pakilinis ang sahig," utos niya sa lalaki, ang tinig niya ay mahina na siya at ang mga tagapaglingkod lamang ang nakaririnig. "Tiyakin mo na tuluyang matuyo upang maiwasan na may madulas o madisgrasya. At..." Tinignan niya ang babae na agad nagpakilala bilang si Bernet. "Bernet, samahan mo si Ana. Sa aking palagay ay mas makabubuti kung magpapahinga na lamang siya."

Mabilis na sumunod ang mga ito at hindi niya maiwasang mapansin kung paanong kumunot ang noo ng karamihan lalo na si Rusilla, marahil ay nagtataka na hindi siya nagwawala sa nangyari sa kaniyang suot---isang bagay na madalas gawin ni Malika, ngunit isang bagay na kaniyang iiwasan. Wala siyang planong gumawa ng gulo, mas lalong wala siyang planong magtagumpay ang mga binibining ito sa nais ng mga ito na mangyari.

Sapagkat alam niyang nais ng mga ito na magwala si Malika at masaksihan iyon ng pamilya ng hari at mapasama ito lalo.

"Malika, ano'ng nangyari dito?"

Inalis ni Maia ang tingin sa dalawang tagapaglingkod na naglalakad palayo at ibinaling ang mga mata sa Punong Lakan na sinusundan rin ni Akila habang ang mga maginoong nakikiusyoso ay nagsialisan marahil ay sa takot sa Punong Lakan, maliban kay Rusilla na tila ay walang balak umalis sa kinatatayuan nito. Ilang sandali lang ay dumating na rin si Einar na dala ang hinihingi niyang pagkain at inumin, may pagtataka rin sa itsura nito.

Tumikhim siya ngunit bago pa siya makapagsalita ay inunahan na siya ni Rusilla. "Iyong Kataasan!" Marahan itong yumuko sa harap ng Punong Lakan. Mabilis na nag-iba ang itsura at pananalita nito. Sa isang iglap, isa na itong maamong tupa. "Natapunan po ang Mahal na Binibini ng inumin. Marahil ay hindi po niya napansin ang tagapaglingkod. Ngayon, basang-basa na po ang kaniyang bestido."

Hindi makapaniwalang tinignan ni Maia ang binibini at matapos lang ng isang segundo ay napailing siya. 𝘐𝘵𝘰 𝘢𝘯𝘨 𝘵𝘶𝘯𝘢𝘺 𝘯𝘢 𝘱𝘢𝘬𝘢𝘺 𝘯𝘪𝘵𝘰? 𝘕𝘢 𝘪𝘱𝘢𝘬𝘪𝘵𝘢 𝘴𝘢 𝘱𝘢𝘮𝘪𝘭𝘺𝘢 𝘯𝘪 𝘔𝘢𝘭𝘪𝘬𝘢 𝘯𝘢 𝘮𝘢𝘺 𝘨𝘪𝘯𝘢𝘸𝘢 𝘴𝘪𝘺𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘭𝘪? 𝘕𝘢 𝘴𝘪𝘺𝘢 𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘺 𝘬𝘢𝘴𝘢𝘭𝘢𝘯𝘢𝘯?

𝘖𝘩, 𝘎---

"Malika, hindi ka ba marunong mag-ingat?"

Agad na ibinaling niya ang tingin sa Punong Lakan. 𝘈𝘯𝘢𝘬 𝘯𝘨---? 𝘏𝘢𝘢𝘢? 𝘈𝘯𝘰?

𝘖𝘩, 𝘎𝘰𝘥. 𝘚𝘦𝘳𝘪𝘰𝘶𝘴𝘭𝘺?

𝘞𝘰𝘸...

Hindi man lang siya tinanong nito kung totoo ba iyon o hindi. Mabilis itong nag-desisyon na tama ang narinig at siya ang may kasalanan. Walang sandaling pagdududa, walang pagkurap...

Sadyang para dito, 'tama' at 'totoo' lang ang narinig nito.

Kaya pala hindi natinag si Rusilla sa kaniyang pagbabanta. Tunay nga na sa huli, si Malika ang makikitang mali.

"Magmadali ka na at ayusin mo ang iyong sarili," seryosong dagdag nito. "At agad kang bumali---"

"Mga Ginoo, Binibini..."

Sabay-sabay nilingon nila Maia ang babaeng dumating. Nakasalamin at may edad na ito na lalong makikita sa mga puti sa buhok nitong maayos na nakapusod. At sa kabila ng pagiging babae nito, ang kasuotan nito ay malaki ang pagkakahawig sa kasuotan ng mga tagapaglingkod na lalaki.

"Paumanhin po. Ako po si Enid, ang Punong Katiwala sa pagtitipon ngayong gabi. At nais ko po sanang humingi ng paumanhin---"

"Naku, Aling Enid," pagputol ni Maia dito, may ngiti sa kaniyang mga labi. "Hindi mo kailangang humingi ng paumanhin. Aksidente---Ah," Tumingin siya sa Punong Lakan at kay Rusilla bago muling tumingin sa Punong Katiwala. "𝘈𝘬𝘰 ang nagkamali. Ngunit tamang-tama ang iyong pagdating sapagkat kailangan kong linisin itong aking 𝘱𝘢𝘯𝘨𝘪𝘵 na bestido. Ayon sa ating 𝘔𝘢𝘩𝘢𝘭 na Binibining Rusilla, 𝘯𝘢𝘬𝘢𝘩𝘪𝘩𝘪𝘺𝘢 na ako ay haharap sa Pamilya ng Hari sa ganitong kalagayan, at ayoko namang ipahiya ang aking 𝘬𝘢𝘨𝘢𝘭𝘢𝘯𝘨-𝘨𝘢𝘭𝘢𝘯𝘨 na pamilya. Kaya kung maaari na iyong ituro sa akin kung saan dapat na ako ay magtungo?"

Nakatitig lamang sa kaniya ang pamilya ni Malika kasama ang dalawang kabalyero, may mga linya sa noo ng mga ito, habang may kaba naman sa mukha ni Rusilla. At sa kabila rin ng pagtataka at kaba sa mukha ng Punong Katiwala, agad nitong tinuro ang daan. "D-Doon po tayo, Mahal na Binibini."

"Maraming salamat," nakangiti pa rin niyang tugon bago bumaling sa Punong Lakan at kay Akila. "Kung inyong mamarapatin... mga mahal na ginoo..." Lumipat ang kaniyang tingin kay Rusilla na nakatayo sa kaniyang daraanan. "Binibini..."

Nagsimulang maglakad si Maia at bago pa niya tuluyang mabangga si Rusilla ay umiwas na siya.

Gustung-gusto na niya itong banggain ngunit dahil tiyak siyang ito ang kakampihan ng lahat at mananalo lang ito, ay pinigilan niya na lamang ang sarili. Kailangan niyang magtimpi hindi para sa kaniya kundi para kay Malika.

Nagpatuloy siya sa paglalakad at muli niyang naramdaman ang mga mata na pakiramdam niya ay kanina pa siya pinagmamasdan. Nilingon niya ang malawak at magarang hagdan sa kabilang dulo ng bulwagan kung saan sila pumasok at napagtanto niyang may balkonahe na nakapalibot sa buong silid na ito.

Bumukas ang pinto sa kaniyang harapan at nang siya ay halos makalabas na ay sandali niyang iniangat ang tingin sa bahagi ng balkonahe na nasa itaas ng trono ng pamilya ng hari.

At hindi nga siya nagkamali nang may nakitang dalawang imahe ng tao na nakatayo doon.

Hindi naging malinaw ang mukha ng mga ito sapagkat may kadiliman ang bahaging iyon at may kurtina ring tumatabon ngunit tatlong bagay ang malinaw sa kaniya.

Una, sa taas, tindig, at hugis ng pangangatawan ng mga ito, parehong babae ang dalawang taong iyon; ikalawa, sa uri ng pananamit na suot ng mga ito, masasabi niyang maginoo ang isa sa mga babae; at ikatlo, sa kadahilanang ang pagdidiriwang na ito ay para lamang sa mga maginoo, ang mga natatanging tao lamang na may kasamang tagapaglingkod ay ang mga taong nakatira sa palasyong ito: ang pamilya ng hari.

Tama. Isa lang sa dalawang babae na may dugong-bughaw ang nasa balkonahe: Ang reyna o ang prinsesa.

Hindi niya tiyak kung siya talaga ang pinagmamasdan ng mga ito o isa siya sa pinagmamasdan ng mga ito, at hindi niya rin tiyak kung ano ang binabalak ng kung sinumang dugong-bughaw na iyon sa pagmamasid.

Ang tanging bagay na alam niya ngayon ay nagkaroon siya ng partikular na ideya sa kung mga kanino siya dapat mag-ingat.