Chapter 16 - XV

Maaliwalas ang panahon. At kasabay ng pagtatapos ng umaga ay ang unti-unting paglamig ng simoy ng hangin at pagliwanag at pagkislap ng mga ilaw sa paligid. Ganoon din ang pagdami ng mga tao sa mga pampublikong lugar. Ang lahat ay nagagalak at tila hindi makapaghintay sa nalalapit na salubong sa pagdiriwang ng pagkakatatag ng kaharian.

Isang masayang gabi para sa mga taga-Aguem...

Ngunit taliwas para sa Binibining nakaupo sa loob ng kalesang nakaparada sa harap ng Palasyo Raselis.

"Si Malika?"

Umayos ng upo si Maia at huminga ng malalim nang marinig ang tinig ng Punong Lakan sa labas. Ayaw man niyang aminin, hindi maganda ang kaniyang kutob sa pagdiriwang na ito. Kung maaari lang, hindi na siya dadalo ngunit ang mga ganitong malaki at magarang pagtitipon ay kailangang daluhan ng mga maginoong pamilya mula sa buong kaharian. Tiyak na mas malaki ang problemang kaniyang haharapin kung pipiliin niyang hindi sumama. Maaari pang maparusahan na naman siya at 'ikulong' sa abandonadong palasyo.

"Naghihintay na po sa kalesa ang Mahal na Binibini, Iyong Kataasan."

Tila dinig niya kung paano kumunot ang noo ng Punong Lakan sa sinabi ng kutsero nito na si Mang Abe dahil sa ilang segundong katahimikan sa labas. At nang bumukas ang pinto ng kalesa ay hindi niya maiwasang mapalunok at ayusin ang pagkakayakap ng patong na roba sa kaniyang katawan.

Alam niyang tama ang kaniyang desisyon sa pagpili sa suot na bestido ngunit hindi siya tiyak kung aayon sa kaniya ang magiging reaksyon nito kapag nakita na nito ang kaniyang suot.

"Hindi ko inaasahan na ikaw ay mauuna pa sa amin. Kadalasan ay kailangan ka pang hintayin ng ilang minuto."

Hindi alam ni Maia ang dapat sabihin kung kaya ay nanahimik na lamang siya. Tiyak rin naman siya na hindi maganda ang mangyayari kung sasabihin niya dito ang katotohanan na kaya nauna siya sa kalesa ay dahil ayaw niyang maglakad ng malayo.

"Marahil ay dahil nakabalik na ang Mahal na Prinsipe."

Gulat na nilingon ni Maia ang pasakay na si Akila na buong lakas niyang pinigilan ang sarili na huwag sipain palabas ng kalesa bago siya nagdesisyon na hindi na lamang ito pansinin at tumingin na lamang sa labas. Kung alam lamang nito, ang taong tinutukoy nito ang pinakahuling tao sa mundong ito na nais niyang makita. At marahil ang taong iyon din ang dahilan kung bakit masama ang kutob niya sa pagtitipon na pupuntahan.

Sa lahat ng maaaring makatuluyan ni Selina, hindi ba malaki ang posibilidad na ang prinsipe iyon? Kahit pa sabihin na ang tanging 'ebidensya' niya lamang patungkol doon ay nagmula sa mga pambatang kuwento at mga pelikula.

Ngumisi si Akila at umupo sa kaniyang tabi katapat ng Punong Lakan. "Mukhang tama ang aking hinala. Sabi nga, ang katahimikan ay isa ring pag-amin."

Umikot ang mga mata ni Maia. "O marahil ang iyong binigkas ay isang napakalaking katangahan na hindi ko magawang makapagsalita."

"Ano?!"

Nilingon niya ito. "Ikaw ba ay bingi upang akin pang ulitin ang nasabi ko na?"

Namula ang mukha ni Akila dahil sa inis at hindi maiwasang ngumisi ni Maia bago inalis ang tingin dito. Marahil ay nais nitong magsalita muli sapagkat ay pinigilan ito ng Punong Lakan.

"Tama na," tahimik ngunit may bigat na saway nito. "May ilang oras din ang ating byahe at wala akong balak na makinig sa inyong bangayan."

Tumahimik ang loob ng kalesa na lubos ipinagpasalamat ni Maia at lubos niyang hinihiling na sana ay magpatuloy. Simula nang ipatawag siya ng Punong Lakan sa silid-talaan nito, ito pa lamang ang ikalawang pagkakataon na nakita niya ito. Nakapagtataka man, ngunit mukhang hindi sinabi ni Einar sa mga ito ang naging pagtakas niya noong namili siya ng damit. Dahil kung nabanggit nito iyon, tiyak siya na hindi naging ngayon ang pangalawang pagkakataon na nakita niya ang Punong Lakan.

Sa katunayan, hindi niya tiyak kung ipagpapasalamat niya rin iyon o kung dapat siyang kabahan. Dahil sa mga naunang kilos ni Einar, hindi na siya magugulat kung nagsumbong muli ito.

Ano kaya ang dahilan nito? Hindi naman niya ito sinabihan o pinilit na ilihim ang nangyari, bagkus sinabihan pa niya itong wala siyang pakialam sa gagawin o sasabihin nito. Dagdag pa doon, wala rin itong dahilan upang pagtakpan siya. Hindi ito malapit kay Malika at kung tutuusin iyon ang unang pagkakataon na nakausap ito ni Malika... kung wala siya sa katawan nito.

Maaari kaya na may balak ito na gamitin ang pagkakataong iyon laban sa kaniya sa hinaharap? At kapag dumating ang araw na iyon, doon ito aatake?

Kung gayon, hindi na dapat niya isipin kung bakit nagawa nito na pagtakpan pa siya. Una, wala naman talaga siyang pakialam kung ibalita pa nito sa buong Aguem ang 'pagtakas' niya. Nagawa na niya iyon, tapos na, at kung iisipin, maliit na bagay lang naman iyon. Ikalawa, paunahan na lang sila ng kabalyerong iyon. Mauuna bang dumating ang araw ng pananakot nito sa kaniya?

O mauuna siyang makaalis palayo sa kahariang ito?

Kung ano man sa dalawa ang mangyari, tiyak siya na hindi naman iyon magiging problema.

Maliban nalang kung...

Natuon ang kaniyang atensyon sa maliit at malamig na metal na nakadikit sa kaniyang kanang hita. 𝘏𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘬𝘢𝘺𝘢 𝘢𝘺 𝘯𝘢𝘭𝘢𝘮𝘢𝘯 𝘯𝘪 𝘌𝘪𝘯𝘢𝘳 𝘢𝘯𝘨 𝘵𝘶𝘯𝘨𝘬𝘰𝘭 𝘥𝘪𝘵𝘰 𝘴𝘢 𝘣𝘢𝘳𝘪𝘭?

Bahagyang napangiwi si Maia sa kaniyang isip. Malaking problema nga iyon kung nagkataon... at tiyak na magagamit iyon ni Einar laban sa kaniya.

Sandali siyang nag-isip. Marahil ay makabubuti kung kakausapin niya ang kabalyero sa lalong madaling panahon. At base sa kaalaman ni Malika, nasa kabilang kalesa lamang si Einar kasama ang kabalyero ng Punong Lakan. Kailangan niyang malaman kung ano ang tunay na pakay nito at kung may alam ba talaga ito.

Mabuti na lamang na mas pinipili ng Punong Lakan at ni Akila na siya ay hindi pansinin kung kaya ay hindi na niya kinailangang isipin kung paano pakitunguhan ang mga ito at nakapag-isip siya sa kung paano makakausap si Einar. Ngunit nang dahil doon, napatunayan niya lamang na walang pakialam ang mga ito kay Malika.

Sinubukan niyang alalahanin ang mga alaala ni Malika sa mga ito sa tuwing magtutungo ang pamilya sa mga salo-salo. At walang pinagkaiba ang byaheng ito sa mga naranasan ni Malika...

Ah...

Ang pinagkaiba, tunay na malungkot si Malika sa hindi pagpansin ng mga ito. Nais nito na mapuri ang suot nitong damit, ang ayos nito... na sana ay makipagkuwentuhan ang mga taong umampon dito.

Ngunit wala. Tila isa itong...

Pumasok sa kaniyang isip ang sinulat ni Malika sa talaarawan nito.

"Hangin na di kapansin-pansin," bulong niya sa sarili.

Mukhang hindi nagbibiro si Malika sa mga isinulat nito. Kung gayon, dapat nga lang na ilayo niya ito sa kahariang ito. Dahil sa mga katotohanang isinulat nito, hindi na siya magtataka kung talagang isasagawa nito ang plano nitong isama ang lahat sa impyerno.

___________________________

"Ako ba ay hindi mo nakita?"

Mata lamang ang ginalaw ni Maia upang tignan si Akila na nasa kaniyang kanan. Mukhang hindi nito nagustuhan nang hindi niya tanggapin ang nakalahad na kamay nito upang siya ay alalayan sa pagbaba ng kalesa.

Ngunit kung iisipin, wala naman itong nagustuhan sa mga ginawa ni Malika.

"Mahal na Ginoo," walang gana niyang simula. "Hindi mo naman kailangang magpanggap. Alam nating pareho na hindi mo nais na ako ay alalayan." Nagsimula siyang maglalakad patungo sa magara at malaking pasukan ng palasyo, kasunod ng Punong Lakan, at napansin din niya ang pagbaba sa ikalawang kalesa ni Einar pati ang personal na kabalyero ng Punong Lakan na si Gat Amir.

"Huwag kang mag-alala," pagpapatuloy niya bago pa sila maabutan ng dalawang kabalyero. "Tiyak naman ako na hindi iyon ikasisira ng iyong reputasyon. Ako ang problema..." Nilingon niya ito mula sa kaniyang balikat. "Hindi ba?"

Natigilan si Akila at naglakad lamang ito nang tinawag at binati ni Einar at Amir. Naging tahimik ito at ayaw man niyang aminin ay nakadama siya ng kaba sapagkat bilang isang dating alipin si Malika, hindi niya tiyak kung dapat siyang maglakad sa harapan nito. Mabuti na lamang at tila ay bumalik na lamang ito sa hindi pagpansin sa kaniya...

O maaaring naghihintay lang ito ng tamang oras upang pagalitan at pagsabihan siya.

Dagdag pa sa kaniyang isipin, ay nang makapasok sila sa palasyo at hinatid sa bulwagan ng dalawang kawal ng palasyo. Sapagkat oras na upang kaniyang tanggalin ang suot na roba.

"Mahal na Binibini, magandang gabi po," pagbati ng isang tagapaglingkod na nakatayo sa gilid ng malaking pinto. "Ang inyo pong roba."

Bumukas ang pinto at inanunsyo ang kanilang mga pangalan at palasyo at mabuti na lamang na mabilis ang mga mata ni Maia sapagkat nakita niya na may iilang mga Binibini na nakasuot ng kulay luntian na bestido. Nakahinga siya ng maluwag at mas naging kampante na tanggalin ang kaniyang roba dahil mukhang wala naman pala talagang kaso ang pagsusuot ng kulay luntian.

Ngunit ilang sandali pagkatapos niyang matanggal ang roba, napansin niya ang biglaang pagbigat ng hangin at ang titig sa kaniya ng apat na kalalakihan na kaniyang kasama, pati na rin ng tagapaglingkod na tumanggap sa kaniyang tinanggal na pangpatong. At nang tuluyan siyang makapasok sa bulwagan, damang-dama niya ang mga titig ng mga tao at kitang-kita niya kung paano nagsimulang magbulungan ang karamihan lalo na ang mga kababaihan.

"Malika."

Tinignan ni Maia ang Punong Lakan na nakaabang sa puno ng hagdan. Walang ekspresyon ang mukha nito ngunit tiyak siya na hindi nito nais ang nakikita sa kaniya.

Dahan-dahan siyang naglakad patungo dito at ikinawit sa naghihintay nitong braso ang kaniyang kanang kamay.

"Ano'ng ibig-sabihin nito?" tanong nito nang hindi gaanong bumubuka ang bibig at habang bumababa ng hagdan.

Huminga siya ng malalim bago sumagot. "Ayoko lamang pong magsuot ng mabigat na bestido. Mahirap kumilos."

Umiling-iling at ngumisi si Akila na nakasunod sa kanilang likod kasama sila Einar at Amir. "Kasinungalingan. Sa haba ng byahe, iyan lamang ang naisip mong dahilan? Kaya pala nauna ka sa amin sa kalesa."

"Maaari naman po akong umuwi, kung inyong nais."

At iyon rin ang tunay na nais ni Maia. Kung pauuwiin siya, magkakaroon siya ng oras upang pasukin ang silid-aklatan ng bagong palasyo ng mga Raselis. At mas magiging madali iyon dahil wala ang mga ito pati na rin ang dalawang kabalyero na lubos pinagkakatiwalaan ng mga ito. Ang magiging problema niya lamang ay ang Punong Katiwala at ang mga kawal na nagbabantay sa paligid ng palasyo. Ngunit kumpara sa mga lugar na pinasok ni Maia sa dati niyang mundo, masasabi niyang mas madaling pasukin ang mga palasyo sa mundong ito dahil sa kawalan ng teknolohiya tulad na lamang ng mga camera.

Kailangan lamang niyang tiyempuhan ang mga dapat niyang daanan, at sa nakalipas na mga araw ay naplano na niya iyon nang maayos. Wala nang problema sa bagay na iyon. Kailangan lamang na pumayag ngayon ang Punong Lakan at siya ay ipahatid na pauwi.

"Hindi ka uuwi, Malika," payak na sabi ng Punong Lakan na panandaliang nagpahinto sa kaniyang plano.

Tama. Inasahan na rin niya na maaaring hindi ito pumayag. Kung kaya wala na siyang magagawa sa ngayon. Maaari naman niyang ipagpabukas ang pagpasok sa silid-aklatan. Hindi magiging madali ngunit hindi imposible.

May magandang maidudulot rin naman ang kaniyang pananatili dito. Oobserabahan niya ang mga maginoo at maharlikang nandito, sa pag-asang may makuha siyang impormasyon sa sakit ni Malika o sa maaaring pumatay kay Malika sa hinaharap.

"Ngunit kailangan mong sabihin sa akin kung bakit kakaiba ang iyong kasuotan," dagdag ng Punong Lakan. "Kung hindi, hindi ka makaaalis sa aking tabi."

"Sa tingin ko po ay inyo nang nasabi ang dahilan, Mahal na Punong Lakan," aniya. Kumunot ng bahagya ang noo ng Punong Lakan at sandaling ibinaling ang tingin sa kaniya na bihirang mangyari kay Malika. "Tama po kayo na kakaiba ang kasuotang ito. Sapat na dahilan upang aking isuot sa ganitong pagtitipon."

"Hah! Sa payak ng iyong suot, sino ang maniniwala..."

Hindi na pinansin ni Maia ang mga hirit ni Akila sa likod at tinignan niya ang mga taong nag-aabang sa kanila sa baba ng hagdan. Sa katayuan at kayamanan ng Punong Lakan, hindi na nakapagtataka ang pagnanais ng karamihan na makausap ito. At sa totoo lamang, ipinagpapasalamat niya ang bagay na iyon ngayon.

"...ano ba talaga---"

"Pangako po na ako ay hindi gagawa ng gulo," pabulong na pagpapatuloy niya na parang hindi nagsasalita si Akila. "Ayoko naman pong makaabala sa inyong oras ngayong gabi."

Tuluyan na silang nakababa sa hagdan at nagsimula ang pagbati ng mga ginoo at binibini sa kanila, partikular sa Punong Lakan at kay Akila. Nakangiti at magalang naman na binalik ni Maia ang mga pagbati na patungo sa kaniya kahit alam niyang pakitang-tao lamang ang mga iyon dahil nakaharap ang mga ito sa Punong Lakan.

"Huwag po kayong mag-alala, Ama, ako po ay magpapakabait," nakangiti niyang sambit sa Punong Lakan. Nagbigay-galang siya dito at hinalikan ito sa pisngi. "Maiwan ko po muna kayo."

Mabilis na nakaalis si Maia sa grupo ng mga taong nakapalibot sa kanila---ang ibig niyang sabihin ay sa Punong Lakan at sa Lakan---na hindi niya lubusang mapaniwalaan. Hindi niya inaasahan na hahayaan lamang siya ng Kaniyang Kataasan na umalis nang ganoon. Ngunit napansin niya na panandaliang nabigla ito sa mga huli niyang sinabi at maaaring dahil doon kaya siya 'nakatakas'.

Hindi man siya tiyak kung alin sa kaniyang mga sinabi o kung dahil ba talaga may nasabi siya kaya natigilan ito ngunit alinman doon, sana ay hindi ito magtanim ng sama ng loob at sana ay hindi siya parusahan.

Nagmadali na lamang siya sa paglalakad at nagtago sa mga tao bago pa siya ipahabol sa dalawang kabalyerong kasama ng mga ito.