Nadaanan ni Ely si Carvie sa labas ng ospital na nakaupo mag isa sa isang bench. May mga dala siyang mga damit at pagkain ng magkapatid.
Nilapitan niya ito. "Carvie, anong ginagawa mo dito sa labas?" tanong ni Ely.
Napansin niya ang biglang pagpunas nito ng kanyang luha. Mukhang may dinaramdam ang bata.
"Wala po, Kuya Ely. Nagpapahangin lamang po," pagsisinungaling nitong sagot sa kanya saka umiwas ng tingin.
"Kung ang ikinababahala mo ay si Cathleen. Huwag kang mag alala. Di ba, sinabi ko na simula ngayon ako ang bahala sa inyo? Hindi ko pababayaan na may masamang mangyari kay Cathleen," wika ni Ely.
Napatunghay si Carvie sa kanya.
"Bakit mo po ito ginagawa?"
"Gusto ko lang makatulong sa inyo," sagot ni Ely. Kasabay ng pagtulong ay para mapalapit siya kay Cory.
"Mahal mo po talaga si ate, Kuya Ely. Kaya kahit na ipagtabuyan ka niya, heto ka pa din tinutulungan kami."
Inakbayan ni Ely si Carvie.
"Masyado ka pang bata pa maintindihan mo ang nangyayari sa amin ng ate mo. And yes, gusto ko ang ate mo. Pero ganoon talaga ayaw niya sa akin."
"Kuya, kinse na po ako. Alam ko na at naiintindihan ko na ang lahat."
"Salamat, Kuya Ely, sa pagmamahal mo kay Ate Cory. Huwag ka sanang magsawa na mahalin siya. Alam mo po siguro po iniisip niya na mahirap lamang kami. Ang yaman mo po. Sa itsura niyo pa lamang po alangan na sa amin." dagdag pang sabi ni Carvie.
"Sa pagmamahal walang mayaman o mahirap. E, ano kung mahirap kayo. Tao pa din kayo at pantay pantay tayo sa paningin ng Diyos. Basta ilakad mo ako sa ate mo, ha?" nakangiting sabi ni Ely.
"Ikaw pa, Kuya Ely. Ang lakas mo kaya sa akin. Kahit itakbo pa kita kay ate, bayaw, " nakangiti ng sagot ni Carvie. Hinawakan sa ulo ni Ely si Carvie at ginulo ang buhok.
'Pasok na tayo sa loob. Baka hinahanap ka na ng ate mo," aya ni Ely kay Carvie.
Tumango naman ang binatilyo sa kanya. Kinuha ni Carvie ang ibang dala ni Ely at naakbay na naglakad sila papunta sa kuwarto ni Cathleen.
Inilipat ng private room si Cathleen. At naitakda na ang araw ng operasyon ng bata.. Ang hinihintay na lamang nila ay ang donor na malusog na puso para kay Cathleen.
Nakabantay pa din si Cory sa kapatid. Si Ely ay nakaupo malayo kay Cory. Matiyaga itong kasama ni Cory magbantay kay Cathleen. Pinauwi na muna ni Cory si Carvie para makapagpahinga.
Napapasara na ang mga mata ni Ely dahil sa antok at pagod. Kahit si Cory ay pagod na din at halos walang tulog. Napalingon si Cory sa kanyang likuran. Nakapikit si Ely na nakasandal ang ulo sa pader. Nakaramdam naman ng awa si Cory kay Ely. Kaya nilapitan niya ito.
"Ely... Ely," gising ni Cory dito at niyuyugyog sa balikat. Napamulat ng mga mata niya si Ely. Nagtama ang mga tingin nilang dalawa ni Cory.
"U-Umuwi ka muna," sabi ni Cory na umiwas ng tingin. Babalik na sana siya sa upuan niya nang hawakan ni Ely ang kamay niya.
"Cory, can we please talk?" pakiusap na tanong ni Ely.
"Hindi pa ito ang tamang panahon para pag usapan natin ang kung ano man ang gusto mong sabihin, Ely," pagmamatigas pa din ni Cory.
Binitawan ni Ely ang kamay niya at nilapitan na ni Cory ang kapatid niya.
"Thank you, Ely. Sa lahat ng naitulong mo sa kapatid ko. Mababayaran din kita sa lahat ng naitulong mo," sabi ni Cory na hindi tumitingin kay Ely. At umupo sa upuan sa tabi ng bed ni Cathleen.
"Hindi naman ako naniningil, Cory. Naiintindihan ko kung ayaw mo talaga akong harapin at ayaw mo akong tanggapin sa buhay mo. Huwag mo naman iparamdam sa akin ang pambabalewala mo sa akin. Nakakasakit ka na, Cory. Nasasaktan na ako sobra. Kapag naging okay na si Cathleen. Babalik na ako ng Manila at hindi na ako magpapakita sayo. Uuwi muna ako sa hotel room ko. Kung may iba kalang kailangan. Sabihin mo na lamang kay Carvie. Kung hindi mo pa din ako kayang kausapin ng maayos," paalam ni Ely kay Cory. Malungkot na lumakad na ito paalis.
Nakalabas na ng kuwarto ni Cathleen si Ely nang napalingon si Cory sa pintuan nilabasan ni Ely. Tumulo ang luha niya. Hindi niya gusto na maging matigas kay Ely. Sa totoo lang mayroon naman na siyang nararamdaman para sa binata. Pero natatakot siyang sumugal. Ang daming dapat ikonsidera kung tama bang tugunin niya ang gustong mangyari ni Ely para sa kanilang dalawa. Isa pa a ng mga isang gabi na iyon ay hindi dapat maging rason para gusto ni Ely na mapalapit sa kanya. Gusto niya may pagmamahal. Wala pa naman sinasabi si Ely sa kanya. Pero ipinaparamdam niya sa pamamagitan ng mga pag tulong niya sa kanilang magkakapatid. Hindi ito umalis kahti na ipagtabuyan pa niya.
Nakabalik na si Ely sa kanyang hotel room. Ilang araw din siyang halos hindi umuwi dito ng matagal. Uuwi man siya para lamang maligo at magbihis ng damit. Inihiga ang sarili sa kama at pinilit na makatulog. Magpapabook na siya ng flight pabalik ng Manila. Siguro kailangan na niyang sumuko. Hindi na niya kaya ang ginagawa ni Cory na pagtataboy sa kanya. Hanggang doon na lamang siguro ang pagpupursigi niya para panagutan ang dalaga sa nangyari sa kanila.
Ilang araw na lamang at ooperahan na si Cathleen. Hahayaan na lamang niya si Cory sa gusto nitong mangyari, ang huwag siyang guluhin.
"Tristan, please book a flight for me pabalik ng Manila. I want it next week na," utos ni Ely sa kabilang linya.
Nakabuo na siya ng desisyon. Kailangan na niyang bumalik sa Manila.
"Noted, sir. I just want to inform sir that your dad is looking for you. Sinabi ko po na nasa out of town business meeting kayo," sagot at imporma ni Tristan ang sekretarya ni Ely.
"Salamat. Pabalik naman na ako ng Manila. I will just call dad," tugon ni Ely sa kausap sa telepono. Saka pinatay na ang tawag.