Chereads / Hidden Persona Zarie Series / Chapter 13 - Chapter 13

Chapter 13 - Chapter 13

HIDE

Hindi man lang sumagi sa isip ko na sundin siya't umalis ako. Hindi kase tamang basta-basta na lamang siya magpaalis ng taong tahimik lang namang nagre-review sa isang lugar at walang ano-anong paaalisin lang niya.

"Naiwan mo 'yang libro mo. Kunin mo at umalis ka na," blankong aniya at kinuha ko naman yung librong hindi ko namamalayang naiwan ko pala.

Kaya pala parang may nawawala rito sa mga libro ko kanina. Matapos ko yung kunin ay bumalik lamang ako sa pagbabasa ng libro na para bang walang narinig na salitang 'umalis kana'.

"I said get lost!" Sigaw niya sa mismong harapan ko. Masama ko siyang tiningnan.

"Ano bang problema mo? Ikaw ang siyang kararating lang tapos aakto kang galit at paaalisin ako?" Mas lalo lamang nagalit ang mukha niya sa sinabi ko.

"Umalis kana, ang panget-panget mo!"

"Sabihin mo na kung anong gusto mong sabihin, pero hindi ako aalis rito," matigas na sambit ko.

"Nagpapansin kaba?" Sa narinig ko ay napakunot ang noo ko.

"Ano namang makukuha ko sa pagpapapansin sa 'yo? Mabuti sana kung s-sweldo ako?" Walang pakialam kong tugon.

"Tss! Nagpapapansin ka e, bakit ka andito sa tambayan ko kung hindi?" Gulat akong napatingin sa kaniya matapos niyang magsalita.

"T-tambayan?"

"Hindi mo alam o talagang gumagawa ka lang ng way para magpapansin sa 'kin?" May kaunting ngiti sa mga labi nito na nagpapaiba ng nararamdaman ko. Bumibilis ang tibok ng puso ko at ayoko ng ganito, hindi totoong nagpapapansin ako pero pinagmumukha akong guilty nitong puso ko.

Napansin yata nito ang bahagyang kaba ko at hindi na ako magugulat kung namumutla ako. Mas lalo lamang lumapad ang ngiti nito pero nakakatakot ang mga ngiti niyang 'yon, nakakatakot siyang mag-evil smile.

Itinukod niya ang dalawang siko niya sa ibabaw ng mesa saka ako tinitigan sa mga mata habang palapit ng palapit ang katawan nito na para bang gagapangin nito ang mesa palapit sa 'kin. Jusko. Ramdam ko na talaga ang kaba ko at nakakapanghina ang dulot niyon sa katawan ko, dagdag pa itong napakabilis na tibok ng puso ko.

"Ang dami-daming babaeng nagpapapansin sa 'kin at ikaw lang talaga 'tong napansin ko. Kakaiba naman kase 'yang taglay mong kapangitan," sarkastikong aniya. Nananatili lamang akong nakikipaglaban sa mga titig niya, hindi ko alam! Nababaliwala ang inis ko sa mga lumalabas sa bibig niya at dahil lamang 'yon sa mga titig niya.

Hindi! Hindi! Hindi pwede ang ganito! Ano itong nangyayari sa 'kin? Nawawala ako sa sarili ko! Kailangan ko ng umalis bago pa umabot sa kung saan itong hindi maipaliwanag na nararamdaman ko at mas matinding kahihiyan lang ang abutin ko rito.

"Kung alam mo lang kung gaano mong naaapektohan itong mga mata ko, sa sobrang panget, nakakasakit!" Hindi ko na hinintay pa na masundan ang pang-aalipusta niya sa halip ay mabilis na kinuha ko ang lahat ng mga gamit ko saka tumakbo na paalis sa kaniya at sa lugar na ito.

Naglakad na lamang ako pabalik sa section ko total malapit na lang rin namang mag-time. Maraming tao rito sa hallway kung saan ako naglalakad ang pinagtitinginan ako. Tama nga siguro yung Zach na 'yon, nakakahugot ng atensiyon itong kapangitan ko. Ang mga tingin nila, sapat na sapat na para maipakitang nandidiri talaga.

Tulad ng dati, hindi ko na lamang ito pinansin at nagpatuloy lamang sa paglalakad nang hindi nagtagal ay bigla kong nasagi ng lalaking mabilis na tumatakbo. Binalingan ako nito ng tingin at halatang mags-sorry sana siya pero mukhang binawi ng mukha niya nang makita ang mukha ko. Walang pasabi siyang tumakbo paalis.

Napangko ang tingin ko rito hanggang sa tuluyan na nga iyong nawala sa paningin ko kaya naman, tatalikod na sana ako para magpatuloy sa paglalakad ng biglang nabunggo na naman ako.

Kung kanina ay isang lalaki ang nakasagi sa 'kin ngayon naman ay isa ng magandang babae. Hindi naman ganoon kalakas ang pwersa nang magkabunggo kami kaya walang may bumagsak sa 'min. Napaatras lang ng kaunti pero ang tingin ngayon ng babaeng kaharap ko ay napakasama, na para bang sobrang nasira ko ang buhay niya sa pagkakabunggo naming dalawa.

Ang dilim-dilim ng tingin niya habang ako ay sinusubukang hulaan kung ano ba ang dahilan ng sobrang ikinagagalit ng tingin niya, hindi naman pwedeng dahil lang ito roon sa simpleng pagkakabunggo naming dalawa.

"Pasensiya na," tanging sambit ko sa kaniya pero wala pa ring pagbabago sa kaniyang mukha.

Ano bang ikinagagalit niya, dapat nga mag-sorry din siya. Hindi lang naman kase ako ang may kasalanan kung ba't nagkabanggaan kaming dalawa. Kung tumitingin siya hindi naman magkakaganoon, kaya may kasalanan din siya. Pero bakit ganito siya makatingin?

"Betchin!" Kasabay niyon ang biglang mabilis na paglapat niya sa dalawang kamay niya sa braso ko at malakas ang pwersang tinulak ako paatras. Wala na 'kong nagawa, halos tumilapon na 'ko sa sahig sa lakas ng pagkakatulak niya. Mabuti na lamang at mabilis kong nabitawan ang librong hawak ko at naitukod ko ang dalawang kamay ko kaya hindi ako napahiga sa sahig.

Gulat na gulat ang mukha kong nakatingin sa kaniya, hindi ako makapaniwalang ang babaw ng babaeng 'to. Magkakagano'n siya sa simpleng banggaan lang?

"Such a nerdey betchin! Ang panget mo na nga, ang tanga mo pa? How patitik!" Gusto kong matawa sa pinagsasasabi niya pero hindi ko magawa. "Humanda kang betchin ka!"

Mabilis siyang humakbang para lapitan ako at nasisiguro kong pira-piraso na talaga ako 'pag nakalapit siya. Mabilis na lamang akong napayuko at hinintay ang mga kamay niyang lumapit sa buhok ko, pero halos magtatatlong segundo na ang nakalipas ay wala pa rin akong nararamdamang humahawak sa buhok ko.

Mukang na-traffic yata ang kamay niya...

Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin sa kaniya at umuwang ang labi ko ng makitang hawak ni Zach ang braso ng babae at hinila ito paatras. Mabilis niyang binitiwan ang braso nito at mukhang galit itong tiningnan. Hindi naman masyadong galit, pero... ewan ko ba! Basta galit siya nitong tinitingnan.

"Ang panget ng english mo!" Anito sa gulat na mukha ng babae, pero sa halip na magalit rito ang babae ay umamo lang ang mukha nito saka hinawakan ang braso nito.

"Zach! Tinulak niya ako, she pull me aways!" Sabi nito sa malandi at maarteng boses. Pero diba 'push' iyon at hindi 'pull'?

"I know what happened," bumaling ang tingin nito sa 'king parang tangang nakaupo lang rito sa sahig. "Ang panget na nga niyan, papapangitin mo pa!" Walang ganang sagot nito saka tinalikuran kami at nagmartsa paalis.

Pagkatapos ay binalingan ako ng babae ng masamang tingin, "We are not penist yet, nerdy betchin!" Tinarayan pa muna ako nito bago ako tinalikuran. "Zach! Wait for you!" At 'yon na nga siya, halos tumakbo na para mahabol lang si Zach na hindi man lang siya pinag-aksayanang lingunin.

Kahit na galit ako ay naunahan pa rin ng tawa 'tong bibig ko. Sino ba naman kasing hindi matatawa sa baluktot na english ng babaeng 'yon. Tahimik ko na lamang na pinulot yung mga libro ko pagkatapos ay nagpatuloy na sa paglalakad papunta sa room ko.

Habang naglalakad ay hindi ko mapigilang mapaisip sa mga nangyayari sa 'kin rito sa hallway. Tahimik lang naman akong naglalakad pero laging nagkakaroon ako ng eksena. May galit yata sa 'kin 'tong hallway na 'to at lagi na lamang bagsak sa sahig ang inaabot ko rito.

Hindi pa naman nagsisimula ang klase nang dumating ako hanggang sa hindi nagtagal ay kasabay ng pag-ring ng bell ay ang pagpasok ng Lec. Wala na rin itong sinayang pang oras at sinimulan na rin ang expected ng quiz.

"Class dissmissed!" Aniya ng aming guro sa pinakahuling subject namin. Mabilis namang nagtayuan ang mga kaklase ko matapos makalabas ng guro. Hindi ko man lang namamalayang last subject na pala 'yon. Ang bilis ng oras o talagang mabagal lang talaga ang proseso ng utak ko. Dahil lang siguro sa antok 'to kaya ipinagsawalang bahala ko na lamang ito.

Niligpit ko na ang mga gamit ko sa desk ko at nang magbukas na rin ang gate ng University ay maaga akong naglakad pauwi. Sayang rin kase ang pamasahe kung magta-taxi pa 'ko kaya mas mabuting maglakad na lamang ako, malapit lang naman ang bahay na inuupahan namin sa University na inaaralan ko.

Maliwanag pa nang makauwi ako ng bahay at hindi pa umuuwi si nay. Pauwi pa lang siguro 'yon. Maaga pa naman kaya nagpasiya na lamang akong maglinis-linis muna rito sa bahay at magluto para sa hapunan namin mamaya.

Nagsaing lang ako ng kanin saka niluto ang tirang petchay. Sapat na rin 'to para sa tanghalian namin mamaya ni nay. Pero natapos na lamang ako sa pagluluto at paglilinis at hindi pa rin dumarating si nay. Nakaupo lamang ako sa silya habang nakatukod ang dalawang siko sa mesa at hinihintay siya.

"Oh Miel!" Dahan-dahan akong nagmulat ng mata ng marinig ko ang boses ni nay. "Ba't diyan ka natutulog?" Mabilis ko namang inayos ang sarili ko saka tumayo.

"Kanina ko pa po kayo hinihintay," sabi ko rito sa mababang boses habang kumukuha ng dalawang pinggan.

"Ang dami ko pa kaseng pinanahi nak, e. Pero may dala akong pansit saka hetong paborito mong isdang sinarsahan. Ilapag mo na lamang yang plato at kutsara rito at ako na ang kukuha ng kanin ng makapanhapunan na tayo," naupo siya matapos niyang mailapag ang kanin sa gitna ng mesa habang buhay na buhay naman ang diwa kong tinititigan ang paborito kong isdang sinarsahan.

Tahimik muna kaming nagdasal bago ko nilantakan ang paborito kong ulam. Nawala na talaga ng tuluyan ang antok ko ng matikman ang napakasarap na isda.

"Grabe ang sarap talaga ng isang sinarsahan ni manang Tisya, nay!" Hinihimas himas ko pa nga ang tiyan ko na sumakit sa sobrang kabusugan.

"Talaga, mas masarap kumpara sa luto ko?" Anito sa nagtatampong boses.

"Huwag kang mag-alala nay, mas masarap ka pa ring magluto pero mas masarap pa rin talaga akong magluto!" Bahagya itong ngumuso na parang nagtatampo pa ang mukha at uunahan ko na kayo, hindi bagay sa kaniya. Sorry po, nay hehe...

Wala pa ring pagbabago sa mukha nito at mukhang hinihintay talagang bawiin ang sinabi ko kaya napabuntong-hininga na lamang ako at ano pa nga ba naman ang magagawa ko.

"Hay, sige na nga po! Ang galing niyo ng magluto... Pero mas magaling pa rin talaga ako, nay," may pagmamalaking sabi ko rito, sininghapan lang din ako nito saka nagpatuloy sa pagkain.

Minabuti kong maglakad papuntang trabaho at may oras pa naman ako. Sayang din kase sa pamasahe 'pag nagtaxi pa 'ko. Nakarating ako sa tapat ng bar na medyo kinakabahan na. Habang naglalakad kase ako sa gilid ng kalsada ay may kotseng nasa likod ko lang. Kung anong bagal ng lakad ko ay gano'n ring bagal ang andar nito.

Nando'n lamang siya sa likod ko at marahang pinapaandar ang kotse nito, hindi ko alam kung ga'no na katagal yung nando'n sa likod ko dahil kapapansin ko lang rin rito. Magkagano'n man ay hindi pa rin ako makapagreklamo at harapin ito dahil hindi pa naman ako gaanong sigurado. Baka nagkakamali lamang ako ng hinala at nakakahiya kung gumawa ako ng eksena.

Bagaman kinakabahan ay nakahinga pa rin ako ng maluwag at walang nangyari sa 'king masama. Habang mabilis na naglalakad sa unahan ng misteryosong kotse na nasa likod ko lang at hindi ko pa mawari kung sumusunod ba o ano.

Humugot muna ako ng malalim na hininga bago dahan-dahang binalingan ng tingin ang direksiyon ng kotse at hindi ko alam kung matutuwa o matatakot ba akong wala na ito. Dapat talaga akong matuwa na wala na ito kung may plano ang kung sino mang nasa loob nito na gawan ako ng masama dahil siguro naman ay ligtas ako rito.

Maraming tao at nandito na rin naman si tita Diana at tito Kris. Pero at the same time, mukhang kailangan ko pa ring matakot sa bigla na lang nitong pagkawala, kung gano'ng may plano itong masama.

Hayy! Ano ba itong pinag-iisip ko! Baka naman nagkakamali lang ako e!

Iwinaksi ko na lamang ang magulo at kung ano mang iniisip ko at pumasok na sa entrance ng Baylen's Bar. Sinimulan ko na kaagad ang trabaho ko at habang lumilipas nga ang oras rito ay mas dumarami pa ng dumarami ang mga tao.

Walang tigil na ginagawa ko lamang ang trabaho ko, nagse-serve lang ako ng nagse-serve hanggang sa napako ang tingin ko sa isang lalaking pamilyar na pamilyar sa 'kin. Masayang-masaya lamang itong nakikipaglandian sa babaeng nakasandal ngayon sa mga bisig nito.

Halos yumakap na ang babae sa kaniya habang nakalapat ang kamay nito sa dibdib niya. Nagpanggap na lamang akong walang nakikita at hindi siya kilala. Sino ba naman kasing hindi makakakilala sa pinaka-playboy ng Hellion3. Kilala ko siya, pero paniguradong hindi na 'ko makikilala ng lalaking 'to.

Wala naman kasing meron sa mukha ko para tandaan ng ibang tao kaya kampante akong hindi niya ako makikilala. "Heto na po ang order niyo," inilapag ko ang inumin sa mesa sa harap nilang naghahalikan. Wala naman akong pakialam kung maaabala ko sila o hindi basta makaalis lamang ako matapos mailapag 'tong inumin nila.

Mukhang hindi naman siguro nila ako napansin dahil sa abala sila sa kanilang paghahalikan kaya tahimik na lamang akong tumalikod matapos mailapag ang inumin nila sa maliit na table. Hahakbang na sana ako palayo ng marinig nitong tinawag ang pangalan ko. Napahinto ako ng wala sa oras at dahan-dahang nagbaling ng tingin rito.

Ihanda mo ang sagot mo kung bakit alam mo ang pangalan ko...

"May kailangan ka pa, Sir?" Pormal na tanong ko ritong pinipigilan pansamantala ang babaeng lumapit ang mukha rito at halik-halikan ito. Samantalang ang babae naman ay hindi tumitigil at sige lang ng sige sa paghalik sa leeg nito.

"Uhm... sht!" Anito sa sobrang iritang boses saka mabilis na yumuko at itinago ang mukha sa dalawang kamay na nasa ibabaw ng ulo nito. Ano bang ginagawa niya at para siyang nakakita ng multo.

"Cai," aniya ng babaeng kahalikan nito kanina sa parang umuungol na boses. Hindi pa rin siya tumitigil sa paghalik sa iba't ibang parte ng lalaking malalapatan ng labi niya.

Sa totoo lang ay nakakainis ang babae at maging ang Cairo na 'to ay naiinis na rin rito pero nasa malayo ang tingin nito at gano'n ring nasa malayo ang buong atensiyon nito.

"Can you just stop!" Galit na sabi ni Cairo pero sa pabulong lamang na boses na para bang mahuhuli ito ng kung sino o ano 'pag nilakihan nito ang boses nito. Nakakainis naman kase ang babae, walang pakialam sa nangyayari at sige lang sa paghalik, jusko!

"Anong nangyayari sa 'yo, para kang nakakita ng multo?" Mawiweirduhang tanong ko rito ng magtama ang mga mata naming pareho. Walang ano-anong mabilis niyang hinawakan ang kamay ko at mas iniyuko pa ang ulo nito.

"I don't have any time to explain, Yeri. Tulungan mo ako, nandiyan na siya!" Nag-aalalang sabi nito at mas lalo lamang akong nagtaka sa mga kinikilos at pinagsasasabi nito.

"Huh? Anong nandiyan... sino?"

"Si Biy, yung ex-girlfriend ko! 'Yon oh," sinundan ko ang inginunguso ng bibig niya at bahagya akong kinabahan ng makita ang babaeng kasama niya sa park noong huli. Ang maarte at malditang babaeng nakasagutan ko sa park.

Mula sa malayo, kitang-kita ko ang galit niyang mukha. Sinusuyod ng mga mata niya ang kabuoan ng malawak na Bar na 'to. Halatang may hinahanap talaga siya at sigurado akong ang lalaking 'to ang pakay niya.

Pero ano namang gagawin ko at humihingi ng tulong ang lalaking ito. Kung tutuusin labas naman na ako rito at paniguradong madadamay lang ako kapag tinulungan ko itong lalaking ito. Ayaw ko pa naman ng away, pero ano namang magagawa ko at parang wala akong balak na tanggihan itong lalaking nasa harap ko na nakayuko at hinihingi ang tulong ko.

"Please help-"

"Oh sege, ano bang gagawin ko?" Tanong ko rito sa medyo naiirita at napipilitang boses.

"H-hide me somewhere away from that crazy girl! Hindi na naman niya ako tatantanan kapag nakita niya ako rito," pati tuloy ako nadadamay na sa pag-aalala niya para sa sarili niya.

Ganoon na ba talaga kasama ang babaeng 'yon at ultimong lalaki pinagtataguan siya? Nakakatakot naman kase talaga siya, hindi naman sa natatakot ako, pero mukhang ang agresibo rin kase niya.

"A-ano bang gagawin ko?"

"Itago mo 'ko, hurry please!" Kung hindi lang talaga ako naaawa sa kaniya ay hindi ko siya tutulungan. Wala naman kase akong mapapala sa kaniya, baka madamay lang ako at hindi naman kami close para tulungan ko siya.

"Oh s-sege, sandali!" Nilibot ko na muna ang paningin ko rito sa loob ng bar at huminto ang mga mata ko sa pinakamalapit sa amin na pwedeng pagtaguan. "Halika!" Hinawakan ko ang pulsunan ng isang kamay niya at hinila ito papunta sa likod ng may counter ng serving drinks at doon pansamantala munang pinayuko.

Kilala naman namin ang isa't isa ng bartender dahil pareho kaming nagtatrabaho rito kaya hinayaan na lamang kami nito matapos kong sabihin ritong h'wag mag-ingay at magpahalatang nasa ilalim siya.

Hinayaan niya lamang ang Cairo na 'to sa ilalim at nagpatuloy sa ginagawa na parang walang nangyayari. Habang ako naman ay tahimik na hinahabol ng tingin ang babaeng ex-girlfriend niya na hindi mapakali at mukhang hinahanap nga talaga siya.

Maraming tao rito sa loob ng bar kaya nahirapan itong hanapin ang hinahanap niya gamit ang sariling mga mata, kaya naman ilang minuto itong nanatili habang masusing nililibot ang paningin sa kabuoan ng mga tao rito sa bar.

Kinabahan ako bigla ng huminto ang mga mata nito sa 'king kasalukuyang nakatingin sa kaniya. Mabilis na dumapo ang mga mata niya sa 'kin kaya hindi ko kaagad nabawi ang mga mata kong nakatingin sa kaniya. Tumalim bigla ang mga titig niya ng magtagpo ang mga tingin naming dalawa.

Kung nakamamatay lang talaga ang masamang titig ay kanina pa akong nalagutan ng hininga sa sobrang sama ng pagkakatitig niya.

Lagot na...