Chereads / Easy To Get But Don't Regret / Chapter 4 - Kabanata IV: Ang Binatang si David

Chapter 4 - Kabanata IV: Ang Binatang si David

Nasaktan si Theya, sa mga sinabi ni Philip. Ito ang dahilan kung bakit siya dumistansya. Kilala niya ang kaniyang sarili, alam niyang nasa tama siyang katinuan. Pinipilit din naman niyang magbago, hindi nga lamang ito nagiging madali. Masarap ang magmahal kaya gustong-gusto niya itong gawin kahit paulit-ulit na siyang nasaktan.

Pilit na isiniksik ni Theya, ang kaniyang sarili sa hindi mahulugang karayom na taong naglalakad sa gilid ng kalsada. Mabilis na nag-unahan ang dalawa niyang paa kasabay ng pag-uunahan ng kaniyang luha. Maya-maya pa't isang babae ang nabangga niya sa balikat. Hindi na niya ito pinansin pa, pero hindi ito pinalampas ng babaeng kaniyang nabangga. Sinundan siya nito at biglang itinulak mula sa kaniyang likuran. Nawalan ng balanse si Theya. Ang kaniyang mukha ang unang tatama sa semento. Ipinikit niya ang kaniyang mga mata. Hindi nga nagtagal at tumama ang kaniyang mukha sa matigas na bagay. Hindi sa semento—kundi sa dibdib ng isang lalaking nasa kaniyang harapan. Hawak ng lalaki ang magkabila niyang braso, para hindi siya tuluyang madapa. Ang babae namang tumulak sa kan'ya ay kaagad ding tumalikod.

Binuksan ni Theya, ang kaniyang mga mata. Tumingala siya nang dahan-dahan. Napahinto siya sa pag-iyak. Mundo niya'y tila ipinako. Nagniningning ang mukha ng lalaki. Braided ang kaniyang buhok na lampas ng kaniyang balikat. Pakiramdam niya'y nakalutang siya sa hangin habang hawak nito ang magkabila niyang braso. Hindi siya maaaring magkamali. Alam niya kung ano ang kaniyang nararamdaman. Umiibig na naman si Theya!

"Ayos ka lang ba, Miss?" tanong nito. "Nasaktan ka ba?"

"Hindi na!" tugon ni Theya.

Isang malaking ngiti na halos pumunit sa kaniyang labi ang sunod na nasilayan sa mukha ni Theya. Ang hapding kaniyang nararamdaman ay pinawi ng matamis nitong ngiti. Ang maselan niyang puso ay muli na namang binihag ng isang binata.

Samantala, kasalukuyang nasa loob ng isang umaandar na SUV si Philip, kasama sina Janice at Brando. Bakas sa mukha ni Philip, ang labis na pag-aalala sa dalawang tao. Iniisip niya kung ano na ang nangyayari kay Theya. Dumadagundong naman ang kaniyang dibdib sa tuwing pagmamasdan niya ang duguan niyang kaibigan. Katabi nito si Janice, na pinupusan ng puting panyo ang duguan nitong mukha. Tinatakpan din niya nang madiin ang sugat nito sa ulo, para patigilin nang pansamantala ang pagdurugo. Tahimik sa loob ng sasakyan. Tanging ang sunod-sunod na tunog ng cellphone ni Brando, ang narinig sa sumunod na isang minuto.

Nang marating nila ang ospital na pag-aari din ng kanilang pamilya, ay sinalubong sila ng mga nurse na naka-duty sa emergency room. Tumulong maging ang gwardya dahil may kabigatan ang katawan ni Brando. Nang maisakay nila ito sa isang stretcher ay ibinigay ni Janice, ang cellphone ni Brando, kay Philip. Nang mga sandaling yun ay nagsimula na naman itong tumunog nang tumunog. Galing sa kung sino-sinong babae ang mga mensahe, na pawang mga girlfriend ni Brando.

"Tama lang naman palang magselos ang kapatid ko," bulong ni Philip.

Naroon pa din ang kaniyang pag-aalala. Marami-raming dugo ang nawala dito. Kung sakaling mapahamak ito'y maaaring makulong si Theya. Kung mabubuhay naman si Brando, ay maaari itong magsampa ng reklamo laban sa kaniyang kapatid.

Pagkabalisa ang kaniyang nararamdaman. Taliwas sa nararamdaman ng kaniyang kapatid na dalaga. Yakap-yakap nito ang braso ni David, habang naglalakad sa tabing kalsada. Si David, ang lalaking nabangga niya kanina. Tumakbo lang siya nang hindi alam ang paroroonan, at heto—nagkaroon na naman siya ng bagong "LOVELIFE".

Napagigitnaan sila ng mga bodyguards ni Theya, habang naglalakad. Napakagaan ng pakiramdam ng dalaga. Tila ba hangin lang ang kaniyang tinatapakan. Ayaw na niyang matapos pa ang sandaling magkasama sila ni David. Sa pagkakataong ito'y nangako siya sa sariling gagawin niya ang lahat para dito. Nakasisiguro siya sa sariling natagpuan na niya ang taong nais niyang makasama—hanggang sa kaniyang pagtanda.

Diretso lang silang naglalakad nang bigla na lang hatakin ni Theya, si David. Nang lumingon si David, sa lugar kung saan siya nais dalhin ni Theya, ay nakakita siya ng isang restaurant. Napaangat ang magkabilang dulo ng kaniyang labi. Hindi dahil sa nagugutom na siya. Dahil yun sa pangalan ng restaurant.

"Sa'yo ba 'yan?"

"Oo!"

Sumama siya kay Theya. Pinagbuksan sila ng gate ng security guard.

"Good morning Ma'am Theya," pagbati ng mga nakangiting gwardya.

Abala ang mga tauhan ni Theya, sa paglalampaso ng sahig at paglilinis ng mesang nabahiran ng dugo ni Brando, nang dumating ang mga ito. Nang makita nila itong yakap-yakap ang braso ng isang lalaki'y nagmukha silang mga estatwa. Malayo pa sa paglubog ang araw at nakatatlong boyfriend na ang kanilang bossing.

Tumigil sa paguunahan ang mga paa nina Theya at David, nang makapasok sa front door. Nagpapaling-paling sa iba't ibang direksyon ang ulo ni Theya. Pinagmamasdan niya ang kaniyang mga tauhan na nagmistulang mga estatwa habang nakatingin sa kan'ya. Malayo ang agwat ng ibaba at itaas na labi ng bawat isa. Hindi komportable si Theya. Nanlisik nang biglaan ang kaniyang mga mata, habang nakatingin sa kaniyang mga empleyado.

"Kilos," mahina pero madiin niyang bigkas.

Tila may mga hinahabol ang bawat isa nang marinig ang boses ni Theya. Para silang mga makina kung kumilos. Boses pa lamang ng kanilang amo ay sapat na para manginig sila sa takot.

"Ang sisipag naman pala ng mga empleyado mo, honey my loves," namamanghang sambit ni David. "Talo pa nila ang robot."

Hindi kalayuan sa kanilang kinatatayuan ang mesa kung saan nakaupo kanina si Brando. Nililinis ito ng dalawang empleyado ni Theya. Malinis na malinis na ito at wala ng bahid ng dugo.

"Halika na!" wika ni Theya.

Sinubukang hilahin ni Theya, si David. Subalit parang ipinako ang mga paa nito nang may makitang timba na mayroong namumulang tubig.

"Anong meron d'yan kuya?" tanong ni David, sa empleyado ni Theya. "Bakit parang mapula-pula?"

"Dug—"

Hindi na naituloy pa ng empleyado ni Theya, ang kaniyang sasabihin, matapos umalingawngaw ang isang napakalas na boses.

"Keeeettchuuuuuuppp!"

Mas bumilis pa ang pagkilos ng lahat. Hindi para magtrabaho, kundi para magtago. Nag-unahan silang pumasok sa washroom. Matapos sumigaw ni Theya, ay tanging ang magkasintahan na lamang, at ang lalaking pinagtanungan ni David, ang makikita sa eksena. Nagsitago na ang iba sa lugar kung saan sila magiging ligtas.

Napalunok ng laway si David. Hindi niya maitatangging natakot siya sa ginawang pagsigaw ni Theya. Napakaamo ng kaniyang mukha—kaya hindi niya akalaing may lalabas na nakakarinding boses mula sa bibig nito.

"Ke-ketchup lang naman pala. Kalma ka lang." Paliwanag ni David, na sinundan ng pagbaling ng kaniyang atensyon sa tauhan ni Theya. "Magtrabaho ka na. Sa susunod ingatan ninyo ang mga gamit dito."

"Si-sige po," nanginginig nitong sagot. "Ka-kasalanan po nung ketchup... pi-pinukpok yung kalbo."

Bigla na lamang itong tumakbo bitbit ang timba at panglampaso, matapos niyang magsalita. Kaya naman hindi na nagawa pang magtanong ni David, para linawin ang mga sinabi nito.

"Ketchup? Pinukpok ang kalbo?" tanging nasabi ni David.

Hinila siyang bigla ni Theya, at pinaupo sa isang couch. Kahanay ito ng mesa kung saan nakaupo kanina si Brando. Tatlong mesa ang layo nito mula sa mesang nabahiran ng dugo kanina lang.

Dahil transparent ang mga bubog na nakapaligid sa restaurant, ay malinaw siyang makikita mula sa labas.

"Dito ka muna, ha," wika ni Theya. "Ipagluluto muna kita."

Hinawakan ni David, ang kamay ni Theya, para hindi ito ganap na makalayo sa kan'ya. "Sandali... wala ba akong kiss?"

"S'yempre meron!"

Mabilis na naglapit ang kanilang mga labi. Naging malikot ang isang kamay ni David, nang mga sandaling yun. Gumapang ito pataas sa makinis na hita ni Theya, hanggang sa marating ang matambok na pwetan ng dalaga. Nang maghiwalay ang kanilang mga labi'y pinisil nang madiin ni David, ang laman na kaniyang hawak.

"Ihain mo din ang sarili mo mamaya, ha," wika ni David.

"Kumpletos recados," mapang-akit nitong tugon.

"Pilya ka ha!"

"Pilyo ka din kasi!"

Sa labas ng restaurant ay pinapanood sila ni Philip at Janice. Iniwan na nila sa ospital si Brando, na malayo na sa kapahamakan. Mas malapit ito sa sakuna, kung si Theya, ang kaniyang kasama. Hindi naman kalayuan ang ospital na pinagdalhan nila dito. Limang minutong byahe lamang at mararating na ang nasabing ospital.

Nasa loob sila ng isang itim na SUV na nakagarahe sa harapan ng restaurant ni Theya. Nasa driver's seat si Philip, katabi si Janice. Mula sa kanilang kinaroroonan ay napanood nila ang kaganapan sa loob. May bago na namang boyfriend si Theya, at halatang maligayang-maligaya.

"Pang four thousand nine hundred ninety nine na s'ya," wika ni Janice.

"Mukha namang ayos lang s'ya," tugon ni Philip.

"Mabilis siyang mapa-ibig. Kaso mabilis ding uminit ang ulo. Kaoag nangyari yun nakakagawa siya ng mga padalos-dalos at maling desisyon."

"Kung gan'yan s'ya nang gan'yan baka hindi na s'ya magkaroon ng asawa."

"Espesyal ang mga taong kagaya ng kapatid mo, Sir Philip. Kailangan ng malawak na pang-unawa ng lalaking makakasama niya. Kung hindi—baka sa sementeryo ang bagsak n'ya."

"Palagay mo ba magbabago pa 'sya?"

"Oo naman. Siguradong magagawa siyang baguhin ng pagmamahal." Wika ni Janice, na sinundan ng pagbukas niya sa pintuan ng sasakyan. "Bababa na po ako, Sir Philip."

"Salamat ng marami. Tawagan mo lang ako kapag may nadisgrasya na naman s'ya."

"Maliwanag po." Bababa na sana si Janice, nang maalala ang isang bagay. "Bago nga po pala yung kay Brando, may una na pong lalaking nagulpi si Ma'am Theya. Piolo Rosales Dantes daw po ang pangalan."

"Ang poging pangalan. Sige—ipapahanap ko na lang s'ya sa mga tauhan namin para makipag-areglo sa kan'ya. Bibigyan ko na din ng pambili ng gamot."

"Sige po, bababa na po ako."

Hindi kaagad umalis si Philip, nang makababa si Janice. Pinaandar lamang niya ang makina ng kaniyang sasakyan, nang makitang pinagbuksan ito ng pintuan, ng gwardya.

"Sana magbago na s'ya bago siya makamatay." Wika ni Philip, bago pinaandar ang kaniyang sasakyan.