Muli ay naging abala si Theya, sa pagluluto ng kanilang kakainin. Naiwan si David, sa dining hall. Kasama niya doon ang mga empleyado na nagsisimula nang maglinis. Ang silya kung saan siya nakaupo kahapon ang kaniyang ginamit. Sa ibabaw ng mesa ay ipinatong niya ang bagong-bago niyang iphone 12.
Tikom ang bibig ng lahat. Maingat pero mabilis kumilos ang mga empleyado ni Theya. Hanggang sa basagin ng tumutunog na cellphone ni David, ang katahimikan. Dinampot niya ito kaagad nang makitang ang kaniyang girlfriend ang tumatawag. Iniharap niya ang screen nito sa labas ng restaurant at lumingon sa gawi niyang kaliwa. Nakita niya ang mga empleyado ni Theya, na hindi na nagtatrabaho, lahat sila'y nakatingin na sa kan'ya.
"Mama ko, natawag," aniya bago sinagot ang tawag. "Hello Ma! Andito po ako kina Theya."
"Ferrari ipabili mo ha! Yung pink sana."
"Sige po, sasabihin ko sa kan'ya. I love you po."
"I love you too!"
"Bye-bye!"
"Mag-ingat ka ha! Siguruhin mong hindi ka mabubuking!"
"Sige po, mag-iingat po ako. Kayo din po sana!"
"Magpabili ka na din kaya ng bahay o kahit condominium unit na lang para hindi na tayo nangungupahan."
"Susubukan ko po mama. Sige na po bye-bye na!"
"Bye-bye! Mwuah!"
Nang matapos ang kanilang usapan ay ibinaba muli ni David, ang kaniyang iphone sa mesa. Hindi nagtagal ay dumating na si Theya. Kasunod niya ang isang waiter na may itinutulak na food trolley cart, kung saan naroroon ang kanilang pagsasaluhan ngayong umaga. Ganadong kumain si David, na para bang ito na ang kaniyang huling almusal.
Nadagdagan pa ng limang araw ang kanilang relasyon. Patuloy din sa pagyaman si David. Mayroon na siyang isang pink na ferrari at isang condominium unit. Maganda din ang takbo ng kaniyang mga negosyo. Pinipilahan ang mga tindahan niya ng mga original na: damit, sapatos, cellphones at mga appliances. Araw-araw sale! Lahat ng kaniyang mga paninda ay 50% off! Sa'n ka pa?
Pero walang lihim na hindi nabubunyag. Anumang galing ni David, sa pagtatago ng katotohanan ay inadya pa din ng pagkakataon na mabisto siya ni Theya.
Isang araw ay isinama siya ni Theya, sa kaniyang condo. Naglaro sila sa apat na sulok ng silid, kung saan may mga sigaw at ungol na madidinig. Nagpahinga sila nang pareho na silang mapagod. Pakiramdam nila'y naubos ang kanilang mga katas. Pareho din silang nakatulog. Nang magising si Theya'y wala na si David, sa kaniyang tabi.
Napagpasyahan niyang magsuot ng saplot sa katawan. Pero hanggang bra at panty lang ang nagawa niyang isuot. Nabaling ang kaniyang atensyon nang marinig niyang tumunog ang cellphone ni David, na nasa bulsa ng pantalon nito. Kinuha ito ni Theya. At sa nagliliwanag nitong screen ay nakita niya ang pangalang nagpalabas ng halimaw sa kaniyang kaloob-looban.
"Asawa ko!" madiin niyang bigkas.
Saktong labas ni David, sa bathroom, nang sabihin yun ni Theya. Nakasuot lamang siya ng puting bathrobe. Labis-labis ang takot na kaniyang nararamdaman nang makitang hawak-hawak ni Theya, ang tumutunog niyang cellphone. Lalo pa siyang kinilabutan nang sagutin ni Theya, ang tawag at isinet ito sa speaker mode.
"Hello, asawa ko," wika ng babaeng tumawag sa cellphone ni David. "Ubos na yung mga paninda natin. Yayain mo munang mag-mall yang si Theya, para may maibenta tayo. Ang daming mga customer na naghihintay dito. Bilisan mo at nakakahiya na sa kanila!"
Parang pinagsakluban ng langit at lupa si Theya. Napalupagi siya sa sahig. Hindi gumagalaw ang itim sa kaniyang mga mata habang nakapako ang paningin sa pader. Ang buong akala niya'y totoong pagmamahal ang nararamdaman ni David, para sa kan'ya. Subalit pera lang pala niya ang gusto nitong makuha.
Sinamantala ni David, ang pagkakataon para makatakas. Dali-dali siyang nagsuot ng brief at pantalon bago lumabas ng silid. Sa labas na niya nagawang isuot ang kaniyang t-shirt. Malas na nga lang niya dahil walang bumubukas na elevator sa ika limampu't limang palapag kung saan sila naroroon.
"Malas! Malas! Malas!"
Dahil sa takot ay pinili niyang gumamit ng hagdanan. Sa unang tatlong palapag na kaniyang binabaan ay wala pa ding elevator na nagbubukas para sa kan'ya. Nakasakay lamang siya nang bumaba siya sa sumunod na palapag. Nakahinga siya nang maluwag. Pinunasan niya ang kaniyang pawis gamit ang kaniyang damit.
Sadya lang talagang napakamalas na araw nito para kay David. Narating nga niya ang parking garage ng building, kung saan naroroon ang kaniyang ferrari nang hindi napapahamak; pero mukhang nawawala ang isang importanteng bagay. Kasama yun ng kaniyang cellphone na parehong nasa bulsa ng kaniyang pantalon. Kaya maaaring hawak din ito ng taong kaniyang tinatakasan.
Dahan-dahan siyang lumayo sa kaniyang sasakyan. Paatras kung siya ay maglakad. Bakas sa kaniyang mukha ang panghihinayang habang dumidistansya sa kaniyang ferrari. Maaari kasing ito na ang huling beses na makita niya ito. Kailangan na niyang iligtas ang kaniyang sarili. Kung sakaling magkita sila muli ni Theya, ay sigurado siyang hindi siya nito bubuhayin.
"Maglalakad ka na lang ba?" Tanong ng isang tinig na nagmumula sa gawi niyang likuran.
Halos lumuwa ang mga mata ni David, nang marinig ang isang pamilyar na boses. Naliligo na siya sa sarili niyang pawis. Dahan-dahan niyang ipinaling ang kaniyang ulo't katawan sa lugar kung saan naroroon ang babaeng nagsalita. Nakasuot ito ng puting bathrobe. Nakatuwid ang kaliwa niyang kamay. Bukas ang kaliwa niyang palad kung saan naroroon ang susi. Hawak naman ng kanan niyang kamay ang isang Uzi.
"Te-Theyyaaaaaa!"
"Patay ka!" seryosong saad ni Theya.
"Maawa ka! Maawa ka!"
"Ayaw ko! Hindi ka dapat kaawaan!"
Mas mabilis pa sa kidlat ang naging pagkilos ni David. Wala mang tubig sa kaniyang harapan ay nagdive pa din siya. Si Theya naman, ay nagsimula nang kalabitin ang gatilyo ng hawak niyang baril. Maraming mga windshield ng sasakyan ang nagkapira-piraso nang tamaan ng nagliliparang mga bala.
"Katapusan ko na ata," umiiyak na sambit ni David.
Hindi siya nagsayang ng oras. Sinimulan na niyang gumapang para humanap ng mas ligtas na lugar na maaari niyang pagtataguan. Alam niyang maya-maya lamang ay magagawa nang makalapit ni Theya, sa kaniyang kinaroroonan.
Hindi niya ininda ang mga bubog na nagkalat sa sahig na bumabaon sa kaniyang braso, sa tuwing siya'y gagapang. Ang tangi lang niyang iniisip ay ang kaniyang kaligtasan. Sa patuloy niyang pagpupumilit na makalayo ay nagawa niyang marating ang isang haligi kung saan siya nagtago.
Ilang segundo pa ang lumipas at nabalot ng katahimikan ang lugar. Naubusan na ng bala si Theya. Inakala naman ni David, na nagkakarga lang ito ng bala at anumang oras ay magsisimula na naman itong magpaputok.
"Ano bang gagawin ko?"
Nagdadalawang isip siya sa kung ano ba ang kaniyang gagawin. Gusto niyang tumakbo para makalayo. Subalit kung aalis siya sa kaniyang pinagtataguan ay maaari siyang makita ni Theya, at paulanan na naman ng bala.
Dumungaw siya mula sa haligi. Hindi na niya makita pa si Theya. Tanging mga security guards na nakatingin sa kan'ya ang naroroon. Isa sa kanila ang may hawak na two way radio.
"Medic! Kailangan dito ng medic—madali!"
May kalayuan ang mga ito mula sa kaniyang kinaroroonan at mukhang walang balak tumulong. Pag-aari din kasi ng pamilya ni Theya, ang condominium building na yun, at alam nila kung gaano kasamang magalit ang anak ng kanilang amo.
"Nas'an s'ya?" bulong ni David.
Tinatanong niya ang mga gwardya. Dahil malayo ang agwat ng mga ito sa kan'ya ay hindi siya nauunawaan ng mga ito. Kahit naman marinig nila ang katanungan nito'y hindi nila sasagutin. Baka sila pa ang mapagbalingan ng galit nito.
Pikit matang gumawa ng desisyon si David. Tumakbo siya nang mabilis sa abot ng kaniyang makakaya. Malayo ang agwat ng ibaba at itaas niyang labi, at magkalapat ang kaniyang ngipin. Ibinibigay na niya ang natitira niyang lakas para makatakas.
Nanlaki na lamang ang kaniyang mga mata nang may marinig siyang sasakyang nag-start ang makina. Lumingon siya sa gawi niyang likuran at nakita ang isang berdeng Lamborghini Aventador SV. Nakahinto pa ito pero tila nagwawala na ang makina. Para itong isang toro na handang manuwag anumang oras.
"Katapusan ko na ba talaga?" tanong ni David, sa sarili habang tumatakbo. "Tulooonggg!"
Nang mga sandaling yun ay para bang nagbalik sa kaniyang ala-ala ang kaniyang kabataan. Sa kaniyang tabihan ay nakita niya ang kaniyang sarili sa bata niyang anyo. Tumatawa ito at nakikisabay sa kaniyang pagtakbo.
Ilang hakbang pa ang kaniyang ginawa nang makarinig siya ng tunog na nilikha ng biglaang pag-andar ng isang sasakyan. Nakakarindi ang tunog na nilikha ng gulong nitong nag-iwan ng bakas sa sementadong daan. Sandaling panahon lang ang lumipas at naramdaman niyang nasagasaan na ang kaniyang binti. Tumama ang kaniyang katawan sa windshield ng sasakyan at pansamantalang nanatili sa hangin. Nawalan na siya ng malay bago pa man siya bumagsak, at ilang ulit na nagpagulong-gulong. Marami ang nabaling buto sa kaniyang katawan. Mabilis ding umagos ang dugo mula sa kaniyang ulo.
Nang makita ng mga gwardya na lumabas na ng parking garage ang sasakyang gamit ni Theya, ay lumabas na sila sa kanilang pinagtataguan. Saktong-sakto namang dumating na ang mga medic na kanilang tinawagan, na naglapat ng first aid kay David. Matapos yun ay isinakay nila ito sa isang ambulansya, at dinala sa ospital na pag-aari din ng pamilya ni Theya.