Mahirap daw mamatay ang masamang damo kaya naman nakaligtas pa din sa kapahamakan si David. Sa ngayon ay kinakailangan muna niyang niyang mahiga sa isang hospital bed. Pagkalabas niya'y maaari na siyang sumakay ng wheel chair, at magkakaroon pa siya ng mahabang bakasyon. Dinalaw siya ng isa sa mga abogado ng pamilya del Rosario, para areglohin ang nangyari. Dahil hindi siya makapagsalita ay ang asawa niya ang kinausap ng nasabing abogado. Nagbayad ng isang daang milyong piso ang pamilya ni Theya, para hindi na magsampa kaso si David.
Sa mga lumipas na araw ay nagkaroon ng malaking pagbabago kay Theya. Naging tamlayin ang dalaga. Kung ngumiti man ito'y mababakas pa din na mas nangingibabaw sa kaniya ang kalungkutan. Naninibago sa kaniyang mga kilos ang mga taong nagmamahal sa kan'ya. Para bang ibang tao na ang kanilang kasama. Dati ay nagiging madali lang para sa kan'ya ang lumimot. Pero dati yun.
Isang hapon, araw ng Sabado. Napagpasyahan niyang umuwi nang maaga para maghapunan sa kanilang bahay, kasama ang kaniyang pamilya. Pumunta siya sa likuran ng restaurant, kung saan naroroon ang kaniyang sasakyan at ilang mga bodyguards. Habang naglalakad ay napansin niya si Janice, na may kaharap na limang kalalakihan. Kagaya ng kaniyang kaibigan ay may katabaan din ang isa sa mga ito. Naisipan niyang lumapit. Napansin din niyang may ibinigay na pera ang matabang lalaki kay Janice, at hinalikan niya sa pisngi ang kaniyang kaibigan.
"Bayad ko," wika ni binata.
"Ayyiiieeee!" Sabay-sabay na sambit ng apat na kalalakihang kasama nito.
Napatungo si Janice, ikinukubli niya ang matamis niyang ngiti. Napakembot pa siya dahil sa kagalakan. Hindi na niya napansin na nakalapit na pala ang kaniyang amo.
"Boyfriend mo?" magiliw nitong tanong.
Napalingon silang lahat kay Theya. "Magandang hapon, miss," sunod-sunod na saad ng mga lalaking kasama ni Janice.
Gamit ang kaniyang palad ay itinuro ni Theya, ang lalaking kaharap. "Si Biboy, boyfriend ko. Biboy, s'ya naman si Theya, ang amo ko."
"Nice to meet you Biboy."
"Nice to meey you din po Miss Theya."
"Hindi ko alam na may boyfriend pala ang kaibigan ko." Matapos magsalita ay napatingin naman si Theya, sa apat pang lalaking kasama nito. "Sino naman sila? Mga kaibigan n'yo?"
"Oo, mga construction worker sila. Si Bruno, Lando, Palito at Pakito."
Parehong matangkad, maskulado't long hair sina Brando at Lando. Afro ang buhok ni Brando, makinang at tuwid naman ang buhok ni Lando. Mukha silang bouncer pareho. Tila kinulang naman sa bitamina ang kambal na sina Palito at Pakito. Natatabunan ng napakaraming tattoo ang kanilang braso, paa at leeg. Pareho ding kulang ng apat ang pang-itaas nilang ngipin.
Dahil nagbabanat ng buto sa ilalim ng matinding sikat ng araw ay pare-parehong maitim ang kulay ng kanilang balat. Alam din nila sa kanilang sarili na mga amoy pawis sila kaya medyo nahihiya sila kay Theya.
"Hello!" Sunod-sunod nilang pagbati.
"Lumayas na kayo!" bulyaw ni Janice.
"Teka lang," mahinahanong saad ni Theya. "Pakainin mo muna sila sa loob."
"Huwag na po Miss Theya,"
pagtutol ni Biboy. "Busog pa naman po kami." Sabay-sabay na kumalam ang sikmura ng limang kalalakihan matapos magpaliwanag ni Biboy.
"Mukhang iba ang sinasabi ng mga t'yan ninyo. Sige na—pumasok na kayo sa loob at kumain—libre ko na."
Aminado silang lahat na nagugutom na sila. Gusto nilang kumain sa restaurant ni Theya. Subalit bigla na lamang pumagitna si Janice.
"La—yaaaaaassssss!"
Dahil sa takot ay naglayuan na silang lahat. Kaagad naman silang sinundan ni Theya, at humarang sa kanilang daraanan.
"Sandali nga," natatawa niyang sambit. "Kumalma ka nga Janice—hindi sila ang tipo kong lalaki. At isa pa, napagisip-isip kong tama ka sa mga sinabi mo sa'kin noong college pa lang tayo. One in a million lang talaga ang chance na makahanap ako ng matinong lalaki kung hindi ako magbabago. Kaya pumasok na kayo sa loob at kumain. Ako naman ay uuwi na para makasalo ang pamilya ko. Maliwanag ba?"
Napanatag ang kalooban ni Janice. Tall dark and handsome sina Lando at Bruno. Dapat ay nainlove na siya sa isa sa mga ito nang una niyang makita. Kaya masasabi niyang natuto na si Theya, sa apat na libo siyamnadaan at siyamnapu't siyam na beses itong nasaktan dahil sa lalaki. Ang bilang na ito ay nagsimula lang noong sila'y nagkakilala ni Janice. Hindi pa kasama ang mga taong nasa high school pa lang si Theya.
"Malakas silang kumain," paalala ni Janice.
"Ayos lang! Kumain kayo hangga't gusto ninyo."
"Sabi mo eh!" wika ni Janice. "Tayo na!"
Laking tuwa ng lahat ng mga kalalakihan. Sa hinaba-haba kasi ng pananatili nila sa daigdig ay ngayon pa lamang sila makakapasok sa ganoon kalaking restaurant.
"Mga par... baka naman pwedeng makitawag? Wala kasing charge ang phone ko," wika ni isang binata. Kakulay ng gatas ang kaniyang balat. Kasing taas lang siya ni Theya. Clean cut ang kaniyang gupit. May ilong siyang pwedeng gawing slide at labing mala-chickenjoy dahil sa juiciness. Mga mata niya'y taglay ang talim ng libo-libong palaso ni kupido at may ngiting kayang patigilin ang oras.
"Wow!" bulong ni Theya.
Muli na namang tinamaan ng pana ni kupido ang puso ng dalaga. Nagsasalita ang binata, pero para bang liriko ng isang magandang awitin ang kaniyang naririnig. Ang dagundong ng kaniyang dibdib ay parang tunog ng tambol. Wari'y bumaba si kupido para tugtugan siya ng harpa. Pamilyar na siya sa sensasyong iyon. Hindi siya maaaring magkamali—isa itong pag-ibig! Umiibig na naman si Theya!
Natulala maging ang binata nang makita ang isang binibining may nakakabighaning kagandahan. Hindi na niya napansin na may ibinibigay na cellphone sa kaniya si Biboy.
"Heto na... Hoy!"
Kusang gumalaw ang mga paa nina Theya at ng binata. Ito na ang tagpong dapat ay magkakaroon na naman ng bagong nobyo si Theya. Subalit bigla na lamang naglaho sa kanilang paningin ang isa't isa matapos pumagitna ni Janice. Nakaharap siya kay Theya, at may nanlilisik na mga mata.
"Hindi pwede!" aniya.
Bigla na lamang itinulak ni Janice, si Theya. Sa sobrang lakas ng pwersang kaniyang pinakawalan ay tumalsik ang kaniyang amo, at lumapat ang katawan nito sa semento. Kasunod noon ay ibinaling niya ang kaniyang paningin sa binata. Tinitigan niya ito na may nag-aapoy na mata. Sunod ay ihinampas niya ang kaniyang cellphone sa dibdib ng binata.
"Balik sa taxi!"
Napaatras ang binata, nanikip din ang kaniyang dibdib. Hindi siya kaagad nakagalaw. Sinamantala ito ni Theya. Tinangka niyang lapitan ang binata, pero bigla na lamang dinakot ni Janice, ang kaniyang mukha. Nabigo siya sa kaniyang balak. Sinubukan din niyang suntukin at sipain si Janice, pero hindi sapat ang haba ng kaniyang paa at kamay para maabot ang katawan nito.
"Bitiwan mo ako! Bitiwan mo ako!"
"Tumigil ka sa kagagahan mo! Kasasabi mo lang kanina na nagbago ka na!"
"Binabawi ko na!"
"Na-nasasaktan siya, Janice," wika ng binata, na nasa gawi niyang likuran.
Kinilig si Theya. Sa tono kasi ng pananalita nito'y nag-aalala ito sa kan'ya. Nakadama ng ibayong lakas ang dalaga. Pinagpatuloy niya ang malalakas na pagsuntok at pagsipa kay Janice. Subalit nagsasayang lamang siya ng lakas. Tanging hangin lang kasi ang kaniyang tinatamaan.
"Ipagtanggol mo pa ako pogi! Lumayas ka d'yan Janice! Hyaa! Hyaa! Hetong bagay sa'yo!"
"Amo mo s'ya Janice! Empleyado ka lang n—"
"Manahimik ka!" bulyaw ni Janice, na nagpatahimik sa binata.
"Wag kang makinig sa kan'ya!" sabat ni Theya. "Sawayin mo ulit s—aaaaaaayyy!"
Bigla na lamang binitiwan ni Janice, ang mukha ni Theya. Nawalan siya ng balanse. Tatama ang kaniyang katawan sa malambot na tiyan ni Janice, pero bigla itong umalis. Nang magkagayon ay nakitang muli ni Theya, ang binatang bumihag ng kaniyang puso. Nawala ang kaniyang takot. Gumuhit ang ngiti sa kaniyang labi. Alam niyang hindi siya masasaktan dahil babagsak siya sa taong kaniyang minamahal. Ipinikit niya ang kaniyang mga mata. At taliwas sa kaniyang inaasahan—bumagsak ang kaniyang katawan sa semento. Nagawang ilayo ni Janice, ang binata, bago pa maglapat ang katawan nila ni Theya.
"Aray ko!"
"So-sobra naman 'yun," bulong ni Lando.
Isang nagliliyab na tingin ang ibinaling sa kaniya ni Janice. Lahat ng mga kalalakihang kaniyang kasama ay nagtayuan ang balahibo. Nawalan na ng malay si Pakito, dahil sa labis na takot.
"Wa-wala akong sinabi," wika muli ni Lando.
"Ano ba kasing ikinagagalit—"
Hindi na nagawa pang tapusin ng binata ang kaniyang sasabibin, matapos siyang sikmuraan ni Janice. Sunod nitong hinawakan ang kwelyo ng binata at sinimulan itong kaladkarin. Inilayo niya ito sa lugar kung saan naroroon si Theya.
"Saglit, Janice!" sigaw ni Theya, na sinusubukang tumayo. "Ibalik mo s'ya dito!"
"Manahimik ka nga!"
"Ibalik mo s'ya dito!"
"Ayaw ko!"
Nang magawang makatayo ni Theya, ay sinundan niya sina Janice, at ang kinakaladkad nitong binata. Nahihirapan pa siyang maglakad, pero nangingibabaw ang kagustuhan niyang makasama ang lalaking inilalayo sa kan'ya ni Janice.
"Sandali lang sabi!" sigaw ni Theya.
Nagmamadali siyang tumakbo. Sinubukang abutin ng kanan niyang kamay ang binata. Tila naunawaan naman nito ang ibig niyang sabihin. Habang kinakaladkad siya ni Janice, ay sinubukan niyang abutin ang kamay ni Theya. Dahan-dahan itong naglalapit. Papaliit nang papaliit ang distansya ng kanilang mga kamay. At nang malapit na nilang mahawakan ang kamay ng isa't isa'y bigla na lamang sinipa ni Janice, si Theya, sa mukha. Muli itong napalayo sa binata. Nang makita niya ito'y ihinagis na ito ni Janice, sa loob ng isang taxi. Ginagamit ito ni Biboy, para sa kaniyang kabuhayan.
"Sinabi ko naman sa'yo na huwag kang lalabas!" bulyaw nito bago saraduhan nang malakas ang pintuan ng taxi.
"Ba-baka masira ang taxi ko," bulong ni Biboy.
"Eh! Bakit hindi mo subukang awatin ang girlfriend mo?" payo ni Bruno.
"Pa-pap-ipapaayos ko na lang pala."
Tumayong muli si Theya. Tumakbo siya nang mabilis papunta sa kinaroroonan ng taxi. Sinalubong naman siya ni Janice. Alam ni Theya, na mahihirapan siyang makalampas kay Janice, na parang isang pader na humahadlang sa kaniyang kaligayahan. Subalit hindi siya susuko. Gagawin niya ang lahat makuha lang ang kaniyang kagustuhan. Nagpanggap siyang pupunta sa kanan ni Janice, subalit mabilis siyang nagpalit ng direksyon papunta sa kaliwa.
"Crossover!" wika ni Palito. Nasa kandungan niya ang kaniyang kakambal, na unti-unti nang nagkakamalay.
Maliksi nga si Theya, pero nagawa pa din siyang pigilan ni Janice. Nahawakan nito ang kaniyang buhok, at kinaladkad papalayo sa taxi.
"Bitiwan mo ako! Ipakilala mo s'ya sa'kin!"
"Ayaw ko!"
"Huwag ka namang madamot bes!"
"Para din naman 'to sa inyo!"
Mula sa loob ng taxi ay pinapanood sila ng binata. Nakadungaw ito sa bintana at pinagmamasdan ang isang magandang dalaga. Nagtama pa ang kanilang mga mata nang lumingon si Theya. Naging mukhang adik na lango sa alak ang binata nang mga sandaling yun. Sa unang pagkakataon kasi ay may isang dalagang bumihag ng kaniyang puso.
"Umuwi na kayo." Wika ni Janice, nang dumaan siya sa tapat nina Biboy.
"Mamaya kayo umuwi. Ililibre ko pa kayo ng pagkain." Wika ni Theya, habang kinakaladkad siya ni Janice.
Marahang kumilos sina Biboy. Halatang nanghihinayang ang mga ito. Gusto kasi talaga nilang kumain sa restaurant ni Theya.
"Bilisan n'yo ngang kumilos!" bulyaw ni Janice.
Nagtakbuhan na sina Biboy, sa takot na baka sila pa ang mapagbalingan ng galit ni Janice.
"Mga bodyguards ko, tulungan n'yo ako! Hindi n'yo ba nakikitang nahihirapan na ang amo ninyo? Sayang lamang ang ibinabayad namin sa inyo!"
Tinangkang lumapit ng mga
bodyguards ni Theya, para tulungan siya. Pero napahinto din sila nang sigawan sila ni Janice.
"Subukan n'yong lumapit—sesesantehin ko kayo!"
"Ikaw nga pala ang chief nila," nanlulumong sambit ni Theya.
Nagpaubaya na lamang siya sa mga mangyayari. Dinala siya ni Janice, sa loob ng isang Lamborghini Urus. Isasara na sana niya ang pintuan nang biglang makiusap si Theya.
"Sabihin mo naman sa'kin ang pangalan n'ya, please."
"A...yaw...ko!" aniya, bago isara nang biglaan ang pintuan.
Nakahinga nang maluwag si Janice, nang nagawa niyang dalhin sa loob ng sasakyan si Theya. Pero panandalian lamang. Naisip niyang maaring hindi pa sumusuko si Theya, kaya muli niyang binuksan ang pintuan para tingnan kung naroon pa ba ito. Napatunayan niyang tama nga ang kaniyang hinala. Nakita niya itong lumalabas sa bintana. Nasa labas na ng sasakyan ang balakang at dalawa nitong paa. Kaya para pigilan si Theya, ay hinawakan niya ang buhok nito.
"Aray ko! Makakalbo ako sa ginagawa mo!"
"Pwede bang layuan mo s'ya?! Bente anyos pa lang s'ya at twenty six ka na!"
"Wala akong pakialam! Age doesn't matter! Kaya ko s'yang pag-aralin. Kahit hindi na siya mag-aral kaya ko siyang bigyan ng marangyang buhay."
"Paano kung mapatay mo s'ya?"
"Mamahalin ko s'ya, promise. Bitiwan mo na ako!"
Mula sa loob ng sasakyan ay nakarinig sina Janice at Theya, ng umandar na sasakyan. Hindi kasi kaagad na nag-start ang makina ng taxi ni Biboy.
"Ayan na paalis na sila—pwede mo na akong bitiwan."
"Ayoko nga! Alam kong kayang-kaya mo silang habulin kasi magaling kang magmaneho."
Naghintay pa ng limang minuto si Janice, bago niya binitiwan si Theya. Hindi na nito nagawa pang sundan ang taxi na kinaroroonan ng binata. Pero hindi ibig sabihin nito'y susuko na siya. Gagawin niya ang lahat magkrus lang ang landas nila ng binatang bumihag sa kaniyang puso.
Bumalik na sa loob ng restaurant si Janice. Nagsimula namang magmaneho si Theya pauwi. At habang nagmamaneho ay hindi niya maalis sa kaniyang isipan ang litrato ng bago niyang iniibig.
"Mapapasa'kin ka din!"