Chereads / Easy To Get But Don't Regret / Chapter 7 - Kabanata VII: Balik-tanaw

Chapter 7 - Kabanata VII: Balik-tanaw

Umaga na nang magkaroon ng malay si Theya. Masakit ang buo niyang katawan, pero naging mahimbing pa din naman ang kaniyang tulog. Nagbabad muna siya sa isang jacuzzi bago bumaba para magtrabaho. Salit-salitang natapakan ng dalawang niyang mga paa ang mga baitang ng hagdan na magdadala sa kaniya sa unang palapag. Mabilis ang bawat pagkilos ng dalawa niyang paa. Subalit unti-unti itong bumagal nang mahagip ng kaniyang paningin ang isang pamilyar na mukha. Napahinto siya sa paglalakad. Nanatili siyang nakatayo sa ikalimang baitang ng hagdan.

"Dave-David?"

Nakaupo si David, sa harapan ng isang mesang hindi kalayuan sa hagdanan. Nakasuot siya ng v-neck na puting t-shirt, pinaiibabawan ito ng kulay itim na blazer. Itim ang kaniyang pantalon at sapatos, ganito din ang kulay ng kaniyang sunglass na nagkukubli ng pasa niya sa mata. May benda siya sa kaniyang ulo dahil sa ginawang pananakit sa kan'ya ni Theya. Kakikitaan ang kaniyang leeg ng patong-patong na gintong kwintas. Bawat daliri niya sa kamay ay kakikitaan ng mga puzzle ring na yari sa pilak at ginto.

Sa kabila ng dinanas niya kahapon ay parang wala lang dito ang nangyari. Nakangiti pa siya habang nakatingin kay Theya. Tumayo siya sa kaniyang kinauupuan at naglakad papalapit sa hagdanan. Hindi makagalaw si Theya. Hindi niya alam kung lalapit ba siya o lalayo kay David. Basta hindi siya makagalaw at lumalapit na ito sa kan'ya. Nakakubli ang isa nitong kamay sa likuran na tila ba may itinatago.

"Bulaklak ba yun para sa'kin?" bulong ni Theya.

Tumayo si David, sa harapan ng hagdanan habang nakatingin kay Theya. Nang kumilos ang kamay nitong nakakubli ay nakakita si Theya, ng mapupulang mga rosas. Nang magkagayon ay bigla na lang tinalon ni Theya, ang hagdan. Tagumpay naman siyang nasalo ni David. Nakapulupot ang kaniyang mga hita sa balakang ni David, nasa batok naman ang dalawa niyang kamay.

"Sorry honey my loves. Sumobra ba ako sa nagawa ko sa'yo kahapon?"

"Wala 'to. Hindi naman masakit eh! Basta ikaw... walang problema. Dahil isa kang biyaya—hindi isang problema."

Kilig na kilig si Theya. Sa unang pagkakataon kasi ay mayroong lalaking muling bumalik para suyuin s'ya. Kabaliktaran ito ni Janice, na diring-diri sa kaniyang nakikita. Kung itsura ang pagbabatayan ay masasabing bagay naman sila. Duda lang talaga siya sa motibo ni David, sa kaniyang kaibigan. May kutob siyang niloloko lang nito si Theya.

Sarado pa ang restaurant ni Theya, nang dumating si David. 7:30 pa lamang at alas otso sila nagbubukas. Nagpumilit itong pumasok kaya hinayaan siya ni Janice. Kung sakaling mabugbog itong muli ay wala na siyang kasalanan.

Dahil ayaw na niyang makita ang mga susunod na magaganap ay pinili na lang niyang huwag manood. Pumunta na lang siya sa likuran ng restaurant at pinagmasdan ang kaniyang sasakyang nayupi ang hood dahil kay Theya.

"Sana hindi na kita magamit," aniya.

Nagbalik sa mga ala-ala ni Janice, ang araw na nakilala niya si Theya. Nakaupo siya noon sa loob ng kanilang silid aralan. Matatagpuan ito sa gawing likuran ng silid. Nakatungo lang siya at walang kahit na isang katabi kaya wala din siyang kausap. Hanggang sa naramdaman na lang niyang may isang kamay na nag-angat ng kaniyang ulo.

"Bakit parang hiyang-hiya ka?" tanong ng isang babae.

Iyon ang unang pagkakataon na nakita ni Janice, si Theya. Maganda ang ngiti nito habang nakatingin sa kan'ya. Siya din ang unang taong kumausap sa kan'ya noong unang araw ng pasukan.

"Ha? Ewan ko," tugon ni Janice.

Napaangat ang isang kilay ni Theya. Naupo siya sa silyang nasa tabi lamang ni Janice.

"Anong ewan? Kanina ka pa kayang nakatungo."

"Masanay ka na. Ganito talaga ako. Sanay din ako na walang kumakausap sa'kin kapag nasa paaralan ako... mula pa noong high school ako."

Hinawakan ni Theya, ang isang kamay ni Janice. "Kung gan'on masanay ka nang laging may kausap. Dahil magmula ngayon, magkaibigan na tayo."

"Kaibigan?"

"Oo! Kaibigan... isang taong masasandalan mo kapag nangangailangan ka o nalulungkot. Wag mong sabihin sa'king wala kang kaibigan."

"Meron din namang ilan. Matagal na panahon na din kasi mula nang madagdagan sila."

Isang bagay ang napansin ni Theya, sa mga mata ni Janice. Hindi lang ito nahihiya—tiyak niyang malungkot din ito.

"Nabully ka ba dati?" tanong ni Theya.

"Ha? Pap-paano mo nalaman? Naging kaklase na ba kita dati?"

Ngumiti si Theya, at bigla na lamang niyang hinalikan sa pisngi si Janice. Sinundan ito ng biglaang pagyapos nang mahigpit sa kaniyang katawan.

"Hindi... ito ang una nating pagkikita. Wala ka ding dapat ikatakot, dahil magmula ngayon... wala nang pwedeng mang-bully sa'yo. Ako ang makakalaban nila kapag ginawa nila 'yun."

Namumula ang magkabilang pisngi ni Janice, habang yakap-yakap siya ni Theya. Ito kasi ang unang pagkakataon na may taong handa siyang ipagtanggol.

"Ang... bait mo naman," naiiyak nitong sambit.

Naglayo ang kanilang mga katawan. Nang pagmasdan ni Janice, ang mukha ni Theya, ay may malaki pa din itong ngiti. Para itong isang anghel na inihulog ng langit para maging kan'yang kaibigan.

"Subukan mo kayang tumunghay para naman makita mo ang ganda ng paligid mo. Sige ka, baka grumaduate ka na wala man lang mukhang natatandaan sa mga naging kaklase mo."

Tumunghay si Janice, at bawat taong nakikita niya ay ngumingiti sa kan'ya. "Tama ka nga! Nagkaroon man ako noon ng masamang karanasan. Hindi ko na yun dapat baunin sa bagong mundo kong ginagalawan," nakangiti nitong tugon.

Nang mga sandaling yun ay nabago kaagad ang ugali niyang mahiyain. Nagkaroon siya ng lakas ng loob dahil na din kay Theya.

"Bakit nga pala culinary ang kinuha mong kurso?" tanong ni Theya.

"Dahil sa pagkain. Gusto kong magluto ng pagkaing magpapangiti sa mga tao. Ikaw ba?"

"Pareho pala tayo! Kaya magmula ngayon—ikaw na ang bestfriend ko! Kapag nakagraduate na tayo, magtatayo ako ng restaurant at ikaw ang kukuhanin kong manager!"

"Pagka-graduate? Magtatayo ka kaagad ng restaurant? Mayaman siguro kayo."

"Medyo. Kami ang may-ari ng school na ito."

"Talaga? I-ibig sabihin... ta-tatay mo si Sir George?"

"Oo! Kilala mo pala si daddy dear."

"Tama ka. Siya kasi ang nagpapaaral sa'kin. Tumira din daw kasi siya sa lugar namin noon. Nang gumanda ang buhay nila tumulong sila sa mga dati nilang kabarangay. Maiba lang ako, ano nga palang pangalan mo?"

"Althea del Rosario... Theya for short."

"Ako naman si Janice... Janice Fernandez. Pwede ko bang malaman ang phone number mo para text-text tayo minsan."

Hindi siya sinasagot ni Theya. Nakatulala lamang ito habang nakatingin sa malayo. Nang sunsunin niya ang lugar kung saan ito nakatingin ay nakita niya ang isang binatang biniyayaan ng kagwapuhan. Sa unang tingin pa lang halata nang tinamaan dito si Theya.

"Pogi! Dito ka maupo!" sigaw ni Theya. Kagat-kagat nito ang ibabang bahagi ng kaniyang labi at nasa magkabila niyang pisngi ang kaniyang mga palad.

"Umayos ka nga!" bulyaw ni Janice. "Masyadong halata na may gusto ka sa kan'ya."

"Sige pa beshy! Lakasan mo pa yung sinabi mo para marinig n'ya ulit."

"Ano ka ba naman? Hindi ka man lang ba marunong magpakipot?"

"Oo!"

"At proud ka pa talagang bwisit ka!"

Sa gitna ng kanilang paguusap ay bigla na lamang lumapit sa kanila ang binata at hinalikan sa kamay si Theya. "Pwede ba kitang maging asawa?"

"Syempre!"

"Ano ba? Halatang niloloko ka lang n'ya!" sigaw ni Janice.

Bigla na lamang lumayo ang lalaki kay Theya, nang may makita siya isang magandang dilag. Nilapitan din niya ito at hinalikan sa kaniyang kamay.

"Pwede din ba kitang maging asawa."

Nalungkot si Theya. Akala pa naman niya ay gusto talaga siya ng binata. Ilang kababaihan pa ang kaniyang nilapitan at hinalikan din ito sa kamay.

"Sabi ko naman sa'yo eh!"

Biglang tumayo si Theya. Marahan siyang naglakad patungo sa kinaroroon ng binata, na may kinakausap na dalaga. Inilayo niya ito sa kaniyang kausap at sinipa sa maselan nitong bahagi.

"Basag," wika ni Janice.

Hindi pa doon nagtapos ang kalbaryo ng binata. Sinabunutan siya ni Theya, at kinaladkad papalapit sa isang pader.

"Sandali!" sigaw ni Janice. Mabilis siyang tumakbo para pigilan ang binabalak ni Theya. Subalit huli na nang makalapit siya dito. Duguan na ang binata matapos tumama sa pader ang kaniyang ulo ng ilang beses. Nang makalapit sa kanila ni Janice, ay pinilit niya alisin ang kamay ni Theya, sa buhok ng binata. "Kumalma ka nga lang. Gusto mo bang mamatay ang lalaking 'yan?"

"Tinuruan ko lang naman siya ng leksyon," tugon ni Theya. Lumayo siya kay Janice, at bumalik na sa kaniyang upuan. Ipinatong niya sa desk ang kaniyang mga kamay at ginawa niyang patungan ng kaniyang ulo.

Bilang kaibigan ay alam ni Janice, na kailangan siya ngayon ni Theya. Pero importanteng makarating ang mga nangyari sa kanilang mga guro, kaya ito ang una niyang ginawa. Nalapatan ng pangunang lunas ang binata sa tulong na din ng school nurse. Tumulong pa si Janice, sa pagbubuhat dito, at isinakay ito sa isang SUV. Pinanood pa niya ang unti-unting paglayo ng nasabing sasakyan bago siya bumalik sa kanilang silid aralan. Iyon na din ang una't huling pagkakataon na nakita ni Janice, ang unang lalaking nanakit sa puso ni Theya, noong nasa kolehiyo pa siya. Wala na din siyang naging balita patungkol dito.

Samantala, nagsisimula na ang orientation nang makabalik siya sa silid aralan, subalit hindi pa din nagbabago ang posisyon ni Theya. Naaninag lang niya ang mukha nito nang pumatak na ang oras ng kanilang recess. Halatang nanghihina ito habang naglalakad, kaya inalalayan siya ni Janice, hanggang sa makarating sila sa canteen. Bumili sila ng kanilang makakain at humanap ng bakanteng mesa.

"Naku po... nalimutan kong bumili ng inumin natin," wika ni Janice. "Dito ka lang muna ha! Ako na lang ang babalik."

"Ako na lang," pagtanggi ni Theya, na bigla na lang tumayo. "Ikaw na lang ang maiwan dito," dagdag pa niya habang naglalakad. Bago pa man makapagsalita si Janice, ay nakalayo na ito sa kan'ya. Kinailangan pa nitong ipaling ang kaniyang ulo para lingunin si Theya.

"Sigurado ka ba? Baka maligaw ka!"

Hindi na sumagot si Theya. Unti-unti ay naglaho ito sa paningin niya nang matakpan ng mga kapwa nila estudyante. Napabuntong hininga na lang si Janice. Umasa na lang siya na magiging ayos din ito. Hindi naman siya nabigo. Nang makabalik ito sa lugar na kaniyang kinaroroonan ay masayang-masaya na ito.

"Hello beshy! Nainip ka ba sa paghihintay sa'kin?" magiliw nitong tanong.

Napanganga si Janice, nang makitang ang kaninang malungkot na si Theya, ay bigla na lang sumigla. May kasama itong lalaking bago lamang sa paningin niya.

"Si-sino s'ya?" tanong ni Janice.

"Si Eli, bago kong boyfriend!"

"Ano! Nagpapatawa ka ba?" sigaw ni Janice. "Pinabibili lang kita ng maiinom tapos bumalik ka nang may kasamang boyfriend!"

"Ano namang masama dun! Sa pelikula nga wala pang kalahating oras silang magkakilala nagse-sex na!"

"Kasi mas mabilis ang oras sa mga pelikula!"

"Hindi ko nakitang nag-fast forward sila!"

"Ang hirap mo namang paliwanagan!"

"Kahit ano pang sabihin mo, wala ka nang magagawa. Boyfriend ko na s'ya at hindi na yun magbabago!"

"Ang lala pala ng sayad mo," bulong ni Janice.

Sa gitna ng kanilang pag-uusap ay isang babae ang bigla na lang lumapit. Sinampal nito ang boyfriend ni Theya.

"Manloloko ka talaga! Ilan ba kaming girlfriend mo?"

Nagtayuan ang mga balahibo ni Janice, sa katawan, nang makita niya ang itsura ni Theya. Ganito din ang itsura nito kanina nang gulpihin niya ang kaniyang ex-boyfriend.

"Ka-kalma lang Theya!"

Matapos niyang magsalita ay inuntog ni Theya, ang ulo ng binata sa mesa ng ilang ulit. Ipinikit ni Janice, ang dalawa niyang mga mata. Nang buksan niya ito'y duguan na ang binata at naglalakad na palayo si Theya.

Sinundan siya ni Janice, hanggang sa makarating sila sa rooftop. Doon ay walang humpay itong nagsisigaw. Pinapanood lang siya noon ni Janice. Hinayaan lang niyang mailabas ng kaniyang kaibigan ang lahat ng sama ng kaniyang loob. Nang tumigil ito sa pagsigaw ay tumakbo ito papalapit sa kan'ya at niyakap siya nang mahigpit.

"Masama ba akong tao Janice?"

Tinitigan ni Janice, ang mga mata ni Theya. Totoo ang mga luhang kaniyang nakikita. Sa ganoon kaikling panahon ay nasisiguro niyang totoong pagmamahal ang inalay ni Theya.

"Hindi sa ganun. Ang ugaling mayroon ka ang dahilan kung bakit ka laging nakakatagpo ng mga mapagsamantala. Dapat kasi kilalanin mo nang mabuti ang mga taong gusto mong makarelasyon. One in a million lang ang tsansa mo na makahanap ng matinong lalaki kung gan'yan ka nang gan'yan."

"Salamat sa payo mo. Mula ngayon kikilalanin ko na silang mabuti."

Kinabukasan, ikalawang araw ng pasukan. Nakita na lamang ni Janice, na may kasama na namang bagong lalaki si Theya. Dali-dali niya itong nilapitan at biglang hinila ang kaniyang kaibigan.

"Ang akala ko ba nagkakaintindihan na tayo kahapon!"

"Kilala ko na s'ya beshy. Green ang favorite color n'ya. Mahilig s'ya sa lechon at masarsang pagkain—"

"Hindi ka ba talaga nakakaintindi! Alam mo bang kilala ko ang lalaking 'yan. Iisang school ang pinasukan namin noong high school at may anak na siya!"

Nagngitngit na naman sa galit si Theya. Kagaya ng inaasahan ay nagulpi na naman niya ang binata. Sa ganito na umikot ang buhay niya. Araw-araw siyang umiiyak nang dahil sa lalaki. Nakagawian na din ni Janice, na bilangin ang mga naging boyfriend ni Theya. Umabot ito ng mahigit sa dalawang libo bago sila magtapos ng kolehiyo. Sa isang class picture ay kapansin-pansing walang kahit na isang lalaking kasama ang section nina Theya. Lahat kasi sila ay naging boyfriend ng dalaga. Lahat din sila ay natikman ang bagsik ng kaniyang galit.