Parang isang gang leader si David, habang nakaupo sa isang couch, nang bigla na lang siyang napalingon sa gawi niyang likuran matapos siyang makadinig ng boses mula sa gwardya.
"Hello Ma'am Janice!" wika ng nasabing boses.
Isang matabang babaeng naglalakad ang kaniyang nakita. Nakasuot siya ng itim na blazer at itim na pantalon. Mabilid itong naglalakad. Sinusundan siya ng isang gwardya na nagpunta sa washroom, para tawagin ang kaniyang mga kasama.
"Labas na! Andyan na si manager."
Abala sa pagluluto si Theya, nang bigla na lang masira ang pintuan matapos itong sipain ni Janice. Nagulat ang mga naroroon, maliban na lang kay Theya, na kalmadong nagluluto. Sa lugar na 'yun ay tanging siya lamang ang nagtatrabaho. Gusto niyang siya mismo ang magluto para sa bago niyang boyfriend.
Hindi lamang si Janice, ang dumating sa lugar kung nasaan si Theya. Lahat ng mga lumabas sa washroom ay pumila sa labas ng kusina para makibalita sa nangyari kay Brando.
"Buhay pa ba?" tanong ni Theya.
Binalot ng panandaliang katahimikan ang buong kusina. Tanging ang mga kalampag mula sa hinahalong pagkain ang kanilang naririnig. Ang lahat ay nag-aabang sa magiging kasagutan ni Janice. Pinagpapawisan ang bawat isa habang nakatingin sa nananahimik nilang manager.
"Buhay pa ba!" sigaw ni Theya.
Hindi maikakaila ni Theya, na nakakaramdam siya ng matinding kaba. Ang pananahimik ni Janice, ay nagbibigay sa kaniya ng labis na pagkabalisa. Hindi niya gustong makapatay. Sadya lang talagang hindi niya napipigilan ang kaniyang sarili kapag nagagalit. Kagaya na lamang ngayon. Dahil hindi siya sinasagot ni Janice, ay dumampot siya ng matalas at matulis na kutsilyo. Sinugod niya si Janice, at inundayan ito ng saksak. Pero bago pa man lumapat ang dulo ng kutsilyo sa malambot nitong katawan ay nahawakan nito ang pupulsuhan ni Theya.
"Buhay pa s'ya." Sinundan ang pahayag ni Janice, ng paulit-ulit niyang pagsampal sa kaliwat kanang pisngi ni Theya.
Lalong pinagpawisan ang mga nanonood sa kanila. Nakakatakot magalit si Theya, pero mas nakakatakot magalit si Janice. Malalakas na tunog ang kanilang naririnig sa tuwing dadampi ang palad ni Janice, sa pisngi ng kanilang amo. Para bang tatalsik na ang ulo nito dahil sa ginagawa ni Janice.
"Aray! Aray! Ayos na 'ko! Ayos na koooooo!"
Mas malakas na sampal pa ang natanggap ni Theya, matapos niyang sumigaw.
"Ayos na ako," wika muli ni Theya, sa mas malumanay na tinig.
"Sigurado ka ba?"
"Oo... kalmadong kalmado na ako." Sa kabila ng kaniyang mga sinabi ay muli na naman siyang sinampal ni Janice. "Aray ko! Para saan pa ba yun!"
"Wala lang... gusto lang kitang sampalin. May angal ka ba?"
"Ang sama mo naman sa amo mo," naiiyak niyang sambit. "Bitiwan mo na kaya ang kamay ko, baka maputol na yan sa higpit ng pagkakakapit mo."
Napuna ni Janice, na namumutla na ang palad ni Theya, dahil na din sa mahigpit niyang pagkakapisil sa pupulsuhan nito. Pero bago niya ito binitawan ay kinuha muna niya ang hawak nitong kutsilyo.
"Wala akong pakialam kung amo kita. Sasampalin kita kapag gusto ko. Kaya 'wag mong painitin ang ulo ko dahil gutom na gutom na ako."
"Ipagluto n'yo s'ya," mabilis at malakas na sabi ni Theya.
Mabilis na kumilos ang napakaraming cook sa loob ng kusina para ipaghanda ng pagkain si Janice. Nagtakbuhan naman ang mga tsismoso't tsismosang nasa gawing likuran ng kanilang manager papalayo sa lugar.
Bitbit ang kutsilyo ay lumabas si Janice, ng kusina. Marahan siyang naglakad sa espasyong nasa gitna ng magkaharapang mga couches at mesa. Maangas ang kaniyang itsura. Aakalain mong may masama itong binabalak.
Nakapatong at nakaunat ang dalawang paa ni David, sa couch, kung saan siya nakaupo. Nasa sandalan naman ng couch ang kaliwa niyang kamay. Pasipol-sipol siya habang pinagmamasdan ang kabuuan ng dining hall, mula sa kisame, pader, hanggang sa sahig nito. At bigla na nga lang nasagi ng kaniyang mga mata si Janice, na naglalakad papalapit sa kan'ya. May hawak itong kutsilyo. Noong una'y mabagal lang itong naglalakad. Nang magtama ang kanilang mga paningin ay bigla na lamang itong bumilis. Nagtayuan ang lahat ng balahibo niya sa katawan. Umayos siya ng upo. Itinapak niya sa sahig ang kaniyang sapatos at humarap sa lamesa.
"Boyfriend ka ba ni Theya?" Tanong ni Janice, na nakatayo sa tabihan ng inuupuang couch ni David.
"Op-op-op-pop-pop-pop-pop-pop!" Punong-puno ng takot si David, natuwid lamang ang kaniyang pananalita nang batukan siya nang malakas ni Janice. "Opo Ma'am. Opo! Opo! Boyfriend n'ya po ako."
"Seryoso ka ba talaga sa kan'ya?"
"Opo! Seryoso po ako po."
"Tanggapin mo 'to!" wika ni Janice, habang ibinibigay ang kapirasong papel. Tinanggap naman ito kaagad ni David. "Basahin mo at isaisip mo ang nilalaman n'yan... kung ayaw mo pang mamatay."
Tumango si David, sa kabila ng kilabot na kaniyang nararamdaman. Lumayo na sa kaniya si Janice, matapos niyang tanggapin ang ibinigay nitong kapirasong papel. Naupo ito sa isang couch na kahanay ng kinauupan ni David. Dalawang mesa lamang ang kanilang pagitan.
"Rules?" wika ni David, nang mabasa ang nilalaman nito.
Matapos niyang basahin ang kapirasong papel ay nabaling naman ang kaniyang atensyon nang makadinig siya ng malalakas at sunod-sunod na mga tunog. Nang lumingon siya sa kinaroroonan ni Janice, ay nakita niya itong paulit-ulit na sinasaksak ang lamesa. Gigil na gigil ito nang mga sandaling yun. Pakiwari ni David, ay isang totoong serial killer ang kasama niya sa dining hall.
Ipinikit na lang niya ang kaniyang mga mata dahil na din sa nararamdaman niyang takot. Isinilid naman niya sa kaniyang bulsa ang kapirasong papel. Pilit niyang pinapakalma ang kaniyang sarili, subalit nananatiling malaki ang nararamdaman niyang takot.
"Anong lugar ba ang napasok ko?" naiiyak niyang tanong sa sarili.
"Ayos ka lang?" wika ng isang tinig.
Biglang napatayo si David, nang marinig ang boses na yun. Nanlaki din ang kaniyang mga mata sa labis na pagkagulat. Mabilis ang naging paglabas-masok ng hangin sa kaniyang katawan. Napanatag lang ang kaniyang kalooban nang makita si Theya. Nakatayo ito sa tabihan ng kinauupuan niyang couch. May kasama itong waiter na may katabing food trolley cart, at inilalagay ang mga pagkain nila sa mesa.
"Ayos lang! Ayos lang!" humihingal na sagot ni David.
"Bakit para kang nakakita ng multo?"
"Wa-wala." Napatingin siya sa kinaroroonan ni Janice, na ngayon ay nakatingin naman sa mga pagkaing inilalagay sa mesa. Napansin ito ni Theya. Ngayon ay alam na niya ang dahilan kung bakit nagkakaganoon si David.
"Maupo ka na. Kakain na tayo. Huwag mo na lang siyang pansinin."
Naupo si David, ganoon din si Theya. Magkaharapan sila at napapagitnaan nila ang mesa. Kapansin-pansin pa din ang takot sa mukha ni David, kahit na nang nagbiro ito.
"Mukhang mawawala ang mga abs ko nito," aniya habang nakatingin sa mga pagkain.
"Ok lang! 'Wag lang ikaw ang mawawala." Tugon ni Theya, na may mapungay na mata at ngiting halos pumunit sa kaniyang bibig.
"Walang dahilan para mawala ako sa'yo. Para ko na ding pinatay ang sarili kapag iniwan kita."
"Manatili ka lang sa tabi ko. Habang buhay kang liligaya kapag magkasama tayo."
Nagkatitigan ang magkasintahan. Parang isang anghel ang kaharap ni David, na unti-unting nagpabilis ng pintig ng kaniyang puso. Sabay na kumawang ang kanilang pwetan sa upuan nang dahan-dahan. Unti-unting naglapit ang kanilang mukha. Mga mata nila'y nakatitig sa isa't isa. Naglalapit na ang kanilang labi. Anumang oras ay maaari na itong maglapat—pero hindi ito nangyari. Isang malakas na tunog ang kanilang narinig. Dulot ito ng ginawang pagpukpok ni Janice, sa malaking sipit ng alimango gamit ang isang martilyo. Halos madurog na ito sa lakas ng pwersang kaniyang pinakawalan. May mga sugpo din na nahulog sa sahig dahil sa kaniyang ginawa.
Sabay na napalingon sina Theya at David, sa kinauupuan ni Janice. Nakita nila itong nakatitig sa kanila habang kinakain ang laman ng sipit ng alimango. May mga empleyado ding lumapit dito para pulutin ang mga nahulog na sugpo.
"Ibabalik lang po namin Ma'am Janice, hindi po namin aagawin," wika ng isa.
Tumango lang si Janice, nang marinig ang paliwanag nito. Subalit ang matalim niyang titig ay nananatiling nakapako kay David.
"Gan'ya talaga s'ya pag gutom," bulong ni Theya. "Kain na tayo."
"Hindi ba s'ya nananakit?" tanong ni David.
"Nananakit," mabilis na tugon ni Theya, "kaya iwasan mong galitin. Baka kung mapaano ka pa."
"Sa-salamat sa paalala," naiiyak niyang tugon.
Hindi na natuloy ang dapat sana'y paglalapat ng kanilang mga labi. Naupo silang muli para kumain. Habang kumakain ay hindi maiwasan ni David, na sulyapan ang kinaroroonan ni Janice. Naiinggit din siya dito. Mas marami pa kasi ang pagkaing nakahain sa mesa nito kaysa sa kanila.
"Masarap ka palang magluto," wika ni David. Pinuri niya agad ang luto ni Theya, dahil kasama sa nabasa niya sa papel na ibinigay sa kaniya ni Janice, na dapat laging pinupuri si Theya. Kagaya nga ng inaasahan, napangiti ang dalaga nang purihin siya ni David.
"Salamat."
"Ang galing," bulong ni Janice.
Marami mang pagkaing nakahain ay hindi ito na-enjoy ni David. Pakiramdam niya ay may mga nakatutok sa kaniyang mga patalim at baril. Hindi niya magawang maging komportable dahil na din sa manager ng restaurant. Mabilis din siyang nabusog kaya ipinaalis na ni Theya, ang mga ito.
"Ipabalot mo ha!" wika ni David. Napatingin siya kay Janice, matapos niyang magsalita. Sa manipis nitong mata'y tila may nakikita siyang kulay pulang liwanag na nagpatindig ng kaniyang balahibo. "Pa-para sa aso ko, ate," aniya.
"Aw! Aw!" pagbibiro ni Janice.