Kinabukasan ay hindi nakapasok sa opisina si Ryan. Sumasakit pa daw kasi ang binti nito. Pinuntahan siya ni Kenneth upang tignan ang kalagayan nito.
"Ang sweet mo naman, Ken. Hindi ka makatiis na nahihirapan ako, ano?" biro pa nito.
"Hindi ka na nga makalakad, nagbibiro ka pa diyan. Patingin nga."
Tinignan ni Kenneth ang kanang binti ni Ryan. Maga na iyon at medyo nangingitim din.
"Nilalagnat ka ba?" Dinama niya ang noo nito. Medyo mainit nga ito kaysa sa normal na temperatura.
"Okay lang ako Ken. Konting sinat lang iyan."
"Dadalhin na kita sa ospital." Inalalayan niya ito para makatayo ito mula sa kinauupuan nitong kama.
"Okay lang ako sabi, eh."
"Baka na-strain iyang hamstring mo at base sa pamamaga at pasa eh hindi simpleng injury lang iyan. Huwag ka nang kumontra at hindi ka naman tuturukan doon."
Wala nang nagawa si Ryan kundi ang magpatianod na lamang kay Kenneth. Inalalayan siya nito papunta sa may kotse ng huli. Dumiretso sila sa Tarlac General Hospital at diniretso siya ni Kenneth sa may Physical Therapy and Rehabilitation Center ng nasabing ospital.
"Dito mo talaga ako dinala, huh?" ani Ryan sa kaibigan.
"Walang kinalaman dito si Jenneth," ang sabi na lamang ni Kenneth dito. Saka sila nilapitan ng isang staff doon.
"Good morning, Sir," bati ni Kenneth sa lalaking therapist. "Nandiyan po ba si Dr. Hernandez?"
"Sandali lang po. Tatawagin ko siya," ang sabi naman ng therapist.
"Sige, salamat. Pakisabi si Kenneth Oliveros ako."
"Sige po."
Iniwan na sila ng therapist na pumasok sa isang opisina sa loob ng center.
"Sino ba iyong Dr. Hernandez na iyon?" tanong ni Ryan kay Kenneth nang silang dalawa na lang.
"Pinsan ko."
Nagulat si Ryan sa narinig. "Pinsan?"
Tumango siya. "Isa sa mga kamag-anak ko na mabait sa amin ni Mama. Siguro kasi second cousin ko lang siya. Dito na sila tumira nang pamilya niya matapos makuha ng asawa niya iyong manang house and lot sa mga magulang nito."
Isang lalaking nasa late thirties ang lumapit sa kanila. Nakasuot ito ng lab gown na karaniwang suot ng mga doktor.
"Kuya Renz!" Nilapitan ito ni Kenneth.
"O, Kenneth! Napadalaw ka?"
"May pasyente ako. Itong kaibigan ko, Kuya. Si Ryan. Na-strain yata iyong hamstring niya."
Napangiwi si Ryan sa manggagamot.
"Ry, this is Dr. Lawrence Hernandez. Ortho doctor siya."
"Good morning, Ryan. Ang mabuti pa doon na tayo sa loob at nang matignan ko ng mabuti iyang paa mo."
"Sige po, Doc," ang sabi naman ni Ryan.
Nagtulong ang dalawang magpinsan para madala si Ryan sa may examination room.
"Pasensiya ka na sa abala, Kuya," ani Kenneth sa pinsan.
"Okay lang. Mabuti nga at wala pang dumarating na pasyente ngayon," ang sabi naman ni Dr. Hernandez. "Ano nga ba ang nangyari diyan sa paa mo, Ryan?"
"Ito kasing pinsan mo Doc. Eh alam naman niyang hindi ako ganoon kagaling mag-basketball. Pinakitaan ba naman ako ng mga professional moves niya," sagot ni Ryan.
"Ako pa talaga ang sinisi mo," ang sabi naman ni Kenneth. "Inaaliw lang naman kita dahil broken hearted ka."
"Hindi, ah!" tanggi ni Ryan.
"Hindi ka broken hearted?" tanong ni Kenneth.
"Hindi ako naaliw."
Si Dr. Hernandez ang naaaliw sa pagbibiruan ng magkaibigan. Nakisali na rin ito sa dalawa. "Ang sabi nga nila, it's easy to heal a broken knee than to heal a broken heart. Well, in your case, broken muscle. Strained muscle, to be exact."
Sinuri ni Dr. Hernandez ang binti ni Ryan.
"Kailangan nating ipa-MRI iyan to check kung gaano kalala iyong pagka-strain ng muscle mo. Hopefully wala namang masyasong pinsala sa muscle. Treatment lang at therapy ang kailangan. Worst case scenario, kailangan maopera iyan."
"Ano ho?" Natakot bigla si Ryan sa narinig.
"Naku Kuya, injection lang takot na iyan," ang sabi naman ni Kenneth.
"Hindi naman siguro ganoon kalala dahil hindi pa naman nagbi-bleed. Hindi rin naman ganoon katindi iyong nangyari sa iyo sa basketball kaya malamang simpleng strain lang iyan. Treatment lang ang kailangan niyan tsaka pahinga."
"Naku Doc, pupunta pa naman ako sa Boracay sa makalawa," ani Ryan.
"I guess you have to re-sched your vacation next time," ang sabi naman ng doktor.
"Hindi po Doc. May kliyente po kasi kami sa Boracay na kailangan kong i-meet," paliwanag ni Ryan.
"Well, as I've said, you have to re-sched it."
"Sana hindi sila magalit. Eh ilang beses na rin kasi kaming nagpa-re-sched sa kanila. Baka mamaya umayaw na sila sa deal at tuluyan nang mawala iyong account. Napaka-bad timing naman kasi nitong injury na ito." Napabuntong-hininga si Ryan.
"Ako na lang ang pupunta sa Boracay," pagpiprisinta naman ni Kenneth. After all, business partner sila sa Furniture.com.
"Paano iyong Family Day nina Darlene? Eh 'di ba nga kaya ako yung pupunta doon kasi may event sa school ang anak mo?" tanong ni Ryan kay Kenneth.
Paano nga ba? Matagal na niyag naipangako kay Darlene na dadalo niya sa Family Day nito. Actually, pambawi nga sana niya ito sa anak dahil sa dami na ng atraso niya dito. Pero, sayang din naman iyong account na iyon sa Boracay. Malaki iyong resort na susuplayan nila ng mga furniture at gagawan ng kitchen cabinets. Kapag hindi sila nagpunta, baka magalit na sa kanila iyong resort owner dahil ilang beses na ring na-postponed iyong meeting.
"Maiintindihan naman siguro ni Darlene..." Tiwala naman siya doon, pero hindi siya sigurado kung kaya ba niyang huwag sumama ang loob ng anak sa kanya dahil sa desisyon niya.
"Siguraduhin mo lang Pare. Sana huwag ma-disappoint si Darlene sa gagawin mo," ani Ryan sa kanya.
Sana nga ay huwag magalit ang kanyang unica hija sa kanyang desisyon.
*********************************************************
Kinagabihan ay sinabi na ni Kenneth kay Darlene ang pagpunta niya sa Boracay. At hindi nga naiwasan in Kenneth na sumama ang loob sa kanya ng anak.
"Sabi mo, aattend ka sa family day namin." Punong-puno ng hinanakit ang sinabing iyon ni Darlene.
"I know, Lene. Kaya lang, hindi naman pwedeng si Ninong mo ang pumunta. Hayun nga at pinapagpahinga siya ng doktor."
Hindi sumagot si Darlene. Nakatingin lang ito sa may paanan niya, nakasimangot. Lalo lamang bumibigat ang loob niya sa nakikitang reaksiyon ng anak.
"Hindi ko na kasi pwedeng i-resched iyon, Anak. Baka magalit na iyong kliyente sa amin."
Wala pa ring sagot si Darlene. Napabuntong-hininga na lamang si Kenneth.
"Lene… Sorry na."
Deadma pa rin. Mukhang masama talaga ang loob nito.
"Promise, babalik ako kaagad. Yung flight ko pauwi after three days lang naman. Gusto ko nga sana kinabukasan din kaso wala nang available flight. Magpa-Pasko kasi kaya busy ang mga airlines ngayon. Iyong flight ko iyon dapat yung kay Ninong mo. Mabuti nga at napapalitan pa namin."
Para namang hindi na nakikinig pa si Darlene sa sinasabi niya. Hindi pa rin ito natitinag sa posisyon nito kanina.
"Sorry na, Anak. Promise, pagkatapos nito, babawi ako."
"Huwag na, Daddy. Baka hindi mo lang matupad ulit." Saka ito tumayo na at dumiretsong umakyat ng hagdan.
"Darling! Saan ka pupunta?"
Susundan sana niya ang anak, pero pinigilan siya ng nanay niya.
"Huwag mo na munang sundan at hayaan mo munang mapag-isa iyong anak mo," ani Aling Marie sa anak niya. Umupo ito sa kinauupuan kanina ni Darlene. "Bakit ba naman kasi ikaw pa ang pupunta doon? Hindi ba pwedeng tauhan n'yo na lang?"
"Wala naman pong ibang gagawa noon, Ma," ani Kenneth. "Kaming dalawa lang talaga ni Ryan ang gumagawa noon. Kung hindi lang kasi injured si Ryan, hindi naman ako pupunta doon."
"Hindi ba pwedeng ipagpaliban muna iyang meeting na iyan? Sabihin mo, after na ng family day ng anak mo."
"Wala na pong flight after noon. Sa January na po ulit. Eh ayaw naman nung owner nung resort kasi gusto niya by January next year ay nagsisimula nang ma-install iyong mga built in cabinets. Swerte nga na may nakuha pa akong flight papunta-pabalik."
"Nakakalungkot naman nga kasi. Ilang linggo nang hinihintay ni Darlene iyang family day na iyan, kasi nga nangako ka na pupunta ka."
"Eh balak ko naman ngang pumunta, Ma. Kaso nga lang kailangan kong gawin ang trabaho ko." Medyo naiinis na siya sa kakulitan ng nanay niya. Sa kakulitan ng mga taong nakausap niya, actually.
"Eh iyon na nga. Puro trabaho ang inuuna mo kaya nagtatampo na iyang anak mo."
"Nay naman!" Tuluyan na siyang nainis. "Alam n'yo naman kung bakit ginagawa ko ito. Gusto ko lang mabigyan ng magandang buhay ang anak ko kaya nagpapakahirap ako sa pagtatrabaho."
"Kailangan ba talaga ng anak mo, o kailangan mo para makalimot?"
Hindi siya nakapagsalita. Gusto niyang kagalitan ang nanay niya sa pag-a-assume nito, pero hindi niya magawa. Bukod kasi sa nanay niya ito ay hindi rin niya maikakaila kahit gaano pa niya subukan na totoo ang sinabi nito.
Na isinusubsob niya ang sarili sa trabaho para makalimutan ang pagkawala ng asawa niya. Na two years nang wala ngayon.
Fortunately, ay hindi na rin iyon inungkat pa ng nanay niya. Nag-iwan na lamang ng words of wisdom ang nasa-mid fifties na matanda bago ito tumayo at iwanan siya.
"Tandaan mo, Anak. Hindi porke't mayaman ka at komportable ang buhay ay masaya ka na. Minsan, iyong mga bagay na hindi naibibigay ng pera ang mas nakakapagpasaya sa atin. Ikaw bukod sa kanino man ang nakakaalam ng bagay na iyan."
Oo nga. Bata pa siya ay nalaman na niya ang katotohanang iyon. Noong mamatay ang daddy niya, to be more specific. Pagkamatay ng daddy niya ay nagpatuloy pa rin ang pagiging komportable ng buhay nila. Hindi naman kasi ganoon kadaling maubos iyong perang naipon nila ng mama niya. Bukod pa doon ay binibigyan din siya ng pera at kung anu-anong mga bagay ng mga magulang ng kanyang ama. Iyon pala, ginagawa ito ng mga iyon para sulsulan siya at mapalapit ang loob niya sa mga ito. Iyon ay dahil nga may balak silang ilayo siya sa mama niya.
Sobrang depressed siya noong malaman ang totoo. Para kasing lahat ng mga nangyari at ibinigay sa kanya ng kanyang mga lolo't lola ay pawang kasinungalingan lang. At para ngang ganoon dahil nang magpasiya siyang sumama sa nanay niya ay binawi ng mga ito ang lahat ng ibinigay nila sa kaniya.
Alam niyang nitong nakaraang mga araw ay dumarami ang atraso niya sa kanyang anak. Nangako naman siya na babaguhin niya ang mga nakasanayan niya. Kung hindi lang talaga nangyari iyong injury ni Ryan…
Ipinangako niya sa sarili na pagkatapos na pagkatapos nitong meeting niya sa Boracay ay babawi talaga siya sa kanyang anak. Kung kailangan niyang mag-leave sa trabaho ay gagawin niya, mapadama lang niya sa nag-iisa niyang anak kung gaano ito kahalaga sa kanya.