Chereads / Moonville Series 2: Maybe This Time / Chapter 3 - The Letter: Part 1 con't

Chapter 3 - The Letter: Part 1 con't

Napansin yata ni Sam na ilang segundo rin kaming nakatitig lang sa isa't isa ni Kenneth. Kaya naman ipinakilala niya na kami sa isa't isa.

"Kenneth, si Kristine, bago nating kaklase. Ito si Kenneth, iyong best friend ko."

Nginitian ko si Kenneth, at ewan pero parang namula ang lalaki. Napangiti ako sa reaksiyon nito.

"Ah... ano... H-Hi..."

Napakamot pa ng batok si Kenneth. Parang nahihiyang hindi ito makatingin sa akin ng diretso.

Tumayo si Ryan at saka inakbayan si Kenneth. "Bro, muntikan ka nang ma-late, ah."

"Oo nga," sang-ayon ni Sam. "Dapat kasi pumayag ka na lang sa alok kong pagsundo sa iyo. First day ngayon kaya ma-traffic talaga."

"Dun kasi sa may kanto papasok ng St. Jude ang ma-traffic. Meron kasing traffic enforcer doon kaya lalong bumigat ang daloy ng sasakyan. Eh ang daming pinapatigil na sasakyan sa gilid, nakaharang tuloy sa mga motorista. Gusto yatang makarami ng kotong iyon kaya kung sino-sino ang hinuhuli."

Biglang kumabog ang dibdib ko sa narinig. Hindi ko maiwasan ang pagbugso ng galit dahil sa sinabing iyon ni Kenneth.

"Sobra ka naman! Baka naman ginagawa lang kasi niya iyong trabaho niya," ani Sam.

"Hindi nga. Eh lahat na lang ng motorista pinapatigil niya. Ano pa bang ibig sabihin noon?" ani Kenneth.

"This is really not your lucky day, Bro," naiiling namang wika ni Ryan.

Hindi ko na napigilan pa ang sarili. "Tatay ko iyong police na iyon."

Natigilan ang tatlo sa sinabin ko, lalo na si Kenneth na parang namutla pa. Tiyempo namang dumating ang teacher namin kaya tumahimik na ang lahat. Magkatabi kami ni Sam at sa may harapan naman namin magkatabing nakaupo sina Kenneth at Ryan. Ramdam kong gustong-gusto akong lingunin ni Kenneth pero parang natatakot ito kaya pinigilan na lamang nito ang sarili.

*******************************************************************************************************

Nang mag-lunch break ay umiwas na ako nina Sam at sa dalawang kasama nito. Hinabol lamang ako ni Sam. Hindi lang popular si Sam sa lahat ng tao sa CPRU. Peace maker din ito. Perfect para maging Miss Congeniality.

"Kristine! Wait lang!"

Galit na hinarap ko si Sam.

"Matapat na police ang tatay ko. Alam mo ba kung bakit pinaalis kami sa Zambales at dito siya inilipat? Kasi meron siyang nakitang katiwalian sa mga kasama niya, kasama pa iyong hepe nila doon. At hindi lang siya basta-basta inilipat. Na-demote din siya kaya naging traffic enforcer na lang siya."

Napatunganga na lamang si Sam sa paglalabas ko ng sama ng loob ko. Medyo na-guilty naman ako dahil dito ko naibunton iyong pagkainis ko.

"Sorry."

"Okay lang. Naiintindihan ko. Pero mabait naman si Kenneth. Nabigla lang siguro siya doon sa mga sinabi niya. Sana bigyan mo muna siya ng chance at sigurado ako, kapag nakilala mo siya, magiging mabuting magkaibigan din kayo."

Pinakalma ko ang aking sarili. Siguro nga, tama ang sinabi ni Sam. Isa pa, bago pa lamang ako sa CPRU at wala pa akong gaanong kakilala doon. Mabuti na iyong may makakasama ako kaysa mahirapan pa akong humanap ng mga bagon kaibigan.

"Susubukan ko."

Nagliwanag na ang mukha ni Sam. "Great! Halika, ihahatid na kita kina Ryan sa canteen."

Nagpunta kaming dalawa sa canteen ng CPRU, and believe me, ibang-iba pa ang school cafeteria nang mga panahong iyon. Hindi pa ito kasing-ganda ng canteen ngayon, at halo-halo pa ang mga high school at elementary students. Wala pa kasing sariling canteen noon ang mga elementary students. Ongoing pa lang ang construction.

Kaagad naman naming nakita sina Kenneth at Ryan. Pagdating namin ay kaagad na tumayo mula sa kinatatayuan nito si Kenneth.

"Kristine, sorry talaga doon sa mga sinabi ko kanina. Nabigla lang ako, hindi ko naman kasi naisip na tatay mo pala iyon," paliwanag nito.

"At kung ibang tao siya, okay lang na pag-isipan mo siya ng masama kahit na hindi mo pa naman alam ang totoo?"

Hindi ito nakapagsalita. Pero pinalampas ko na lamang iyon. Isa pa, ayaw ko rin naman ang may kagalit.

"Hayaan mo na, hindi na ako galit sa iyo. Pero hindi ko kaagad malilimutan iyong sinabi mo sa tatay ko."

"Naiintindihan ko." Parang maamong tupa na napayuko si Kenneth.

"Pagpasensiyahan mo na itong kaibigan namin," ang sabi naman ni Ryan sa akin. "Masyado lang siyang nataranta nang makita ang kagandahan mo kaya kung anu-ano ang nasabi niya kanina."

Hindi ako nakapag-comment sa sinabing iyon ni Ryan, pero aminado akong natuwa ako sa sinabi nito. Si Kenneth naman ay sinaway ang nakaupong si Ryan.

"O siya, maiwan ko na kayo."

Napatingin ako kay Sam. "Aalis ka na?"

Tumango ito. "May event kasi sa ospital. Huwag kang mag-alala. Pinagsabihan ko na iyang dalawang iyan. Magiging mabait na sila sa iyo."

"Sige na, Sam. Kami na ang bahala dito kay Kristine," ani Ryan.

"Sige. Babay na."

Umalis na si Sam at naiwan na nga ako sa dalawang lalaki.

"Dito ka na maupo, Kristine."

Napatingin ako kay Kenneth. Nahihiya pa rin ito sa akin, pero sinusubukan nitong makagawa ng maganda para pampalubag-loob sa mga sinabi nito kanina tungkol sa tatay ko. Kaya naman umupo na rin ako sa upuang inayos nito.

"Ganoon ba talaga? Kapag may event sa ospital, laging nagha-half day si Sam?" tanong ko sa dalawa.

"Hindi naman," sagot ni Ryan. "Minsan kasi weekends iyong event, o kaya gabi. Nagkataon lang na mamayang alas-tres iyong event. Kailangan pang maghanda ni Sam kaya umuwi na siya."

"At pinapasama sila ng boss ng tatay niya? Ang bait naman no'n."

Natawa si Ryan sa sinabi ko. "Hindi niya sinabi sa iyo, ano?"

"Ang alin?" tanong ko kay Kenneth para malinawan. Para kasing na-offend ako sa pagtawa ni Ryan.

Ngimi namang sumagot si Kenneth. "Sina Sam ang may-ari ng ospital."

"Sam belongs to the de Vera clan. They are one of the richest families here in Tarlac. Sila ang may-ari ng Tarlac General Hospital, the biggest and most prestigious hospital in the city. At, ang alam ko may stocks din ang daddy niya dito sa CPRU, pati na rin sa ibang mga negosyo. Ganoon sila kayaman," paliwanag ni Ryan.

"Talaga? Bakit parang hindi naman siya ganoon? I mean, hindi naman sa mukha siyang mahirap. Ang ibig kong sabihin, parang ang simpleng tao lang niya kung kumilos at makitungo sa mga tao."

"Ganoon talaga si Sam," ani Kenneth. "Hindi importante sa kanya kung ano ang estado mo sa buhay. Para sa kanya, walang mayaman o mahirap. Basta kaibigan ka niya, pantay-pantay ang pakikitungo niya sa iyo."

"That's right," sang-ayon in Ryan dito.

*******************************************************************************************************

𝘈𝘵 𝘨𝘢𝘯𝘰𝘰𝘯 𝘬𝘰 𝘯𝘨𝘢 𝘶𝘯𝘢𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘬𝘪𝘭𝘢𝘭𝘢 𝘴𝘪 𝘚𝘢𝘮. 𝘜𝘯𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘨𝘬𝘪𝘬𝘪𝘵𝘢 𝘱𝘢 𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘢𝘺 𝘯𝘢𝘭𝘢𝘮𝘢𝘯 𝘬𝘰 𝘯𝘢 𝘬𝘶𝘯𝘨 𝘨𝘢𝘢𝘯𝘰 𝘴𝘪𝘺𝘢 𝘬𝘢𝘣𝘶𝘵𝘪𝘯𝘨 𝘵𝘢𝘰. 𝘏𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘴𝘪𝘺𝘢 𝘮𝘢𝘵𝘢𝘱𝘰𝘣𝘳𝘦, 𝘬𝘢𝘩𝘪𝘵 𝘱𝘢 𝘯𝘨𝘢 𝘬𝘶𝘯𝘨 𝘵𝘶𝘵𝘶𝘶𝘴𝘪𝘯 𝘢𝘺 𝘪𝘴𝘢 𝘴𝘪𝘺𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘳𝘪𝘯𝘴𝘦𝘴𝘢. 𝘒𝘢𝘺𝘢 𝘱𝘢 𝘳𝘪𝘯 𝘯𝘪𝘺𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘬𝘪𝘵𝘶𝘯𝘨𝘰 𝘴𝘢 𝘮𝘨𝘢 𝘰𝘳𝘥𝘪𝘯𝘢𝘳𝘺𝘰𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘵𝘶𝘭𝘢𝘥 𝘬𝘰 𝘯𝘨 𝘸𝘢𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘯𝘨𝘮𝘢𝘮𝘢𝘵𝘢.