Chapter 6 - RedStar: 4

"Ano ba?! Bitawan mo 'ko!" diin ko.

Hindi ko alam kung anong pumasok sa utak ng lalaking 'to. Naghahanap ako ng daan papalabas pero bigla na lang niya akong hinila at kinaladkad.

"Saan mo ba ako dadalhin?"

"Manahimik ka na lang pwede?!" sigaw niya na mabilis akong hinarapan. Masama ang kanyang mga titig pero hindi ako agad nadala sa mga titig na 'yon.

"Paano ako mananahimik eh bigla-bigla ka na lang nanghihila?! Saan mo ba talaga ako dadalhin?!" napapalakas na rin ang boses ko kaya napapatingin sa amin ang mga trabahador dito sa loob kaya napatingin na rin kami sa kanila, lalo na itong lalaking nasa harapan ko.

Base sa mga tingin nila, parang gusto nilang sabihin sa akin na wala akong karapatan na sigawan ang taong kaharap ko. Eh pake ba nila, kasalanan naman niya. Siya itong hila ng hila sa akin kanina pa.

Itinuro niya ako habang tila nagpipigil naman siya sa galit, "Isa pang beses na bubuksan mo yang bibig mo, malilintikan ka talaga sa akin," banta niya.

"Aba, ang lakas ng loob mong manakot ah? At bakit galit ka? Ipapaalala ko lang sana na ako dapat ang magalit dahil bigla-bigla mo na lan— Arayyy! Ano ba?! Nasasaktan ako!" daing ko nang hawakan niya ako ng mahigpit sa braso at kaladkarin papaakyat sa kitchen na dinaanan namin kanina.

"Pwede ba?! Bitawan mo ko sabe!" wala pa rin siyang pakielam at patuloy sa paghila sa akin hanggang sa makalabas kami ng kitchen at bumungad naman ang hallway sa amin.

"Ano bang kailangan mo?! Ilabas mo na ako dito!" saad ko pa. May mga nakakasalubong rin kaming mga trabahador dito. Sa tuwing dumaraan kami ay natitigilan sila, napapayuko at nagbibigay ng daan.

Sino ba talaga tong kasama ko?

"Sabi kong bitawan mo ko eh!" pilit kong inialis ang pagkakahawak niya sa akin ngunit lalo yong humigpit at saka niya ako hinarapan.

Kitang-kita ko rin sa mga mata niya na halos umusok na ang tainga at ilong nito, "Hindi ka ba talaga titigil sa kakadada o baka gusto mong ako ang magpatigil sayo? Kung hindi ka lang kailangan ng amo namin, baka hindi na ako nakapagtimpi at kanina pa kita pinatahimik."

Sobrang talim ng kanyang mga tingin kaya sandali akong natigilan bago muling nagsalita, "Ano bang kailangan niyo sa akin, at isa pa sino ba yang amo na sinasabi mo?" kunot-noo kong tanong.

Ilang segundo muna kaming nagkatitigan, "Malalaman mo rin," tinalikuran niya ako at muling hinila kaya wala na rin akong ibang choice kundi sumunod sa kanya para matapos na rin to agad.

Tahimik na lang akong sumunod sa kanya at kahit hindi ko gustuhin, wala rin naman akong magagawa dahil mahigpit ang pagkakahawak niya sa braso ko. Isa pa, base sa obserbasyon ko rito sa paligid, masyadong malawak at mahigpit ang security dahil bawat sulok ng hallway ay may mga bantay. Pare-pareho silang lahat ng suot. Itim na polo, slacks at sapatos.

Ano ba talagang meron sa lugar na 'to?

Natigilan kami sa tapat ng isang pintuan kaya napatingin ako sa kabuuan nito. Ito ang pinaka-kakaiba sa lahat ng pintuang nadaanan namin dahil parang gawa ito sa makapal na uri ng salamin at hindi madaling masira. Sa loob nito ay tila isang elevator at makikita mo ang mga tao sa loob dahil transparent na salamin ang ginamit.

May pinindot siya sa gilid hanggang sa umilaw ng kulay pula ang paligid ng pintuang salamin. Kusang bumukas yon at pumasok kami sa loob. Maya-maya ay unti-unti ring nagsara ito matapos niyang pindutin muli. Umilaw naman ng kulay pula ang paligid bago gumalaw papataas ang kinatatayuan namin dahilan para mawalan ako ng balanse at mapahawak sa paligid.

Nang makuha ko na ang tamang balanse, hindi ko mapigilan na tignan ang paligid. Medyo malamig dito sa loob.

"Saan tayo pupunta?" basag ko sa katahimikan at tinignan ko siya pero parang wala naman siyang narinig dahil diretso lang ang tingin nito.

Sinamaan ko siya ng tingin at itinuon na lang sa ibang direksyon ang aking tingin. Makalipas ang ilang segundo ay bumukas ang pintuan kaya napatingin ako sa harapan. Agad kong natanaw ang salitang "Operating rooms," na siyang nakadikit sa pader.

Muli niya akong hinila papalabas kaya nawala doon ang atensyon ko. Halos masubsob na nga ako dahil hindi siya nag-iingat.

Ts, walang manners. Kalalaking tao.

Katulad kanina ay mayroon ring mga daraanan na kwarto at kung sa baba, halos wala ka ng makita sa loob ng kwarto, dito naman ay nakikita ang lahat ng nangyayari sa bawat kwarto dahil puro salamin ang paligid. At sa ngayon, may mga nakikita akong kasalukuyang inooperahan sa loob ng mga kwartong 'yon. Parang mga doktor ang nang-oopera pero itim ang kanilang suot at halos hindi ko mamukhaan dahil sa surgical mask na gamit nila na kulay itim rin. Pero ang nakakapagtaka lang, dalawa ang pasyente sa bawat kwarto at sabay pang inooperahan.

"Nanjan ba si boss?" napatingin ako sa kasama kong lalaki nang matigilan kami sa paglalakad. May pintuan sa tapat namin na gawa sa metal at may dalawang lalaking nakaitim ang nakabantay sa magkabilang gilid. Kung halos transparent ang bawat kwartong nadaanan namin, ang kwartong nasa tapat namin ngayon ay halos mabalutan naman ng metal at wala ng makita sa loob.

"Oo, kanina ka pa hinihintay," sagot ng isang bantay at saka ako nito tinignan, "Yan na ba?" tanong niya sa kasama ko.

"Ano pa ba?" sagot naman nito na itinapat ang hinlalaki sa scanner ng pintuan. Yun lang siguro ang tanging paraan para bumukas yon kasi pansin kong wala namang door knob o kahit na anong hawakan ang pinto.

Umilaw ng kulay pula ang paligid ng pintuan at saka ito kusang bumukas. Muli niya akong hinila papasok sa loob. At doon ko natunghayan ang isang malaking kwarto na napapalibutan ng mga pulang ilaw. Sa bandang sulok ay dalawang pulang kama na may kaunting distansya mula sa isa't isa. Sa kamang nasa kanan, may isang lalaking nakahiga ngunit hindi ko gaanong mamukhaan dahil malayo siya sa akin. Ang isang kama naman sa kaliwa ay bakante. Sa gilid ng dalawang kama, may mga iba't ibang uri ng patalim na ginagamit sa pang-oopera, lalo na yung syringe at scalpel. Nakapatong sila sa mga stainless na tray at cart.

"Buti naman at nandito na kayo," tinig ng isang batang lalaki.

Nang tignan ko, isang lalaking nakaupo sa isang itim na couch. Sa magkabilang gilid nito ay may dalawang bantay na nakaitim rin. Ang suot niya, itim na long sleeves. Kasalukuyan rin siyang naglalaro ng chess.

Pero bat wala siyang kalaro?

Unti-unti siyang humarap sa amin hanggang sa mamukhaan ko na tila isa siyang 14 years old na batang lalaki. Nang magtama ang mata namin ay walang gana niya akong tinitigan bago bumalik sa paglalaro.

"Asan ba yung boss na tinutukoy mo? Gusto ko ng makaalis dito," bulong ko sa aking kasama. Tinignan niya lang ako at hinarapan ang bata na patuloy pa rin sa paglalaro.

"Boss, anong gagawin natin sa kanya?" tanong niya.

Sinundan ko ang tingin niya at hindi ako nagkakamali, sa bata siya nakatingin.

Boss niya yon?

Isang bata?!

Seryoso ba?!!!

Tinignan naman siya nung bata, "Kung ano ang nasa plano, yun ang mangyayare," tumingin ang bata sa gilid niya na parang kinakausap ang mga tauhan, "Gawin niyo na," walang gana niyang pagsasalita.

Bahagyang napayuko naman ang mga lalaki sa gilid nito hanggang sa lapitan nila ako at hawakan, "Anong gagawin niyo sa akin?!" aktong papalag ako ay agad nila akong nahawakan ng mahigpit.

"Anong gagawin niyo ha?!" sigaw ko nang hilain nila ako papunta sa bakanteng kama. Mas nakita ko naman ng malapitan ang mga patalim. Kumikinang sila na tila hindi pa nagagamit. Unti-unti naman akong nakaramdam ng panginginig.

"Pakawalan niyo ko! Ano ba?!" sigaw ko pa. Ngunit hindi ko alam kung bakit bigla na lang akong nakaramdam ng pamamanhid. Parang may itinusok sa leeg ko dahil ramdam ko ang isang manipis na karayom na tila nakabaon dito. Panghihina agad ang bumungad sa akin.

"P-Pakawalan... niyo ko," pansin ko na lang na tuluyan nila akong napahiga sa kama kaya natanaw ko ang isang itim na kisame. Gustuhin ko mang manlaban pero tuluyan akong namanhid at naging kalmado kahit gustuhin mang pumalag ng isip ko. Nanlalabo ang aking paningin at parang umiikot ang paligid. Kahit gustuhin kong sumigaw, hindi ko magawa. Parang wala akong boses at lakas.

Dahan-dahan akong napatingin sa kaliwa hanggang sa makita ko ng malapitan ang lalaking natanaw ko kanina na nakahiga sa kama. Kahit malapit ako sa kanya ay hindi ko siya makita ng maayos dahil sa sitwasyon kong nanlalabo ang paningin. Ngunit alam kong tulog siya at may nakalagay na oxygen mask sa bibig nito. Naririnig ko rin ang tunog ng heart rate monitor sa gilid niya na nagsasabing ayos pa ang lagay nito.

Nawala ang pagtingin ko sa kanya nang lumapit at humarang ang isang lalaki. Ramdam ko pa ang kasama niya sa kabilang gilid ko. Naramdaman ko na lang ang pagpasok ng lamig sa aking mga hita nang ibaba nila ang suot kong short. Gustuhin ko mang manlaban pero di ako makagalaw.

Bumaling ako sa kabila at kahit nanlalabo ang paningin, tanaw kong kinuha ng lalaki ang isang scalpel. Sumalamin pa ang aking mukha doon nang matapat sa akin ang blade nito. Maya-maya ay nakaramdam na lang ako ng pagkirot sa aking kanang hita.

Tila unti-unting tinatanggal ang aking balat sa parteng yon. Ni magkuyom ng kamay ay hindi ko magawa. Ang alam ko lang, ramdam ko ang sakit pero hindi ako makagalaw. Tila tatanggalin ang buong balat ko sa hita dahil sa paraan ng pagbaon ng kutsilyo rito. Paikot itong hinihiwa na para bang babalatan ako sa parteng ito.

T-Tulungan niyo ko, please.

Sobrang sakit...

Sobrang hapdi...

Parang hinahati sa dalawa ang aking katawan.

Tuluyang tumulo ang aking mga luha nang may kung ano silang itinapal sa aking sugat. Pinaikutan nila ito ng kung ano at ramdam ko ang paghigpit noon na siyang mas nakapagbigay sa akin ng kirot. Tila isa itong tali na itinapal sa sugat ko at hinigpitan. Isang tali na unti-unting kinakain ang aking balat sa hita.

Sobrang labo ng itim na kisame sa aking paningin at tanging pagluha lang ang nagawa ko para ilabas ang sakit. Namamanhid ang buo kong katawan hanggang sa unti-unti akong napapikit.

"Kailangan ba talaga nating gawin to?"

"Alam mo ang utos, kaya doon ka susunod," dinig kong pag-uusap nila habang sinusubukan kong bumalik sa ulirat.

"Kapag may nakaalam nito boss, nasa panganib tayong lahat. Kilala natin sila. Hindi nila hahayaang magtagumpay tayo. Hindi madaling pabagsakin sila."

"Kaya nga ginagawa natin to. At sinong nagsabi na tayo ang magpapabagsak sa kanila? Kailangan natin ng tao na siya mismong magpapabagsak sa kanila," boses ng bata.

Ayaw ko na dito... sobrang sakit na. Gusto ko ng umuwi kay mommy at daddy.

"At sa tingin mo, ito na yon?"

"Bakit mo ba kine-kwestyon ang mga desisyon ko? Alam ko palagi kung ano ang tama at kung ano ang dapat. At sisiguraduhin kong bago pa man nila tayo mapabagsak, mauuna muna sila. Kaya madaliin niyo ang paghahanap pa ng mga bago. Mas maraming bago, mas magiging mabilis ang proseso."

Hindi ko alam kung ano ng nangyayari.

Patuloy sa pag-ikot ang paligid kahit hindi ko tinatangkang gumalaw. Patuloy na kinakain ng kung anong bagay ang hita ko.

"Itayo niyo na yan, wala ng oras."

Ramdam ko ang pilit nilang pagtayo sa akin kaya kusa kong ibinukas ang mga matang napapapikit na. Ngunit ngayon, mas umiikot at lumalabo ang paligid ko. Ni paghinga ng maayos at malalim ay hindi ko magawa.

Hinawakan ako ng dalawang lalaki at sapilitang dinala papalapit sa batang lalaki kaya nang bitawan nila ako ay para akong lantang gulay na bumagsak sa sahig. Ni mga paa ko ay nanlalambot. Pero kahit na ganon, pinilit kong tigasan ang mga palad na idinikit sa sahig para magkaroon ng lakas na tumayo. Sa mga kamay ko na lang daraanin ang lahat ng to.

Nakaupo ako kahit papano at ang bumungad sa akin ay ang mukha ng bata na tinapatan ako, "Magmula ngayon, pagmamay-ari ka na namin. At susundin mo lahat ng sasabihin at gusto naming ipagawa sayo, naiintindihan mo ba?"

At that age, nagagawa niya ang ganitong bagay?

"H-Hindi ako sunud... sunuran," halos bulong kong sabi dahil sa mahirap kong sitwasyon.

Dahan-dahan niyang itinaas ang kabilang kamay at ipinakita sa akin ang hawak nito kaya pilit kong tinignan yon kahit malabo. Isang maliit na remote.

Pinindot niya yon at kusa akong bumagsak sa sahig nang makaramdam ng kirot sa aking kanang hita. Tila kumakalat yon sa buo kong katawan na parang isang kuryente.

"A-Arggghhh!" pagsigaw ko kahit sa mahinang paraan at muling naramdaman ang pagtulo ng aking mga luha.

Napahawak ako sa kanang hita para pigilan ang sakit pero isang matigas na bagay ang nahawakan ko. Tinignan ko ito at nakita ang isang kulay pulang bagay. Nakapaikot ito sa aking hita. Para itong belt na nakapaikot sa sugat ng hita kong nagdurugo. Ang mga talim nito ay nakabaon sa aking balat.

Isang metal na belt na may mga talim sa bawat gilid. Na parang mababaon at kakainin ang balat ko sa hita anumang oras.

"That thing is attached on your body kaya sa oras na hindi ka sumunod sa amin, alam mo na ang mangyayari. Kaya tatandaan mo, hawak namin ang buong buhay mo. From now on, you are one of the red star gofers, at wala kang ibang pakikinggan kundi kami lang."

Pinindot niya pa ulit ang hawak nito kaya mas lalo akong nakaramdam ng sakit sa hita. Parang unti-unting pinuputol ang binti ko dahil sa paninikip. Tanging pagluha lang ng tahimik ang nagawa ko.

To be continued...