" PASENSYA kana sa bahay ko, ah? Medyo maliit lang. Mag-isa lang kasi ako rito," nahihiya niyang sabi.
"Wala kang kasama?" tanong ng binata.
Agad na iginala ang paningin sa paligid.
"Wala, nasa probinsya ang pamilya ko. Kaya, tayong dalawa lang dito," nakangiti niyang sagot " Halika, ihahatid kita sa kwarto mo,"aniya pa.
Tinulungan niyang buhatin ang maleta na dala ni Josh, paika-ika pa kasi ang binata. Hinatid niya ito sa isang kwarto na may kaliitan. Kasyang-kasya lang talaga para sa iisang tao.
"Okay na ba sayo ito, Joshua? Bukas pagkauwi ko galing trabaho aayusin ko ito, lalagyan ko ng kurtina para maganda tingnan," aniya.
"Ayos na sa akin ito, salamat," nakangiting tugon naman ni Josh.
"Sige, magpahinga ka na. Alam kong hindi ka pa gaano nakaka-recover, maiwan na kita," pagpapaalam ng niya.
Dumiretso na rin sa kaniyang kwarto si Azumi. Agad niyang inihiga ang pagod na pagod na katawan, halos hindi na kasi siya nakatulog. Napanatag na ang kaniyang kalooban.
" Tama nga kaya ang desisyon ko na dito siya patuluyin?" tanong nito sa sarili. "Hay, okay lang siguro iyon, beki naman siya, eh," napipikit niyang sabi sabay hikab.
Maya-maya tumunog ang phone niya may tumatawag. Nang tingnan niya, si Dexter, ang boyfriend niya. Hindi niya ito sinagot. Galit pa rin siya sa lalaki dahil ito ang may kasalanan kung bakit magulo ang isip niya noong gabi na nag-walk-out siya sa party. Nakita niya kasi ang nobyo na may kalandian itong iba kahit nandoon siya.
Sadya kasi na playboy ang lalaki. Maraming beses na siyang niloko nito ngunit paulit-ulit rin naman niya itong pinapatawad. Mahal na mahal niya kasi ang lalaki. Pero sa pagkakataong ito, labis ang nararamdaman niyang galit. Harap-harapan kasi ang ginawa nitong pakikipaglandian sa iba. Marahil ay nasanay dahil palagi niya itong pinapatawad.
"Huh! Manigas kang lalaki ka, sumosobra ka na! Nang dahil sayo muntikan pa akong makapatay!" inis niyang sabi.
Nagpasya na siyang matulog at hindi na pinansin ang paulit-ulit na pag ring ng cellphone niya. Antok na antok na talaga siya.
Kinabukasan, maaga siyang nagising para pumasok sa trabaho. Pero bago siya umalis, ipinagluto niya muna ng pagkain ang binata. Nag-iwan din siya ng note dito na gabi na siya makakauwe ng bahay.
----
NAGISING si Josh sa ingay ng mga dumaraang sasakyan sa harap ng bahay na tinutuluyan niya. Nag-inat pa ito at bahagyang minasahe ang likod. Sumasakit ang likod niya sa tigas ng higaan niya. Papag lang kasi ito, at sanay siya sa malambot na kama na nakasanayan niya. Hindi rin siya gaano nakatulog dahil sa init. Sanay siya sa malamig na dulot ng aircon sa kwarto niya.
Umpisahan mo ng masanay sa ganitong buhay Josh.
Dahan-dahan siyang lumabas ng kwarto. Napansin niyang tahimik ang paligid. Nakita niya ang pagkain sa lamesa at ang nakasulat na note. Sinangag, hotdog at itlog ang nakahain sa lamesa.b
Hindi niya maintindihan ang nararamdaman niya ng mga oras na iyon. Labis na kahungkagan ang bumabalot sa kaniya. Pinagmasdan niya ang strangherong paligid,at sunod-sunod na napabuntong-hininga na tila binabawasan ang paninikip ng dibdib niya.
Nagpasya siyang lumabas para bumili ng bagong simcard para matawagan si Mang Nestor. Nais niya rin kasing alamin ang kalagayan ng Daddy niya. Kahit galit siya rito hindi pa rin naman nawawala ang pagmamahal niya rito bilang anak.
Di-nial niya ang numero ng driver bago nilapit sa tenga. Nag ring ang kabilang linya at may sumagot, si Mang Nestor.
" Ako ho ito, Mang Nestor," aniya.
"Ikaw pala iho, ano na ba ang lagay mo? Saan ka tumutuloy? Ang Daddy mo alalang-alala sa'yo."
"Okay lang ho ako, si-si Daddy, kumusta?" pigil niya ang luha.
"Masyado niyang dinibdib ang pag alis mo.Sumakit ang dibdib niya gawa narin siguro ng pagkakasugod sa kaniya ni Laura. Sa ngayon tahimik lang siya na nasa kwarto niya."
Hindi naiwasan ni Josh ang mapaluha,kaya naman nagpaalam na siya dito.
Pilit niyang kinakalma ang sarili. Pumunta siya sa lamesa at kumain. Habang sumusubo, panay tulo ng luha niya. Idadaan niya nalang sa kain ang lahat.
" Iiyak ka na lang ba ng iiyak? Para kang hindi lalaki, umayos ka nga!Ito ang gusto mo 'di ba?" nagpakawala siya ng pagak na tawa. " Tss! Para akong sira-ulo, " bulong pa niya.
Pinili niya na lamang na alisin sa kaniyang isipan ang mga nagyayaring para sa kaniya ay trahedya sa kaniyang buhay. Wala na rin naman kasi siyang magagawa. Ang kailangan niyang isipin at planuhin ay kung paano niya mapapanindigan ang pagpapanggap niya. Hanggang kailan nga kaya niya makakaya ang ganoong sitwasyon? Hanggang kailan niya matatakasan si Laura na handang magbayad ng tao para lang mahanap siya? Hanggang kailan niya kailangang magtago?
Hapon na nang makauwe si Azumi. Kasakukuyang nasa terrace ng bahay si Josh, nakatingin ito sa kawalan na tila tulala.
"Ang lalim ng iniisip, ah!" bungad na bati ng dalaga. Napalingon si Josh na tila nagulat.
"Oops! Nagulat ba kita?Sorry!" sabi pa nito.
"Ah, hindi, hindi naman!" tumikhim siya dahil naging lalaki ang boses niya sa pagkabigla sa biglaang pagsulpot ng dalaga ." I mean, okay lang ako, girl! Wait, ang aga mo yata?" kunwa ay tanong pa niya.
" Ganito talaga ang oras ng uwi ko mula sa work.Hindi muna kasi ako papasok sa isa kong trabaho kasi gusto kong makauwi ng maaga para i-check ka," nakangiting sagot ng dalaga.
"Ay!Ang taray, dalawa ang trabaho mo? Ang sipag mo, ah! Hindi ko keri 'yun,as in!" sabay hawi ng buhok papunta sa likod ng tenga.
"Kailangan,eh.Ako lang kasi ang inaasahan sa amin, may dalawang kapatid pa ako na pinapaaral," sagot ng dalaga.
"Truelalu?" namimilog ang mata na tanong niya. Hindi makapaniwala sa kasipagan ng dalaga. Sa tingin niya kasi ay kaedaran niya lang ito.Bata pa, para magkaroon ng ganoong uri ng responsibilidad.
"Oo, teka, ano ba ginawa mo sa maghapon,okay ka na ba? Wala na bang masakit sa'yo?" sunod-sunod na tanong nito sa kaniya.
"Ok, na ako dont worry. Medyo naiinip lang at feeling ko haggardo versoza na ako,kahit isang araw lang ako nakatambay! Alam mo naman ang lola mo, sanay sa rampahan, alam mo na," maarteng tugon pa niya.
Tawa naman ng tawa si Azumi dahil doon.
"Don't worry pretty ka pa rin, promise," natatawang sagot ng dalaga.
"I know right," pagmamalaking sagot naman ni Josh.
"Ok,!Tara na nga ipagluluto kita ng masarap.Baka gutom ka na at sumakit pa yang chanda romero mo."
Natatawang hinila na siya ni Azumi sa kamay papunta sa loob.
Kahapon lang sila nagkakilala pero parang close na close na sila. Mabait si Azumi kaya komportable siya Jm dahil doon. Agad naghanda si Azumi ng mga iluluto habang nakamasid lang siya, wala rin naman siyang maitutulong dahil wala siyang alam pagdating sa gawaing kusina.
"Ayan, tikman mo ang specialty ko, adobong manok," pagmamalaking sabi ni Azumi.
Natawa naman si Josh sa sinabi niyang iyon.
"Oh,bakit kahit simple lang iyan masarap iyan, tikman mo," sabi ni Azumi.
Humiwa ito ng kapirasong karne at sinubo sa kaniya. Ayaw niya pa sana pero nagpumilit ito."Oh di ba masarap!" may pamamalaking sabi naman ni Azumi.
Tumango-tango si Josh habang ngumunguya na tila ninanamnam ang pagkain. Maya-maya ay kunwa ay natigian siya
" Teka, ano nga bang pangalan ko?" tanong niya sa dalaga.
May pagtatakang tinignan naman siya ni Azumi.
" Sa sobrang sarap nakalimutan ko pangalan ko,girl," pagbibiro niya sabay tawa ng malakas.
"Ay! Ang corny,ah!" sabay simangot pero tumawa narin ang dalaga.
Nang matapos silang kumain ay tumambay muna sila sa terrace. Nakatingala sila pareho na tila pinapanood ang mga bituin. Sumulyap si Azumi kay Josh. Tahimik at seryoso lang si Josh, bakas ang lungkot sa mukha.
" Miss mo na parents mo, no?" basag ni Azumi sa katahimikan nila. "Bakit hindi mo sila tawagan?Sure ako nagwoworry na sila sa'yo, lalo na ang mama mo," dugtong pa ng dalaga.
"Wala na akong mommy. High school pa lang ako, iniwan niya na kami ni Dad," matamlay niyang sagot. " Iniwan niya kami kasi hindi niya matagalan ang ugali ng Daddy.Nalulong siya sa sugal dahilan ng palagi nilang pag-aaway kaya ayun, umalis siya at kinalimutan kami, " tila wala sa sarili na sagot niya.
Hindi maintindihan ni Josh ang sarili kung bakit wala siyang alinlangan na magkwento kay Azumi, siguro ay palagay na ang loob niya rito.
" Pareho pala tayo, Joshua. Alam mo ba ang tatay ko, dati rin siyang nalulong sa pagsusugal?" anito na nakatingala parin sa langit.
"Talaga? 'Yung papa mo?" tanong niya.
"Oo, at alam mo ba?Iyong maliit na lupa na pagmamay-ari namin, nawala iyon dahil sa pagsusugal niya. Kaya eto, ako nalang ang kumakayod para sa kanila. May mga kapatid rin kasi ako na pinapaaral. Gusto kong makapagtapos sila para magkaroon sila ng magandang kinabukasan at matulungan ang mga magulang ko, "
Pinagmasdan niya si Azumi. Pareho sila ng sitwasyon pero wala manlang mababakas na lungkot at panghihinayang dito. Mga ngiti na tila walang problema ang nakikita niya rito.
" Hi-hindi ka man lang ba nagalit sa papa mo? " may pagtatakang tanong niya.
"Aaminin ko, sumama ang loob ko sa kaniya.Pero mahal ko ang tatay ko, isa kaming pamilya. Ayokong masira iyon ng dahil sa isang pagkakamali. Mabait naman ang tatay, nagkamali lang talaga siya," nangingiting tugon ni Azumi.
Hindi na nakaimik si Josh. Lihim siyang humanga sa dalaga. Tahimik nalang nila na pinagmasdan ang mga bituin sa langit.
Nang magpahinga na sila ng gabing iyon. Ayaw dalawin ng antok si Josh. Lihim siyang napahanga sa dalaga. Positibo ito sa buhay. Pakiramdam niya bumalik ang dating siya, ang dating Josh na masayahin kapag kaharap niya ito.
Maya-maya may narinig siyang may kumalabog sa labas. Agad siyang lumabas para tignan. Nakapatay na ang ilaw sa sala at tanging liwanag ng ilaw lang sa terrace ang nagsisilbing liwanag. Dahan-dahan siyang naglakad. Narinig pa niya ang langitngit ng pinto na dahan-dahang bumubukas. Nakita niya ang bulto ng isang lalaki.
May nakapasok na magnanakaw! sigaw ng isip niya.
Nakita pa niya ang dahan-dahang pagkilos nito na tila ayaw gumawa ng ingay. Hindi na nag aksaya ng oras si Josh, agad niya itong hinarap. Nagulat naman ito ng makita siya. May sumilay na liwanag mula sa terrace na tumama sa mukha nito. Kita niya ang expression sa mukha ng lalaki na gulat na gulat at maypagtataka.
"Si-sino ka?" gulat na tanong ng lalaki.
"Ako dapat magtanong sa'yo 'di ba? Sino ka? magnanakaw ka,no?"
Hindi niya na hinintay ang sagot nito, agad niya itong kinwelyuhan. Pilit itong kumawala at sinuntok niya ito sa mukha. Tumilapon naman ito sa sofa. Susugurin niya pa sana ito ng bumukas ang kwarto ni Azumi.
" Dyan ka lang Azumi, may nakapasok na magnanakaw!" tarantang utos niya sa dalaga.
"Ha? Ano?!" gulat na tanong ni Azumi, sabay bukas ng ilaw.
Nakita nito ang nakahandusay na lalaki hawak ang duguang bibig.
"Dexter?!" gulat na tanong ng dalaga.
Agad niya itong nilapitan at inalalayang tumayo.
Hindi naman maintindihan ni Josh ang mga nangyayari. Mukhang kakilala pala ito ni Azumi.
"Putek naman,oh! Nabungi yata ako, ah!" tumingin ito ng masama kay Josh.
Hindi naman alam ni Azumi ang gagawin at para namang natulos sa pagkakatayo si Josh.
"Sino ba iyan,Babe, ha?" galit na tanong ni Dexter. " Bakit may kasama kang lalaki? Kaya ba hindi mo sinasagot ang mga tawag ko kasi pinagpalit mo na ako?!" galit paring tanong nito.
"Kumalma ka nga muna, Dexter," awat dito ni Azumi.
"Paano ako kakalma? Eh, yung girlfriend ko may kasamang ibang lalak!" sigaw pa ni Dexter. "Ano ito? Pinagpalit mo na ako, Azumi?"
"Magpapaliwanag ako, tumahimik ka nga muna puwede?" inis na saway parin ng dalaga.
"Okay!Unang una, hindi kita pinagpalit, kaibigan ko siya. Dito na siya nakatira sa bahay kasi-"
"Anong sinabi mo?!Dito siya nakatira?!" gulat nitong tanong."Tama ba iyong narinig ko? Dito siya nakatira? Sasabihin mo kaibigan lang, niloloko mo ba ako, Azumi?!" galit parin sabi nito. " Ako nga na boyfriend mo kahit isang beses hindi mo mapatulog kahit na isang gabi lang, tapos siya?" tumawa ito ng pagak.
Natapik ni Azumi ang noo bago nagsalita." Hintayin mo muna kaya ako magpaliwanag, no? Okay, dada ka ng dada riyan ,eh. Ganito kasi iyon, paano ko ba sasabihin?" bumaling kay Josh na tila natulos parin sa pagkakatayo.
" Itong si Joshua, kaibigan ko at bakla siya,okay? Bakla siya kaya wala kang dapat ipag-alala, magkaibigan lang kami," natatarantang paliwanag ng dalaga.
Natawa naman ng nakakaloko si Dexter.
"Anong sinasabi mong bakla? Tignan mo nga ang mukha ko kung anong ginawa niya? May bakla bang parang bakal ang kamay?! Kinwelyuhan niya ako kanina, para siyang superhero na hinarangan ako, at sinuntok, sa tingin mo magagawa ba ng bakla iyon?! Pinagloloko mo ako, Azumi. Pinagpapanggap mo pa siyang bakla para maloko, ako?"galit paring tugon nito.
Pinagpawisan naman ng malapot si Josh. Napalunok ng maraming laway lalo na nung napatingin si Azumi sa kaniya na tila nagdududa at humihingi ng paliwanag mula sa kaniya.