Chapter 2 - SIMULA

SIMULA

Kung nandito lang sana 'yong putang inang malandi naming tatay na hindi naikalma ang tite at naghanap ng ibang babae, e di sana hindi kami naghihirap ng ganito ngayon. Gago siya. Lahat ng magandang pangarap ko para sa sarili ko at sa pamilya namin biglang gumuho. Kapag bumalik lang 'yon dito, pagsasapakin ko 'yon hanggang sa mapagtanto niya kung gaano siya kagagong ama.

Tinakbuhan niya ang responsibilidad niya sa amin dahil hindi na raw niya kaya. Gago siya! Buntis siya nang buntis sa Nanay ko tapos hindi pala niya kami kayang panindigan at buhayin. Kung kinalma niya lang tite niya. Napailing na lang ako sa inis at sobrang pagkadismaya dahil sa ginawa niya sa amin.

Nasaksihan ko ang hirap na dinanas ni Mama nung iniwan niya kami. Halos gabi-gabi ko na lang siya nakikitang umiiyak palihim sa labas ng bahay habang yakap-yakap ang litrato nila ni Papa noong nagpakasal sila. Ang hirap makitang nahihirapan at nasasaktan si Mama dahil hindi iyon nararapat sa kanya.

Gago siya, isa siyang malaking gago! Paano niya nagawang saktan at lokohin ang babaeng walang ibang ginawa kundi ang mahalin siya?

Galit ako sa kanya kaya huwag na huwag siyang magpapakita sa akin dahil baka kung ano pa ang magawa ko sa kanyang hindi maganda.

"Asan na kaya si Papa?" wala sa sariling tanong ng bunsong kong kapatid na babae. Nakaupo siya sa gawa sa kahoy naming sahig habang kinukulayan ang kanyang drawing na kumpletong pamilya. Tinawanan ko dahil puro stickman. Grade one pa lang kasi siya.

"Sa bulsa ko, nagkakape." biro ko sa kanya pero hindi siya tumawa. Syempre wala naman kasing nakakatawa kaya bakit siya matatawa?

Biglang bumagsak ang mga balikat ko nang makitang lumungkot ang buong mukha niya habang pinagmamasdan ang drawing niya.

"Ito si Papa, si Mama, si Kuya Gideon, Kuya Rainer at ako!" masaya niyang sabi at pumalakpak matapos ituro isa-isa ang drawing niya.

"Kuya, si Mama?" sigaw ng pangalawa kong kapatid na galing na naman sa court, naglaro ng basketball.

"Bunganga mo paghanap mo, sige." sabi ko sa kanya nang tuluyan siyang makapasok dito sa loob. "Magsaing ka na, Rainer." utos ko sa kanya at inayos na 'tong mga unan na kakapalit ko lang ng punda.

Binigyan niya ako ng mukhang pagod na mukha at paika-ikang lakad.

"Sandali lang, Kuya, five minutes." umupo siya sa upuan at inalis ang kanyang sapatos. Agad akong nagtakip ng ilong ko at binato sa kanya ang isang unan. "Aray! Problema mo?!" inis niyang sabi sa akin at binato pabalik ang unan na kaagad ko namang inilagan.

"Ang baho ng mga paa mo!" singhal ko.

"Ulol! Hindi ko pa nga naaalis mga sapatos ko. Baka hininga mo lang 'yon, sinisi mo pa mga paa kong mabango."

"Kapal mo. Wala tayong pera pero alagang listerine 'to, boy. Amoy patay na daga mga paa mo. Ang bantot," muli kong pinisil ang ilong ko.

"Mama mo blue!" pabalang niyang sabi at sakto namang dumating si Mama kaya sinumbong ko.

"Mama, o!"

"Sumbungero," dinig kong sabi niya kaya muli ko siyang binato ng unan at mabilis na nagtago sa likod ni Mama. Inis na inis naman siyang nag-angat ng tingin sa akin. "Napakakupal mo, Kuya. Sumbong Mama ka naman. Pwe!"

"Tumigil nga kayong dalawa. Nagsaing na ba kayo?" sabi ni Mama at diretsong naglakad papuntang kusina. Sinundan ko naman siya para imasahe ang kanyang ulo. Pagod na pagod kasi siya kaya alam kong kailangan niya 'to.

"Sandali lang, Mama. Pahinga lang ako saglit."

"Huwag na, ako na! Puro ka dahilan." inis na sabi ni Mama at dumiretso sa may kuhanan ng kaldero. Tumawa ako.

"Mama, ito na!" inis na sabi ng kapatid ko at kaagad kinuha ang kaldero para magsaing. Palihim ko pa siyang inasar kaya umakto siyang ibabato sa akin ang kaldero pero binaba niya kaagad nang humarap sa kanya si Mama.

"Tantyahin mo ang tubig tubig, Rainer." paalala ni Mama sa kanya.

"Oo, tantyahin mo dahil baka hindi kita matantya, ikaw ang iluluto ko." birong sabi ko at kinurot kaagad ako ni Mama sa tiyan, humalakhak lang ako at hinila ko na si Mama paupo bago sinimulang imasahe ang kanyang ulo.

"Buti na lang ang bait ng boss ko ngayong buwan kaya dinagdagan niya ang sahod ko," maginhawang sabi ni Mama.

"Mama, may pangbili na ba ako ng black shoes?" tanong ni Rainer.

"Ah, bakit ka magpapabili? Mayroon naman 'yong black shoes ko, 'di ba?" sabi ko.

Kinamot niya ang kanyang upo. "E, Kuya, medyo malaki, nahihirapan akong gumalaw."

"Lagyan mo muna ng papel. Sa sweldo ko na lang kita bibilhan, sa akinse" sabi ko at tinanguan siya.

"May nailaan na akong budget para roon, anak." sabi ni Mama sa akin.

"Bayaran mo muna 'yong utang natin sa kantina nila tita Lea, Mama. Hindi na raw nila tayo papautangan kapag tumagal pa 'yon. Rainer, naiintindihan mo naman, 'di ba?" sabi ko sa kapatid ko na walang alinlangan namang tumango.

"Oo, Kuya. Oo, Mama. Unahin muna natin 'yong mga babayarin. Pagtiyagaan ko muna 'yong mabahong sapatos ni Kuya," natatawa niyang sabi na medyo ikinainis ko, pati si Mama ay nakitawa sa kanya.

"Kapal ng mukha mo, a! Ikaw na nga pinapahiraman. Wala kang utang na loob!"

Humalakhak siya. "Biro lang, Kuya. Alam ko naman na kahit pangit ka ay malinis ka sa katawan,"

"Gago! Mas pogi pa rin ako sa 'yo."

"Asa!" tumawa siya at sinalang na sa kalan ang kaldero.

Nakatulog pa si Mama kaya ginising ko na siya para sa kwarto na siya magpahinga at ako na lang ang bahalang magluto ng ulam namin. Karne manok ang binili ni Mama kaya naisipan kong iluto 'to ng tinola para naman maisahog itong malapit ng masirang mga sayote.

"Kuya, huwag na tinola. Walang lasa 'yon, e." reklamo ng kapatid kong palamunin lang naman dito pero ang lakas ng loob magreklamo kapag hindi gusto ang ulam tapos kukuha sa ipon niya para bumili ng itlog.

"Manahimik ka. Hindi lang masarap magluto Mama mo, e." sabi ko.

"Mama, hindi ka raw masarap magluto sabi ni Kuya. Palayasin mo nga siya!" sigaw niya kaya kaagad ko siyang binato ng balat nitong sayote pero nakailag siya.

"Manahimik ka nga. Pagod si Mama, gago!"

"E, Kuya, maiba nga tayo…" seryosong sabi niya at umupo sa isang silya. "Hindi ka na ba babalik sa pag-aaral?"

"Babalik pero hindi pa sa ngayon. Kailangan na kailangan pa ni Mama ng katulong sa paghahanapbuhay para sa mga gastusin sa bahay at sa pag-aaral niyo ni Ana. Nakatapos naman na ako ng high school. Mag-iipon lang ako para sa mga kailangang requirements sa pag-a abroad ko."

Sinabi sa akin noon ni tita Lina, iyong kapatid ni Mama, na kukunin niya raw ako roon sa factory na pinagtatrabahuhan niya sa Korea kapag nangangailangan sila ng trabahador. Tutulungan daw niya ako sa mga magagastos ko. Si Mama sana kaso pinakiusapan ko siya na ako na lang dahil mas kailangan siya ng mga kapatid ko rito. Kapag nandoon na ako, hindi na niya kailangan pang magtrabaho, sa bahay na lang siya kasama ng mga kapatid ko at ako na ang bubuhay sa kanilang lahat.

"Ano?!" gulat niyang sigaw kaya binato ko na naman siya ng balat nitong sayote. "Bakit ka mag-a abroad?" base sa reaksyon niya, tila ayaw niya yata ang ideyang 'yon.

"Kailangan, e. Mas malaki ang sweldo roon kaya mas matutulungan ko kayo rito. Hindi naman sapat 'yong perang kinikita ko sa grocery store at pagiging tricycle driver." tang ina kasi nung ama namin, e. Iniwan niya sa akin ang mga responsibilidad na siya naman dapat ang gumagawa. Wala na tuloy akong kasiguraduhan kung matutupad ko pa ang pangarap kong maging isang huwarang nurse. Baka mag-aasawa na lang ako ng nurse kung papalarin.

Ang pangit kasi trip nung tatay naming walang bayag.

"Titigil na rin kaya ako, Kuya?"

Kunot-noo ko siyang tinignan. "Kaya nga ako tumigil sa pag-aaral para tulungan si Mama na pag-aralin kayo. Huwag na, ako na ang bahala basta magtipid lang muna tayo ngayon. Tiis-tiis muna, makakaahon din tayo sa hirap."

Tipid siyang ngumiti. "Seryoso ka bang mag-a abroad ka talaga?" malungkot nitong at tumango naman ako. "Ang pangit mo pero syempre ayoko pa rin mapalayo sa 'yo."

Muli ko siyang binato. "Sus, ayaw mo lang na ikaw gumawa lahat ng gawaing bahay rito."

Tumawa siya. "Medyo tama ka r'yan."

"Ayusin mo pag-aaral mo, Rainer. Huwag kang bulakbol sa paaralan. Marami akong tropa sa tambayan. Huwag na huwag ko lang malalaman na tumatambay ka roon dahil talagang malilintikan ka sa akin."

Inirapan niya ako. "Bakit naman ako gagawa ng bagay na hindi gusto ng crush ko?"

"Halla, ang landi mo. Mama, o!"

"Manahimik ka nga. Pagod si Mama, gago!" panggagaya niya sa sinabi ko kanina kaya muli ko na naman siyang binato.

"Umayos ka, Rainer. Huwag kang gagawa ng malaking responsibilidad sa murang edad, bibigwasan talaga kita."

"Relax ka nga, Kuya." tumayo siya para pahinaan 'yong apoy ng kalan. "I know my priorities," mayabang siyang ngumisi sa akin.

Tuwang-tuwa sabi ko. "English 'yan, a."

"Math siguro, math." sarkastikong sabi niya kaya binato ko na naman siya.

"Bulok!"

Pagkatapos kong kumain ng panghapunan ay naghanda na ako para pumasada. Marami pa rin namang pasahero tuwing gabi dahil uuwi sila galing trabaho at mayroon ding ilang galing sa paaralan.

Buti na lang talaga iniwan ng tatay ko itong tricycle namin. Alangan namang idala niya, e, si Mama naman halos gumastos para rito. Ang kapal naman masyado ng mukha niya kung gano'n.

"Ang popogi natin, a?" sabi ko sa dalawang kaibigan kong kakalabas lang ng paaralan at sa akin sila sasakay. Suot nila ang departmental uniform nila.

"Ulol! Tang ina, p're…" pagod na umupo si Lucio sa loob ng tricycle at sa likuran ko naman umupo si Lendon.

"Bakit?" tanong ko at nagmaneho na paalis.

"Ang hirap ng nursing, yawa."

"Wala namang madaling kurso. Kaya niyo 'yan, padayon future RN." sabi ko at tumawa, medyo masakit.

Sana sabay-sabay kami ngayon na inaabot ang pangarap naming maging registered nurse dahil 'yon ang plano pero wala, e, kapos kami sa pera.

"Mag-aral ka na next year para naman hindi lang kaming dalawa ang naghihirap sa kursong 'to." sabi ni Lendon at tumawa.

"Hindi pa kaya, wala pa akong ipon. 'Tsaka na lang kapag kaya na." ang dami pa namang kailangang gamit kaya kakailanganin ang malaking pera, wala pa ako nun, e. "Kayo muna mag-nursing, susunod din ako sa inyo." may halong sakit ang tawa ko.

Syempre gusto ko rin mag-aral pero hindi pa talaga kasi kaya ngayon, e. Pwede naman akong mag-aral ulit kapag kaya na dahil nand'yan lang naman ang paaralan at nasa maayos na lagayan din naman 'yong mga kakailanganin kong requirements para makabalik sa pag-aaral.

"Sige, itatago namin mga notes namin para sa 'yo." sabi ni Lendon at tinapik ang balikat ko. "Kabayaran nung pagpapakopya mo sa amin sa math at science noong high school." humalakhak siya.

Humalakhak ako. "Ulol. Siguraduhin niyo lang na magaganda ang mga sulat niyo at maintindihan ko." sabi ko at tumawa naman sila.

"Oo nga pala. Tanda mo pa si Ciara? Iyong magandang volleyball player." tanong ni Lucio.

"Oh? Jowa mo na?" walang pakialam kong tanong.

"Hindi, ulol. Crush ka yata nun, e. Tanong nang tanong kung mag-aaral ka pa raw ba o hindi na talaga."

Bumuntong-hininga ako. "Pogi ko talaga,"

"Yabang mo," sabay nilang sabi at humalakhak pa sila.

Simpleng tao lang ako pero maraming nagkakagusto sa akin. Wala pa ako ni isang naging girlfriend dahil wala pa naman sa isip ko ang ganoong bagay, lalo na ngayong may malaki akong responsibilidad na kinakaharap.

Kapag ako ang nagmahal, hindi ako gagaya sa tatay ko. Mamahalin ko ng buong-buo ang babaeng mapapangasawa ko at hinding-hindi ko siya tatalikuran sa hirap man o ginhawa. 'Tsaka lang kami mag-aanak kapag alam naming kaya na namin sila buhayin para hindi sila magaya sa akin.

"Ingat ka, p're. Tawagan mo lang kami kapag may nantrip sa 'yo, a?" sabi ni Lendon at tinapik ang braso ko. "O, keep the change." abot niya sa akin ng bente pesos na saktong pamasahe lang naman nila. Keep the change, ulol!

"Gagi, salamat." sabi ko.

Swerte naman ako dahil may nadaanan akong mga pasahero na papasok sa mga trabaho nila kaya hindi ko na kailangang umikot-ikot para maghanap pa.

"Sakay ka, Ma'am?" tanong ko sa babaeng nakatayo rito sa may gilid ng daan.

"Obvious ba?" mataray niyang sabi at pumasok sa loob ng tricycle para umupo.

Sungit naman nito. Huwag kaya kitang isakay? Ay, nakasakay na pala.

"Saan kita ibababa, Ma'am?" tanong ko at muling pinaandar itong tricycle.

"Sa Esmeralda."

"Saan doon? Malawak ang Esmeralda, Ma'am." sabi ko.

"Pwede road trip?" sabi niya.

Kumunot ang noo ko. "Huh?"

Road trip? Hanggang saan naman kung sakali? Baka masira pa ang makina nitong tricycle dahil sa layo, mas mahal pa ang gagastusin kaysa sa kikitain ko.

"Nevermind."

"Saan nga kita ibababa sa Esmeralda, Ma'am?" tanong ko ulit dahil papasok na kami rito sa Esmeralda.

"Sa kanto na lang." sabi niya kaya roon ko siya binaba. "Magkano?" may pagkamataray niyang tanong sa akin.

"Sampung piso, Ma'am." sabi niya at kaagad naman niyang inabot sa akin ang bente pesos.

"Keep the change. Thank you!" sabi niya at dali-daling bumaba bago tumakbo sa hagdan na pababa.

Kinabukasan ay maaga akong gumising para mag-igib ng tubig na panligo namin habang nagsasaing ako ng kanin. Pinuno ko ng tubig ang dalawang drum na nasa palikuran namin bago ako nagluto ng ulam. Itlog at tuyo lang kinaya ng pera ko ngayon, e, pero masarap naman 'to. Gustong-gusto nga namin, napaparami pa kami ng kain.

Inayos ko na lahat dito sa lamesa bago ako nagtungo sa kwarto para gisingin sila Mama at Ana, nagising naman sila kaagad kaya pumunta na ako rito sa kwarto namin ni Rainer para gisingin siya. Ang pangit niya matulog. Nakanganga siya at tulo laway pa. Mahina akong natawa nang may naisip akong kalokohan na gagawin sa kanya. Ginawa niya sa akin ito nung isang araw kaya oras na para gumanti.

Matitikman mo ang ganti ng isang api.

Pumitas ako ng dahon nitong halaman na nandito sa kwarto namin bago ako umupo sa gilid ng kama. Hinintay ko muna siyang tapusin kamutin ang kanyang leeg bago ko pinasok sa butas ng ilong niya 'tong dulo ng dahon at inikot ng dalawang beses.

Nagkasalubong naman ang kanyang dalawang kilay habang kinakamot ang ilong niya. Grabeng pagpipigil ang ginawa kong pagtawa para hindi siya magising.

Tinusok ko ulit ang ilong niya pero sa kabilang butas naman. Tumindi ang pagkairita ng mukha niya habang kinakamot ang ilong niya.

Hindi ko natuloy ang muling pagpasok ko ng dahon sa ilong niya nang paluin ako ni Mama sa likod ko. Wala akong saplot dinig ang tunog nang pagpalo niya sa akin, nagising pa si Rainer.

"Kung anu-anong kalokohan ang ginagawa mo sa kapatid mo," piningot ni Mama ang tainga ko pataas.

"Aw, Mama. Aw…" natatawang sabi ko habang hawak ang kamay niyang pumipingot sa tainga ko.

Tinignan ko 'tong kapatid ko matapos akong pingutin ni Mama. "Gumising ka na–"

"Mukha ba akong tulog?" suplado nitong sabi at umupo.

"Aba! Sungit mo, a? Pangit panaginip mo?"

Umismid siya at tinanggal ang kanyang muta. "Ikaw ang pangit tapos ikaw pa una kong nakita kaninang paggising ko kaya sino hindi–"

Tumayo ako. "Papasok kang walang baon, sige. Pangit pala, a." inakbayan ko si Mama. "Tara na, Mama." sinama ko siya sa paglabas namin dito sa kwarto.

"Joke lang, Kuya. Ikaw ang pinakapoging Kuya sa balat–yuck, nakakasuka!" sigaw niya at tumawa naman kaming dalawa ni Mama.

Nakakasuka pala, a. Wala ka talagang baon.

Umayos na kaming lahat dito sa hapag-kainan. Pagkatapos naming magdasal ay nagsimula na kaming kumain.

"Ang sarap mo talagang magluto, Kuya. 'Di ba, Mama, Ana?" aniya at tinignan pa ang dalawa. Tinaasan ko siya ng kilay. "Ang pogi-pogi mo talaga, Kuya. Tapos ang bait-bait mo, ang sipag-sipag–"

"Alam mo, sabihin mo na lang ang kailangan mo. Huwag lang dagdag baon dahil wala akong maidadagdag," sabi ko at seryoso siyang tinignan.

"Grabe, judgemental, may kailangan kaagad?" sabi niya at ngumuso.

"Sabihin mo na habang hindi pa kumukulo ang dugo ko sa 'yo,"

"Kuya, may assign–"

"Ayoko." sabi ko at muling kumain.

"E di don't. Ang pangit mo." pang-iinsulto niya sa akin bago muli siyang kumain.

Ipapagawa na naman niya sa akin ang assignment niya. Ulol, bahala siya r'yan. Syempre mahal ko pa rin naman siya kahit na madalas ay kupal siya kaya ginawa ko ang assignment niya habang abala siya sa pagligo. Dinig na dinig pa ang malakas niyang pagkanta, ang pangit naman ng boses niya!

Ang basic lang naman 'tong assignment niya kaya mabilis kong natapos. Hindi lang siguro 'yon nakinig sa teacher niya kaya hindi niya alam. Alam niya 'to panigurado, tinamad lang talaga siyang gawin. Napailing na lang ako. Ayos lang naman sa amin kung ano ang grado niya basta ba hindi lang siya mag-uulit dahil sayang naman 'yong mga ginastos niya ngayong taon.

"Ana, halika rito." sabi ko sa kapatid kong babae na sinusuklayan ang sarili.

Lumapit naman siya kaya nilagay ko siya sa pagitan ng aking mga hita. Kinuha ko ang suklay mula sa kanya para suklayin ang buhok niya at itali sa dalawa ang buhok niya. Pigtails yata ang tawag dito. Pinaharap ko na siya sa akin para ayusin ko ang bangs niyang natatakpan ang kanyang noon. Nilagyan ko siya ng kaunting pulbos sa mukha at leeg para naman pantay. Ang ganda ng kapatid ko kaya kabahan ka na Liza Soberano paglaki nito.

"Shet…" napalingon ako sa kapatid kong lalaki na nakaharap sa salamin habang hinahaplos ang dulo ng kanyang baba at ang isang kamay niya ay nakahawak sa baywang niya. Nakatapis ng tuwalya ang kalahati niyang katawan. Mukha siyang tanga, sa totoo lang. "Ang pogi mo talaga, Rainer. Buti na lang hindi ka nagmana sa kapatid mong mukhang tsinelas." mukhang tsinelas pala, a. Ayon, binato ko ng tsinelas. Natamaan siya bago pa tuluyang makapasok sa loob at binato sa akin pabalik ang tsinelas ko na tumama sa braso ko. Mabilis niyang isinara ang pinto at dinig ko pa ang pag-lock niya nito na akala niya siguro ay susugurin ko.

Pangit niya.

Una kong hinatid itong mga kapatid ko sa paaralan nila bago ko hinatid si Mama rito sa pinagtatrabauhan niya.

"Susunduin ba kita mamayang uwi mo, Mama?" tanong ko nang makababa na siya ng tricycle.

"Oo kasi aabsent daw ngayon 'yong kumare ko, e."

Tumango ako. "Sige, Ma. Ingat ka, a? Huwag kang magpapagod masyado tapos kain ka rin ng pananghalian." sabi ko at ngumiti.

Hinaplos niya ang pisngi ko bago siya nagpaalam na papasok na sa loob. May isang oras pa naman bago ang pasok ko sa grocery store kaya pumasada na muna ako.

"Sa PCSU." sabi ng estudyanteng pasahero ko at kaagad naman akong nagmaneho papunta roon pagkasakay niya.

Kumunot ang noo ko nang makita 'yong supladang babae na pasahero ko kagabi, mukha naghihintay siya ng tricycle na pagsakyan. Pagkababa ng babae at pagkakuha ko ng bayad niya ay lumapit na ako kaagad ako sa kanya dahil may nakita rin akong tricycle na papunta sa kinaroroonan niya, walang sakay.

"Sa dati po ba, Ma'am?" tanong ko nang makasakay siya. Kunot-noo siyang bumaling sa akin ngunit unti-unti bumalik sa dati ang noo niya nang makilala ako.

"Oo, bilisan mo, a? Kainis! Naiwan ko kasi 'yong I.D ko sa bahay," naiinis nga siya, halata sa tono ng boses niya.

Base sa ayos ng buhok niya, tila nursing student siya. Tanging plain white shirt lang kasi ang suot niya ngayon at black pants kaya hindi malaman kung anong kurso niya. Mga uniporme kasi ng mga estudyante sa PCSU, nakalagay sa parte ng kanang dibdib nito ang logo ng school at logo ng kurso nila. Napagtanto kong tama ang hinala ko nang makita ang stethoscope na lockscreen niya, may nakasulat pero hindi ko mabasa dahil maliliit.

Gaya ng sabi niya, binilisan ko ang pagpapatakbo ko dahil baka mahuli siya sa klase ay sisihin pa ako.

"Dapat kasi nilalagay mo na lang sa loob ng bag mo pagkatapos mong tanggalin, Ma'am." sabi ko. Gano'n ang ginagawa ko noon, e.

"Hinihingi ko ba opinyon mo?" mataray niyang sabi.

Medyo tumawa ako. "Hindi naman, Ma'am. Sinasabi ko lang para alam niyo,"

Ang ganda sana kaso ang taray.

"You stopped?"

"Huh?" nagtatakang sambit ko.

"I mean you stopped studying!" iritado niyang sabi at napansin ko sa gilid ng aking mata na pinagkrus niya ang kanyang mga binti.

"Oo, e." sabi ko at lumiko rito sa kanto ng Esmeralda.

"I see. Pogi mo naman may girlfriend ka ba?" umawang ang bibig ko dahil sa tanong niya.

"Ah, e… wala po, Ma'am."

"You are too formal. But wala ka ba talagang girlfriend? Ang pogi mo, e, kaya that's impossible…"

Daldal naman ng babaeng 'to. Akala ko naman driver ang madaldal, pasahero pala. Pati nga 'yong ilang turista noon na dumayo dito sa lugar namin na naging pasahero ko dinaldal ako. Nagpanggap na lang akong interesado at sagot na lang ako nang sagot sa mga tanong nila para walang gulo.

Pinisil ko ang ilong ko at tumigil dito sa kanto kung saan din ako tumigil kagabi.

"Wait lang, a! Wait mo ako. Kukunin ko lang 'yong I.D ko. Sa 'yo na rin ako sasakay para hindi ko na kailangang maghintay pa mamaya. Mamaya na ako magbayad. Sandali lang 'to, promise!" sabi niya bago mabilis na umalis.

Haba-haba ng sinabi niya, pwede naman niyang paikliin. Medyo hinihingal tuloy siya.

Ilang sandali ay bumalik na siya rito at umupo sa loob ng tricycle ko, pawisan siya. Dinig na dinig ko pa ang paghabol niya ng hininga niya.

"Oh my, gosh! Haggard na ba ako?" kinalabit niya ako kaya saglit akong napatingin sa kanya. Nang makita ko ang mukha niya at ibinalik ko na muli ang tingin ko sa daan.

"Hindi naman, Ma'am." ang ganda mo nga, e. "Punasan mo lang 'yang pawis mo." sabi ko at pinagtupi ang mga labi ko.

"Kainis! Wala akong nadalang panyo at tissue!"

"Mayroon po akong dalang panyo. Gusto mong hiramin muna? Hindi ko pa siya nagagamit." pagmamagandang loob kong alok.

Ang sabi kasi sa akin ng dalawang kaibigan ko ay chinecheck daw ang grooming nila. Syempre nursing student sila, e, kaya kailangan nilang maging kaaya-aya at malinis tingnan.

"Akin na, bilis." sabi niya at bumaba ang mga mata ko saglit sa kamay niyang inabot niya sa akin. Kinuha ko ang panyo rito sa bulsa ng pantalon ko at nilagay sa palad niya.