"'Tay, ano pong nangyari? Ano 'to? Paano po kayo napunta dito?" tanong ko ng umiiyak kahit alam kong hindi niya naman ako naririnig. Nakapantulog pa ako ng tumakbo ako papunta sa istasyon ng pulis kung saan dinala si tatay.
Nanginginig ang mga kamay niya ng hawakan niya ako. May posas pa rin ang mga ito pero lalo lamang akong napaiyak ng binigyan niya lang ako ng isang ngiti at pagtango na parang sinasabing ayos lang siya kaya huwag akong mag-alala.
Itinuon ko naman ang atensiyon ko sa mamang pulis na nasa harap namin. "Sir, hindi po masamang tao ang tatay ko. Matanda na po siya at wala ng kakayahang pumatay pa ng tao. Mabuting tao ang tatay ko sir. Nagmamakaawa po ako sa inyo, pakawalan niyo na po ang tatay ko," pagmamakaawa ko sa pulis ngunit inismiran lamang ako nito.
"Anak, ayos lang ako. Umuwi ka na at maghanda dahil baka mahuli ka pa sa klase mo," nakangiting sabi ni tatay iyon gamit ang sign language.
"Hindi 'tay, hindi ako aalis dito ng hindi ka kasama," sagot ko.
"Sige na, huwag ng matigas ang ulo. Mapapatunayan ring wala akong kasalanan sa nangyari kaya magtiwala tayo sa Diyos," nakangiti pa siya kahit bakas ang takot sa kanyang mukha.
"Hija, kailangan na naming ipasok ang tatay mo sa loob," ani ng pulis kaya napahawak ako sa kamay ni tatay.
Tinitigan ko si tatay habang walang patid ang pagtulo ng aking mga luha. Ayokong bitiwan ang mga kamay niya. Alam ko sa sarili ko at sa mga taong nakakilala sa tatay ko na malinis ang mga kamay niyang 'yon at hindi niya magagawang pumatay ng tao.
Nabitawan ko lang ang kamay ni tatay ng alisin ng mamang pulis ang pagkakahawak ko rito. Wala na akong nagawa kung hindi ang maupo sa lapag habang umiiyak. Ano 'to? Bakit ito nangyayari sa amin? Tahimik ang buhay namin at masaya kami ng tatay ko pero bakit biglang naging ganito?
"Huwag ka ng umiyak. Lalabas rin ang katotohanan at mapapatunayan sa korteng walang kasalanan ang tatay mo Emerald," ani Aila habang marahang hinahaplos ang likod ko.
"Sana nga Aila. Sana pumanig ang batas sa amin. Mabuting tao ang tatay ko e, bakit naman nagkaganito?" mugto na ang aking mga mata sa kakaiyak. Kasalukuyan kaming nasa canteen ng university dahil lunch break pero wala akong ganang kumain. Iniisip ko si tatay kung kumusta na siya sa loob ng kulungan,kung kumain na ba siya.
"Sige na, Emerald. Kumain ka muna kahit ilang subo lang. Kanina ka pa hindi kumakain e. Sa tingin mo magugustuhan 'to ng tatay mo na ginugutom mo ang sarili mo?"
Natigil ako at saglit na napatingin kay Aila. Kahit patuloy ang pagluha ay pinilit kong abutin ang kutsara at tinidor atsaka sumubo. Naalala kong ayaw nga pala ni tatay ng nagugutom ako. Siya ang madalas na nagpapaalala sa akin na kumain ako sa tamang oras.
Nag-desisyon akong huwag ng pasukan ang isang subject na natitira para sa araw na 'yon. Sinabi ko na lang kay Aila na siya na ang gumawa ng dahilan kapag hinanap ako ng professor namin. Feeling ko kasi ay lilipad lang ang utak ko habang nasa klase. Alam ko ring ako ang topic ng mga ka-blockmates ko simula pa kanina kaya mas okay ng umiwas na lang ako kasi baka mapaaway lang ako.
"Ano ba Emerald?. Kanina ko pa napapansin na wala ka sa sarili ah? Tingnan mo 'to, ang sabi ko ilatag mo sa kama ng maayos 'yung comforter, bakit mo tinupi? Tanga ka ba?" inis na bulyaw ng guide ko sa akin. Napayuko na lang ako at pinipigilan ang paghikbi. "Ke bago bago mo hindi mo inaayos trabaho mo! Ayusin mo 'yan!" dagdag pa niya kaya napatango na lang ako ng nakayuko pa rin. Pinilit kong huwag bumagsak ang mga luha ko habang ibinabalik sa dati ang comforter na tinupi ko. Kailangan kong tiisin ito lalo na ngayon na nasa kulungan si tatay. Mas kailangan ko ng pera ngayon. Kung kailangan kong magdagdag ng trabaho, gagawin ko.
Pinili kong huwag na lang mag-merienda at itinuloy na lamang ang paglilinis. Sayang din ang ipambibili ko para sa merienda, kumain naman ako ng lunch kanina.
Maaga akong nakapag-out sa hotel kaya saglit akong dumaan sa istasyon kung saan ikinulong si tatay. Gustuhin ko mang pigilan ang mga luha ko ay hindi ko magawa sa tuwing kaharap ko ang kanyang maamong mukha. Alam kong mahirap para sa kanya ito pero ayaw niya lang ipahalata sa akin para hindi na ako mag-alala sa kanya.
"Kumain ka na ba?" tanong niya gamit ang sign language.
Tumango lang ako bilang sagot at tuluyan na ngang umagos ang mga luha ko sa harap niya. Nandito kami ngayon sa visitor's area at pinagbigyan lang ako ng mamang pulis na makita si tatay kahit tapos na ang visiting hours para sa araw na ito. Sampung minuto lang ang ibinigay na oras sa akin para makasama si tatay dahil baka daw malintikan siya kapag nalaman ito ng superior nila.
"'Tay, pangako ilalabas kita dito. Hahanap ako ng magaling na abogado. Promise po, hindi kita hahayaang magtagal dito. Pangako po 'yan," paulit ulit na sabi ko sa kanya.
Hinawakan lamang niya ang aking mga kamay atsaka ngumiti. "May tiwala ako sa Diyos anak. Alam kong hindi niya tayo pababayaan. Kaya ikaw, huwag mong pababayaan ang sarili mo habang wala ako. Uuwi rin ako, pangako 'yan anak. Ga-graduate ka pa e. Hindi puwedeng wala ako doon," aniya kaya walang humpay ang paghikbi ko sa harap niya. "Huwag ka ng umiyak. Naniniwala akong hindi rin ito magtatagal," dagdag pa niya kaya panay lang ang pagtango ko bilang pagsang-ayon.
"Naniniwala rin ako 'tay. Alam ko pong inosente kayo. Lalabas rin po ang katotohanan."
Mabilis na lumipas ang sampung minuto. Saglit kong niyakap ng mahigpit si tatay bago siya kinuha ng pulis at inilayo sa akin. Hindi ko pa natutupad ang mga pangarap ko para sa kanya kaya hindi siya puwedeng manatili dito. Hindi deserve ng tatay ko ang mag-stay sa lugar na ito. Kaya gagawin ko ang lahat para mailabas siya dito.
Wala sa sarili akong naglakad palabas. Hawak hawak ng dalawa kong kamay ang sling bag na suot ko habang nakatulala ako sa kawalan. Sobrang dami ng tumatakbo sa isip ko. Saan ako kukuha ng magaling na abogado? Kung makakahanap man ako, saan ako kukuha ng ipambabayad? Anong trabaho pa ba ang puwede ko pang pasukin?
"Bullshit! Look what you've done!"
Agad akong bumalik sa katinuan sa sigaw ng babaeng 'yon. Nabangga ko kasi siya at tumilapon sa damit niya ang frappe ng starbucks na hawak niya.
"Hala, sorry," paghingi ko agad ng paumanhin. Taranta akong kumuha ng tissue sa bag ko at akmang ipupunas na iyon sa damit niya ng hampasin niya ang kamay ko palayo.
"Saan ka ba tumitingin, miss? Look how you ruined my dress! Damn, may date ako ngayon e! Buwisit naman!"
"P-papalitan ko na lang," sabi ko at nagtaas lang siya ng kilay ng balingan niya ako. Parang bigla akong nanliit sa pamamagitan ng pagtitig niya sa akin. Maganda siyang babae, matangkad at mukhang anak mayaman. Nakasuot siya ng denim skirt at white off shoulder na crop top. Naka-angat din sa kanyang ulo ang shades na suot at bakas ang natural na pamumula ng kanyang pisngi dahil mestiza ito.
"I don't think you can pay for my clothes."
"'Yung iniinom mo ang papalitan ko hindi 'yung damit mo," sagot ko na nakapagpakunot ng noo niya. Hindi naman talaga damit niya ang papalitan ko. Sa hitsura pa lang no'n halatang mahal na.
"Are you making fun of—"
"Maegan, you're bullying someone again."
Sabay kaming napalingon nung babae sa nagsalitang iyon mula sa likuran ko. Kakababa niya lang ng kotse at seryoso ang ekspresiyon nito ng lumapit ito sa babaeng nasa harap ko.
"God, Troy! I've been calling you countless times and you're not answering! Buti naman at lumabas ka na sa lungga mo? Sabi sa akin ni Tito, you locked yourself the whole day and hindi ka daw kumakain. Have you seen yourself in the mirror? Nakainom ka ba?" sunud-sunod na tanong nung Maegan sa lalakeng dumating.
"A bit," sagot nung lalake at nag-gesture pa gamit ang mga daliri.
"And you drove your car? Are you going to kill yourself?"
Hindi sumagot ang lalake at bahagya lang itong tumawa ng balingan ako kaya napaayos ako ng tayo atsaka ko inilayo ang tingin ko sa kanila. Baka isipin pang nakikinig ako sa usapan nila.
"Binu-bully ka ba nito, miss?" biglang tanong nung Troy kaya napako ang atensiyon ko sa kanya. His brown eyes—siya 'yung lalakeng nakasabay ko sa bus kagabi! Kaya pala pakiramdam ko kanina ay parang nakita ko na siya kung saan. "Miss?" ulit niya.
"Troy! I'm not bullying her! She ruined my clothes, look," pagsusumbong nung Maegan atsaka tumingin sa akin. "Anyway, since you can't pay for the damage, puwede ka ng umalis. Pasalamat ka at dumating si Troy kung hindi—ay ewan ko na lang," aniya pa.
"Salamat. Hayaan mo miss, kapag nagkita tayo ulit baka mabayaran na kita," nakangiting usal ko sa babae atsaka ko sila tinalikuran. Rinig ko ang pagmamaktol ng babae sa kasama niya pagkatalikod ko kaya napailing na lang ako. Typical spoiled brat.
Nang maramdaman kong nakalayo na ako sa kanila ay sinubukan kong muli silang lingunin. Nakatalikod na rin ang babae sa akin pero nagtaka ako at napakunot ang aking noo dahil 'yung lalaking Troy ang pangalan ay nakatitig sa akin na parang sinusuri ang aking buong pagkatao. Nawala lamang ang atensiyon niya sa akin ng higitin ng babae ang kanyang braso.
Siguro ay hindi niya na ako matandaan. Pero ayos lang, wala na rin namang tsansa na magkita pa kaming muli.