"I bet you haven't eaten your dinner yet," ani Mr. Santillan. "I ordered food already, why don't you stay here for a while?" dagdag pa niya.
"Ah, hindi na po. May trabaho pa po kasi akong kailangang puntahan kaya kailangan ko na rin pong umalis. Pero salamat po," nahihiyang usal ko. Susubukan kong humabol sa restaurant baka sakaling pagbigyan pa nila akong pumasok kahit mag-over time na lang ako tutal naman ay sabado bukas.
"Trabaho? You still have work after your shift here?"
"Opo, sir. Kailangan e."
"What's your work if you don't mind me asking?"
"Waitress po."
"Where?"
"Sa Sapori Unici restaurant po," sagot ko. Hindi na siya nagsalita at tumango-tango na lamang. For sure alam niya ang restaurant na iyon dahil high end class 'yon. Gusto ko pa sana siyang tanungin kung paano niya nalaman ang pangalan ko kaso naalala kong empleyado ako dito kaya malamang sa malamang ay kilala niya ako.
"Your supervisor...what's her name again?" biglang tanong niya.
Napakunot ang noo ko sa tanong niya. Bakit hindi niya kilala ang supervisor ko? "Si Ma'am Vergara po?"
"Whatever. Do you want me to fire her?"
"P-po?" nabiglang tanong ko.
"She blamed you and I saw you crying earlier."
"Hindi naman po siguro niya ginusto 'yon. Naka-assign din po kasi ako dito sa 10th floor kaya po siguro gano'n din ang naisip niya. Huwag niyo na lang po siyang tanggalin."
"Okay, if that's what you want. Are you sure hindi ka na kakain? Parating na 'yung order ko."
Tipid akong ngumiti sa kanya atsaka umiling. "Hindi na po sir. Kailangan ko na rin pong umalis."
"Okay," sagot niya habang marahang tumatango.
Muli akong nag-bow sa kanya atsaka madaling lumabas ng suite niya. Napasandal pa ako sa engrandeng main door niya pagkasara ko nito atsaka nagpakawala ng hangin habang hawak ko ang aking dibdib. Gustuhin ko mang paunlakan ang kanyang imbitasyon na makasama siya sa pagkain, pakiramdam ko ay wala akong karapatan makihalubilo sa mga kagaya niya.
Pagkababa ko sa ground floor ay kinuha ko ang bag ko na naiwan ko sa may ilalim ng reception desk. Naabutan naman ako ng aking supervisor doon at saglit akong tinawag. Kahit nagmamadali ay pinili kong manatili dahil gusto niya raw akong makausap tungkol sa nangyari.
"Emerald, I want to say sorry for what happened. I'm really sorry. Hindi ko lang matanggap na kayang gawin sa akin 'yon ni Hazel," aniya patungkol sa trainor ko.
"Okay lang po ma'am. Naiintindihan ko po kayo," nakangiting usal ko.
"Pero kumusta naman? Anong ginawa mo sa loob ng suite ni Mr. Santillan? Pinaglinis ka ba niya?"
"Hindi po. Niyaya niya lang po akong kumain," sagot ko na ikinagulat nilang lahat maging 'yung mga receptionists na nakarinig. May mali ba sa sinabi ko?
"Napaka-suwerte mo naman girl! Sana all," tumatawang sabat pa nung isang receptionist. Hindi na ako magtataka. Guwapo si Mr. Santillan kaya karamihan siguro ng mga kasama ko dito ay pinapantasya siya. Napaka-cliche, sa isip isip ko.
"Baka naawa lang sa akin dahil sa nangyari," nasagot ko na lamang.
"Palaging wala 'yun sa mood lately. Palaging galit. Kanina ko na nga lang ulit nakitang mahinahon 'yun e."
Hindi na ako sumagot sa pahayag ng aking supervisor at ngumiti na lamang. Pagkatapos no'n ay nagpaalam na akong umalis. Pasado alas otso y media na ng makarating ako sa restaurant. Nagtaka pa ako dahil hindi man lang ako pinagalitan ng aming manager at hindi rin ako tinanong kung anong nangyari bakit ako late.
"Nasa mood ata si Ma'am ngayon?" bulong na tanong ko sa kasamahan ko habang itinatali ang apron ko sa likod.
"Anong nasa mood, kanina pa nga 'yan nagagalit sa amin. Paano ang bagal daw namin e ang daming customers ngayon," bulong rin na sagot ni Mon, kasamahan ko. "Ikaw, bakit ka late?"
"Mahabang kuwento."
"Care to share?"
"'Tsaka na. Baka mahuli pa tayo ni Ma'am dito na nagdadaldalan mapag-initan pa tayo pareho."
"Kumusta na pala ang tatay mo, Emerald? Sabihan mo naman ako kung kailan ka dadalaw para makasama ako at mapasalubungan ko siya ng mga prutas."
"Oo na, sige na balik na sa trabaho," nasabi ko na lang at itinaboy ko siya palayo sa akin. Panay kasi ang lapit niya sa tuwing bubulong siya sa akin at natatakot ako na baka makita kami ng manager. Hindi lingid sa kaalaman kong gusto ako ni Mon. Minsan na rin siyang nagpahaging sa akin na liligawan niya ako pero diniretso ko na siya at sinabing sa ngayon ay kaibigan muna ang kaya kong ibigay sa kanya. Guwapo rin naman si Mon at matipuno ang pangangatawan. Mabait at madiskarte sa buhay, family oriented at mapagmahal pero kaibigan lang talaga ang nakikita ko sa kanya.
Halos alas dos na ng masara namin ang restaurant. Tuwing biyernes talaga ay inaabot kami ng ganitong oras dahil maraming customers. Pagod na pagod na ako at gusto ko ng mahiga pero bibiyahe pa ako ng halos isa't kalahating oras bago makauwi sa amin.
"Sige na Emerald, payagan mo na akong ihatid ka sa inyo. Anong oras na oh, delikado na sa daan," pagpipilit ni Mon. Palaging ganito ang senaryo namin sa tuwing matatapos ang shift namin. Susundan niya ako hanggang sa sakayan at pipilitin na maihatid ako sa bahay.
"Salamat Mon pero maniwala ka, kaya ko ng mag-isa. Umuwi ka na lang din sa inyo at magpahinga," nakangiting sabi ko sa kanya at tinapik siya sa balikat.
"Pero Emerald—"
"I'll send her home."
Sabay kaming napalingon ni Mon sa nagsalita at gano'n na lamang ang pagtataka ko na makita si Mr. Santillan na naka-cross arms habang nakasandal sa magara niyang sasakyan at pinagmamasdan kami.
"S-Sir Troy," mahinang usal ko. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Kahit madilim ang paligid at wala ng tao, pakiramdam ko ay para siyang pinalilibutan ng ilaw.
Napalunok pa ako ng humakbang siya palapit sa amin.
"I'll send her home," pag-uulit niya—ng seryoso at ang mga mata ay na kay Mon.
Nagsasalitan lang ang tingin ko sa kanila ng bigla akong balingan ni Mon atsaka matamis na nginitian. "Hindi mo naman sinabi, bigtime pala 'yung sundo mo," biro ni Mon.
"Mon hindi ko siya—"
"Sige sir,ingat po kayo. Paki-ingatan na lang po si Emerald," hindi ko natuloy ang sasabihin ko ng sabihin niya iyon kay Sir Troy na walang imik na nasa harapan namin. Inayos niya ang pagkakasukbit ng bag sa balikat atsaka ako nginitian bago tumalikod.
Sinundan ko pa ng tingin ang papalayong likod ni Mon bago ako nahihiyang humarap kay Sir Troy.
"Ano, uh, Sir...ano pong ginagawa niyo dito?" nahihiyang tanong ko.
Saglit niyang hinawakan ang tungki ng matangos niyang ilong habang ang isang kamay ay nasa bulsa na para bang nahihiya at naghahanap ng sasabihin. "To send you home?" sagot niya.
Hindi agad ako nakapagsalita at napakunot lang ng noo. Bakit naman ako ihahatid nito pauwi?
"Please don't get me wrong. Gusto ko lang bumawi because my staff blamed you for the sin you didn't do," aniya at bakas sa kanyang mga mata ang sinseridad.
"Okay lang naman po 'yun Sir. Kagaya po ng sabi ko kanina, naiintidihan ko naman po."
"Just let me do this, please?"
Napatitig ako sa kanya. Ang daming naglalaro sa isipan ko. Ipapatanggal niya ba ako sa trabaho kung hindi ako papayag? Dapat ba akong magtiwala kahit anak siya ng boss ko na hindi ko pa nakikita kahit kailan? Hindi ba niya ako itatapon sa gitna ng daan?
"I'm harmless Emerald," sabi niya ulit dahilan para matauhan ako. Bahagya siyang tumawa sa inasal ko na para bang nababasa niya kung anuman ang tumatakbo sa isip ko.
"S-sige po," nasagot ko na lang. Nakakahiya na rin dahil umayaw na rin ako kanina nung niyaya niya akong kumain.Baka kapag tinanggihan ko pa ito ay mawalan na ako ng trabaho. Kung sakali mang matagpuan akong wala ng buhay, si Mon naman ang witness na siya ang huling kasama ko. Gusto kong sampalin ang sarili ko sa pag-iisip ng bagay na 'yon at inisip na lang na baka nagmamagandang loob lang talaga siya.
Sumakay ako sa magara niyang sasakyan sa tabi ng driver's seat. Naging tahimik ang biyahe namin at nagsasalita lang ako sa tuwing tinatanong niya ako ng direksiyon papunta sa bahay.
"Ilang taon na po kayo Sir?" basag ko sa katahimikan. Mas nakakailang kasi kung mananatili akong tahimik. Mas maigi na rin sigurong magtananong ako randomly.
"25," tipid na sagot niya ng hindi tumitingin sa akin dahil nasa daan ang atensiyon niya. Napatango na lang ako dahil hindi naman pala nagkakalayo ang edad namin.
"Nag-aaral pa po ba kayo?"
"Nah. I already graduated, hindi ba halata?" napatingin ako sa kanya ng saglit siyang sumulyap sa akin at bahagyang tumawa.
"Hindi naman po sa gano'n."
"What about you?"
"Graduating na po, last sem ko na sa college."
"Wow, congrats. Your parents must be proud of you."
Hindi ako agad na nakapagsalita agad sa pahayag niya at napangiti na lamang. Nasa unahan na ang atensiyon ko at napansin ko ang muling pagsulyap niya sa hindi ko pagsagot. Alam kong sobrang proud sa akin si tatay at sana'y makalaya siya bago dumating ang graduation ko. Araw-araw kong ipinapanalangin na sana ay pumanig sa amin ang hustisya pagdating ng panahon.
"Dito na lang po ako Sir Troy," nahihiyang sabi ko ng ipahinto ko ang sasakyan niya sa tapat ng bahay. "Salamat po sa paghatid," dagdag ko pa bago ko buksan ang pinto ng kanyang kotse.
Hindi niya ako sinagot at napansin kong nasa paligid ng lugar namin ang atensiyon niya na parang sinusuri ito. Hindi siguro siya sanay sa ganitong klase ng lugar. Nagkibit-balikat na lamang ako at lumabas na ng sasakyan niya pero nagtaka ako ng bumaba rin siya at umikot papunta sa akin.
Sabay pa kaming napalingon ng tawagin ako ng isang lalake kasama ang grupo ng mga nag-iinuman sa gilid ng bahay namin. "Ayos Emerald, kaya pala binasted mo 'ko kasi gusto mo sa may kotse! Hayaan mo kapag ako nagka-kotse magiging akin ka rin!" lasing na sabi ni Japet na kapit-bahay kong tambay at walang ibang ginawa kundi ang mag-inom at makipag-basag ulo. Kasama niyang nagtawanan ang mga ka-tropa niyang kagaya niya.
Akmang susugurin na sila ni Sir Troy ng pigilan ko ito sa braso. "Sir, ayos lang po. Sanay na ako sa mga 'yan," nasabi ko na lang sa kanya at kunot-noo lamang siyang napatitig sa akin.
"Who's with you in your house?" tanong niya na hindi pinansin ang sinabi ko.
"Ako lang po mag-isa."
"What?"
"N-nasa probinsiya po kasi si Tatay at...uh, wala na po ang nanay ko," pagdadahilan ko. Hindi pa kami gano'n lubos na magkakilala para sabihin sa kanya ang nangyari kay tatay.
"I'm sorry about your mom but I don't think you can trust those assholes, Emerald," seryosong usal niya. Nailang ako bigla sa mga titig na ibinabato niya sa akin.
"Sir, dito na po ako lumaki sa lugar na ito kaya sanay na po ako sa mga tao dito," nakangiting saad ko sa kanya.
Matalim niya lang akong tiningnan habang kunot pa rin ang kanyang noo bago bumuntong-hininga. "Where's your phone?" biglang tanong niya at inilahad ang palad sa harap ko. Nagtataka man ay kinuha ko pa rin ang cellphone ko sa bag atsaka inabot sa kanya.
Pinanood ko ang ginawa niya. Kinuha niya rin ang cellphone niya sa kanyang bulsa at may pinindot sa cellphone ko at nag-ring bigla ang kanya. Matapos no'n ay ibinalik na niya ang cellphone ko sa akin.
"I already have your number. Save my number Emerald. I still don't trust those assholes so call me immediately if something happens," pahayag niya na medyo ikinagulat ko.