Mabilis akong tumakbo palabas para sana itago si Sir Troy pero huli na. Halos lumuwa ang mata ko ng makita ang hitsura ni Aila habang kaharap ang walang saplot pang-itaas na si Sir Troy na humihikab hikab pa at kumakamot sa batok. Napalunok pa 'ko ng pagmasdan ko ang kanyang katawan. Para ka nga namang nasa langit kung gigising ka ng ganito. Magulo ang kanyang buhok pero kahit gano'n ay hindi iyon nakabawas sa kagwapuhan niya.
"Aila! Ha, Aila! A-anong ginagawa mo dito?" pinilit kong tumawa ng malakas para mapansin nila pareho ang presensiya ko. Naagaw ko naman ang atensiyon nila dahil pareho silang napatingin sa akin na kalalabas lang ng kuwarto. Lumakad ako palapit kay Aila at hinatak siya papasok sa loob atsaka isinara ang pinto dahil baka pagpiyestahan pa ng chismosa kong kapitbahay si Sir Troy.
"Sino 'to, huh, Emerald? Bakit wala kang nababanggit sa akin? Bakit hindi mo man lang ako sinabihan agad? Sana nagsabi ka agad para diretso kanin na dinala ko!" ani Aila na biglang napalitan ng kilig ang kanina'y galit na ekspresiyon kaya kinurot ko siya sa tagiliran.
"Tumigil ka nga. Mali ka ng iniisip, okay? Anak siya ng boss ko sa hotel atsaka sa restaurant na pinagtatrabahuhan ko. 'Tsaka na 'ko magpapaliwanag sa'yo," pabulong kong sabi sa kanya. Agad naman akong ngumiti ng lumapit sa amin si Sir Troy ng nakasuot na ng damit.
"Sorry kung nabigla kita. I'm used to sleep without shirt that's why so I'm really sorry," mahinahong usal ni Sir Troy kay Aila na ikinangiti ng malaki nitong huli.
"Naku, Sir, ano ka ba. Okay lang 'yon, blessing po 'yun, char! Anyway, ako nga po pala si Aila, best friend nitong si Emerald," pakilala ni Aila sa sarili at nakipagkamay na agad rin namang tinanggap ni Sir Troy.
"Troy Sylvann Santillan. Emerald's new friend," sagot ni Sir Troy dahilan para mapatingin ako sa kanya ng nagtataka. Kaibigan? Buong akala ko ay sasabihin niyang siya ang boss ko. Hindi ako makapaniwalang kaibigan ang pakilala niya sa akin.
Palihim akong napangiti sa ideyang magkaibigan na kami.
"Kumain na po ba kayo, Sir? May dala po akong pandesal," singit ni Aila kaya natigil ang titigan at nginitian namin ni Sir Troy.
"Call me Troy, Aila."
"Ay, shet. Bakit parang gumanda bigla pangalan ko," biro pa ni Aila kaya natawa na lang kami pareho ni Sir Troy.
Akala ko ay uuwi na si Sir Troy pagkatapos no'n pero nagkamali ako. Sumabay siya sa amin sa pag almusal at natutuwa ako dahil wala akong makitang bahid ng kung anong kaartehan sa kanya. Gusto pa sana niya kaming ihatid ni Aila sa university kaso naalala niyang iniwan nga pala niya ang kotse sa parking ng restaurant.
"Hoy, Emerald. May utang ka pang kuwento ka pa sa akin ah!" maktol ni Aila matapos ang klase namin sa last subject. Nagmamadali na kasi akong ayusin ang gamit ko dahil tutungo na 'ko sa hotel para sa trabaho ko.
"Ilang beses ko bang sasabihin sa'yong anak lang talaga siya ng boss ko at nagkataon lang kagabi na delikado ng lumabas sa lugar namin kaya nag-decide na 'kong mag-stay muna siya sa bahay. Nakita mo ba hitsura no'n? Kuko pa lang alam mo ng mayaman na," depensa ko.
"Bakit may paghatid? Bakit may pa-topless? Mamatay Emerald? Walang chukchakan na naganap?"
"Gaga, wala! Ang dumi mo mag-isip, bahala ka nga diyan!" natawa na lang ako sa mga pinagsasabi ni Aila atsaka kinuha ang bag at nag-martsa palabas ng room.
"Oh, Emerald? Alas siyete pa ang shift mo ah? Ang aga mo ata ngayon?" tanong ni Mia, isa sa mga kasamahan ko sa restaurant bilang waitress. Ala una pa lang kasi ng tanghali pero sa restaurant ako dumiretso at hindi sa hotel. Nagpaalam rin ako sa supervisor ko doon na baka ma-late ako.
"May kailangan lang akong kausapin," ngiti kong sagot sa kanya. "Dumating na ba si Atty. Lucas?" tanong ko.
"Oo, kanina pa. Siya ba 'yung kakausapin mo?" usisa niya pa na tinanguan ko lang. "Bigtime ka na Emerald. Alam mo bang usap usapan ka dito dahil sa anak ni Attorney na si Sir Troy?"
"Ako? Bakit naman?"
"Sinusundo ka daw no'n after shift mo dito? Bukod sa pagiging maganda, baka naman puwede mong i-share 'yung sikreto mo paano maka-bingwit ng malaking isda," biro niya na sinuklian ko lang ng isang pilit na ngiti.
"Basta mali kayo ng iniisip. May nangyari lang at nagmamagandang loob lang iyon si Sir Troy sa akin," depensa ko. "Oh, siya. Maiwan muna kita dito at kailangan ko ng makausap si Attorney," pagkasabi ko no'n ay iniwan ko na siya sa ginagawa niya sa kitchen at dumiretso ako sa tapat ng opisina ni Atty. Santillan. Inayos ko pa ang aking sarili bago kumatok at pumasok.
Naabutan ko siyang nakatayo at may kausap sa kanyang cellphone. Tiningnan niya lang ako at sinenyas ang upuan sa tapat ng kanyang wooden table kaya nag-bow ako sa kanya atsaka umupo doon.
"I told you before, right? Malakas ang kutob ko noong una pa lang na maipapanalo natin ang kaso mo. And it happened," sabi pa nito sa kausap sa kabilang linya. "I'm sorry if I can't make it to your celebration today. I have a flight to Singapore by 5pm later. Maybe next time, let's grab some drink. It's nothing Congressman. I just did my job, that's it. Alright, alright. See you soon," tumatawang sabi pa niya bago pinatay ang cellphone at bumalik sa kanyang swivel chair, sa harap ko.
"G-good afternoon po, Attorney," kinakabahang bati ko sa kanya.
"I'm sorry hija, kausap ko kasi kanina si Congressman Ramos and he's inviting me to his celebration party because I won his case. Too bad I can't make it since I have a flight later," nagkibit-balikat pa siya pagkasabi no'n at isinandal ang likod sa kanyang swivel chair. "So, bakit ka nga pala naparito?" agad na tanong niya kaya napaayos ako ng upo.
"T-tungkol po sa offer niyo."
"A-huh. What about it?"
Napalunok pa ako bago muling nagsalita, "Tinatanggap ko na po."
Hindi siya agad na sumagot at seryosong tumitig sa akin kaya kumalabog ang aking dibdib. Mag-ama nga talaga sila ni Sir Troy dahil parehong-pareho silang nanlalamon gamit ang kanilang mga mata. Nabawasan ang aking kaba ng sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi.
"I was actually expecting that," aniya. "The reason why I am starting to study the case of your father Enrico Valenzuela..." kinuha niya ang isang folder na nasa gilid at ipinakita iyon sa akin.
"Attorney labag po sa loob ko ito sa totoo lang po dahil napakabait po ng anak niyo sa akin kahit sandali pa lang po kaming nagkakasama pero kung para kay tatay ay gagawin ko ang lahat makasama ko lang po siya ulit. At isang napakalaking pagkakataon nito para sa akin na dumating po kayo sa buhay namin ni tatay," sabi ko pa na puno ng sinseridad. "Pero, Attorney...gusto ko lang po sanang malaman kung bakit po ako? Bakit niyo po naisip na tulungan ako? Isa po kayong tanyag na abogado at walang wala ako ni isang kusing na ipambabayad po sa inyo pero bakit po ako?" lakas loob na tanong ko sa kanya.
"On or before the end of your mission, you will realize why I chose you," sagot niya na lalo lang nakapagpagulo ng aking isipan. "Anyway, the case of your father isn't easy. Aapila tayo ng re-trial sa korte pero sinasabi ko na sa'yo ngayon pa lang na hindi ito magiging madali. Hindi rin ito agarang naibibigay dahil dumadaan ang lahat sa due process. We need to gather first all the evidences and a strong witness na makakapagpatunay na inosente ang iyong ama at doon ay baka sakaling pagbigyan tayo ng itaas."
"Hindi pa po sigurado iyon?"
"Naka-depende pa rin ang desisyon sa lahat ng isa-submit natin. Sa palagay ko rin ay mabigat na laban ito lalo na't pakiramdam ko ay hindi kung sino lang ang tunay na kalaban natin dito."
Napakunot ang noo ko sa kanyang sinabi at napaisip. 'Yung statement ni tatay na hindi man lang nila binigyang pansin, 'yung biglaang pagbaliktad ni Tito Aldy, 'yung kawalang pakialam ng abogadong nakuha ko para ilaban si tatay, mukhang tama nga si Attorney na hindi basta basta ang kalaban.
"But don't worry. This is between you and your father and me and my son. Kung ano ang kaya mong gawin para sa iyong ama, gano'n rin ang kaya kong gawin para sa aking anak. You just have to do your job and I promise you that I'm gonna win this case," seryoso at mabigat na pahayag niya.
Wala ako sa sariling lumabas ng opisina ni Atty. Santillan. Kung iisipin ay parang napakadali lang ng kapalit na hinihingi niya. Kailangan ko lang mapatino ang kanyang anak at maging responsable ito sa pag-handle ng kanilang business pero kung sa kanya nga na sariling ama e ayaw sumunod ni Sir Troy, ano pa kaya ako?
Paano at saan ako mag-uumpisa? Ano ang gagawin ko para mapalapit sa kanya? Paano ko sisirain ang pader na binuo niya sa pagitan nila ng kanyang ama?
Wala akong gana na nagpunta ng hotel para sa shift ko. Late na 'ko ng halos kalahating oras pero wala man lang akong narinig sa supervisor ko. Lalo pa akong nagtaka ng ngitian lang ako nito ng masalubong niya ako pagkapasok ko sa glass door ng hotel.
"Emerald, from now on, sa 10th floor ka na naka-schedule. 10FG to be exact," sabi pa ng aking supervisor sa akin.
"Okay po—po? 10FG? Hindi ba't iyon ang kuwarto ni—"
"Oo, kuwarto iyon ni Sir Troy. He requested personally at the housekeeping department na ikaw ang ilagay doon—permanently," aniya at makahulugan akong tiningnan.
"Pero ma'am—"
"We can't say no. He's the son of the owner, remember?"
"O-opo," nasagot ko na lang. Napadiin ang hawak ko sa aking sling bag bago tinalikuran ang aking supervisor para magpunta sa locker room at magbihis.
Hindi ko alam kung anong mayroon sa kanilang mag-ama at kung anong mayroon sa tadhana at bakit ako ginaganito. Gusto ko lang naman ng tahimik na buhay kasama si tatay. Pero nandito na ito. At gaya nga ng ipinangako ko kay tatay, gagawin ko ang lahat para makalabas siya ng kulungan at makasama ko na siya.
"Sir Troy? Nandiyan po ba kayo sa loob? Housekeeping po!" sigaw ko habang nagdo-doorbell sa tapat ng kanyang pinto. Ilang minuto akong naghintay ngunit walang sumasagot kaya naman inilabas ko na ang key card ko ini-swipe iyon kaya bumukas ito.
Ilang beses na akong nakapasok sa kuwartong ito pero namamangha pa rin ako sa ganda ng interior design at lawak nito. Ilang babae na kaya ang nadala ni Sir Troy dito? Napailing ako bigla sa isiping iyon.
Dumiretso ako sa kanyang kuwarto at inumpisahang itupi ang magulong kama nito. Dito ako nahihirapan lagi dahil makapal at napakalaki ng puting comforter ng kanyang kama. Halos nadadala ang katawan ko sa tuwing ipapagpag ko ito.
"Good, you're here already. Have you eaten your lunch?"
Halos mapatalon ako ng marinig ang boses na iyon ni Sir Troy na sumulpot bigla sa likuran ko. Pero halos lumuwa ang aking mga mata ng lingunin ko siya at makitang nakatapis lamang siya ng puting tuwalya sa pang-ibaba at walang suot na kahit ano sa pang-itaas. Pinupunasan rin niya ng isa pang tuwalya ang kanyang buhok habang may mga droplets pa ng tubig ang malayang umaagos sa kanyang katawan.
"S-Sir, uh, nandiyan pala kayo," napalunok ako at mabilis na nag-iwas ng tingin matapos sabihin iyon. Hindi ko alam kung bakit bigla kong kinaya na pagpagan ang kanyang comforter ng walang kahirap-hirap.
"It's nice to see you again though magkasama lang tayo kanina."
"Opo nga po e," sagot ko ng hindi pa rin tumitingin. Nagpapanggap na lang ako na inaayos ayos ang mga unan kahit na maayos na ang mga ito kanina pa. Pakiramdam ko kasi ay isang kasalanan kapag humarap ako sa kanya.
"I'm sorry if I made you feel awkward. Naka-damit na 'ko. You can face me now," sabi niya kaya marahan ko siyang hinarap at nakabihis na nga siya. Naka fitted lang siya na v-neck shirt na kulay gray at checkered na pajama. Ang bilis niya namang magbihis, sa isip isip ko.
"Okay lang po 'yun Sir."
"Okay, what? Is it okay for you if I'm topless?"
"Hindi po 'yun ang ibig kong sabihin," mabilis na depensa ko na tinawanan lang niya.
"I'm just kidding. Anyway, I know you haven't eaten your lunch. Tara sa dining, nagpahatid na ako ng pagkain for us."
"Pero Sir Troy nandito po ako para magtrabaho."
"Anak ako ng boss mo kaya inuutusan kitang kumain kasama ako," seryoso ang kanyang ekspresiyon ng sabihin niya iyon kaya agad akong kinabahan pero napawi ang kabang iyon ng bahagya siyang natawa sa naging asal ko.
"Okay po, Sir Troy," wala sa sariling sagot ko.
"Good," aniya at tinalikuran na ako kaya naman sumunod ako sa kanya ngunit muntik na kaming magkauntugan ng bigla niya na lamang akong harapin. "And oh, one more thing. Stop calling me Sir Troy and just call me by my name. Say my name Emerald," mariing utos niya habang nakatitig sa akin at kitang kita ko ang pag-igting ng kanyang panga.
Kinakabahan man ay pinilit kong bigkasin ang kanyang pangalan. "T-Troy?" mahinang sambit ko.
"One more time."
"Troy," pag-uulit ko at ginantihan ko ang kanyang mga titig.
"You know what? I am starting to fall in love with my name," sabi pa niya sabay silay ng kanyang matamis na ngiti bago ako tinalikuran.
Hindi ako agad nakagalaw sa aking kinatatayuan. Hindi ko alam pero pakiramdam ko'y hindi magiging madali na tibagin ang mga pader na nakapalibot sa kanya sa kabila ng mga ipinapakita niya sa akin.