Chereads / Break The Walls of Troy / Chapter 1 - Prologue

Break The Walls of Troy

🇵🇭jeng_pids
  • --
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 10.1k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - Prologue

"Saan ka pupunta?" tanong ni Aila, matalik kong kaibigan at ka-block ko. Kakatapos lang ng klase at nagmamadali akong mag-ayos ng gamit. Ala una y media na kasi ng hapon.

"Natanggap na kasi akong part timer sa hotel bilang housekeeper. Alas dos ang schedule ko doon kaya kailangan ko ng umalis," sagot ko atsaka tumayo bitbit ang bag.

"Teka, e 'di ba may trabaho ka rin sa gabi sa restaurant? Ano, walang pahinga Emerald?"

"Oo, Aila. Wala sa bokabularyo ng mahihirap ang pahinga, kailangang kumayod. Kailangan ko rin kasing mag-ipon para sa pampa-opera ni Tatay."

"Award sa'yo Emerald. Baka naman ikaw ang magkasakit niyan."

Hindi na 'ko sumagot at nginitian na lamang siya. Madali akong lumabas ng university at pumara ng jeep para tumungo sa hotel kung saan na-hire ako. Graduating na rin naman ako at last sem ko na ito sa kolehiyo sa awa ng Diyos. Na-survive ko ang apat na taon sa tulong na rin ng mahal kong tatay na nagta-trabaho bilang janitor sa isang pang-mayamang bar sa kabila ng kapansanan niya. Ipinanganak na pipi at bingi ang aking ama at bilang anak, gagawin ko ang lahat para sa kanya. Maaga akong naulila sa ina kaya si tatay tumayong ama at ina para sa akin.

Marami akong pangarap para sa aking ama at unang-una na nga dito ang pagpapa-opera ng kanyang mga tainga. Hindi biro ang gastos doon kaya kailangan kong mag-doble kayod. Magastos din kasi ang pag-aaral ko sa kolehiyo kahit na sa pampublikong unibersidad ako pumasok. Kaunting tiis na lang din naman at makakapagtapos na ako. Kapag nakahanap ako ng stable na trabaho, mas malaki ang maiipon ko. Para kay tatay na hindi naging alintana ang pagod at kapansanan niya para sa akin, ito ang dahilan para mas lalong magsumikap ako para siya naman ang mabigyan ko ng magandang buhay.

Apat na oras lamang ang pasok ko sa hotel at naging maganda naman ang unang araw ko. Masungit at nakakatakot ang manager namin pero okay lang. Hindi na ata mawawalan ng gano'n sa trabaho. Medyo nakakapagod dahil unang araw ko pa lamang ay sumabak na ako sa paglilinis ng mga kuwarto kahit na may naka-guide sa akin. Pagpatak ng alas sais ay madali akong nagpaalam sa mga bago kong kasamahan para naman pumunta sa isa ko pang raket. Simula alas siyete y media hanggang alas dose ay waitress naman ang ganap ko sa isang sikat at mamahaling restaurant. Magda-dalawang buwan pa lamang ako dito dahil nire-komenda ito sa akin ni Aila dahil nga maganda raw ang benepisyo kahit sa mga part timer lang kaya naman pinatulan ko na agad agad at inalisan ang dating trabaho na bukod sa delay lagi ang pasahod ay palagi pa akong inaapi ng mga kasamahan ko.

Ito ang araw-araw na routine sa buhay ko. College student sa umaga, raketera sa hapon at sa gabi, isama na rin natin ang weekends. Nakakapagod, oo, pero kung para sa pinakamamahal kong tatay, basic lang 'to.

Kakarating ko lang sa restaurant at alas siyete pa lamang ng gabi kaya dumiretso muna ako sa locker ko para magpalit ng uniporme at magsuot ng apron. Ilalapag ko na sana ang cellphone ko sa loob ng locker ng bigla itong mag-vibrate. Napangiti ako dahil si tatay ang nag-text.

From: Tatay kong mahal

Huwag mong kakalimutang kumain anak. Huwag masyado magpakapagod. Mahal kita.

Araw-araw ay hindi niya ako nakakaligtaang i-text gamit ang cellphone niyang de-pindot. Araw-araw niyang ipinapaalala sa akin ang pagkain ko sa tamang oras. Gano'n din naman ako sa kanya. Palagi ko ring ipinapaalala sa kanya na kapag inaway siya o inapi ng amo niya ay magsabi siya sa akin. Gusto ko na siyang umalis sa trabaho dahil ga-graduate na rin naman ako pero ayaw niya at gusto niya daw akong tulungan. Nakakapag-usap lang kami ni tatay though sign language, minsan naman ay nagsusulatan kami gamit ang mga pinaglumaan kong notebook. Hindi naging hadlang ang kapansanan ni tatay para iparamdam sa aking mahal niya ako.

Nakangiti akong tumipa sa reply button.

To: Tatay kong mahal

Opo. Ikaw din huwag papagutom. Ingat ka diyan tay. I love you.

"Emerald, kailangan ka na sa labas," sigaw ng isa sa mga kasamahan kong waitress sa labas kaya madali kong inilapag ang cellphone sa locker atsaka ito isinara.

"Oo, palabas na ako," sigaw ko pabalik.

Saglit akong naglagay ng make up dahil required ito. Ipinulupot ko rin ang mahaba kong buhok atsaka ito tinalian. Isinuot ko na ang apron ko matapos kong isuot ang 3 inches heels kong sandals atsaka huminga ng malalim at ngumiti bago lumabas.

Tapos na ang shift ko at nararamdaman ko na ang pagod. Gusto ko ng mahiga pero may kailangan pa 'kong tapusing homework pagdating sa bahay. Alas dose na at kakalabas ko lang ng restaurant. Inilabas ko ang libro ko pagkasakay ko ng bus para basahin ang lesson namin kanina . Naghanap ako ng mauupuan ngunit sa kasamaang palad ay walang bakante.

"Alas dose na bakit ang dami pa ring pasahero?" natanong ko na lamang sa sarili ko.

Tumayo ako at hinawak ang kanang kamay sa sandalan ng upuan habang ang kaliwang kamay ko ay may hawak na libro. Nagsimula ng umandar ang bus at humihigpit ang hawak ko sa tuwing pumi-preno ito dahil baka bigla na lamang akong gumulong papunta sa harapan.

"You can start without me, Drix. Anong gagawin ko? My car's tire was damaged and I forgot to bring the tools with me," rinig kong sabi ng lalake na nakaupo sa harap ko doon sa kausap niya sa kabilang linya.

"Ay, kabayo!" napasigaw ako ng biglang magpreno ang bus at kamuntikan na akong bumagsak pero napatingin ako sa biglang humawak sa aking braso. 'Yung lalakeng nakaupo sa harap ko. Napatitig ako sa kanyang mga mata at sa kamay niyang nakahawak sa akin. Ang suot niyang silver na relo ay mukhang mamahalin rin. Naka-denim siyang polo na nakatupi ang sleeves hanggang sa siko, bukas rin ang butones ng mga ito dahil may suot siyang puting t-shirt sa loob.

"Drix, I'll call you later," sabi nito atsaka isinuksok ang cellphone sa bulsa gamit ang free hand habang ang isang kamay ay nakahawak pa rin sa akin. "Miss?" kunot noong tanong niya. Natauhan ako at napaayos ng tayo. "You sit here, pababa na rin naman ako," aniya kaya awtomatiko akong napatango. Tumayo siya at ako ang pumalit sa upuan niya. Medyo nabigla pa ako sa pagtayo niya dahil ang tangkad niya.

"Thank you," nahihiyang sabi ko pero tipid niya lang akong nginitian. Sa ikalawang pagkakataon ay napatitig na naman ako sa kanya. Ang kanang kamay niya ay nakahawak sa railings bilang suporta habang ang isang kamay ay nakasuksok sa bulsa ng kanyang jeans. Panay din ang tingin niya sa labas ng bintana marahil ay inaalam niya kung nasaang lugar na siya. Halatang mayaman at hindi sanay mag-commute ang isang 'to.

"Are you done staring at me?" biglang tanong niya na siyang nakapagpakabog ng dibdib ko. Napatingin din ang iilang taong nakarinig no'n sa amin. Akala ko ay galit siya pero nginitian niya lang ako ng nakakaloko at kasabay no'n ay ang paghinto ng bus. Sasagot sana ako pero tumalikod na siya at nag-martsa patungo sa harap para bumaba.

"Okay lang 'yan ineng. Sa guwapo ng batang iyon kahit ako ay napatitig din," ani ng isang ale na nakaupo sa kabilang upuan.

Nginitian ko na lamang ang ale bilang pagsang-ayon. Para kasing nangungusap ang kanyang mga mata na kapag tinitigan mo ay para kang nahi-hypnotized. Napailing na lang ako at isinandal ang ulo sa bintana para makatulog dahil mahaba haba pa ang biyahe ko.

Usually ay alas tres na ang uwi ni Tatay galing trabaho kaya naman sigurado akong maaabutan ko siya dahil may tatapusin pa akong homework. Madalas kasi ay tulog na ako kapag dumarating siya.

Nagising ako ng biglang bumagsak ang ulo ko sa mesa. Nakatulog pala ako habang nakapangalumbaba at may hawak na ballpen sa kabilang kamay. Saglit akong nag-unat unat at nahikab 'tsaka ako tumayo para i-check ang kuwarto ni Tatay kung dumating na ito ngunit wala akong nadatnan. Malinis ang kanyang kuwarto at walang tao. Kung dumating man siya ay paniguradong magigising ako dahil sa tunog ng pagbukas ng pinto.

Madali kong kinuha ang cellphone para tingnan kung nag-text ito pero wala rin akong natanggap na kahit anong mensahe galing sa kanya.

To: Tatay kong mahal

'Tay, saan ka?

Ilang minuto akong naghintay pero wala pa rin akong natatanggap na reply. Sinubukan ko ring i-dial ang kanyang number pero walang sumasagot.

Dito na ako nag-umpisang kabahan. Hindi ugali ni tatay ang umalis ng hindi nagtetext o nagpapaalam man lang sa akin.

"Tay, please...sumagot ka naman," bulong ko sa sarili habang kinakagat ang kuko at naglalakad ako pabalik-balik.

Pinili kong maghintay pa muna ng ilang minuto. Isinara ko ang librong binabasa ko atsaka binuksan ang TV. Nagtimpla ako ng kape at hawak hawak ko ang tasa ng tumungo ako sa sala ngunit awtomatiko itong dumulas sa mga kamay ko ng makita at marinig kung ano ang ibinabalita sa TV.

"Dead on arrival ang biktima ng isugod ito sa hospital na nagtamo ng saksak sa tagiliran. Kinilala naman ang suspek na si Enrico Valenzuela, nagta-trabaho sa sikat na high end bar na pag-aari ng biktima bilang janitor. Sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya ang motibo ng krimen."

Hindi ako nakagalaw sa kinatatayuan ko. Kitang-kita ko ang tatay ko sa TV habang hinihigit ng mga pulis at may posas ang mga kamay.

Hindi. Paanong--

Hindi ito kayang gawin ng tatay ko.