Nakakabingi.
Sobrang nakakabingi ang kapaligiran habang nakatingin ako sa cottage kung saan kitang kita ko ang katawan ni Itay na naliligo sa sarili nitong dugo. Para akong idinala sa malayong malayong lugar na wala akong kakilala at alam sa nangyayari. Hindi ganito ang inaasahan kong mga mangyayari sa bakasyon namin. Hindi matanggap ng isip ko ang mga nakikita ko ngayon at tila naging sarado ang mga tenga ko sa mga gusto kong marinig sa paligid. Ang tanging pinakagusto kong mangyari lang ngayon ay ang tumayo si Itay at bumalik sa normal.
Hindi ganito...
Hindi ganitong nakikita kong umiiyak si Inay at si Rochelle. Halos mahimatay na si Inay kakasigaw ng pangalan ni Itay habang ako nandito pa rin sa may dalampasigan, nakatayo at halos hindi ko na maihakbang ang mga paa ko. Ang tanging nagawa ko na lamang ay ang mapapikit at mapaluhod habang humihiling sa maykapal na gisingin niya ako sa napakasamang bangungot na ito.
Hindi ko kaya...
Itay....
"Irene!" Sigaw ng isang tao sa paligid ngunit ayoko pa ring buksan ang mga mata ko.
"Irene." Isang sampal ang nagpabalik sa akin sa reyalidad.
"Irene... Kailangan ka ng pamilya mo."
Ang lumuluhang mga mata ni Sienna ang sumalubong sa akin pagdilat ko ng mga mata at siya na rin ang nagtayo sa akin. Inilibot ko ang paningin ko at nakita kong nagkakagulo ang lahat, sa paglilibot ng mga mata ko ay nahagip ng mga ito si Marcus at si Tita Janeth na nakasunod sa stretcher na sakay si Tito Miguel.
Umiiyak na si Tita at namumula na rin ang mga mata ni Marcus habang nakahawak ito sa mga kamay ni Tito. Umiwas ako ng tingin, sobrang sakit ang mga nangyayari ngayon na halos makalimutan ko na ang nangyari sa amin ni Marcus kani-kanina lang.
Kanina lang ay sobrang saya namin, kanina lang puro tawanan namin ang naririnig ko pero halos mabingi ako sa katahimikan ngayon at parang dinudurog ang puso ko sa mga iyak nila Inay. Kailangan nila ako!
"S-Si I-Itay..." Tila wala sa sarili kong sabi kay Sienna at mas lalo siyang napaiyak ng magsalita ako. Maski ako ay hindi ko na makilala ang sarili ko dahil sa basag kong boses nang magsalita ako.
"R-Ramon! P-parang awa mo na, bumangon ka riyan!"
Halos makalimutan ko nang nasa harap ko pala si Sienna nang iwan ko siya upang tumakbo papunta sa pwesto ni Inay. Si Rochelle na halos atakihin na ng asthma kakaiyak sa tabi ni Inay habang hawak hawak niya ang kamay ni Itay. Nang makalapit ako ay mabilis kong niyakap si Inay patalikod. Hindi ko matanggap—mali ayaw kong tanggapin ang mga nakikita ko ngayon. Lord, parang awa mo ibalik mo na ang Itay ko.
Katulad kanina, ang tanging pag iyak lang ni Inay ang naririnig namin. Halos mapuno ng mga security guards at mga sundalo ang buong hospital. dahil sa nangyari kila Itay marahil ay binabantayan ang pamilyang King. Isa lang ang pinaghihinilaan ng mga imbestigador kanina nang mag report sila kay Marcus, foul play daw at maaaring kalaban raw ni Tito sa politika ang may kagagawan nito.
Nang marinig ko iyon ay gusto kong magwala at patayin ang gumawa nito kila Itay. Bakit kailangan pang madamay ang tatay ko na walang ibang ginawa kundi gumawa ng mabuti? Bakit ang Itay ko pa? Nang mapatingin ako sa lagay ni Inay ay gusto ko nang maluha, pero ang tanging nagawa ko na lamang ay ang lunukin ang tilang nakabarang bato sa lalamunan ko, dahil kailangan kong magpakatatag para sa pamilya ko.
Patuloy pa rin ang pagbigkas ni Inay sa pangalan ni Itay habang lumuluha at ang pag iyak ni Rochele sa tabi ko. Sila Landon ay nandito pa rin, halos lahat sila ay tulala habang karga karga ni Xander si Ivy na nakatulog na dahil sa pangyayari. Ang huli kong kita kay Marcus ay kausap niya ang mga imbestigador ngunit kinailangan nilang umalis dahil confidential. Habang si Tita naman ay naka confine rin dahil makakasama sa kondisyon niya ang mga nangyayari ngayon lalo na at buntis siya.
Nang makabalik si Marcus ay siya naman ang labas ng mga doctor na umasikaso kila Itay. Halos madapa na si Inay upang makalapit sa doctor na agad ko namang sinundan.
"Who's the relative of Bernardo?" Anunsyo ng doctor na umasikaso kay Itay. Mabilis itong dinaluhan ni Inay.
"Doc! Ayos lang asawa ko diba? Magaling na siya diba?" Kinailangan ko pang yakapin si Inay dahil sunod sunod ang tanong niya sa Doctor ngunit halos mapasabay na rin ako sa pagtumba ni Inay nang umiling ito.
"I'll be honest with you. Your husband is very critical. Hindi lang likod nito ang natamaan ng bala kundi pati ang ulo nito. Ayoko man sabihin pero kailangan, makina na lang ang bumubuhay sa kanya."
"D-Doc, b-baka pwede p-pa naman operahan si I-Itay... M-magbabayad kami, Doc! Mahirap lang kami pero hindi namin tatakbuhan ang hospital. Pagalingin niyo po—"
Hindi ko na napigilang mapiyok dahil sa pakikiusap ko sa doctor na kaharap ko, handa kong gawin ang lahat pagilingin lang nila si Itay. Mabilis kong pinunasan ang mga luha ko upang pigilan iyon sa paglandas dahil kailangan kong maging matatag para sa mga kapatid ko at kay Inay. Hindi ko kailangan maging mahina sa harap nila, sino na lang pagkakapitan nila ngayon kung pati ako ay magiging mahina?
"I'm so sorry but you have to be ready." Isang tapik lang ang iginawad sa akin ni Doc nang mapayuko ako dahil sa sinabi niya.
Pagkaalis ni Doc ay siya naman ang yakap sa akin ni Sab dahilan upang mapatingin ako sa gawi ni Marcus na nakaupo na sa sahig habang papalayo na ang doctor na kausap niya. Marahil parehas kami ay hindi rin maganda ang balita sa kanya ng doctor. Bakas ang galit sa mukha ni Marcus pero mas nangingibabaw ang sakit sa mga mata niya. Nang makita kong napahagulgol na ito ay ibinaon ko na ang mukha ko sa leeg ni Sab pero hindi para umiyak, kundi para hindi ko makita si Marcus na nasasaktan dahil mas lalo lamang akong manghihina.
Pangalawang araw na namin sa hospital at ganoon pa rin at walang pinagbago ang kalagayan ni Itay, nailipat na namin siya ng kwarto na siyang kagustuhan ni Tita Janeth. Magkatabi lamang ang kwarto nila Itay at Tito pero halos hindi kami na kami magkita ni Marcus dahil mas madalas siyang nasa opisina nila at ang tanging gumagabay lamang sakanya ay ang attorney ng pamilyang King ayon kay Tit.
Sa tuwing nagkakasalubong kami ay tunguan na lamang ang naging way communication namin dahil sa nangyayari. Habang siya ay papasok ng ospital habang ako naman ay pauwi ng bahay upang asikasuhin ang mga kapatid ko.
Masyado kaming subsob sa responsibilidad upang pagtuonan pa ng pansin ang mga damdamin namin. Nakakatawa dahil dapat ligawan ang nangyayari sa amin ngayon, yet heto kami nakikipag patintero sa mga problema.
Sa pangatlong araw namin sa hospital ay bumisita si Tita Janeth sa kwarto upang kamustahin si Inay, halata sa mukha ni Tita na pagod na pagod na siya dahil sa pamumugto ng mga mata nito. Tumayo ako upang ipagtimpla sila ng kape sa may lamesa na katabi lamang ng pinto. Nahagip pa ng mga mata ko sa may salamin ng pinto si Marcus na tulala habang nakatingin sa payapang natutulog na Itay.
Doctors call him brain dead dahil sa lagay ni Itay pero hinding hindi ko tatawagin na ganoon si Itay dahil naniniwala akong mabubuhay siya at babalik siya sa amin, nang malipat ang mga mata nito sa akin ay mabilis niyang iniwas ang mga mata sa akin at naglakad na palayo. Mabilis akong lumabas upang sana kausapin siya upang kamustahin dahil tutal naman ay may kasama si Inay pero pagkalabas ko ay wala na ito sa hallway. Nagkibit balikat ako.
"Sino iyan, anak?" Tanong ni Inay na siya nang nagtuloy sa pagtimpla ng kape na dapat ay gagawin ko.
"Ah wala, Inay. May dumaan lang na nurse."
Third day. Ganoon pa rin halos doon na kami tumira ni Inay sa kwarto ni Itay dahil ayaw na umuwi ni Inay sa bahay kaya naman si Siena na muna ang tumitingin sa mga bata. Nandito kami ngayon sa cafeteria kasama sila Sab habang sila Landon at Xander ay nasa kwarto ni Tito, sinasamahan si Marcus.
Mabuti nang nandiyan sila upang kahit papaano ay may masasandalan siya. Nang mapatingin ako sa mga babaeng nasa harap ko, mababakas sa mga mukha nila ang awa dahil kapag napapatingin sila sa akin ay naluluha sila.
"Napapano kayo? Bakit kayo ang umiiyak, imbis na ako?" Tanong ko sabay tawa ng mahina.
"Tangina. N-Nakakain kapa ba?" Unang nakabawi si Sienna at hinawakan ang kamay ko.
"Oo naman! Ako pa ba?" Kunwaring masayang sabi ko.
Saka ko nga lang pala naalala na wala pa pala akong kain magmula kanina dahil inisikaso ko ang mga ilang gamit sa bahay na pwedeng ibenta para ipandagdag sa mga bayaran sa hospital, dahil ayaw ko naman na iasa lahat kila Marcus ang gastusin sa sa hospital at isa pa ay nauubos na ang naipon ni Inay sa araw araw na gastusin sa bahay at hospital, habang ang sobra sa pinagbentahan kanina ay ipinambayad ko na ng tuition fee ni Rochele para sa taong ito. Isang taon na lang din ay graduating na siya sa high school.
"Liar! Tita told me na hindi mo pa raw ginagalaw ang baon niyo kanina. Do you want anything? I'll get it for you." Sabay singhot niya sa sipon niya dahil sa kakaiyak. Napatawa tuloy ako dahil sakanya.
"Kumain kana, gaga ka. Paano nalang ang mga kapatid mo at si Tita kung pati ikaw ay magkakasakit." Sermon sa akin ni Sienna. Wala na akong nagawa ng tumayo si Sab upang bumili ng makakain. Nakasalubong niya pa si Landon, marahil bibili rin ng pagkain dahil hawak hawak nito ang card niya.
"Kamusta kayo, girl? Huli kong kita sa inyo sa may dagat pa." Tanong ni Sienna sa akin. Mabilis kong natukoy ang sinasabi niya kaya naman mabilis akong napaiwas ng tingin.
"Hindi ko na rin alam. Ang huli niyang sabi sa akin ay g-gusto niya raw ako. L-Ligawan niya raw ako." Pag amin ko dahil yun naman ang totoo. Wala akong nakuhang response kay Sienna nang sabihin ko ang totoo.
"Ready ka na ba? I mean, kapag natapos ang lahat ng ito? Kaya mo na ba?" Sienna asked.
Napayuko dahil sa mga tanong niya dahil kung noon ay siguradong sigurado ako sa mga sagot ko. Ngayon ay wala akong halos maisagot. Ang dali dali lang naman ng mga tanong kung tutuusin at kung gugustuhin kong sumaya ay madali rin, pero hindi kinakaya ng konsensya ko at ang isip ko na maging masaya at pagtuonan ng pansin ang nararamdaman ko kay Marcus sa nangyayari sa pamilya namin. Nang iangat ko ang mukha ko ay isang ngiti lang ang isinagot ko at alam ko na ang gagawin ko.
Fifth day. Itay had seizures. Ang sabi ng doctor ay normal lang naman daw iyon na mangyari sa may BTI o brain traumatic injury na katulad ng nangyari kay Itay, pero pangatlo na niyang seizures sa araw na ito at nang tanungin ko si Doc. kung ano ang nangyayari kay Itay ay sinabi niyang mas mainam daw na makausap niya si Inay, dahilan kung bakit wala ngayon si Inay dahil mag uusap raw sila ni Doc. Nagkibit balikat ako marahil may idadagdag na gamot kay Itay o papalitan dahil halos araw araw naman ay ganoon ang nangyayari.
Nang makumutan ko na si Itay ay napangiti ako dahil ang aliwalas ng mukha ni Itay na animoy hindi nababakasan ng sakit. Pinunasan ko ang pisngi niya upang malinisan.
"N-Namimiss na kita Itay, namimiss ko na po ang tawa niyo tsaka po yung non-stop na sermon niyo sa tuwing nagagabi ako ng uwi dahil sa part t-time—" Kasabay ng pagpiyok ko ay mabilis kong pinunasan ang luhang kumawala dahil sa bigat na nararamdaman ko ngayon.
Ang dami dami kong gustong sabihin pero walang gustong lumabas. Tumungin muna ako sa kisame at huminga ng malalim upang pigilan ang mga nagbabadyang luha, ayokong makikita ni Itay na umiiyak ako sakaling magising siya.
"N-Namiss na kayo ni Inay. Diba sabi mo ayaw mo siyang nakikitang umiyak? Tayo kana Itay, malapit na sumuko si Inay. Miss ka na ni Rochelle at ang bunso mo." Mahinang sabi ko habang hawak hawak ko ang kamay niya at sakto naman na bumukas ang pinto at pumasok si Inay.
Tumayo na ako upang mag sapatos para bumili ng pagkain sa labas dahil mag hahapunan na pala.
"Inay, baba lang po ako upang bumili ng pagkain. Ano ho ang gusto—" Halos matumba na kami ni Inay nang bigla niya akong yakapin at magsimula siyang umiyak. Hinagod ko na lamang ang likod niya upang kahit papaano ay mahimasmasan siya.
"May bago na naman bang reseta, Nay? Asan na ho, para maisabay ko na pong bilhin." Tanong ko at pilit na hindi pinapansin ang sakit sa bawat iyak ni Inay nang wala akong makuhang sagot kinagatan ko ang ibabang labi ko upang hindi ako mapahikbi.
Hindi ngayon, kailangan ako ni Inay.
"S-sunduin mo na ang mga kapatid mo, anak."
-------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------