Ngunit nanatiling nakatikum ang bibig ni Amihan. Alam niyang maililigtas siya ni Dakila. Wala siyang pagdududa sa kapangyarihan nito, araw-araw niya itong nakikitang nagninilay sa kanilang bakuran at nakita niya na rin ang iba't ibang kababalaghang nailalabas nito tuwing pinagmamasdan niya ito.
"Ginoo! Kay ganda po ng inyong anak, maaari ko po bang hiramin? Maglalaro lang kami sandali." ani Dakila dala-dala ang kaniyang hindi matatanggihang ekspresyon. At alam niyang siya'y nagmumukha nang tanga sa harapan ng karamihan.
Siya'y tiningnan ng kalaban nang nakatulala.
Naramdaman nalang ni Amihan na may baging na pumupulupot sa kaniyang baywang. Ito ang mga baging ng Ginintuang Matayog na Baino ni Dakila. Hinila siya nito hanggang sa nasa gawi na siya ni Dakila.
Ngiti ng pagkaluwag ang ibinungad ni Dakila nang nasa kiliran na nito si Amihan.
"Salamat po sa iyong kabutihan Ginoo." ani Dakila sa kalabang nakatulala.
Hindi man napansin ngunit nag-iba ang kulay ng mga mata ni Dakila noong nakaraang minuto. Kumulay puti ang kaniyang mga mata at ginamitan niya ito ng kaniyang isa sa mga kakayahan na 'Matang Panlinlang'. Kung saan pansamantalang umaalis sa katawan ng tao ang kaniyang diwa kaya hindi nito maigagalaw ang sariling katawan. Ngunit aabot lamang ito ng tatlong minuto.
Nang nagtagumpay si Dakila ay agaran na siyang umalis at lumayo bago pa man tumigil ang kaniyang Matang Panlinlang sa kalaban.
Maging ang mga taong nasa malapit ay kitang-kita ang ginawa ng batang lalake kaya sila din ay nakatulala hindi dahil sa kaniyang Matang Panlinlang ngunit dahil sa pagkamangha.
Sinong mag-aakalang ang isang batang hindi pa umabot ng labindalawang taong gulang ay kayang linlangin ang isang karimlang manlilinang.
Kadalasan sa mga karimlang manlilinang ay mga makapangyarihan sapagkat dahil sa kanilang masamang kalikasan ay binibigyan sila ng karimlang kakayahan kung saan kaya nilang pumatay ng tao sa isang iglap lamang.
"Ano sa tingin mo ang hinahawakan mo?" kunot noong tanong ni Amihan.
Tumaas naman ang dalawang kilay ni Dakila. Ngunit kaniyang napagtanto na ang kaniyang kamay ay kasalukuyang nakagapos sa baywang ng babae.
"Aaa, paumanhin." agad na aniya at binawi ang kamay.
"Ang galing mo kanina!" tili ni Amihan kaya nanlaki ang mga mata ni Dakila sa pagkabigla.
"Tulad ng inaasahan sa isang Makapangyarihang Agila, ang hirap mo paring talunin, ngunit hindi ibig sabihin do'n ay hindi na kita kayang talunin. Sa ngayon, alam kong nahihirapan ka ding talunin ako. Darating din ang panahong iyon." Ani Matandang Anino.
Hindi na magandang tingnan ang kanilang mga hitsura. Maraming galos ang natamo nila sa isa't isa at dumudugo pa ang mga labi.
Kung sila'y ikukumpara sa isa't isa ay hindi mo masasabi kung sino ang mas lamang.
"Sa tingin ko, dumating ako sa maling pagkakataon. Balang araw, nawa'y magkikita din tayong muli at sa panahong iyon ay muli tayong maglalaban." Dagdag nito at ibinaling ang tingin sa datu, "Bantayan mong mabuti ang aking anak, hmm!" Huling anito at sa isang iglap lamang ay naglaho ito kasama ang kaniyang mga kasamahan at hindi nag-iwan ng kahit maliit na bakas.
Nakaramdam ng ginhawa ang mga tao.
Bumuntong hininga si Lakanbanoy at lumapit kina Dakila at Amihan. Nakita niya ang ginawa ni Dakila na kaniyang ikinatuwa.
Sa edad nito ay mayroon na itong pambihirang katapangan at dakilang pag-iisip. At nagpapasalamat si Lakanbanoy sa dito.
"Walang anuman po Lakanbanoy, responsibilidad ko lamang po si Amihan."
"Nagpapasalamat ako sa Lakan. Kung maaari sana ay iimbitahan ko ang Lakan na dumalo at ako'y maghahanda ng piging-pasalamat sa karangalang bisita," ani datu.
"Salamat sa kabutihan datu ngunit nandito lamang ako dahil sa aking anak. Hindi ko inaasahang may gagawa ng gulo sa kaniyang mahalagang kaarawan."
"S-siya…" humarap ang datu kay Amihan. "Maligayang kaarawan munting binibini." Bati nito, "Patawarin ako nawa sa aking paggambala sa araw kapanganakan ng tagapagmana ng Punong Manansala."
Ngumiti lamang si Amihan at tumango-tango.
"Hanggang dito lamang ako datu, aalis na kami. Paalam," ani Lakanbanoy at kinuha si Amihan at kinarga ito.
Dumating na ang bukang-liwayway at natapos na ang gabi. Inabot sila nang magdamag sa kalye ng Lungsod ng Nanna.
Nagtapos ang gabi at sinundan ng liwanag, isang panibagong araw na naman.
Kumalat ang balitang iyon sa buong lupalop, samakatuwid ay hindi na nanatiling lihim na dito pansamantalang nandarayuhan ang pinuno ng angkang Manansala.
Maraming pagbabago ang naganap sa kanilang basaysay. May bagong umupa na sa ikatlong bahay at nagkataong pareho lamang ang kanilang pakay kung bakit sila pumarito.
Ang magpatala sa isang akademya para sa kanilang mga anak.
Masasabi lamang na ang akademyang iyon ay kilala hindi lamang sa lupalop ng Nanna kundi sa buong mundo.
Isa sa mga binansagang tanyag na lupalop ang Nanna dahil sa isang akademya nito. Halos lahat ng mga matagumpayng manlilinang sa buong mundo ay nanggaling at nagtapos sa akademya.
Taon-taon ay napupuno ng mga tao ang Lungsod dahil nais nilang ipatala ang kanilang anak dito.
Hindi ito basta-basta sapagkat mga may likas na talento lamang ang kanilang tinatanggap. Sabi nga ng kanilang salawikain, 'Walang bayani ang hindi nagmula sa isang halimaw.'
Maging ang pinuno ng Manansala ay nanggaling sa akademyang ito. Kaya sulit ang kanilang pangibang-lupalop kung kabutihan naman ang dala ng karma.
Lumipas ang dalawang taon na pinaka-hinihintay ng karamihan.
Ang pagpapatala ng akademya ay nangyayari lamang tuwing limang taon, at tumatanggap lamang ng mga mag-aaral na nasa labinlimang taon at pababa.
Maraming mga may nais na magpatala ngunit kinokontra ng tadhana. Dahil may mga nasa labinlimang taon pababa ngunit pakiramdam nila ay hindi pa sila matatanggap pagka't hindi ito tumatanggap ng mga batang may kapangyarihang pangkaraniwan lamang, at dahil isang beses lamang dapat magpatala ang patakaran dito.
Kaya ang nangyari ay hindi na sila naaabutan ng limang taon sapagka't sila'y lumagpas na sa kanilang gulang. Sa gayon ay kadalasan sa mga nagpapatala ay mga nasa labinlima o di kaya labing-apat na taong gulang at bihira lamang makikita ang mga labintatlo pababa.
"Nay, tama na po iyan. Hindi naman po ako habang buhay doon sa akademya titira. At saka hindi pa naman sigurado kung ako ba'y matatanggap o hindi." Ani Dakila kay Amalia na kasalukuyang hinahanda ang kaniyang mga gamit.
"Anak, may tiwala kami ng tatay mo sa iyo. Tinitiyak ko lang at baka may makakalimutan ka, wala pa naman kami doon upang suportahan ka sa iyong mga kakailanganin."
"Basta lagi mong tatandaan Dakila, huwag masyadong ipalabas ang iyong kakayahan maliban kung kinakailangan. Hmm?" ani Bagwis at tumango naman si Dakila.
Sa wakas, ito na ang araw ng pagpapatala ng akademya. Kagalakan at kaba ang nararamdaman ng mga kabataan.
Ang unang araw ng pagpapatala ay nagsisimula na.
"Dakila!… tapos ka na ba? Nasa kalesa na si Brando."
Si Brando Saplala ang kanilang bagong kapitbahay dalawang taon na ang nakalipas at ito'y isa na rin sa malalapit nilang kaibigan.
Nagmamadali na si Dakila sa paghahanda at nang matapos ay yumakap siya sa kaniyang nanay at tatay.
Kung sakali mang siya ay matanggap ay hindi niya alam kung kailan sila muling magkikita ng kaniyang mga magulang.
"Mag-ingat ka anak."
Pinagmasdan ng mag-asawang Agbulos ang kanilang papaalis na anak. Labindalawang taon na ito. Hindi maiwasan ni Mahalia na mapaluha.
Anim na taon itong siya'y kanilang kinupkop at anim na taon na din itong nasa kanilang patnubay. Malungkot lang isiping kakaunting taon lamang nila itong nakasama at aalis na naman ito sa kanila.
Hindi maipagkakailang naging totoong anak na ito sa kanilang pagkahabag.
"Ang tagal mo, akala ko isasama mo na buong bahay 'nyo." biro ni Amihan.
Sa loob ng dalawang taon ay malaki na naman ang ipinagbago ni Amihan. Dalagang dalaga na ito sa kaniyang hitsura. Walang alinlangang lumaki itong may makahali-halina na hitsura. Ang kaniyang dating nasa baywang na buhok ay umabot na hanggang paa at kulang nalang sasayad na ito sa lupa. Tila ba'y isang diwata.
Sa kabilang banda naman ay isang binatang makisig. Kaniya nang naabot ang hinihiling na tangkad ng kaniyang ama. Labindalawang taon pa lamang ito ngunit nasa tangkad na ito ng 170 sentimetro. Kasama ding humahaba ang kaniyang maitim na buhok hanggang siko.
Kung hindi lamang sa kaniyang malapad na mga balikat ay hindi mo mawaring siya ba'y isang lalaki o babae.
Ngunit sa pangkalahatang hugis ay hindi maitatangging may hitsura itong maipagmamayabang.
"Woah, Dakila, hindi mo naman kailangang ipagmayabang sa amin na malaki ang tiwala mo sa iyong sarili." ani Brando.
Apat na pirasong pasiking ang dala-dala ni Dakila kaya napagkamalan siyang tiwalang tiwala sa sarili na matanggap kaagad sa akademya.
"Sarili mo ang problemahin mo, hmp! Malaki din naman tiwala ko kay Dakila." laban ni Amihan.
Napa-iling nalang si Dakila at sumakay na din sa kalesa. Malaki ang kalesa at tatlong kabayo ang nagmamaneho kaya kasyang-kasya silang tatlo sa loob kasama ang kanilang mga pasiking.
Ano pa ang inaasahan mo sa kayamanan ng angkang Manansala. Sa kanila itong kalesa at si Lakanbanoy na ang nagsabi na salo na niya lahat ng gastosin ng mga bata, kaya labis ang pasasalamat ng mga magulang ni Dakila at ni Brando.
Masasabing, itinuturing na nilang pamilya ang isa't isa.
"Kung sakali mang mayroong hindi matatanggap sa atin, mananatili parin tayong magkakaibigan. Nagkaintindihan ba tayo?" ani Amihan sa dalawang kasama.
"Sisiguraduhin kong matatanggap tayong lahat." kalmado ngunit desididong saad ni Dakila.
Sa loob ng maraming taon nilang pagsasama-sama. Alam nilang lalaki sa kaniyang salita si Dakila, at wala pa siyang sinasabi na hindi nagkakatotoo.
Kaya lumuwag ang kanilang pakiramdaman sa sinabi niya.
Dito na magsisimula ang totoong paglalakbay ni Dakila. Nawa'y sa pamamagitan nito ay kaniyang makamtan ang kaniyang layunin sa buhay.
Hinding hindi niya ito makakalimutan.