Yung mukhang nagsasabi ng—*Abalahin mo na ako kapag gusto mo nang mamatay.*
Binuksan ni Dakila ang silid at nanatiling nasa labas. Tanda na ito'y pinapauna niyang pumasok.
Umismid ang lalaki sa kaniyang ginawa at pumasok ng walang pag alinlangan.
Tumaas naman ang isang sulok ng labi ni Dakila. Tulad ng kaniyang ninais. Ito'y hindi maingay at nangyayamot. Madaling kausap.
Pumasok na din si Dakila.
Walang salitang lumabas sa kanilang mga bibig at tanging ingay lamang ng mga kagamitan na kanilang nahahawakan ang maririnig.
Inayos ni Dakila ang kaniyang mga gamit. Tama lang ang laki ng silid, hindi masyadong malawak para sa dalawang tao at hindi rin masyadong maliit.
Hindi mapigilang mapalingon ang lalaki sa kaniyang gawi. Ang dami niyang dinadala, kulang nalang ay dalhin na rin niya ang buong bahay. Ngunit iniwas kaagad nito ang tingin sa kaniya bago pa man niya ito mapansin
Si Dakila na naman ang napatingin dito. *Talaga bang matutulog lang ito?*
Kasalukuyan itong nakahiga sa kama nito habang ang magkabilang kamay ay nasa uluhan at ang mga mata'y nakapikit. Hindi man lang nito inayos ang dalang kagamitan.
Isinawalang bahala lamang ito ni Dakila at nagpatuloy na sa kaniyang ginagawa.
-
Nagising si Dakila sa tunog ng ibon malapit sa kaniyang durungawan. Tumama sa kaniya ang sikat ng araw kaya siya'y napaugong.
Umaga na, at ngayon ang unang araw ng kanilang klase. Hindi niya napigilang mapabangon dahil sa pagkasabik. Sa paanuman ay masaya siya sa kaniyang ginagawa.
Siya'y tumingin sa kaniyang kasalungat na higaan at nakita niyang mahimbing pa ang tulog ng kaniyang kasama.
Pumasok na siya sa paliguan at nilinisan ang sarili at pagkatapos ay nag-ayos. Napatingin siya sa damit na nakasabit sa kanilang aparador.
Kulay-abo ang pagkalahatang kulay nito. Ang tubong ay karimlang-abo ang kulay, mahaba ang manggas nito at sa dulo nito ay karimlang-abo rin ang kulay. Ang panlabas na tela ay gawa sa hibla ng pinya kaya may pagkakinang ito. Ang pang-ibaba naman ay karaniwang pantalon lamang sa magkatulad na kulay. Ito ang kanilang uniporme
Apat na piraso ito sa magkatulad na sukat kaya naisip kaagad ni Dakila na tigdadalawa sila. Magkatulad lang din naman sila ng pangangatawan kaya hindi na sila kailangang pumili pa.
Sa katabi ng uniporme ay may dalawang pananda ng pangalan na yari sa bakal. Na sa kaniyang palagay ay hindi ordinaryong bakal.
*Seryoso, gaano kayaman ang Damaraka?*
Napagtanto ni Dakila na mayroon nang pangalan nila na nakasulat dito. Hindi na siya nagtaka kung paano nila iyon nagawa ni hindi sila nito tinanong kung ano ang kanilang mga pangalan.
Ito ang Dambuhalang Marahuyo Akademya, hindi na kataka-taka.
*Akilino Hinagpis*
Basa ni Dakila sa isang pangalan. Ito ang pangalan ng kaniyang kasama. Bagay na bagay ang pangalan nito sa kaniya, walang duda.
Inayos ito ulit ni Dakila at sinuot na ang kaniyang uniporme.
May kumatok sa labas kaya binuksan ito ni Dakila. Mayroon itong ibinigay na tela na may nakasulat. Nagpasalamat muna siya bago ito muling isinara. Tiningnan niya ang mga nakasulat.
Siya'y tinuruan ng kaniyang mga magulang kung paano mag-basa kaya naiintindihan niya ang mga nakasulat dito.
Bumalik ang kaniyang tingin sa lalaking hanggang ngayon ay tulog na tulog parin.
Napaismid na lamang si Dakila, hindi na niya ito suliranin.
Ang nakasulat sa tela ay ang kanilang talakdaan. Sa kadahilanang iisa lang sila ng silid ay magkatulad sila ng papasukan.
Iniwan na lamang ito ni Dakila sa mesa na nasa kanilang pagitan, upang mapansin ito kaagad.
Pinagmasdan ni Dakila ang kaniyang sarili sa salamin. Masasabi niyang matikas at magara ang mga patakaran ng Damaraka. Pati ang kanilang uniporme ay kuhang-kuha. Siya'y nagmumukhang maharlika dahil dito.
Umalis na si Dakila at tumungo sa kung saan ang gusali ng mga bagitong estudyante. Pagkalabas pa lamang niya sa kanilang Kamara ay pinagtitinginan na siya kaagad ng ibang mga estudyante.
Kaniyang napansin na iilan lamang sa mga estudyanteng namalagi sa Melokoton ay kagaya niya na isang bagito. Karamihan sa nandito ay kaniyang mga sinyor.
Sumilip si Dakila sa pambabaeng seksyon at hinanap si Amihan. Ngunit sabi ng isa sa kasamahan nito ay nauna na daw ito.
"Sinyor, maaari po bang magtanong kung saan ang gusali ng mga nobatos?" Kaniyang tanong sa isang ginoong sinyor na babae na sa palagay niya ay mga nasa labing-walong taon na.
Ngumiti ito ng magiliw sa kaniya, "Sundan mo lamang itong aking paruparo maliit na kapatid." Anito at may itinanghal gamit ang mga kamay at sa isang iglap lang ay may lumitaw na maliit na kumikinang na paruparo.
Manghang pinagmasdan ito ni Dakila. Marahil ay ito ang kaniyang pangalawang diwa. Nakikita niya ito dati sa Lupain ng Kalikasan ngunit hindi niya alam na mayroon din pala ito sa labas ng Lupain.
"Maraming salamat sinyor." pagpasalamat niya at bahagyang yumuko.
-
"Dakila!" sigaw ni Amihan at Brando nang siya'y dumating.
Napatingin naman ang ibang bagitong estudyante dahil sa kanilang malakas na pagtili. Tila ba'y ngayon lamang sila nagkikita-kita sampong taon na ang nakalipas.
Wala pang guro ang pumasok kaya gulong gulo ang silid-aralan nang pumasok si Dakila.
"Magandang umaga."
Isang malalim na boses ang biglang nagsalita kaya lahat ng tingin ay napunta dito. Ngunit para silang binuhusan ng malamig na tubig.
Dagliang nag-ayos ang mga bagito at umupo sa upuan na tila ba'y walang nangyari.
Ang kalikasan nito ay dominante at nagbibigay ng mabigat na pakiramdam sa mga bagitong nandito.
"Silid-basurahan ba itong aking napasukan o silid-aralan?" anito sa mahigpit na boses.
Ngunit nanatiling walang salita ang lumabas sa kanilang mga bibig.
"Baka silid-aralan," sagot ng kung sino.
Bumaling ang lahat ng tingin sa kakapasok na estudyante.
Ginugulo nito ang buhok at umupo sa bakanteng upuan, hindi pinapansin ang ibang nakatingin.
Nanatiling mabalasik ang mukha ng guro, hindi natitinag sa kakarating lang na si Akilino.
"Maaari 'nyo akong tawaging Ramil, ako ang inyong magiging guro sa ika-unang baitang. At iisa lamang ang aking panuntunan." Huminto ito sa pagsasalita na nagpapadagdag sa mabigat na atmospera.
"Tumalima." Dagdag nito habang dinidiin ang bawat pantig.
"Ipinanganak tayo ng pantay-pantay, walang lumabas sa sinapupunan na batang nakadamit na ng magara. Samakatuwid, walang maharlika at walang anak-dukha akong kinikilala, lahat kayo na nandito sa Damaraka ay magkatumbas lamang. Naiintindihan ba ako?"
"Opo!" Agarang sagot ng mga estudyante.
"Sa gayon, Akilino Hinagpis. Labas!"
Nanlaki ang mga mata ng estudyante at napatingin sa lalaking huli na dumating. Kumunot naman ang noo ni Akilino nang narinig nito ang sariling pangalan.
"Po?" matamlay nitong tanong ngunit halata sa boses nito ang pagka-irita.
"Ang sabi ko, lumabas ka ngayon din kung ayaw mong ako pa ang tumapon sa iyo palabas."
"Gaya ng sinabi mo," sa hindi inaasahan ng karamihan ay tumayo si Akilino. "Nagtatanong lang po ako, wala naman talaga akong nais na pumasok, paalam," huli nitong wika at lumabas.
Napabuntong hininga nalang si Dakila sa nasaksihan. Hindi niya rin inaasahang wala itong tinatakutan.
"Sino pang gustong sumunod?"
Dumaan ang mga ilang segundo at walang ni isang kumilos o nagsalita.
"Ang mga ganoong uri ng tao ay hindi dapat inaabala. Siya'y tinulungan ko lamang sa kaniyang nais. Ang mga batang ipinanganak ng aksidente ay hindi namumuhay ng matiwasay. Wala tayong ibang sisihin kundi ang mga taong nagsilang sa kanila," kalmadong anito.
Mayroong nagulat sa sinabi ng kanilang guro ngunit karamihan ay hindi naiintindihan ang sinabi.
Tumaas ang isang sulok ng labi ni Dakila, tila ba'y may nalalaman.
"Magsisimula na tayo," may isinulat si ginoong Ramil sa payak na pisarang gawa sa kahoy.
*Pangalawang Diwa*
"Natitiyak kong narinig 'nyo na ang salitang ito o mahigit, alam 'nyo na ang kahulugan nito. May dalawang diwa ang isang taong manlilinang, isa ay ang diwa ng ating pagkatao. Ito ang dahilan kung bakit tayo umiiral ngayon at kung bakit tayo nakakapag-isip at nakakagawa ng mga bagay-bagay.
Ang pangalawa ay ang diwa na nagbibigay sa atin ng kakayahan. Pili lamang ang mga taong pinagpalang may pangalawang diwa kaya labis nating pasasalamatan ang ating mga ninuno dahil binibigyan nila tayo ng pagkakataong maging manlilinang.
May iba't ibang uri ng pangalawang diwa. Mayroong hayop na uri, sandatang-uri, materyang-uri, halamang-uri, bahagi ng katawang-uri at maging espirituwal na uri. Hindi ko ito lahat maibabahagi sa inyo ngunit maliliwanagan lamang kayo sa pagdating ng panahon.
Ang ating tatalakayin ay ang mga antas ng mga manlilinang. Napapansin niyo bang lahat ng mga estudyante o kahit mga tauhan sa Damaraka ay mayroong putong na nakatali sa kanilang ulohan?
Iyon ang ginagamit ng mga manlilinang upang palatandaan sa kanilang mga antas. Ang kulay ng putong ay kumakatawan sa mga tuntunin ng kasanayan sa panteknikal at paglago sa pilosopiko, o sa madaling sabihin. Ito ang palatandaan kung gaano ka na ka-makapangyarihan.
Ang pinaka-unang kulay na makamit ng mga manlilinang ay kulay puti. Ang ibig sabihin ng puti ay hindi pa nila nasanay kung paano pamamahalain ang kanilang mga katawan at isipan. Ito ang sumisimbolo sa kanilang malinis na kaalaman at pagkamasigasig na gustong matuto.
Ang pangalawa ay kulay dilaw. Ang kulay dilaw ay sumisimbolo ng araw, na nangangahulugang ang nyebe (puti) ay tumunaw na dahil sa sikat ng araw. Binubuksan na nila ang kanilang isipan sa kasanayan.
Ang pangatlo naman ay kulay kahel, ito ang araw (dilaw) na palubog na at nagiging kulay kahel. Kanila nang mas binubuksan ang kanilang mga isipan. Sinimulan na nilang pinanghahawakan ng mahigpit ang kanilang kasanayan.