Chereads / The Great Emperor Of The Blues / Chapter 7 - Kabanata 7 - Mataas na Bahagdan

Chapter 7 - Kabanata 7 - Mataas na Bahagdan

Ang pang-apat ay luntian. Kapag ang isang kahel na manlilinang ay nagsisimula nang dalisayin ang mga pangunahing kasanayan na kanilang natutunan. Sila'y pwede nang magpatuloy sa kulay luntian. Nalubos na nila ang mga pangunahing kasanayan sa kanilang paglalakbay at maaari na silang magsanay tungo sa intermediya. Ang kulay luntian ay kumakatawan sa isang punla dahil nagsimula na itong binabasag ang lupa at handa nang tumubo.

Ang panglima ay bughaw. Tulad ng isang halaman na umaabot sa kalangitan habang ito'y lumalakas, kapag ang luntian na mga manlilinang ay nagbubuo ng mga aralin at kasanayan na kanilang natutunan at patuloy na nagsusumikap para sa higit na kaalaman, kasanayan, at kakayahang pamamahalain ang kanilang katawan at isipan sa sining ng pang-diwa. Ang kulay bughaw ay kumakatawan sa paglago patungong kalangitan habang ang isang manlilinang ay pinapakain ng higit na mas mahirap na pagsasanay upang mapangalagaan ang kanilang paglago.

Ang pang-anim ay lila. Kapag ang isang manlilinang ay patapos na sa kulay bughaw ay magkakaroon sila ng mas malalim na pag-unawa kung ano ang kahulugan ng pagiging isang manlilinang. Ang kulay lila ay kumakatawan sa isang manlilinang na dramatikong nagbabagong-kalagayan ukol sa pagiging manlilinang, at magsisimula na silang mas lumago pa sa higit na mas mahirap na antas ng pagsasanay. Tulad ng isang kulay-lila na kumukulay sa kalangitan kapag nagsisimula nang lumalabas ang araw tanda ng panibagong araw.

Ang pang-pito ay kayumanggi. Tulad ng isang hinog na binhi na handa nang anihin, ang kayumangging manlilinang ay sumisimbolo sa mga manlilinang na handa nang pumunta sa mas mataas na antas. Tulad ng isang halaman na lumago para sa susunod na hakbang ng kanilang buhay. Ang mga kayumangging manlilinang ay handa nang anihin ang kanilang mga ganti bunga ng kanilang paghihirap mula sa kanilang pinaka-unang hakbang bilang isang puting manlilinang hanggang sa kasalukuyang yugto ng kanilang paglalakbay.

Ang pang-walo ay pula. Ang kulay ng isang kamangha-manghang palubog na araw. Ang pula ay kumakatawan sa matinding dedikasyon ng mga manlilinang habang sila'y nagsasanay patungo sa pagwawagi ng kanilang sining ng pang-diwa. Nakakamit sila ng mas detalyadong kaalaman at natutunan ang buong pagpamamahala at disiplina sa kanilang kasanayan. Ang pula ay sumisimbolo rin ng panganib, ang mga pulang manlilinang ay nagiging mapanganib sa mata ng iba dahil sa kanilang matinding kasanayan.

Ang pangsiyam naman o ang pinakahuling makamit ng mga manlilinang ay ang kulay itim. Sa maraming paraan, ang kulay itim ay sumisimbolo ng katapusan. Ang kadiliman na umiiral pagkatapos sa araw na lumubog at ang halaman ay tapos nang anihin. Ang mga manlilinang na nalubos na ang kanilang pagbabago mula sa walang-alam na puting manlilinang hanggang sa may sapat nang kaalaman at makapangyarihang itim na manlilinang. Tulad ng ibang paglalakbay, bagaman, ang katapusan ay simula lamang sa panibagong bagay. Tulad ng mga sinasabi ng itim na mga manlilinang, ang ebolusyon sa sining ng pang-diwa ay totoong magsisimula pa lamang kapag ang isang manlilinang ay narating na ang maitim na antas. Ang pagiging isang itim na manlilinang ay nagpapahiwatig sa kanilang kumpletong kasanayan. At dito kadalasang nagsisimula ang kanilang panibagong paglalakbay."

Parang binubuksan ang pag-iisip ng mga bagito sa tinalakay ng kanilang guro. Hindi nila inakala ang makabuluhang iba't ibang antas ng mga manlilinang.

Habang kanila itong tinutunaw sa kanilang isipan ay hindi nila mapigilang sumabik sa pagkuha ng kanilang unang kulay na putong.

Hindi ito binibigyan ng halaga ni Dakila noong una, nang kaniyang nakita ang suot na kulay itim na putong ng ama ni Amihan. Ngunit kung kaniyang babalikan ang kaniyang mga nakikita ay totoong mayroong suot na mga putong ang bawat manlilinang na kaniyang nasasalubong.

Kulay itim ang putong na suot ni Lakanbanoy, ibig sabihin ay nasa pinakamataas na antas na ito sa pagiging manlilinang. Hindi na kataka-taka sapagkat ito'y nanggaling sa Damaraka.

"Kapag nakamit na ninyo ang itim na putong ay hindi na kayo maituturing na mga karaniwang manlilinang. Ang mga itim na manlilinang ay binansagan ng pamagat na Lakan at Lakambini, sapagkat sila'y pinupuri ng mga tao sa kanilang nakamit. Sasabihin ko sa inyo, hindi madaling makamit ang maitim na putong. Sa ngayon, bilang lamang sa mga daliri ang kasalukuyang nagiging Lakan at Lakambini. At kalahati sa kanila ay nanggaling dito, sa Damaraka."

May isang bagitong itinaas ang kamay kaya tinanguan ito ni Ginoong Ramil tanda na ito'y pinapatayo at pinapasabi ang nais nitong sabihin.

"Ginoong Ramil! Sa gayon, bakit wala po kayong suot na putong? Nais po naming malaman ang kasalukuyang antas ng aming mahusay na guro."

Totoong ngang walang suot na putong ang guro, at iisa lamang ang ibig sabihin nito.

"Para sa inyong kabatiran, hindi ba't sinabi ko na sa inyo na pawang mga manlilinang lamang ang maaaring magsuot ng putong? Samakatuwid, ang gurong nasa inyung harapan ay tumpak na isang karaniwang nilalang lamang."

Nanlaki ang mga mata ng bagito sa sinabi nito. Ngunit walang tumutol dito. Alam nilang walang ordinaryong tao ang nakakapasok sa Damaraka. Hindi isang manlilinang ang kanilang guro, kung gayon, sa anong bagay ito may kasanayan?

"Ngunit huwag kayong mag-alala. Bawat isa sa mga manlilinang na sa akin sumasa-ilalim, lahat ay nakarating ng lila at mahigit. Isa pa, ang dalawa ay nagiging Lakan. Sapagkat, simula't sapol, akoy hindi isang tao kagaya ninyo, ngunit…

isang pangalawang diwa na nahiwalay sa kaniyang amo."

Katahimikan ang humari sa buong silid. Ang sagot nito ay hindi inaasahan ng kahit isang bagito na nandito, kahit si Dakila.

"Tumungo na tayo sa ating totoong patutunguhan. Alam ko man ang karamihan sa inyung mga pangalan ngunit hindi 'nyo parin kilala ang isa't isa. Bibigyan ko kayo ng pagkakataong ipakilala ang inyung sarili. Ihayag ang inyung pangalan at ang pangalan at uri ng inyung pangalawang diwa. Simula sa pinaka-unang hanay."

Kahit nahihirapan pa silang itunaw lahat ng impormasyon na kanilang nalaman. Tumayo pa rin ang nasa pinaka-unang upuan sa unang hanay.

"Ako si Alteya Saklolo galing sa Angkang Saklolo, ang aking pangalawang diwa ay nasa halamang-uri, ang 'Halimuyak Amarilyo Panlunas'."

Napunta ang lahat ng tingin sa babaeng bagito. Isa na namang tanyag na angkan ang kanilang nasaksihan.

Nang natapos ito ay sumunod ang nasa kasunod na upuan. Hanggang sa pagkakataon na ni Brandong magpakilala.

"May pangalawang diwa na 'Talim ng Libingan' na nabibilang sa sandatang-uri, Brando Saplala—" at bahagyang yumuko, "ang iyong lingkod."

Pagkatapos ay si Amihan naman ang tumayo nang may malawak na ngiti. "Magandang umaga Ginoong Ramil, mga kaklase. Ako si Amihan Manansala, na may pangalawang diwang 'Ibon ng Paraiso'."

Napatulala ang kanilang mga kaklase. Alam na ng buong Lupalop ang balita na ang tanyag na Angkang Manansala ay kasalukuyang nandirito.

Ngunit hindi nila inakalang babae ang anak at ang magiging tagapagmana ng Angkang Manansala.

Tumango-tango ang kanilang guro kaya muling umupo si Amihan.

Tumayo naman ang nasa likuran ni Amihan hanggang sa pagkakataon na ni Dakila sa pinakahuling hanay na katabi ni Amihan.

"Ako si Dakila Agbulos, ang aking pangalawang diwa ay halamang-uri, 'Ginintuang Matayog na Baino'."

Kumunot ang noo ng guro, "sinasabi mo bang Agbulos ang iyong pangalang-angkan?"

Nagugulumihan man ay tumango si Dakila, "opo."

Malugod na ngiti ang iginawad ni Ginoong Ramil tila ba'y mayroong na-aalala at kumumpas tanda na pinabalik paupo si Dakila.

Nang natapos na ang lahat sa pagpapakilala ay muling nagsalita si Ginoong Ramil.

"Sa gayon ay kilala na natin ang isa't isa. Bago tayo magpatuloy sa ating totoong pagsasanay. Kayo na ay maituturing nang, ayon sa batas, isang manlilinang. Ngunit may isa pang bagay na kulang sa inyo.

Ngayon ay kayo'y dadaan sa isang pagsusulit. Huwag kayong mag-alala, ang pagsusulit na ito ay upang malaman namin kung ano ang inyong kasalukuyang antas. Nang sa ganoon ay maaari na kayong magsuot ng putong para matawag na isang manlilinang."

Lumawak ang ngiti ng mga bagito. Sinong hindi matutuwa? Ito ang pangarap ng karamihan, kahit ang mga karaniwang tao ay may ganitong pangarap. At sila'y pinagpala dahil may pagkakataon silang maabot ito.

"Tayo na at lumabas."

-

"Kung tatawagin ko ang inyung pangalan, pumunta kayo sa harapan."

Nagsimila nang magtawag ng mga pangalan si Ginoong Ramil. Pumunta naman sa harapan ang mga ito. May itinanghal ang guro gamit ang kaniyang mga kamay dahilan ng pagliwanag ng katawan ng mga bagitong kaniyang hinahawakan.

Ang guro lamang sa kanilang harapan ang may alam sa ginagawa nito. Hinahawakan sila ng guro sa kanilang ulo pagkatapos ay sinasabi nito ang kanilang antas.

May sinabi si Ginoong Ramil bago sila lumabas tungkol sa mga bilang ng mga antas. Sa bawat kulay ng antas ay mayroong bahagdan. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa kanilang diwa ay nalalaman ng sumusuri ang bahagdan nila.

Kapag bago ka pa lamang sa mundo ng pang-diwa ay mayroon kang bahagdan na 1. Ngunit habang tumatagal ang iyong pagsasanay ay tumataas din ang iyong bahagdan.

Ngunit lahat ng bagay ay may kataliwasan. May mga ipinanganak na may likas na talento. Kahit kakasimula palang nito sa pagsasanay ay mayroon na itong mataas na bahagdan.

Ang paliwanag lamang niyan ay kapag mayroon kang malakas at tinatanging pangalawang-diwa, malakas ang espirituwal sa diwa, o mayroon kang kakaibang pag-uunawa sa mundo ng pang-diwa.

Kagaya nito.

"Amihan Manansala, Ibon ng Paraiso. Puting manlilinang at may 34%," ani Ginoong Ramil na nakapagpagulat sa ibang mga bagito.

"Kagaya ng inaasahan sa Angkang Manansala. Batid kong pinapalaki at ginagabayan ka ng mabuti ng iyong mga magulang."

Nagpatuloy ang pagsusulit hanggang sa pagkakataon na naman ni Brando. At nasa sampung bahagdan lamang ito.