Malapit nang matapos ang mga bagito sa pagsusuri at dalawa nalang ang natitira.
"Alteya Saklolo, Halimuyak Amarilyo Panlunas, nasa 39%," tulad kanina ay napamangha na naman ang mga bagito.
"Magaling."
Ang mga nanggagaling sa isang tanyag na angkan ay maraming kapararakan. Tulad lamang ng kanilang nasaksihan. Walang duda, ang patnubay na bigay ng sariling angkan ay walang katumbas.
Ang masasabi lamang ng karamihan ay pinahalagahan ng mga tanyag na angkan ang kanilang bagong henerasyon.
At ang pinaka-huli.
"Dakila Agbulos, Ginintuang Matayog na Baino, 65%."
"…"
Tahimik ang namayani sa buong paligid.
Walang kilalang angkang Agbulos at bago lamang sa kanilang pandinig ito. Kaya karamihan sa kanila ay nagtataka.
"Ginoong Ramil, maaari mo po bang ulitin?" tanong ng isang bagitong hindi naniniwala sa kinalabasan. *Kalokohan, paanong mayroong bagitong may bahagdang nasa limampu pataas?*
Ngunit ang sagot ng kanilang guro ay kanilang ikinabibigla.
"Walang pakundangan! Hindi maaaring magkamali ang aking kakayahan. Ano ang tingin mo sa aking kapangyarihan?" mahigpit at malamig na turan ng guro.
Ngunit bumaling ang tingin nito kay Dakila. "Maaari ko bang malaman ang pangalan ng iyong mga magulang, Dakila?"
"Paumanhin, hindi ko po maaaring ibigkas ang pangalan ng aking mga magulang," sagot ni Dakila.
Napabuntong hininga nalang ang guro. *Ang daming hiwaga ang dinadala ng batang ito.*
"May ibibigay ako sa inyo. Ibigay 'nyo lamang ito sa mga patnugot na inyong madaraanan at kayo'y dadalhin nila sa gusali ng paghahabian ng mga putong. Tapos na ang unang klase ngayong araw. Maaari 'nyo nang gawin ang inyong gustong gawin. Ngunit, kapag wala pa akong nakikitang putong na inyong sinusuot kinabukasan, maaari na kayong umalis sa akademya at huwag na kayong babalik. Paalam."
Napabuga ng malalim na ginhawa ang mga bagito, tila ba'y tanggal na ang tinik na nakatusok sa kanila mula kanina.
Hindi nila maintindihan kung anong uring katangiang mayroon ang kanilang guro. Tila ba ito'y pabago-bago.
Lumapit si Brando nina Dakila at Amihan.
"Tao ba talaga kayo? Bakit ganon? Ang baba saakin at ang tataas ng sa inyo."
Inirapan ito ni Amihan, "si Dakila ang tanungin mo hindi ako, hmp!"
Bumaling ang tingin ni Brando kay Dakila nang nakakunot ang noo. Tumaas naman ang dalawang kilay ni Dakila.
"Ano?"
"Tao kaba talaga?"
*Hindi.* "Hulaan mo," aniya.
"Ang tino 'nyo kausap, magsama nga kayo!" tulad ng kaniyang laging ginagawa ay naglakad ito paalis.
Napaismid nalang si Dakila at ibinaling ang tingin kay Amihan. "Anong susunod mong gawin?" tanong niya nito.
"Kunin na natin ang ating putong? Nalulugod na ako!"
Kumurba ang mga labi ni Dakila. Sila'y papaalis na sana nang may biglang nagsalita.
"T-teka, kukuha na rin ba kayo ng putong? Maaari ba akong sumama? Wala kasi akong ibang kasama."
Napatingin ang dalawa sa biglang pumigil sa kanila, si Alteya sa angkang Saklolo.
Lumawak naman ang ngiti ni Amihan at kinalabit ang braso nito. "Walang problema, magka silid-kasama naman na tayo. Tayo na!"
Nauna na silang naglakad at napailing nalang si Dakila na naiwan.
Nang sila'y kasalukuyang naglalakad ay biglang napatigil si Dakila nang mayroon siyang napansin.
Lumingon siya sa kinaroroonan nito. At doon niya nakita si Ginoong Ramil. Kausap ang kaniyang silid-kasama na si Akilino.
Mayroon siyang kakaibang likas sa espirituwal na higit pa sa mga karaniwang manlilinang kaya kahit malayo ang mga ito ay walang lumihis sa kaniyang mga mata, hindi man niya masyadong naririnig ngunit alam niya kung ano ang pinag-uusapan doon.
Kaya walang pag-alinlangan siyang tumungo doon.
Sila'y nasa liblib na parte ng Damaraka na puno ng mga puno. Nakatingala si Ginoong Ramil sa puno kung saan si Akilino naka-akyat.
"Ang sabi ko, bumaba ka," ma awtoridad na utos ng guro, ngunit sa kasamaang-palad, nanatiling nakahilig si Akilino sa itaas habang ang magkabilang kamay nito ay nasa likod, sinusuportahan ang ulo.
"Bakit ka ganito? Suwail ka sa iyong mga tagapagpala. Utang na loob Akilino, huwag kang gumaya sa mga taong nagsilang sa'yo."
"Para sa iyong kabatiran, hindi ko nais ang lahat ng ito. Kung ayaw mo sa isang katulad ko, maaari mo naman akong palayasin sa akademyang ito," turan ni Akilino at pumikit.
Magsasalita na sana si Ginoong Ramil nang naunahan ito ni Dakila.
"Paumanhin Ginoong Ramil, subali't kasalanan ko din po ang nangyari. Magkasama kami sa iisang silid ngunit hindi ko po siya ginising kulob sa aking pagkabahala."
Napatingin ang guro sa kakasalita lang at maging si Akilino ay napamulat. *Ano sa tingin niya ang kaniyang mga sinasabi?*
Kumunot ang noo ng guro kay Dakila. "Kung gayon, kapanagutan mong isama si Akilino sa pagkuha ng inyong putong. Aalis na ako."
"Hindi ko kailangan ng iyong hunghang na mga salita. Ngunit nagpapasalamat ako at napaalis mo yung matanda, ika'y makakaalis na rin," ani Akilino.
"Wala akong pakialam at hindi kita tinutulungan," kalmadong wika ni Dakila at naglakad na paalis.
Babalik na sana sa pagpapahinga si Akilino nang biglang may baino na humapit sa katawan nito.
"Ikaw—!"
"Ngunit, marunong akong pumasan ng kapanagutan," kaniyang dagdag.
-
"Dakila! Saan ka—A-akilino?" gulat na ani Amihan.
Biglang nawala si Dakila at akala nila'y siya'y nauna na.
Ngunit pagdating dito sa gusali ng paghahabi ay nakita nilang padating pa lamang si Dakila at kasama niya si Akilino, na pinalabas ng guro kanina.
Pabalik-balik ang pagtuturo ng daliri ni Amihan kay Dakila at Akilino.
"Bakit?"
Mas lalong nanlaki ang mga mata ni Amihan at Alteya. *Huwag mong sabihing…*
"Tsk," ismid ni Akilino.
"Anong iniisip niyo? Tayo na at magninilay pa ako," ani Dakila at nauna nang pumasok sa gusali.
Wala silang kasamang mga patnugot sapagkat maaari lang naman silang magtanong sa ibang mga estudyante kung nasaan ang gusali ng paghahabi.
Hindi na sila nagtagal sa loob at nang nakuha na nila ang kanilang sariling puting putong ay umalis na sila kaagad. Wala namang kababalaghang nangyari sa loob, alam ng mga tao doon na sila'y mga bagito at kanila nang suot suot ang panandang pangalan kaya hindi na sila tinatanong ng mga ito.
Lahat ng mga bagitong kinukuha ang kanilang mga putong ay nagagalak. Isa lang ata ang hindi, si Akilino. Imbis ay ikina-abala pa niya ito.
Kasalukuyang nagninilay si Dakila sa loob ng kanilang silid habang lumulubog na ang araw. Wala sa plano niya ang matulog at balak niyang magninilay buong gabi.
Nang nalaman niyang 65% na ang kaniyang bahagdan sa pagiging puting manlilinang ay hindi na siya nagsayang pa ng oras.
Ang sabi ng kaniyang tatay na si Bagwis ay huwag masyadong ipakita ang kapangyarihan niya sapagkat alam ng ama na may bihirang kapangyarihan si Dakila na mas lamang sa pangkaraniwan.
Ngunit hindi niya mapigilan, isang tulak nalang at siya'y magiging dilaw na na manlilinang.
Hindi siya nagmamadali ngunit nang kaniyang ina-alala ang kaniyang pakay kung bakit siya nandito ay tila siya'y nababalisa.
Kapag umabot na nga ang panahon na iyon, magiging kalaban niya ang buong mundo. Ngunit kaniyang naisip ang tindig ng Damaraka…
Hindi niya alam…
kung talagang makamit niya ba ang kaniyang tungkulin.
-
"Magandang umaga, bumangon ka na kung ayaw mong buhusan kita ng malamig na tubig."
"Kung gusto mong mawala sa mundo, subukan mo," mahina at matamlay na sagot ni Akilino.
"Anak ng—!"
Napabangon ng wala sa oras si Akilino nang naramdaman nitong may malamig na bumuhos sa mukha nito.
Ngunit inunahan na ito ni Dakila. "Patayin mo na ako," aniya nang may ngisi sa labi.
"Tulad ng iyong hinihiling."
Ilalabas na sana ni Akilino ang pangalawang diwa nang tumaas ang kamay ni Dakila.
"Teka lang. Sa labas tayo."
Kumunot ang noo ni Akilino. *Anong binabalak nito?*
-
"Ang batang iyon?" tumaas ang isang sulok ng labi ng lalaki.
"Bagwis, Bagwis, ano ang mga ginagawa mo sa loob ng labindalawang taon? Batid kong ayaw mong magpakita ngunit dinala mo rito ang iyong anak kapalit ng iyong pagkawala?"
-
"Hm, nais mo talagang kalabanin ako?"
"Hindi sana kita dinala dito kung wala akong balak."
"Mabuti, ngunit huwag mo akong sisihin sa kung ano mang mangyari."
"Tingnan muna natin kung ano ang mangyari."
May itinanghal si Akilino at sa isang iglap lang ay may itim na bumabalot sa mga kamay nito. Tila ba'y umaapoy ng kulay itim ang mga ito.
Napangisi si Dakila.
Hinihintay lamang niyang sumulong si Akilino.
Hindi na nag atubili pa si Akilino na pigilan ang sariling kapangyarihan. Alam nitong may kasanayan si Dakila na higit pa sa iba kaya hindi na ito mag-aaksaya pa ng oras.
Wala man itong pagkawili sa pagsasanay ngunit parang binubuhay ang puso nito kapag pakikipaglaban na ang usapan.
Nakikita nitong walang ginawang paghahanda si Dakila kaya tumaas ang isang sulok ng labi nito. *Minamaliit niya ba ako o talagang inaakala niyang madali lang akong kalabanin?*
Tumigas ang katawan ni Dakila nang nawala si Akilino sa tinatayuan nito. May kapangyarihan ba itong may kinalaman sa kalawakan?
Sa isang iglap lang ay may hiningang nararamdaman si Dakila sa kaniyang likuran kaya kaagad siyang yumuko para maiwasan ang galaw nito.
"Tulad ng inaasahan sa anak ng Matandang Anino. Namana mo ang kapangyarihan mo sa kaniya, hindi na kataka-taka."
Napahinto si Akilino. "I-ikaw—"
"Huwag kang mag-alala, ligtas ang lihim mo sakin."