Nagngalit ang mga ngipin ni Akilino. Ang kaniyang lihim ay hindi na lingid sa lalaking nasa kaniyang harapan. Ngunit sinong may pakialam? Matagal na niyang tinanggal sa kaniyang buhay ang mga taong hindi karapat-dapat tanggapin.
Namana niya sa kaniyang tatay ang Anino na kaniyang pangalawang diwa ngunit hindi niya alam kung kanino galing ang Agila na umakma sa kaniyang Anino.
Ang kaniyang pangalawang diwa ay 'Dakilang Anino ng Agila'. Nais niyang isipin na sa kaniyang ina niya ito namana ngunit mula bata palang ay walang ina ang nag-aalaga sa kaniya ni hindi niya alam kung ano ang pangalan nito. Kahit ilang beses siyang nagtanong ay wala siyang nakukuhang sagot.
May lumabas na kulay-itim na sandata sa kaniyang kamay. Ito ang 'Talim ng Agila' na isa sa kaniyang mga kapangyarihan.
At walang pasabi siyang sumulong sa gawi ni Dakila.
May alam siya sa sining ng pakikipalaban sapagkat sa datihan niyang tirahan ay araw-araw siyang nakakakita ng mga manlilinang na naglalaban.
Ngunit kumunot ang kaniyang noo nang ilang ulit na niyang nilusob ang kaniyan patalim kay Dakila ay kahit ni isa ng kaniyang mga atake ay walang dumadampi sa balat nito.
Siya'y maliksing manlilinang dahil sa kaniyang diwa na Anino, mas binilisan niya pa lalo ang kaniyang pag-atake ngunit sa kasamaang-palad, lahat ng iyon ay naiwasan ni Dakila.
"Nakikita kong isang halamang-uri ang iyong pangalawang diwa ngunit aking ikinamamangha ang iyong likas na kaliksihan," aniya habang patuloy na umaatake ngunit patuloy rin itong naiiwasan ni Dakila.
Nakita niyang bahagyang tumaas ang isang sulok ng labi ni Dakila, "hindi mo mauunawaan sapagka't hindi ka pumapasok sa mga aralin."
"Hn! Hindi ko kailangan ng mga aralin, pawang pangmahihina lamang ang mga iyon. Tingnan natin kung kakayanin mo pa ba ito."
Biglang naglaho si Akilino sa kaniyang tinatayuan.
"Kapag maiiwasan mo pa ang aking mga atake, karapat-dapat ka sa aking pagpupuri," ani Akilino saanmang hindi nakikita.
Ipinikit ni Dakila ang mga mata at dinadama ang paligid. Alam niyang nasa paligid lamang ito naghihintay ng pagkakataon.
Hindi niya sana ito inaanyayahang kalabain kung wala siyang tiwala sa sarili niyang kapangyarihan. Alam niya sa simula pa lang na anino ang diwa nito, ngunit hindi nito alam na may likas na espirituwal si Dakila na kayang salungatin ang anino nito.
Naramdaman ni Dakila ang presensya sa kaniyang harapan at ang sumunod na pangyayari ay lingid sa inaasahan ni Akilino.
Bago pa man madapo sa balat ni Dakila ang kulay itim na nasa kamay ni Akilino ay biglang may humigit sa baywang nito paurong kasabay ng pagpulupot ng baino sa kamay nitong handa nang saktan si Dakila.
Kaya ang nangyari ay namimilipit sa sakit si Akilino tila ba'y hinahati sa dalawa ang katawan nito.
"T-tama na—ahh… P-panalo kan-na," halata sa boses nito ang naramdamang sakit.
Inalis ni Dakila ang bainong nakahapit sa katawan nito, "makapangyarihan ka. Ngunit kapag makitid ang iyong utak, sa akin, hinding hindi ka mananalo."
Tumagis ang bagang ni Akilino at mapanuyang tumawa ng bahagya. "Dinala mo ako dito dahil alam mong hindi kita matatalo. Masyado kang maraming alam at ito lang ang masasabi ko sa iyo, balang araw pagsisisihan mong alam mo ang mga bagay na hindi sa'yo dapat ina-alam," anito at naglakad paalis. "Pinupuri kita, ngayon lang ako nakakakita ng mas malakas pa sa akin sa aking gulang. Ngunit hindi pa ngayong araw ang huli nating pakikipaglaban, aabangan ko iyon," huli nitong sabi.
Napa-iling na lamang si Dakila. Totoo ang mga sinasabi nito at hindi niya iyon maitatanggi. Balang araw, kung mayroon man siyang nalaman na pagsisisihan niya sa huli, hindi niya alam kung ano ang kaniyang gagawin.
Lumipas ang ilang mga araw at patuloy pa rin sa pagsasanay si Dakila. Kahit sinusuway niya ang kaniyang mga magulang ay natutuwa parin siya sa resulta ng kaniyang walang sawang pagninilay.
May seremonyang pinahayag na may darating na paligsahan. Pinahayag ni Lakanisagani na mayroong tatlong manlilinang bawat baitang ang maaaring sumali. Ito ay paligsahan sa iba't ibang baitang.
Kapag ang mga kalahok sa ika-unang baitang ay mananalo laban sa ikalawang baitang ay maaaring ang mga kalahok na iyon ay dumeretso na sa natalong baitang, at magiging isa nang mag-aaral sa ikalawang baitang.
Ngunit bago ang lahat ng iyon.
"Bukas ay magkakaroon tayo ng labanang-timpalak ng tatlo laban sa tatlo at ang kampeon ay ang magiging kalahok sa nasabing paligsahan. Huwag kayong mag-alala at kayo'y aking bibigyan ng kalayaan sa pagpili ng inyong magiging kakampi.
Ang ganap na iyong pagpili ay maaaring ikabagsak o ikapanalo nyo sa timpalak kaya ayusin nyo ang inyong pagpili. Maaari nyo nang simulan ang pagsasanay ngayon at ako na'y mamamaalam."
Nang umalis na si Ginoong Ramil ay si Amihan at Brando na ang kusang lumapit kay Dakila. Gaya ng inaasahan ng karamihan. Marami nang may alam sa ugnayan ng tatlo kaya kahit maraming gustong makipag-kampi kay Dakila ay alam nilang wala na silang pag-asa.
Sa loob ng ilang mga araw ay masasabing ang nagpapakita ng kalakasan sa lahat ay si Dakila at si Akilino. May nakasaksi sa kanilang maikling labanan at kumalat iyon sa buong baitang.
Ngunit hindi pinalad ang ibang bagito nang nalaman nilang hindi sasali si Akilino. Ngayon ay nagsusumikap silang maghanap ng kakampi.
Taliwalas sa katanyagan ni Dakila sa buong baitang ay hindi maiiwasang mayroong mga namumuhi sa kaniya.
Nagiging masiha si Dakila nang nalaman niyang maaari silang makahakbang ng isang baitang pataas kahit hindi pa tapos ang isang taon.
Habang lumilipas ang mga araw ay lumalaki ang pagkasabik sa loob-loob ni Dakila. Hindi niya alam kung magandang tanda ba ito o hindi. Ang tanging alam niya lang ay ang salitang 'hustisya'.
"Bakit ayaw mong sumali? Akala ko ba may pagsinta ka sa pakikipaglaban? Nasa harapan na ang iyong pagkakataon," ani Dakila kay Akilino.
Tulad ng laging ginagawa nito tuwing nasa kamara na sila ay humiga kaagad ito sa higaan. "Kinakausap mo ba ako? Kung gayon, tumahimik ka nalang at wala kang makukuhang sagot," anito at pumikit.
"Gusto kong makikipaglaban sayong muli. Hindi ako nalulugod sa iyong pagkatalo, alam kong hindi pa iyon ang kaya mong gawin."
"Paano kung matalo kita?"
"Edi ikaw ang magiging kalahok sa ika-unang baitang."
"Salamat, subali't ayaw ko. Huwag mo na akong kausapin."
"Kung ganoon, ano ang nais mo?"
"Si Amihan."
Kumunot ang noo ni Dakila. Hindi maganda ang hitsura nito.
"Mali ka ng iniisip. Huwag mo akong tingnan na parang lalamunin mo ako ng buhay."
"Bakit si Amihan?"
"Akala ko ba ika'y maalam? Ang kaniyang pangalawang diwa. Batid kong alam mo ang kaniyang pangalawang diwa at kung saan niya iyon nakuha."
Bumuntong hininga si Dakila nang naunawaan niya ang sinabi ni Akilino.
Tumango siya tanda na pinapatapos niya si Akilino sa sasabihin nito.
"Noong mga nakaraang araw nalaman kong kapag malapit ako sa kaniya ay tila ba may pumupukaw sa diwa kong hindi ko mawari kung ano. Gusto kong malaman kung anong mangyayari kapag gagamitin niya ang kaniyang kapangyarihan sakin. Pakiramdam ko may kung anong mayroon sa akin na hindi pa nagising."
"Kung iyan ang nais mo. Maghanap ka na ng iyong magiging kakampi, maghihintay ako sa ating muling paglalaban," ani Dakila at lumabas na sa silid.
May namumuong ngisi sa kaniyang mga labi. Kung iyon ang dahilan ni Akilino kung bakit nais niya si Amihan, walang kaibahan ito sa kung bakit nais niya na makipaglaban kay Akilino.
Hindi man niya masyadong binibigyan ng pansin ngunit noong unang araw pa lamang na magkasama sila sa iisang silid ay may kakaiba siyang nararamdaman sa katawan niya.
Tulad ni Akilino ay hindi niya mawari kung ano iyon. Ang ama ni Amihan ay may pangalawang diwa na Agila at maaaring may maliit na bahaging namana si Amihan dito, at ang Anino na namana ni Akilino sa kaniyang ama ay may anyong Agila kaya tinatawag niya itong 'Dakilang Anino ng Agila'. Nagpapaliwanag lamang ito kung bakit naaapektuhan dito si Akilino.
Ngunit sa kalagayan ni Dakila ay iba. Walang kaugnayan ang Anino sa Baino kaya labis niya itong pinagtataka. Wala din siyang maalala na pangyayaring maaaring may ugnayan silang dalawa.
Pumunta si Dakila sa liblib na parte ng Akademya kung saan sila naglalaban noon ni Akilino.
Umakyat siya sa pinakamataas na puno na kaniyang nakita at doon sa pinaka-tuktok siya'y umupo nang naka krus ang magkabilang paa.
Tahimik at mapayapa ang lugar na ito, may pagkawangis sa kaniyang lupang tinubuan. Kaya nais niyang dito magnilay.
Ang kaniyang noong 65%, pagkaraan ng mga ilang linggo ay ngayo'y nagiging 71%. Bihira lamang ang ganito kabilis na pagsasanay o mahigit, siya palang ang nakakaranas ng ganito kabilis na pagsasanay. Kaya wala siyang pinagsabihan, kahit sila Amihan.
Mga dalawang buwan o mahigit ay maaari na siyang maging dilaw na manlilinang. Sa gulang na labindalawa ay malayo na ang kaniyang narating. At ito ang kaniyang nais.
"Sino 'yan?" Alistong ani Dakila nang may naramdaman siyang presensya ng tao sa paligid.
"Akala ko kung sinong kapatid ang nandito, isa palang bagito ang nagninilay sa kakahuyan ng Damaraka," sagot ng isang boses ng babae.
Naidilat ni Dakila ang kaniyang mga mata at pinagmasdan ang binibining nasa ibaba, nakatingala sa kaniya.
Ngunit dahan dahan itong umakyat sa parehong puno at pumuwesto sa kabilang sanga na nakasalungat sa kaniya.