Chereads / The Great Emperor Of The Blues / Chapter 5 - Kabanata 5 - Tanggap

Chapter 5 - Kabanata 5 - Tanggap

"Dambuhalang Marahuyo Akademya"

Pagbasa ni Brando habang nakatingala. Sila'y kasalukuyang nasa harapan na ng isang malaki at tanyag na akademya sa buong lupalop. Malapit nang matulira ang binatilyo, hindi lamang ito kundi pati narin sina Amihan at Dakila.

Ang akademyang nasa harapan nila ngayon ay hindi nila inaasahang ganito pala kalaki.

Bahagyang ngisi ang humantad sa mukha ni Dakila samakatuwid ay lumitaw ng mabuti ang kaniyang makisig na hitsura.

Mula noong humakbang papalabas si Dakila sa kaniyang lupang tinubuan ay alam niyang nagsisimula na ang kaniyang hamon. Ito ang hamon ng kaniyang kapalaran, hindi sa wala siyang magagawa ngunit ayaw niyang talikuran ang kaniyang tungkulin. Siya mismo ang pumili ng landas na ito.

Ngunit ang hindi nila napansin ay kanina pa sila pinagtitinginan ng mga tao. Sinong hindi mapabalik ng tingin sa kanilang mga hitsura?

Sila'y nakatayo sa gitnang tapat ng malaking pasukan na yari sa bakal na kasalukuyang nakabukas brasong tumatanggap ng mga gustong maging estudyante sa akademya. Walang matang lumihis sa pagkalathala ng mga ito.

"Damaraka, nandito na tayo!" ani Amihan.

[Ang Damaraka ay ang pintas ng 'DAmbuhalang MARahuyo AKAdemya'.]

Lahat ng mga taong nandirito ay halos mga binatilyo at dalagita, sapagkat hindi pinahihintulutan ng akademya ang mga magulang na sumama.

Ang kanilang mga kagamitan ay pinananatili sa labas at ito'y kukunin lamang ng mga tauhan ng akademya kapag siguradong sila'y tanggap na.

Liwanag ang makikita sa mga mukha ng mga kasalukuyang pumapasok sa entrada ng Damaraka.

-

*Sa Lupain ng Kalikasan*

"Karangalan, ang Emperador…"

"Siya ang ating Emperador," sandali itong huminto bago nagpatuloy. "Bakit may namumuong pagdududa sa iyong pagtingin ng ating Kamahalan? Batid kong alam niya ang kaniyang ginagawa, hindi niya maiwawaksi ang kaniyang tungkulin."

Napayuko lamang ang kapanalig sa tuwiran ng kaniyang nakakataas. Bakit nga ba naisip niya iyon?

Ngunit alam niyang may paparating na malaking kaganapan, na labag sa kanilang kagustuhan. Hinding hindi nagkakamali ang kaniyang katutubong simbuyo.

"Nauunawaan ko ang iyong tuwiran Tsimpanse. Lahat ng bagay ay may kataliwasan, maging ang iyong katutubong simbuyo o ang isipan ng ating Emperador. Subali't ibinigay ko na lahat ng aking pag-asa sa Kamahalan at wala nang natitira sa akin, alam kong hindi niya tayo bibiguin," pagpatuloy ng Karimlang Luntiang Bakulaw.

"Humihingi ako ng tawad sa nakakataas," sagot ng Tsimpanse habang nanatiling nakayuko.

-

"Magandang umaga mga binibini at ginoo! Ang Damaraka ay umaasa sa kataasan ng inyung kakayahan. Ang akademyang ito ay umiiral sapagkat walang patapon ang nasalo sa samahang ito. Ang gantimpala ay ibinibigay sa mga kwalipikadong nilalang. Hindi kailanman kami naghahanap ng kapangyarihan, ang kapangyarihan ang kusang lumalapit sa amin. Kanilang inaangkop ang kanilang sarili ngunit hindi namin ipinipilit ang mga hindi saamin ay naaangkop. Ito ang masasabi ko sa inyo, walang taong hindi dugo't pawis ang ligtas sa akademyang ito. Pag-isipan niyong mabuti at baka sa huli kayo'y magsisisi. Samakatuwid, kung sa inyong palagay ay hindi kayo dito naaangkop, huwag sayangin ang inyong oras at kami na ang magbubukas sa labasan at kayo'y maaari nang lumabas."

Biglang bumukas ang labasan at nagkaroon ito ng malaking ingay kaya ang mga manlilinang ay napatingin sa gawi nito. At alam nilang hindi nagbibiro ang Lakan sa kanilang harapan.

Tila ba'y nabuksan ang kanilang kahangalan sa sinabi ng Lakan. May ibang nagdadalawang isip at may ibang tumatakbo palabas dahil sa takot at naiisip nilang isang kahangalan lamang na nagpasya silang magpatala sa lugar na hindi sila nabibilang.

Hindi na lingid sa kanilang kaalaman kung gaano kahigpit ang damaraka ngunit kanila parin itong sinubukan. Inaamin ng karamihan na hindi gaanong magaling ang kanilang mga talento subali't nakapasa sila sa kwalipikasyon. Kaya iyon ang kanilang pinanghahawakan.

Ngunit nakakadismaya dahil hindi maitatanggal sa kanilang isipan ang pagkatakot sa kung anuman ang posibleng mangyari.

'Masyadong mahigpit' ang kahulugang nababagay sa akademyang ito. Iyon ang nasa isip ng mga manlilinang.

Ngunit nananatiling masigasig sina Dakila. Sa mga salitang iyon ay hindi natitinag ang kanilang tiwala sa sarili.

Isang minuto lamang ang lumipas at umabot na sa kalahati ang lumabas.

Oo kalahati. Lingid sa kaalaman ng mga nagpapatala ngunit kada limang taon ay ganito ang nangyayari tuwing sinasabi ng Lakan ang mga salitang iyon. Hindi na bago ang pangyayaring ito sa mga tauhan sa akademya.

Ngunit pagkamangha ang nararamdaman ng mga manlilinang.

Nang natitiyak na nilang wala nang manlilinang ang may pakay na lumabas ay sinarado na nila ang labasan.

Tatlong minuto lamang ang lumipas at ang dating tatlong daan mahigit na mga nagpatala ay kasalukuyang naging humigit-kumulang na limampu.

"Sigurado akong hindi kayo magsisisi sa inyong pasya. Nakita ninyo iyon? Mga pawang bahag ang buntot lamang ang nababagay itawag sa kanila. Nais kong sabihin sa inyo na…

Kayo'y tanggap na. Pagbati mga bagitong estudyante ng Damaraka, maligayang pagdating!"

Walang ingay ang narinig sa mga manlilinang pagkatapos iyon sabihin ng Lakan.

Nakatunganga lamang ang karamihan. Walang nag-aakalang ganito ang mangyayari.

Lumipas pa ang mga ilang segundo bago nagkagulo ang mga manlilinang. Mayroong naghihiyawan at nagtatalonan sa kasiyahan.

"D-dakila, tanggap na tayo?" Tanong ni Amihan

"Tanggap na tayo! Nanay, tatay, tanggap na ako!" Hirit ni Brando at inaalog-alog si Amihan kaya ito nama'y kaniyang sinapak sa ulo.

Nanatiling ganoon lamang ang ekspresyon ni Dakila mula pagpasok at hanggang ngayon. Ngunit may namumuong pangingislap sa kaniyang mga mata.

Sinong mag-aakalang ganito lang naman pala kadaling matanggap sa Damaraka. Kaya pala walang-duda ang kaniyang nanay at tatay.

Galing din sa Damaraka si Bagwis, ang kaniyang tatay noon. At dahil sa nangyari ay siya'y umalis nang hindi nagpaalam at hindi na nagpakita pang muli. Kaya alam nito ang pagpasok na pagsusulit.

"Alam 'nyo, ang pamamaraan sa mundo ay hindi nahuhulaan. Maaaring makakuha ng pahiwatig ang mga balyente, ngunit palaging naiiwan ang mga duwag. Huwag 'nyo iyang kakalimutan.

Pumasa kayo sa pagsusulit hindi dahil sa inyong kakayahan, kundi dahil sa inyong pagkamatapang. Ang mga kasabihan na inyong naririnig sa akademya mula sa labas ay isang kabulastagan lamang. Makinig kayo at sasabihin ko sa inyo ang ating totoong salawikain.

'Nalulupigan ang lahat kapag ang isa ay matapang.'"

Ito ang totoong Damaraka.

Hindi maiwasan ng mga estudyante na humanga sa Lakan na nasa kanilang harapan at sa buong Damaraka.

"Buksan ang inyong mga pakpak at pumailanglang hanggat saan ninyo makakaya. Ako si Isagani Bakunawa, ang inyong bise dekano. Kilala din sa bansag na 'Along Bughaw na Bakunawa'. At dito na magtatapos ang seremonya." Huling sabi ni Lakanisagani at biglang naglaho sa hangin.

Lumaki ang mga mata ng mga estudyante. Ang kilalang Along Bughaw na Bakunawa ay siya palang isang bise dekano sa Damaraka, at nasa kanilang harapan ito nagsasalita kamakailan lang.

"Tingnan ninyo ang inyung mga kamay, ang numero at pangalan ng kamara na lalabas ay inyong magiging silid."

Naririnig ito lahat ng mga bagitong estudyante kaya sila'y tumingin lahat sa kanilang mga kamay.

*#03, Kamara Melokoton*

Ang nakasulat sa kamay ni Dakila. Hindi niya alam kung paano ito ginawa ngunit siya'y humahanga sa kung sino man ang may gawa nito.

Ito ay nagagawa lamang sa may mga pangalawang diwa na espirituwal ang uri. Ngunit hindi ito madaling gawin.

Kahit si Dakila na isang espirituwal na nilalang ay nahihirapan itong gawin, sa ngayon. Totoo bang lahat ng mga taga Damaraka ay makapangyarihan? O dahil lamang ito sa paraan ng pagtuturo ng akademya?

May namumuong kagalakan sa loob-loob ni Dakila.

Tumingin si Dakila sa kamay ni Amihan at pagkatapos ay tumango-tango, tila ba'y siya ay sumasang-ayon.

"Saang kamara kayo napadpad?" Tanong ni Brando sa kanila.

Lumawak ang ngiti ni Amihan nang makitang magkatulad sila ng kamara ni Dakila. "Sa Kamara Melokoton! Doon ka din ba?" Ani Amihan.

"Magkatulad kayo? Mukhang dito na tayo maghihiwalay." Malungkot nitong wika kaya sinapak naman ito ni Amihan.

"Tanga ka ba? Eh tayo'y nasa iisang akademya lang naman, wag ka nga masyadong maarte! Hmp!"

"Nasa iisang akademya? Maaari na nga itong tawaging lungsod kung tutuusin dahil sa laki."

"Suliranin mo na iyan! Basta ako kasama ko si Dakila, wala akong kinakailangang problemahin."

"Brando huwag kang mag-alala maaari mo naman kaming dalawin." Singit ni Dakila.

"Maaari ko kayong dalawin? Hindi kayo dadalaw sa akin at ako ang dadalaw sa inyo ganun? Hm! Magsama kayo." Huling ani Brando at nagsimulang maglakad.

"Ang matampuhin talaga ng tabak na yun."

Sina Dakila at Amihan nalang ang natira sa malawak na bulwagan dahil umalis na ang iba at pumunta na sa kanilang mga kamara.

"Tayo na."

-

Naihatid na ni Dakila si Amihan sa seksyon pambabae ng Kamara Melokoton sa silid na #44. Hindi na siya pumasok pa para tingnan kung ayos lang ba na doon ito lumagi sapagkat bawal pumasok ang mga lalaki sa pambabaeng seksyon.

Ngayon ay siya na'y nasa harapan ng kaniyang magiging silid. Kaniyang nabalitaan na dalawa ang estudyante sa bawat silid. Hinihiling niya na sana maging mapayapa ang kanilang samahan, ayaw niya ng naaabala.

"Ano pa ang hinihintay mo?" Biglang wika ng kung sino sa malamig at patag na boses.

Napalingon si Dakila sa kaniyang likuran at nakita niyang may lalaking kaniyang katangkad, sa kaniyang palagay ay mga nasa labing apat na taong gulang na ito. Mahaba at kulay itim din ang buhok nito at naaayon sa kasuotan nitong maitim, lumalantad ang pagkamaputi ng kutis nito na sumasalungat sa ayos nito.

Sa kabilang banda naman ay pagkamangha ang makikita sa mukha ng lalaki na nakatingin kay Dakila. Ngunit tumagal lamang iyon ng mga segundo at bumalik sa pagkawalang ekspresyon ang mukha nito.

*Ito ba ang aking magiging kasama sa iisang silid?* Ani Dakila sa kaniyang isipan.

Hindi naman ito mukhang mayabang at mapagmataas, yung uring nang-aapi ng kapwa. Ngunit sa histura nito ay masasabi niyang ito'y naiinip at halatang napipilitan lamang ito sa mga nangyayari.