"MANANG tulungan na po kita..." sabi ko nang makita kong nabibigatan siya sa pagdala noong baldeng may laman ng mga damit namin ni Enzo. Isasampay niya kasi ito sa may sampayan.
"Naku, ma'am 'wag na!" sabi niya sabay layo ng balde sa akin...
"Pero kasi..." halata namang nabibigatan siya eh. Mga nasa forties na si manang kaya tiyak akong mabibigatan talaga siya sa dala niya. Kailangan ko siyang tulungan. Pang isang linggong damit yung isasampay niya eh.
"Kaya ko 'to ma'am." sabi niya at binigyan niya ako ng ngiti na para makumbinsi akong kaya niya. Hinayaan ko na lang siya. Bumalik ako sa pagdidilig ng mga halaman. Nagpapakalma sa akin 'to eh. Naguguluhan pa rin kasi ako ngayon sa mga nangyayari.
Dalawang buwan na ang nakalipas nang makalabas ako sa hospital.
Kahit dalawang buwan na ang nakalipas, wala pa rin akong matandaan.
Kapag may naalala ako sumasakit naman ang ulo ko.
May amnesia daw kasi ako, sabi n'ung doctor sa hospital.
Wala akong maalala. Lalo noong nasagasaan ako ng kotse, 'yun ang sabi noong lalaking nakita ko nang maidilat ko ang mga mata ko sa hospital, nasa tabi ko pa siya nu'n at yakap-yakap niya ako ng mahigpit. Dagdag pa niya, asawa ko raw siya na hindi ko alam kung dapat kong pagkatiwalaan pero dahil sa mga oras na 'yun hindi ko alam kung sino ang paniniwalaan, kaya naniwala na lang ako sa kanya.
Hindi naman siguro siya magsisinungaling sa akin diba?
Doctor siya, kaya bakit siya magsisinungaling sa isang tulad ko na may sakit?
Hindi naman siya magkakapera sa akin kasi kahit wala akong maalala, alam kong mahirap ako. Hindi pangmayaman ang balat ko. Makalyo rin ang kamay ko kaya alam kong batak ako sa trabaho noong hindi pa ako naaksidente.
Nanlaki ang mata ko at napatili nang may biglang yumakap sa akin. Nabitawan ko ang hawak kong hose kaya bumaha doon sa part na nabagsakan ng hose.
"Kumusta ang araw mo, mahal?" tanong niya at hinalikan ang kanang pisngi ko. Natulala ako ng ilang saglit. Kahit araw-araw niyang ginawa to, nagugulat pa rin ako.
"A-ayos lang..." sagot ko at kinalas ang pagkakayakap niya sa akin para sana kunin ang hose at para patayin 'yung gripo pero hindi niya ako pinayagang makawala. "E-Enzo kailangan kong patayin 'yung tubig-Ay!" sigaw ko ng bigla niya akong kinarga. 'Yung kargang pang bagong kasal. "Enzo, ibaba mo ako!" sabi ko ng bigla siyang naglakad papasok ng bahay. "'Yung hose-
"Manang pakiayos nga 'yung hose!" sigaw ni Enzo doon sa matandang gusto kong tulungan kanina. Patapos na siya sa ginagawa niya.
Hindi ba niya papahingahin 'yung matanda? Madami ang sinampay ni manang.
Tumingin si Enzo sa akin pagkatapos. "Ngayon, ayos na?" nakangiting tanong niya. Ngumuso lang ako at tumango. Gusto kong umapela dahil naawa ako sa matanda pero hindi na lang ako nagsalita.
Asawa ko siya.
Kaya dapat na bigyan ko siya ng pansin diba?
Kasi alam kong nasasaktan siya sa kaalaman na hindi ko siya maalala tapos hindi ko pa siya aarugain?
"So pwede na kitang masolo?" tanong niya ulit na kinatingin ko sa kanya. Tumango na lang ako. Narinig ko siyang sumigaw ng 'yes' kaya tinago ko lang ang mukha ko sa dibdib niya at kinurot siya. Nahihiya ako.
Kahit wala akong maalala, masasabi ko na napaka-sweet na asawa nitong si Enzo.
Umakyat siya sa kwarto niya-kwarto namin pala, karga-karga pa rin niya ako.
Dito kasi ako natutulog at magkatabi kami!
"E-Enzo!" kinakabahang tawag ko sa pangalan niya ng binaba niya ako sa kama. Napalunok ako.
Kahit na mag-asawa kami... hindi ako handa...
Atsaka sa dalawang buwan ko dito, hindi naman siya nagpapakita ng motibo na gusto niyang mag ano kami...
Hindi ko kayang...
Naramdaman ko ang pag-init ng pisngi ko.
Sumampa sa kama si Enzo kaya kumabog ng sobrang lakas ang puso ko. Napatingin ako kay Enzo ng dahan-dahan siyang gumapang palapit sa akin.
"E-Enzo!" Kinakabahang tawag ko sa pangalan niya.
Oh my!
'Yung sinabi niyang gusto niya akong masolo, ito ba 'yung tinutukoy niya?
Tumitig si Enzo sa akin at binigyan ako ng tingin na para bang nakakapaso. Napaiwas ako ng tingin at napahawak ng mahigpit sa suot kong damit. 'Yung tipong ayaw kong ipabahubad ang t-shirt na suot ko. Naka-suot lang kasi ako ng puting t-shirt at cotton short.
Tumawa lang siya at hinalikan ako sa labi ng mabilis kaya napatingin ako sa kanya.
Umupo siya at hinawakan niya ang bewang ko tapos kinarga. Pinaupo niya ako sa hita niya pagkatapos. Nasa likuran ko siya. Nakapulupot sa bewang ko ang braso niya at nakasandal ang likod ko sa dibdib niya.
Boltahe-boltahe ang kakaibang nararamdaman ko ngayon dahil sa posisyon namin.
"Mahal, hindi natin 'yun gagawin hanggat hindi ka pa handa." Malambing na sabi niya sa may tenga ko.
Ngumuso ako.
"Bakit kasi tayo nandito sa kwarto?" mahinang tanong ko sa sarili ko. May bakas pa 'yun ng pagkadismaya. Dahil nandito kami ngayon sa kama, kung anu-ano tuloy ang naiisip ko. Kaya hindi ko kasalanan kung maisip ko man ang bagay na yun!
Tumawa siya ng mahina.
"Mahal, I heard you..." sabi niya kaya napatikom na lang ako.
Nakakahiya!
Lumalabas tuloy na parang gusto kong mag-ano kami!
Humiga siya sa kama at sinama niya ako sa paghiga. Nakatagilid kaming nahiga sa kama. Yinakap niya ako ng mahigpit pagkatapos.
Nakadantay rin ang mga binti niya sa katawan ko. Parang ayaw niya akong makawala sa hawak niya ngayon.
Ayoko man, pero napangiti ako. Nagugustuhan ko ang posisyon namin.
Kahit na wala akong maaalala, masasabi kong, ang swerte ko. Dahil may ganito akong asawa. Sweet at palaging pinaparamdam na mahal-mahal niya ako kahit na hindi ko siya maalala.
Natulos ako sa pagkakahiga nang maramdaman ko ang labi niya sa may leeg ko.
Oh my!
"Mahal, alam mo, ang dami-dami kong pasyente ngayon..." sabi niya na para bang batang nagsusumbong na inaway siya ng mga kalaro niya.
Nakagat ko ang labi ko para hindi mapatili sa sobrang saya. Nakakatawa kasi yung sinabi niya.
Ang laki niyang tao, tapos ganito siya. Para siyang bata.
Baka gusto niya lang na magpalambing sa akin.
Oh...
Baka nga.
Hindi ko alam ang dapat itugon sa sinabi niya but tingin ko alam ko kung ano ang dapat na gawin ko-bilang asawa
Lumingon ako sa kanya.
"Gusto mo, masahein kita?" alok ko sa kanya.
Lumiwanag naman ang mukha niya sa alok ko.
"Talaga?" masayang tanong ni Enzo sa akin.
Tumango lang ako. Para mabawasan naman ang stress niya. Ngumiti siya ng pagkakalaki-laki sa akin.
Kumalas ako sa pagkakayakap sa kanya at lumuhod sa kama.
"Umayos ka ng higa." Utos ko sa kanya.
Excited na humiga siya sa kama namin-bigla akong nahiya sa huling salitang naisip ko.
"I'm ready mahal." Sabi ni Enzo kaya napatingin ako sa mukha niya.
Okay!
Tumango lang ako at gumapang ako papunta sa kanya.
Nang makalapit ako, iniangat ko ang kanang binti ko papunta sa kabilang bahagi ng kama pagkatapos ay umupo sa may tiyan ni Enzo.
Napasinghap si Enzo sa ginawa ko kaya napatingin ako sa kanya.
Nakita kong nakapikit ang mga mata niya at pinipisil niya ang ulo niya na para bang ang sakit-sakit noon.
Masakit siguro talaga ang ulo niya. Diba kasi yung mga doctor kaunti lang ang tulog?
Nakakaawa naman.
Iniangat ko ng kaunti ang katawan ko at gumalaw ako palapit sa kanya.
Kailangan ko na talaga siyang masahiin para makapag relax siya.
Tumigil na lang ako sa paglapit sa kanya ng nasa may dibdib niya na ako. Umupo ulit ako sa katawan niya.
"M-mahal..." hinihingal na sabi ni Enzo na para bang nahihirapan siya.
"Hmmm..." sabi ko at hinawakan ko ang kamay niyang nakahawak sa ulo niya.
Dinilat ni Enzo agad ang mga mata niya at tumingin sa akin.
"Ako na..." sabi ko at binigyan siya ng isang ngiti. Mamaya na 'yung katawan niya. 'Yung sakit sa ulo muna niya ang uunahin ko.
Nakita ko ang paglunok niya at tumingin sa pagkakaupo ko sa katawan niya. Napalunok rin ako pero sinumulan ko na ang pagmamasahe sa kanya.
Dahan-dahan kong inalis ang kamay niyang na nasa noo niya 'tapos ay binaba ko yun sa kama.
Hinawakan ko ang noo niya pagkatapos.
Mabilis na pumikit si Enzo ulit. Kaya sinimulan ko na ang pagmasahe sa ulo niya. Ninanamnam ni Enzo ang bawat pagpisil ko sa ulo niya.
"Hmmm..." ungol ni Enzo.
Nakagat ko ang labi ko.
Alam ko, sign 'yun na tama 'yung ginagawa ko at nare-relax siya pero parang may ibang meaning ang ungol na 'yun.
Napailing na lang ako at pinagpatuloy at hinusayan ko pa ang ginagawa ko sa asawa ko. "Diinan mo pa," garalgal na sabi ni Enzo sabay hawak ng kamay ko para mapadiin yung pagpisil ko. Biglang nanlaki ang mata ko ng may biglang alalala ang lumitaw sa isipan ko...
"ROSARIO..." tawag sa akin ni Ka Impeng. Tumigil ako sa pagpupunas noong baso na ginagamit niya sa pagpapainom doon sa mga pasyente at tumingin sa kanya. Ika-dalawang araw ko na sa bahay niya ngayon. Wala naman akong ginawa dito kundi tulungan siya.
"Bakit po?" tanong ko sabay lapit sa kanya. Nakaupo siya sa isang mono block chair.
"Maaari mo ba akong masahiin?" tanong niya. "Nanakit kasi ang katawan ko sa kakayuko sa paggamot kanina." Sabi niya.
"Ah, sige po." Sagot ko. Natuto akong magmasahe dahil minamasahe ko ang mama ko tuwing nakikita ko siyang pagod na pagod sa paglalaba. Labandera kasi siya.
"Maraming salamat, Rosario..." sabi niya. Pumunta ako sa likuran niya at hinawakan ang ulo niya at nagsimula na sa pagmasahe sa kanya.
"Hmm..." ungol niya na para bang nasasarapan sa ginawa ko. Napangiti ako. Buti na lang nagustuhan niya! Ilang minuto ko rin siyang minasahe. Hinawakan niya ang kamay ko kaya tumigil ako sa pagmamasahe sa kanya.
"Rosario..." tawag niya sa akin at biglang hinaplos ang kamay kong hawak niya. Kinilabutan ako.
"Po?" tanong ko at hindi ko pinahalata na kinakabahan ako. Baka magalit si Ka Impeng sa akin.
Hinawakan niya ang isa ko pang kamay at hinila niya ako para mapunta ako sa harapan. "Gusto mo bang maging asawa ko?" nanlaki ang mga mata ko sa tanong niya at natakot ako bigla.
Anong ibig niyang sabihin?
Ang bata ko pa sa ganoong bagay?!
Tumawa lang si Ka Impeng, siguro dahil sa reaksyon ko. "Nagbibiro lang ako Rosario!" sabi niya sabay haplos ng kamay ko.
"Napakaganda mo kasing bata, siguro maraming nagkakagusto sa lugar niyo ano?" tanong niya.
Pwede ba iba na lang ang pag-usapan namin?
Hindi ako komportable eh. Pero kasi... Si Ka Impeng to... Siya ang gagamot sa akin. Siya ang magpapagaling sa akin...
"Ah, hindi ko po alam, hindi po kasi ako lumalabas ng bahay..." sagot ko na lang sa kanya.
Tumango-tango lang siya at nakita ko siyang ngumiti. "Kung ganoon, wala pang nakakahawak sa 'yong lalaki, kundi ako." Sabi niya na para bang natutuwa sa nalaman niya. Naguluhan ako. "Sige, bumalik ka na ulit sa pagmamasahe sa akin pero ngayon, likod ko naman. Doon tayo sa kama ko, Rosario..." sabi niya na may malambing na boses na kinatakot ko.....
"MAHAL..." mahinang tawag sa akin ni Enzo. Napakurap ako at tumingin sa kanya. Nakatitig siya sa akin at concern na concern ang itsura niya. Napaupo si Enzo sa kama dahil sa pag-aalala sa akin.
"Ah!" Sigaw ko nang dumaosdos ako pababa sa may.... Oh my God!
Napahawak ako sa magkabilang balikat niya at dahan-dahang iniangat ang katawan ko pero pinaupo lang niya ulit ako. Ramdam na ramdam ko ang... Napalunok ako.
"Masama ba ang pakiramdam mo?" concern na tanong ni Enzo sa akin habang sinusuri ang pulso ko ag mukha ko. "May naalala ka?" tanong niya ulit ng hindi ako sumagot sa tanong niya.
Tumango lang ako.
"Anong naalala mo?" Concern na tanong niya.
Nakagat ko ang labi ko at napatitig sa kanya. Hindi ko masabi sa kanya. Hindi ko alam kung bakit pero ayoko na malaman niya ang bagay na 'yun. Natatakot ako... Natatakot ako na pandirihan niya ako.
Pandirihan?
Huminga ng malalim si Enzo at yinakap ako. Hinalikan niya pa ang noo ko.
"Tatawagan ko si Doc Leo mamamaya para masuri ka ha..." malambing na sabi na niya.
Tumango lang ako.
Bakit ganoon, hindi ito ang unang beses na makita ko ang lalaking 'yun sa alaala ko. Sino ba siya? At bakit wala akong maalala na kasama si Enzo?
Napatitig ako sa kanya.
Asawa ko ba talaga si Enzo?
At sino ba si Ka Impeng sa buhay ko?
Bakit siya ang lagi kong naaalala imbes si Enzo na asawa ko?