Chapter 8 - Chapter 7

BIGLA kong naramdaman ang paglapat ng malambot niyang labi sa mga labi ko. Napadilat ako at muling napapikit ng naramdaman ang paggalaw ng mga labi niya na masuyong humahalik sa akin. Hindi ako gumagalaw. I don't know what to do.

This is my first!

Nakahinga ako ng maluwag nang naramdaman kong humiwalay na ang labi niya sa akin. Ngunit nananatili akong nakapikit. Diniinan ko pa ang pagpikit ko dahil natatakot akong salubungin ang mga mata niya.

Bigla akong nasinok nang hawakan niya ang baba ko at itingala ako.

"Open your eyes, Keana."

Umiling ako.

"Please, Keana. Galit ka ba?"

Muling akong umiling at inilayo ng bahagya ang katawan ko sa kaniya.

"Hey, we need to find immediate shelter. It's pouring hard," he said.

Doon ako napamulat. Oo nga pala, nasa labas kami ng kotse at malakas ang hangin at ulan. Saglit kong nakalimutan ang lahat. Nag-init ang pisngi ko nang magtama ang aming mga mata. Masuyo siyang nakatingin sa akin at ngumiti. Nag-iwas ako ng tingin.

"Halika, may nakita akong abandoned house not far from here. Maybe we could stay there for awhile. Let's wait until the water subside and then I will take you home." Hinila niya ang kamay ko saka humakbang.

Napahinto siyang nang hindi ako nagpahinuhod. Bigla siyang ngumiti.

"Look, I won't do anything to you that you won't permit," sabi nito at pinisil ang kamay ko.

Bigla akong nagbawi ng kamay ko sa kaniya. "Bakit, pinayagan ba kitang halikan ako?" Napakagat labi ako.

Gaga, bakit mo naman binanggit?

Shunga, boobita.

"So, are you mad?" he asked again.

"Hindi- hindi ko alam. Nabigla ako, first kiss ko iyon, eh!" Nabatukan ko bigla ang aking sarili. Ang tackless mo talaga, bruha.

"Wow, I am so happy. I am your first." Inabot nito ang kamay ko at dinala sa mga labi niya. He kissed my knuckles while staring straight to my eyes.

I got chills. I felt butterflies on my stomach for the first time. I can't say anything. Madiin niyang hinawakan ang kamay ko at hinila ako.

Habang naglalakad kami papuntang sa lumang bahay, napansin kong hindi siya napapayungan ng maayos. Basa na ang kabilang balikat niya. Sumiksik ako sa tagiliran niya at inurong ang kamay niya na may hawak na payong. Inalis ni Craige ang pagkakahawak sa kamay ko at inakbayan ako.

Nasa sampung metro ang layo ng kotse niya sa abandunadong bahay. Huminto kami sa tapat ng bahay at pumasok sa pintuan. Bukas ito dahil sira na ang bahay.

Binuksan ni Craige ang flashlight sa cellphone ko at inilawan ang loob. Maalikabok doon at nagkalat ang sapot ng gagamba. May isang lumang papag sa tapat ng pinto. Pumasok siya sa loob at pinagpag ito gamit ang jacket niya. Inilatag ang jacket pagkatapos at tumingin sa akin na naiwang nakatayo sa harap ng pinto.

"Umupo muna tayo rito," tawag niya sa akin.

Iminustra ang kamay sa tabi niya. Umupo ako doon at niyakap ang sarili.

"Are you cold?" I asked him. I noticed him shaking.

"I'm fine," sagot niya pero pati boses niya, shaky na rin.

Hinubad ko iyong jacket na binigay niya kanina at ikinumot sa kaniya.

"No need, lalamigin ka," sabi niya at pilit inaalis ang jacket upang sa akin ikumot.

"Share na lang tayo," sabi ko sabay siksik sa tagiliran niya upang pareho kaming makumutan. Napatingin siya sa ginawa ko. Nginitian ko siya at inabot ang kamay niya. Napakislot siya noong hawakan ko ang mga kamay niya.

"Ang lamig ng kamay mo, sandali lang." Inilabas ko ang mga kamay ko at pinagkiskis ito. Nang mainit na ay inihawak ko uli sa mga kamay niya.

"It's warm right?" Nginitian ko siya.

Tumango siya at ginaya rin ang ginawa ko. We hold hands to share our body heat. Pareho kaming nakatanaw sa labas habang minamasdan ang malakas na ulan. Tahimik ang paligid maliban na lang sa mga patak ng ulan na tumatagiktik sa bubong na yero. Ihinilig ko ang aking ulo sa balikat niya habang magkadaop ang aming mga palad.

Nagising ako sa ingay ng lamok. Tumila na pala ang ulan. Nang lingunin ko si Craige ay tulog din ito. Marahan ko siyang inalog para gisingin. Humikab ito at pupungas-pungas na gumising.

"Let's go," aya ni Craige. Ngumiti ako at tumango. Magkahawak kamay kaming naglakad pabalik sa kotse.

Madaling araw na ngunit hindi pa rin ako dalawin ng antok. Nakatulala ako sa kisame habang may nakapagkit na ngiti sa mga labi ko. Parang nakikita ko sa kisame ang flashback noong nangyari kanina. Napahawak ako sa labi ko at napapikit ng mariin. Gusto kong tumili pero hindi ko magawa dahil natutulog ang kapatid ko. Natakpan ko ng mga palad ang aking bibig dahil muntik nang may kumawalang tili. Napatakip ako ng kumot at walang humpay na ipinadyak-padyak ang mga paa. Pakagat labi kong pinipigilan ang ingay na maaaring lumabas sa labi ko.

Napangiti ako nang si Craige ang bumungad sa mga mata ko pagkagising. Malambing niyang hinaplos ang pisngi ko at ginawaran ako masuyong halik sa mga labi.

"Gumising ka na, Ate. Tanghali na."

Bakit boses babae si Craige? Bagamat nagtataka ay nakuha kong ngumiti.

"Gising na ako," nakangusong sagot ko.

Biglang nawala sa harapan ko si Craige. Dumilim ang paligid at nagsimulang magbitakan ang dingding ng bahay. Napabangon ako nang may mabigat na dumagan sa mga hita ko. Nabagsakan ng kahoy mula sa kisame ang kalahati ng katawan ko. Ibinuka ko ang aking bibig pero walang katagang lumalabas dito. Napahawak ako ng mahigpit sa mga binti ko nang magsimulang umuga ng malakas.

May aftershock. Nanlaki ang mga mata ko nang biglang tumambad sa akin ang paguhong pundasyon ng bahay.

"Ate," tawag sa akin ni Aira. Inunat ko ang aking kamay para abutin siya pero huli na dahil napipintong gumuho ang pader sa tabi niya. Nanlaki ang mata ko sa nasaksihan. Tatabon ang paguhong pader Kay Aira.

"Ilag, Aira! Guguho ang pader!" Nakaunat ang kamay ko para abutin siya at hinihingal habang nakaupo sa taas ng double deck bed.

Nakaupo ako? Kumurap-kurap ako at bumungad sa paningin ko ang nakangising si Aira.

"Guguho ang pader, Ate? Lumilindol ba?" nakangising tanong ni Aira. Kalaunan ay namutawi dito ang matining na tawa. Halos nakapikit na ito at nakahawak sa tiyan. Hindi pa rin tumitigil sa katatawa at napahiga ito sa kama ko sabay nagpapapadyak.

Nakanganga akong pinagmamasdan siya nang may nagsalita.

"Oo, lumilindol talaga. Lumilindol iyang higaan mo dahil inalog-alog ni Aira," nakaismid nitong sabi habang nakasandal sa bukana ng pintuan.

"Kanina ka pa diyan, Ate Mon?" Hindi ko talaga siya napansin.

"Oo, kanina pa. Aba'y tanghali na, mag-aalas-diyes na ng umaga, tulog ka pa! Anong oras ka ba nakauwi?" sunod-sunod na litanya nito.

"Madaling araw na, Ate. Mahirapan kasi ako makasakay, masama ang panahon kagabi," pagsisinungaling ko. Partly lang naman ang kasinungalingan doon. O sige na nga, fifty-fifty.

Biglang tumigil si Aira sa pagtawa at bumaba ng higaan ko.

"Okay na, Ate ha. Walang lindol," nakabelat nitong sabi sabay labas ng kuwarto.

Ang sarap kudlitan sa ulo eh, no!

"Mag-agahan ka na. Mabuti na lang linggo ngayon, wala kang pasok. Maniningil lang ako ng paupahan mamaya tapos may pupuntahan ako. Dalawa lang kayo dito magkapatid at gagabihin ako." Pagkasabi nito ay lumabas na ito sa kuwarto.

Bumaba ako ng kama at nag-inat-inat. Pagkatapos ay dumiretso ako sa banyo para maghilamos at magsipilyo.

Pagkatapos ko mag-agahan ay naglinis ako ng bahay at nagsalang ng labahan sa washing machine habang nagluluto ng tanghalian. Hapon na nang matapos ko lahat ng gawain sa bahay. Pagkatapos magtupi ng mga damit ay naisipan ko na lumabas ng bahay.

Umiihip ang malakas na hangin at may naglalaglagang mga tuyong dahon mula sa malaking puno ng acacia sa tawid ng kalsada. Natanaw ko roon si Aira na nakikipaglaro ng Chinese garter sa mga kaedaran niyang mga kapitbahay namin. Napangiti ako nang kumaway siya sa akin. Kumaway din ako pabalik. Lumabas ako ng gate at nakapangalumbabang umupo sa kahoy na upuan sa harap ng bakod na semento. Nagkukulay kahel na ang langit na may mangilan-ngilan na maninipis na ulap. Ang dami ring maliliit na ibon ang nagliliparan habang ang iba naman ay nakadapo sa mga puno sa tawid ng kalsada. Maluwag kasi ang bakanteng lote sa tawid. Maliban sa isang malaking puno ng acacia na marahil ay nasa isang daang taon na, marami ring iba't ibang klase ng puno. Iyon ang dahilan kung bakit doon naglalaro ang mga kabataan. Malilim at malamig doon.

Nakahahalinang pagmasdan ang pagtagos ng sinag ng araw sa mga puno. Parang saliw ng musika ang tawanan ng mga batang naglalaro. Napangiti ako at napasinghap sa sariwang hangin.

Napalingon ako sa kanan ng biglang may humaharurot na motor at biglang huminto sa tapat ko. Pasalubong ang kilay na tiningnan ko ang rider nito. May nakalagay na isang katamtamang laki ng itim na box sa likuran ng motor nito. May nasasulat ditong BEXD. Nagtanggal ng helmet at bumaba ang lalaking rider at binuksan ang box saka may kinuhang maliit na kahon.

"Miss, kayo po ba si Amara Keana De Amorie?" tanong nito habang hawak ang kahon.

"Ako nga, bakit?" nakagusot ang kilay na tanong ko.

"Delivery po para sa inyo," anito sabay abot sa akin noong kahon na hawak niya.

Alanganin kong kinuha ito. May inabot itong papel na pipirmahan. Agad namang umalis ang lalaki matapos kong pumirma.

Muntik ko nang mabitawan ang kahon nang may biglang nagring at nag-vibrate sa loob nito. Dali-daling binuksan ko ito at bumungad sa mata ko ang isang mamahaling iPhone. Umiilaw ito habang nagriring. At napanganga ako sa nabasa ko sa call screen nito.

"Boyfriend?!" Salubong ang kilay na basa ko. Tumigil ito sa pagriring ngunit saglit lang dahil muli itong nagring.

I swipe the screen to answer it and move it to my ear.

"Hello?" I said.

"Bakit ang tagal mong sinagot?" mahina ang boses ng lalaki sa kabilang linya.

"Sino, 'to?"

"Nakakapagtampo ka naman, magkasama lang tayo kaninang madaling araw tapos nakalimutan mo na ako kaagad," mahinahong sabi nito.

"Craige, ikaw ba iyan? Bakit ganyan ang boses mo? May sakit ka ba? Okay ka lang ba?" nag-aalala kong tanong.

"Wait, isa-isa lang. Ang dami mo namang tanong. Oo, ako ito. Okay lang ako. I just catch a simple cold," sagot nito. "How about you? You're not sick, are you?"

"Don't worry about me. Malakas resistensiya ko. Teka nga pala, bakit boyfriend ang name mo sa cellphone na ito? Kaninong cellphone ito?" tanong sa kaniya.

"Aren't you already my girlfriend? We already kiss, didn't we?"

Nag-init bigla ang pisngi ko. Napahawak ako rito at lumingon-lingon sa paligid. Nag-aalala na akala mo naman ay may makaririnig na iba sa usapan namin.

"And by the way, the phone is yours. Gift ko sa iyo. Para hindi rin ako mahirapang kontakin ka."

"Hello, Keana. Are you still there?" tanong nito.

Napakagat-labi akong ngangingiti. "Oo, nandito pa ako."

"I miss you," malambing na sabi nito.

Napapadyak ako at napapikit nang nakangiti. "Miss you too," bulong ko.

Nyeta, ang harot ko.

"What? I can't hear you."

I rolled my eyeballs. Luminga-linga ako sa paligid bago muling nagsalita. I cleared my throat. Bakit bigla kasing parang may naghahabulan na daga sa dibdib ko.

"Sabi ko, I miss you too," sabi ko sabay end call.

"See you tomorrow." Sabi ng message na dumating with three heart emoji.

"See you tomorrow." Reply ko. Nailapat ko sa dibdib ang cellphone ng nakangiti.

KINABUKASAN sa school ay hindi ko nakita si Craige. Maghapon ko siyang hinanap pero hindi ito pumasok. Hindi rin ito nagrereply sa mga messages ko.

Nanlalambot akong naglalakad palabas ng gate nang makasabay ko si Gilbert. Nginitian ko siya kaya napatigil ito sa paglalakad. Tinanggal nito ang ear pods saka bumaling sa akin at ngumiti.

"Hi, Keana. Pauwi ka na?" bungad nito sa akin.

"Oo eh... Ahm... Gilbert- alam mo ba kung bakit wala si Craige?" alanganin kong tanong.

"He's sick. I was on their house this morning. Ang taas ng lagnat niya at inuubo din." Napalatak ito hangin. "Ano kayang pinaggagawa n'on at nagkasakit? Ayaw pa magpadala sa hospital."

Iiling -iling ito na ibinalik sa tainga ang ear pod. "Sige ha, may practice pa kami sa basketball, eh.

Hinawakan ko ang laylayan ng sout nitong polo kaya napahinto ito at nagtaas ng kilay.

"Puwede bang kunin iyong address ni Craige?" tanong ko sa kaniya.

"Give me your number, I'll text you the address," anito sa akin.

Pagkatapos ko ibigay ang number ko sa kaniya ay agad akong nakatanggap ng message mula rito. Umalis naman ito kaagad dahil tinawag ito ng mga kasamahan nitong mag-eensayo. Naka-basketball Jersey uniform na kulay royal blue ang mga ito.

Nagmadali akong lumabas at sumakay ng jeep. Bumaba muna ako sa town proper at dumaan sa botika. Bumili muna ako ng paracetamol at carbocisteine bago sumakay ng trike sa pila.

Makalipas ang sampung minuto ay huminto ang tricycle sa tapat ng isang mataas na puting gate. Pagkaabot ko sa bayad ay bumaba na ako. Napanganga ako habang tinitingala ang matayog na arko sa taas ng gate. May malalaking letra na nakaukit dito.

Las Castillo De Montello, ang nakalagay dito. Lumapit ako sa guwardiya para magtanong.

"Magandang hapon po, dito po ba nakatira si Craige David Montello?" nakangiti kong tanong.

"Dito nga po. Anak po siya ng may-ari ng village na ito. Bakit po?" tanong nito sa akin.

"Bibisita po sana ako," magalang kong sagot.

"Kailangan ko pa pong tawagan ang residence nila at ipagpaalam kung papapasukin kayo. Ano pong pangalan nila ma'am?" tanong ni kuyang guard.

"Amara Keana De Amorie po," sagot ko.

Tumalikod ito at nagdial sa telepono. Nakailang dial ito ngunit mukhang walang sumasagot. Bago pa ako hinarap ni kuya ay biglang may nagbusina sa likuran ko.

Isang blue na BMW ang huminto sa harap ng gate. Nagbaba ng windshield ang likuran nito at dumungaw mula roon si Trixie.

"Anong ginagawa mo rito?" taas kilay na tanong nito.

*****