"ARE you sure kaya mong mag-drive? Gusto mo bang mag-commute nalang tayo tutal maaga pa naman?" tanong ni Ara kay Daniel Lunes ng umaga nasa loob na sila ng kotse noon at kasalukuyan niyang ikinakabit ang kaniyang seat belt.
Katulad ng dati sinundo siya ng kaniyang nobyo para magkasabay silang papasok sa eskwelahan. Hindi pa nga niya nasasabi sa mga magulang niya ang tungkol sa sitwasyon ng kaniyang nobyo pero plano rin niyang ipaalam sa kanila ang totoo. Para hindi magtaka at magtanong ang mga ito kung bakit mas madalas na siyang nasa malaking bahay para samahan ang binata.
"Oo naman, hangga't kaya ko hindi kita hahayaang mag-commute. Ayokong maulit iyong nangyari sa iyo noon, binastos ka ng lalaking lasing," anitong mataman siyang pinakatitigan.
Tumango siya saka hindi napigilan ang magpakawala ng isang malungkot na buntong hininga na umabot sa pandinig ng binata. Noon nito hinawakan ang kamay niya saka iyon itaas saka hinalikan.
"Hindi mo kailangang maawa sa akin, sweetheart. Lalaban ako, kahit mahirap, pangako ko sa iyo iyan," anito sa isang pinatatag na tinig.
"Oo, alam ko," aniyang tumawa sa ka hinaplos ng buong pagmamahal ang mukha ng binata. "Mahal na mahal kita, kung pwede lang sana ibigay mo nalang sa akin ang kalahati ng sakit mo para hindi ka masyadong mahirapan, para kung anuman ang maging ending sabay nalang tayong mawawala, at least sa kabilang buhay alam ko hindi na tayo magkakahiwalay kahit na kailan," sa huli niyang sinabi ay hindi na napigilan ni Ara ang pag-agos ng kaniyang mga luha.
Noon siya pinakatitigan ng binata saka mabilis na pinahid ang kaniyang mga luha. "Huwag ka nang umiyak, remember kukuha pa tayo ng second opinion, malay mo iba ang sabihin ng doktor na iyon," anito sa tono na puno ng pag-asa.
Sa sinabing iyon ni Daniel ay mabilis na tinuyo ni Ara ang mga luha na bumasa sa kaniyang magkabilang pisngi saka nakangiting nagbuntong hininga. "Okay," aniya.
"Alis na tayo?" si Daniel na masigla ang tinig na ini-start ang engine ng sasakyan.
Tumango siya. "Oo nga pala, nakapagpunla na ako ng petsay at mustasa, pati rin kamatis at talong noong isang linggo, umusbong na nga eh. Itutuloy ko iyon, para sa'yo, mas maganda kung ang kakainin mong gulay walang pesticides," pag-iiba niya ng usapan sa kagustuhan niyang ibahin ang mood nilang dalawa pero sa huli gumuhit parin ang lungkot sa puso niya.
Alam naman niya kung bakit niya sinabi na mas mabuti kay Daniel ang mga gulay at prutas na walang pesticides, dahil sa sakit nito. Kaya naman sa pagkakataon na iyon ay muling naramdaman ni Ara ang mabilis na pag-iinit ng magkabilang sulok ng kaniyang mga mata. Pero pinigil niya ang mapaiyak at nagtagumpay naman siya doon.
*****
NANG sumunod na mga araw, katulad ng sinabi sa kaniya ni Daniel ay dumating ang ina nitong si Marielle kasama si Danica. Pero ang dapat sana na masayang reunion ng mag-ina ay nauwi sa ma-emosyon na pagkikita dahil nga sa kondisyon ng binata.
"Masaya ako at dumating ka sa buhay niya hija, at least ngayon bukod sa amin ng kapatid niya ay nagkaroon ng isa pang dahilan si Daniel para lumaban," nasa kusina siya noon at kasalukuyang tinutulungan ang ina ng binata sa paghahanda ng meryenda.
Nahihiyang ngumiti si Ara saka pinakatitigan ang magandang mukha ng ina ni Daniel.
Napakaganda nito, kamukhang-kamukha ni Daniel kaya siguro napakagaan rin ng loob niya rito dahil kapag tinitingnan niya ang ginang ay para narin niyang nakikita ang lalaking pinakamamahal niya.
"Mahal na mahal ko po ang anak ninyo, Tita Marielle, hindi ko po alam kung nasabi na niya sa inyo pero plano na po naming magpakasal," sa sinabi niyang iyon ay nakita niyang lumarawan sa mukha ng ginang ang matinding pagkabigla.
"A-Ano?" anito sa tono na hindi makapaniwala.
Tumango si Ara saka nagyuko ng ulo para itago ang pamumuo ng kaniyang mga luha. Muli kasi ay naramdaman na naman niya ang matinding pag-iinit ng sulok ng kaniyang mga mata. Pati narin ang tila bigik na nakabara sa kaniyang lalamunan kaya hindi nagiging madali sa kaniya ang paglunok at maging ang pagsasalita. Iyon rin ang dahilan kaya nang magbuka siya ng bibig para magsalita ay hindi niya napigilan pumiyok.
"P-Patawarin po ninyo ako kung ako ang dahilan kaya naisipan ng anak ninyo na gawin iyon. Pero gusto ko lang pong sabihin sa inyo ngayon pa lang, hindi po ninyo kami mapipigilan ni Daniel, nagmamahalan po kami at kahit ano pa ang maging ending ng lahat ng ito hindi na importante iyon sa akin, ang mahalaga, kahit sa maikling panahon lang, maranasan ko ang maging kabiyak niya," aniyang tuluyan na ngang napahagulhol ng iyak sa kalaunan.
"Ara, anak," anas ng ina ni Daniel na ginagap pa ang kaniyang kamay pagkatapos.
"G-Gusto ko pong alagaan si Daniel at damayan hindi bilang girlfriend kundi bilang asawa niya," sa pagkakataong ay minabuti na ni Ara na salubungin ang maiitim na mata ni Marielle.
Habang nakatitig siya sa mga mata ng ginang ay parang mga mata rin naman ng kaniyang nobyo ang titingnan niya. Kaya ng ngumiti ang mga iyon ay mabilis na muling napuno ng kaligayahan ang kaniyang puso.
"Hindi ako hahadlang anak, wala akong karapatang gawin iyon. Katulad mo mahal na mahal ko rin si Daniel at bilang isang ina na nagmamahal ng labis sa kaniyang anak wala akong ibang hangarin kundi ang makita siyang masaya."
Sa sinabing iyon ni Marielle ay hindi na napigilan ni Ara ang sarili niyang yakapin ito ng mahigpit dahil sa matinding katuwaan. Iyon rin ang dahilan kaya pareho silang nagulat nang marinig mula sa kanilang likuran ang isang tikhim.
"Anong nangyayari sa inyo at bakit pareho kayong umiiyak?" ang pabirong tanong ni Daniel habang humahakbang palapit sa kanila habang si Danica naman ay nakangiting naiwan sa may entrada ng kusina at nakangiti rin na pinanonood sila.
"W-Wala, hiningi ko lang ng pormal kay Tita Mariel ang kamay mo," sagot ni Ara saka pinaglipat-lipat ang paningin sa mag-ina.
"Ginawa mo talaga iyon?" tanong ni Daniel na gulat na gulat man ay bakas parin sa mukha ang matinding kasiyahan pati narin sa kislap ng mga mata nito.
"Oo anak,ginawa niya at pumayag ako," ang ina ng binata na tumawa pa ng mahina saka inilagay sa mesa ang bagong luto nitong pansit.
"Oh, bakit ganyan ka kung makatingin?" takang tanong ni Ara nang mapuna niya ang kaniyang nobyong tila natuklaw ng ahas dahil nanatili itong titig na titig parin sa kaniya.
Hindi nagsalita si Daniel at sa halip ay kinabig lang siya nito saka niyakap ng mahigpit. Ilang sandali lang pagkatapos ay pinakawalan siya nito, pero ang sumunod na ginawa ng binata ang hindi niya inasahan dahil iyon nalang ang gulat niya nang walang anumang salita siya nitong niyuko saka siniil ng halik sa kaniyang mga labi.
Umabot sa pandinig ni Ara ang naging reaksyon ng mga taong naroroon na halatang nasisiyahan at kinilig sa nangyari. Pero hindi parin niya napigilan ang pamulahan ng mukha at makaramdam ng matining hiya nang pakawalan ni Daniel ang mga labi niya. Noon bumati sa kaniya ang nakangiting mukha ng ina at kapatid ng binata.
"Masaya kami para sa inyo," si Danica na nilapitan siya at niyakap pagkatapos nang pakawalan siya nito ay nakita niya ang pamumuo ng luha sa magaganda nitong mata. "salamat at tumupad ka sa pangako mo na hindi mo iiwan ang kapatid ko," anitong hinalikan siya sa pisngi pagkatapos.
Ngumiti lang si Ara sa sinabing iyon ni Danica. Ang totoo kasi wala na siyang makapa na kahit anong salita na pwede niyang isatinig nang mga sandaling iyon kaya minabuti niyang huwag ng magsalita. Pagkatapos ay tiningala niya si Daniel, bakas sa mukha nito ang kasiyahan at nasa kislap ng mga mata nito ang labis na pagmamahal nito para sa kaniya.
"Pero hangga't maaari sana sa ating apat nalang muna ang tungkol dito. Ang totoo plano talaga naming ilihim ito sa lahat, pero ang sabi ni Ara pwede naman daw naming ipaalam sa inyo, hindi nga lang sa mga magulang niya dahil tiyak na tututol ang mga ito," pagbibigay alam ni Daniel.
"Okay lang sa amin, ikaw anak, okay ba sa iyo iyon?" si Marielle na hinarap siya saka mabait na nginitian.
Tumango siya. "Iyon po kasi ang sa tingin kong mas madaling paraan para hindi na magka-problema sa side ko," pagsasabi niya ng totoo.
Hindi na tumutol pa ang mga ito sa sinabi niyang iyon. Hindi nagtagal at dumating na si Aling Salyn na inutusan ng ina ng binata kanina para bumili ng ice cream at tasty bread sa grocery.
"Kain na," si Marielle iyon na kinuha ang atensyon nilang dalawa. "Salyn saluhan mo na kami dito," pagkuwan ay sabi nito sa kasambahay.
"Sige po, Ma'am Marielle, " sagot naman ni Aling Salyn.
"Ipakilala mo rin ako sa mga magulang mo hija, tamang-tama malapit na ang birthday ni Daniel, next week na, maghahanda ako ng marami pambawi ko sa anak ko sa maraming taon na hindi niya ako nakasama," ang ginang na tiningnan ng may pagmamahal ang bunso nitong anak.
"Oo nga ano? Malapit na ang birthday mo, magpa-catering tayo Ma, tapos imbitahan mo ang lahat ng kaklase at kaibigan mo, sagot namin ni Aling Salyn ang pag-aasikaso tutal sagot naman ni Mama ang gastos," prisinta pa ni Danica na kinindatan ang kasambahay na alam niyang naging malapit narin sa magkapatid.
"Walang problema, asikasuhin na ninyo habang maaga pa," sang -ayon ni Marielle na ngiting-ngiti.
Nang mga sandaling iyon hindi maikakaila ang kaligayahan na nararamdaman ni Ara para sa nobyo niya. Nakikita niya sa mga mata nito ang ningning na hangad niyang sana ay manatili na lamang doon palagi. Habang sa kaniyang isipan ay nabuo ang isang plano na alam niyang ikasisiya ni Daniel dahil iyon ang tiyak niyang kukumpleto sa kaarawan nito.