Chereads / FIND ME: A Love Through Eternity (FILIPINO VERSION) / Chapter 39 - CHAPTER 38 "I'LL BE THERE FOR YOU"

Chapter 39 - CHAPTER 38 "I'LL BE THERE FOR YOU"

PILIT ang tawa na pinakawalan ni Ara saka tinitigan ang maiitim na mga mata ni Daniel. Ilang sandali silang nagtitigan.

Her deep blue eyes against his dark eyes. Pagkatapos ay nakita nalang niya ang sarili niyang tumakbo at mahigpit na niyakap ang kaniyang nobyo.

Kung minsan nga naman napakasakit magbiro ng kapalaran.

Kung kailan niya nakita ang totoong kaligayahan at tunay na kahulugan ng buhay ay saka naman nangyari ang ganito.

"Hindi ko alam kung bakit kinailangan pa kita makita at makilala kung ganito rin lang pala ang mangyayari sa ating dalawa. Pero Ara, huwag mo akong iiwan, bigyan mo ako ang dahilan para pilitin ko parin ang lumaban. Pipilitin kong ipaglaban ang buhay ko, para sa'yo, kasi mahal na mahal kita, hindi kita gustong iwan," si Daniel na katulad niya ay umiiyak narin habang mahigpit ang pagkakayakap sa kaniya.

Walang maisip na kahit anong pwede niyang sabihin si Ara nang mga sandaling iyon. Masyadong masakit ang nararamdaman niya at iyon ang nakikita niyang dahilan kung kaya hindi gumagana ang utak niya.

"Makinig ka," si Daniel na bumitiw mula sa mahigpit nitong pagkakayakap sa kaniya saka ikinulong sa dalawang kamay nito ang kaniyang mukha. "Look at me," sumamo nito habang ramdam niya sa sinabi nito gaano man iyon kaikli ang matinding hinanakit na hindi yata kayang ipaliwanag o ilarawan ng kahit anong salita.

Hindi na nagdalawang isip si Ara na sundin ang hinihingi sa kaniya ni Daniel nang mga sandaling iyon. Noon nga niya nakita ng lubusan sa mga mata ng binata ang matinding sakit na alam niyang walang iba kundi siya lamang ang makakaunawa.

Kailangan siya ni Daniel at hindi ito ang tamang panahon para paganahin ang paninisi o kahit anong negatibong emosyon sa pagitan nilang dalawa.

Kailangan niyang unawain ang side nito para lubusan niyang makita ang kung ano ba ang totoong nangyayari sa taong nagbigay ng kahulugan sa kaniya ng buhay at unang nagparamdam sa kaniya ng tunay na pagmamahal.

"Patawarin mo ako kung inilihim ko sa iyo ang totoo, pero sana hindi ang ginawa kong iyon ang maging dahilan para iwan mo ako," naramdaman niya sa tono ng pananalita ng binata ang matinding takot para sa sinabi nito at mabilis na naramdaman ni Ara ang kagustuhan niyang pawiin iyon sa binata.

Sa kabila ng sakit na nararamdaman ni Ara nang mga sandaling iyon ay masuyong inabot ng mga kamay niya ang perpektong mukha ng binata saka iyon buong pagmamahal na hinaplos. Tinuyo niya ang mga luha na malaya at parang walang katapusang patuloy na bumabasa doon.

Hindi niya gusto na nakikita si Daniel sa ganoong anyo. Parang sa isang iglap ay naglaho ang masayahing binata na nakilala niya noon. Kaya siguro ganoon narin ang nararamdaman niya. Kaya siguro pakiramdam niya parang mamamatay narin siya.

"H-Hindi kita iiwan, kahit anong mangyari nandito ako sa tabi mo. Mahal na mahal kita Daniel, at sa iyo lang ako magpapakasal. Walang nagbago okay? Kung mayroon man iyon ay ang pangako ko sa iyo na sa lahat ng bagay na kailangan mong pagdaanan sa pagsubok na ito hindi ka mag-iisa dahil kasama mo ako. Sasamahan kita, hanggang sa dulo."

Totoo ang lahat ng sinabing iyon sa loob ni Ara. At wala siyang plano na sirain ang kahit isa manlang sa mga iyon. Dahil para sa kaniya, kahit hindi pa sila pormal na naikakasal, si Daniel ay asawa niya at nangyari iyon nang mismong araw na tanggapin niya ang pagmamahal nito, katulad nang sinabi kanina sa kaniya ng binata.

Sa sinabi niyang iyon ay nakita ni Ara na kumislap ang kaligayahan sa mga mata ng binata. Pagkatapos ay muli itong nagbuka ng bibig para magsalita.

"Ituloy natin ang kasal? Walang nagbago sa plano?" tanong sa kaniya ni Daniel.

Bagaman halata sa mukha nito ang magkalong sakit at paghihirap ay nasa mga mata parin nito ang kakaibang kislap ng kaligayahan, iyon ay sa kabila ng lahat ng nangyari at lihim niyang hinangaan si Daniel dahil doon.

Tumango siya ng magkakasunod. "Oo, sa lalong madaling panahon. Gusto kong maalagaan ka, hindi kita iiwan."

Nakita niyang gumuhit ang pagkamangha sa mukha ni Daniel dahil sa sinabi niyang iyon.

"Sasabihin mo sa mga magulang mo ang tungkol sa pagpapakasal natin?" tanong nito.

Noon umiling ng magkakasunod si Ara. "Kapag ginawa ko iyon alam kong hindi sila papayag. Mas magiging madali ang lahat kung mag-i-stick tayo sa nauna na nating plano. Pero kakausapin ko sila na kung pwede dito muna ako sa inyo, para mas maalagaan kita."

Ang lahat ng sinabing iyon ni Ara ay buo na sa loob niya, sana lang ay maunawaan siya ng mga magulang niya sa lahat ng hihingin niyang pabor sa mga ito. Dahil ito ang nakikita niyang para damayan si Daniel sa lahat ng nangyayari at pinagdadaanan nito ngayon.

*****

"PASENSYA ka na hindi ako marunong magluto tinutulungan ko lang si nanay sa mga ganyang gawain. Noon kasing bata pa ako medyo sakitin ako kaya hindi niya ako pinapayagan na sobrang mapagod," aniya nang gabi ring iyon habang pinanonood si Daniel sa paghahanda ng simpleng hapunan na pagsasaluhan nilang dalawa.

Mula sa paglalagay ng Chicken Afritada sa bowl ay nginitian lang siya ni Daniel.

Kinuha iyon ni Ara mula sa kamay ng kaniyang nobyo para sana ilagay na sa mesa pero napigil siya sa gagawin sa niyang paghakbang nang maramdaman niya sa kaniyang braso ang mainit na kamay ni Daniel.

"Bakit?" taka niyang tanong habang nakatingala sa gwapong mukha ng kaniyang nobyo.

Kahit nasasaktan siya nang mga sandaling iyon ay ayaw niyang ipahalata kay Daniel.

Hindi naman kasi simple lang ang sakit nito kaya kahit gustong-gusto niyang papaniwalain ang sarili niya na gagaling si Daniel ay hindi niya magawa. Pero siguro sa paglipas ng mga araw magagawa rin niya iyon, siguro kahit paano mawawala ang takot at pag-aalala sa dibdib niya at mapapalitan iyon ng pag-asa na katulad ng lahat ng plano nila. Tatanda silang magkasama at magkakaroon ng masayang pamilya.

Sa huli niyang naisip ay parang tinarakan ng isang matalas na punyal ang dibdib ni Ara kaya bigla iyong nagdugo. Kasabay doon ang pakiramdam na parang gusto na naman niyang umiyak.

Pero pinigil niya ang sarili niyang emosyon at sa halip ay matamis niyang nginitian ang binata sa kabila ng tila ba malaking tinik na nang mga sandaling iyon ay nakabara sa lalamunan niya.

"S-Salamat," basag ang tinig ni Daniel at muli ay nakita na naman ni Ara ang pagdungaw ng mga luha sa gilid ng mga mata nito.

Malapit naring bumigay ang emosyon niya, pero alam niyang hindi tama kaya nagpatuloy siya sa pagpipigil at nagtagumpay naman siya. Pagkatapos sa masiglang tono ay sinikap niyang magsalita at lihim niyang binati ang kaniyang sarili dahil nagawa niya iyon.

Sa kaniya huhugot ng lakas ang binata kaya kailangan niyang maging matatag at gagawin niya iyon. Pipilitin niyang maging matatag at huwag ipakita ang totoo niyang nararamdaman.

Sa pagkakataong ito kung kailangan niyang magpanggap ay hindi siya magdadalawang isip na gawin iyon. Kahit na ano, para kay Daniel, dahil mahal na mahal niya ito.

Magpapanggap siyang masaya at hindi natatakot. Pipilitin niyang maging matapang at buo ang loob kahit deep inside, durog na durog na siya.

"Palagi akong nandito, para sa'yo," aniyang sa tono na may katiyakan.

Ngumiti ang binata at muli nakita niya ang karisma nito na siyang bumihag ng husto sa puso niya. "Pagkatapos nating kumain ihahatid na kita," anito sa kaniya saka siya niyuko ang hinalikan sa noo.

Umiling muli doon si Ara. "Dito ako matutulog, para may kasama ka tutal wala rin naman akong kasama sa bahay," aniya sa tono na may pinalidad.

Sa sinabi niyang iyon ay mabilis na umangat ang makakapal na kilay ng binata. Noon naman nagkibit ng balikat niya si Ara saka na inilagay sa mesa ang ulam.

Tamang kabababa pa lamang niya ng bowl nang maramdaman niyang hinapit ng binata ang kaniyang baywang na nauwi rin naman sa isang mahigpit na yakap mula sa kaniyang likuran.

"Alam mo iba ka kanina," bulong sa kaniya ni Daniel.

Mabilis na naramdaman ng dalaga ang mainit na sensasyon na parang daloy ng kuryenteng agad na kumalat sa kabuuan niya nang tumama sa kaniyang punong tainga ang mainit na hininga ni Daniel.

"P-Paanong iba?" tanong niyang hindi naitago ang panginginig ng tinig.

Noon siya ipinihit ng binata paharap rito, pagkatapos ay niyuko siya saka mariin na hinalikan sa kaniyang mga labi. "Hindi ko rin masabi kung paano pero ang alam ko mas lalong nagtumindi ang pagmamahal na nararamdaman ko para sa'yo dahil sa nangyari sa atin kanina."

Bakas sa tono ng pananalita ni Daniel ang katapatan sa sinabi nito at tila ba iyon ang nagbigay ng lakas ng loob kay Ara upang kabigin ang batok ng binata upang sa pagkakataon na iyon ay siya naman ang humalik rito.