Chereads / FIND ME: A Love Through Eternity (FILIPINO VERSION) / Chapter 26 - CHAPTER 25 "FIRST REAL KISS"

Chapter 26 - CHAPTER 25 "FIRST REAL KISS"

KUNG saan kinuha ni Ara ang lakas ng loob niya para sabihin ang mga salitang iyon, hindi niya alam. At kung may bagay siyang tiyak nang mga sandaling iyon ay ang katotohanan ng sinabi niya sa binata.

Gusto niya ng isang matagal at mas passionate na halik. At gusto niya na kay Daniel iyon manggaling. Kaya naman masaya siya na hiningi iyon sa kaniya ng binata. Dahil kahit papaano, siguro naramdaman rin nito na iyon ang hinahanap niya mula nang unang beses siyang nahalikan ng lalaki.

Ngumiti si Daniel habang nangingislap ang mga mata.

Alam niya na katulad nito ay masayang masaya rin ang binata.

"Are you sure? Hindi ka magagalit? Hindi mo ako sasamapalin katulad ng ginawa mo noong una?" tanong ni Daniel sa tonong tila ba humihingi ng katiyakan mula sa kaniya.

Umiling siya ng magkakasunod.

Kung pwede nga lang, gusto na niyang aminin sa binata na mahal na mahal niya ito.

Na ito ang dahilan ng lahat ng matatamis niyang pagngiti. Maging ang mga kalungkutan niya at pag-aalilangan. Pero hindi niya kaya, nahihiya siya at parang wala parin siyang sapat na tatag at lakas ng loob para gawin ang bagay na ganoon.

"Hindi mo ba gustong itanong sa akin kung bakit gusto kitang halikan?" ang tanong na iyon sa kaniya ni Daniel ang pumutol sa malalim niyang pag-iisip.

Takang napatitig si Ara sa napakagwapong mukha ng binata.

Ngayon, parang gusto na niyang paniwalaang nababasa nga ni Daniel ang isipan niya.

"A-Ano?" ang tanging nasambit ni Ara.

Noong mabait na muling ngumiti sa kaniya ang binata. Ibinaba sa centertable ang hawak na bowl saka inabot ang dalawang kamay niya pagkatapos.

Katulad ng dati ay naramdaman na naman ni Ara ang pamilyar na kuryente na nanulay sa bawat himaymay ng katawan niya dahil sa simpleng paghawak ni Daniel sa kaniyang mga kamay.

Ramdam ni Ara ang kakaiba ang mas matindin tensyon na mabilis na bumalot sa paligid. Pakiramdam pa nga niya ay biglang lumiit ang kwarto kahit kung tutuusin ay silang dalawa lamang doon.

Napakabilis ng tahip ng kaniyang dibdib at hindi rin niya magawang ikaila ang matinding pag-iinit ng kabuuan ng kaniyang mukha na ramdam na ramdam niya nang mga sandaling iyon.

"Ara?" nang manatili siyang tahimik at nakatitig lang kay Daniel ay iyon ang muling narinig ni Ara na sinambit ng binata.

"I-I'm sorry," parang noon lang siya nakabalik sa kaniyang sariling katinuan.

Nagyuko ng ulo ang dalaga para iwasan ang mga titig sa kaniya ni Daniel. Pero sandali lang iyon nang mapansin niyang may kinuha ang binata mula sa bulsa ng suot nitong shorts.

"Ano ito?" ang naguguluhan niyang tanong saka pinaglipat-lipat ang paningin kay Daniel at sa papel na hawak nito at kasalukuyang iniaabot sa kaniya.

"Open it," ang nakangiting sagot ni Daniel.

Kahit hindi siya magsalita o kahit hindi niya aminin alam niyang pamilyar sa kaniya ang texture ng papek na iyon. Unti-unti ay lalong nagtumindi ang pagtahip ng kaniyang dibdib.

Pagkatapos niyang buklatin ang papel ay noon tuluyang napatunayan ni Ara na tama nga ang kaniyang hinala. Kasabay narin iyon ng kumpirmasyon at magkakahalong emosyon na tuluyang nagpatulo ng kaniyang mga luha.

"I-Ikaw?" ang umiiyak niyang sabi.

Tumango-tango si Daniel. "I'm sorry, iyon lang ang tanging paraan na alam ko at naisip ko para kahit paano ay magawa kong maiparating sa iyo kung ano ang totoong nararamdaman ko," pag-amin ni Daniel.

At tuluyan na ngang nahilam ng luha ang mga mata ng dalaga.

Tama nga ang nauna na niyang kutob noong unang beses siyang makakita ng ganitong liham na nakaipit sa diary niya, na si Daniel ang naglagay doon ng sulat. Kahit pa kasi computerized ang letter, iba parin ang sinasabi ng kutob niya. At ang anim na tuldok na nasa ilalim ng bating pangwakas ay kumakatawan sa bawat letra ng pangalan ng binata.

Muli munang tiningnan ni Ara ang mukha ni Daniel bago niya umiiyak na binalikan ang sulat para basahin. Sa pagkakataong ito ay hindi na computerized ang mensaheng nakasulat doon. Sa halip ay ang isang pamilyar at napakagandang sulat kamay na kilalang kilala niya. Walang iba kundi kay Daniel.

My Dearest Ara,

Matagal ko nang gustong sabihin sa iyo ang totoo.

Patawarin mo ako kung pinili kong magtago sa mga anonymous love letters na pinaghihirapan ko pa kung papaano kong ilalagay sa loob ng bag mo o kaya ii-ipit sa mga libro mo. Dahil katulad narin ng sinabi ng kapatid ko, torpe ako.

Ganito siguro talaga kapag sobrang in love ang isang lalaki sa babaeng nagugustuhan niya. Nakakaramdam ng takot at pag-aalinlangan, katulad ko, nag-aalinlangan ako at natatakot na baka hindi tayo pareho ng nararamdaman. Natatakot ako na baka hindi sapat ang lahat ng katangian ko at lahat ng mayroon ako at kaya kong ibigay sa iyo para pumasa sa standard mo.

Mahal na mahal kita Ara.

Hindi ko lang masabi kung papaano o kung gaano kalaki ang pagmamahal na iyon. Pero ang sigurado ako, sapat nang dahilan ang nararamdaman ko para sa iyon para makita ko ang sarili ko na tumatanda kasama ka.

Mahal na mahal kita Ara. At ipinapangako ko na patuloy kitang mamahalin, habang nabubuhay ako. At kung sakali man na dumating ang panahon at kailangan nating magkalayo, sa kabilang buhay umasa ka na ikaw parin ang hahanapin ng puso ko, at iyon ang magsisilbing gabay para muli tayong magkatagpo.

Always and Forever,

Daniel

"TAHAN na, huwag ka nang umiyak," alo pa sa kaniya ng binata matapos niyang basahin ang sulat.

Noon niya tiningala ang lalaki at nang hindi siya makatiis ay siya na ang kusang yumakap rito ng mahigpit.

"Mahal na mahal din kita, Daniel," bulong niya habang patuloy sa tahimik na pagluha.

Dahil sa sinabi niyang iyon ay mabilis siyang inilayo ni Daniel para titigan ng tuwid sa kaniyang mga mata.

"A-Ara," anas ng binata saka ikinulong ng dalawa nitong kamay ang kaniyang mukha.

"Mahal na mahal kita Daniel. Noon pa mang unang beses akong nakatanggap ng ganitong sulat inisip ko na at nararamdaman ko na sa iyo galing iyon. At pati narin ang mga sumunod pa. Kahit hindi ko gustong umasa, ang puso ko parang iyon ang gusto, iyon ang gusto niyang paniwalaan kaya wala narin akong ibang nagawa kundi ang sumunod nalang sa gusto niya," sa huli ay minabuti narin ni Ara na aminin ang lahat sa binata.

"Oh sweetheart, hindi mo alam kung gaano mo akong pinasaya," si Daniel na muli siyang kinabig saka mahigpit na niyakap.

"Daniel," aniyang umiiyak parin dahil sa labis na kaligayahan na kaniyang nararamdaman.

"Alam mo bang for the first time sa buong buhay ko naranasan ko kung paano ang makaramdam ng insecurity sa sarili kong mga katangian? At sa iyo ko lang naramdaman ang ganoon, dahil ganoon kalalim ang pagmamahal na nararamdaman ko para sa iyo. Unang beses pa lang kitang nakita na naglalakad sa tapat ng bahay namin, kahit nakatalikod ka napukaw mo na ang atensyon ko. At hindi lang doon natapos iyon. Pati narin sa roof deck at sa quadrangle, kaya sobrang saya ko nung nagkaroon ako ng chance na makita ka ng malapitan, sa lobby ng building namin," ang mahabang salaysay ni Daniel na sinimulang tuyuin ang basang-basa niyang mukha.

"We are made for each other, at sigurado ako doon," pagpapatuloy pa ng binata manatili siyang tahimik na umiiyak lang.

Tumango si Ara saka matamis na ngitinian ang binata. "Yes, we are made for each other," ang makahulugan niyang sagot na sa tingin niya ay nakuha naman ni Daniel ang ibig sabihin dahil sa mabilis na pag-aliwalas ng mukha ng lalaki.

"So that means?" paglilinaw pa ni Daniel.

Noon magkakasunod na tumango si Ara saka itinaas ang dalawang kamay at katulad ng binata ay ikinulong rin niya ng kaniyang mga palad ang mukha nito. "Yes," aniya.

Sukat sa sinabi niyang iyon ay lalong lumapad ang pagkakangiti ni Daniel. Hindi nagtagal at tuluyan na nga nitong tinawid ang maliit na espasyo sa pagitan ng kanilang mga labi kaya sa huli ay tuluyan na ngang naglapat ang mga iyon.