Chereads / FIND ME: A Love Through Eternity (FILIPINO VERSION) / Chapter 5 - CHAPTER 4 “ONE MAGIC MOMENT”

Chapter 5 - CHAPTER 4 “ONE MAGIC MOMENT”

MAAGA ang dismissal sa kanila ng huling professor nila bago ang lunch break kaya naman minabuti ni Ara na puntahan nalang sa classroom nito si Jason para sa kainan na sila tutuloy paglabas nito.

Katulad ng sinabi niya kanina sa kaibigan niya, malayo ang college building ng mga engineering sa kanila kaya medyo malayo ang lalakarin niya. Pero okay lang naman iyon kay Ara lalo na at mabait sa kanya si Jason at sa lahat ng mga taong nakasama niya mula nang pumasok siya sa kilalang unibersidad na iyon ay hindi na ito umalis sa tabi niya.

Inasahan na ni Ara na hihingalin siya sa halos kinse minutes niyang paglalakad sa loob lang ng university kaya naman lihim niyang pinagtawanan ang sarili niya dahil doon. Wala siyang idea kung saang room o floor naroon si Jason kaya naman wala siyang ibang choice kung hindi ang maghintay sa nakita niyang concrete bench na nasa tapat ng college building nito.

Habang nakaupo roon ay hindi naging lingid kay Ara ang ilang mga mata na nakikita niyang sumusulyap at tinatapunan siya ng tingin. Normal na sa kaniya iyon dahil hindi naman talaga karaniwan sa Pilipinas ang kulay ng buhok at mga mata niya. Namana nila iyon ni Bella sa foreigner nilang ama na hindi na nila nakita noon pa mang ipanganak sila.

Hindi naman nagtagal at nakita niya naglalabasan na ang ilang estudyante sa classrooms ng mga ito kaya noon siya nag-decide na tumayo na. Siguro naman makikita niya dito Jason sakaling lumabas na ito. Pero paano kung sa kabila ito dumaan?

Noon napailing ang dalaga saka minabuting i-text na lang si Jason. Nang makalipas ang ilang minutong hindi pa ito nagre-reply ay saka naisipan ni Ara na hanapin nalang ang classroom nito.

Kung alam lang niya na magiging sentro siya ng atraksyon ng mga engineering students na nagdadaan na karamihan ay puro lalaki, naghintay nalang sana siya sa library.

Totoo iyon, at iyon ang nag-iisang dahilan kung bakit parang kinikiliti ang mga talampakan niya na umalis na sa lugar na iyon kaya ganoon na nga ang ginawa niya.

Tutal kabilaang dulo ng gusali ay may hagdan aakyatin nalang niya ang lahat ng floors para suyurin ang bawat classrooms.

Napailing si Ara saka inis na pinagalitan ang sarili.

Magugutom siya ng husto sa gagawin niya.

Apat na palapag ang building at ilan ang classrooms? Hindi niya alam. Pero mas gugustuhin na niya ang ganoon kaysa nandoon nga siya sa bench at nakaupo pero bawat dumaan ay sa kaniya nakatingin, hindi siya kumportable sa ganoon.

Normal lang naman siguro ang ganoong pakiramdam lalo na at hindi pa siya nagkakaroon ng boyfriend kahit minsan.

May mga manliligaw siya noong high school, pero mas priority niya ang kaniyang pag-aaral kaya hindi doon natuon ang pansin niya. Sa kabila iyon ng sinabi na sa kaniya at sa kakambal niyang si Bella ng mga magulang nila na okay lang kung makikipag-relasyon sila. Ang mahalaga ay gawin nilang inspirasyon ang mga ito sa pag-aaral.

Nasa ikatlong palapag na siya ng gusali nang saktong lumabas sa pintuan ng ikalawang silid mula sa hagdan na inakyat niya ang isang matangkad na lalaki. Maputi ito at nang humarap sa kaniya ay hindi napigilan ng dalaga ang makaramdam ng mabilis na sikdo ng kilig dahil sa tila nakakamagnetong karisma na taglay na kagwapuhan nito. Napansin niyang nakatitig rin ito sa mukha niya at naging dahilan iyon kaya lalo pang nadagdagan ang tuwa na nararamdaman niya.

Lalapitan sana niya ito para pagtanungan pero napigil iyon nang mula sa likuran nito ay lumabas sa kaparehong silid ang lalaking hinahanap niya, walang iba kundi si Jason.

*****

"Ara! Bakit nandito ka? Hindi ba ang sabi ko sa'yo pupuntahan kita sa room mo?" iyon ang narinig ni Daniel na itinanong ng kaklase niyang si Jason sa magandang babaeng iyon na kahit hindi niya aminin ay nagpabilis ng tibok ng kaniyang puso.

Napakaganda nito.

Isang klase ng kagandahan na hindi mahirap ihanay sa mukha ng mga babaeng blonde na nakikita niya sa mga kilalang international magazines. Napakaganda ng labi nitong natural na mapupula. Parang napakasarap halikan dahil maganda ang shape at makipot. Sa itsura pa lamang ay parang malambot na at hindi mapigilan ni Daniel ang lihim na hangaan ang babae dahil doon. Pati narin ang mga mata nitong deep blue na pwedeng i-compare sa sapphire. Maiitim ang mga kilay nito na parang iginuhit dahil sa perpektong pagkakalinya ng mga iyon. At ang ganoon rin ang pilik mata nitong mahahaba at malalantik na kahit pa sabihing ilang hakbang ang layo mula sa kinatatayuan niya ay naging visible ang mga iyon kay Daniel.

Napakaganda ng contrast ng maiitim nitong mga pilik mata at kilay sa kulay ng mga mata ng babae. At hindi iyon naging alangan kahit sabihing blonde ang buhok nito.

Matangkad rin ito at balingkinitan ang pangangatawan, iyon marahil ang isa sa mga dahilan kung bakit minabuti narin nito ang magsuot ng flat shoes. Kunsabagay, bagay iyon sa magaganda nitong binti at ang mga paa nito ay parang paa ng mga manika sa ganda.

Ara... Napakagandang pangalan para sa isang napakagandang babae na katulad nito.

At hindi siya maaaring magkamali, marahil ito rin ang babaeng nakita niyang naglalakad kanina sa may quadrangle. Pati narin ang nasa roof deck, ang hindi lang niya sigurado ay kung ito rin ang nakita niyang naglalakad sa kalsada sa tapat mismo ng bahay nila dalawang buwan narin ang nakalilipas.

Pababa na ng hagdan sina Ara at Jason nang mapuna niyang lumingon pa muna sa kaniya ang babae.

Hindi maunawaan ni Daniel ang sarili niya kung anong klaseng kapilyuhan ang pumasok sa isipan niya pero hindi niya napigilan ang sarili niyang ang pilyong ngiti sa sumilay sa kaniyang mga labi, kasabay ang isang pilyong kindat. At ang ginawa niyang iyon ang naging dahilan ng nakita niyang mabilis na pamumula ng mukha ni Ara na inirapan naman siya bago nagbawi ng tingin.

Amused ang mahinang tawa na hindi napigilang pakawalan ni Daniel.

Ewan ba niya pero malakas ang pakiramdam niya na magiging espesyal ang babaeng ito sa buhay niya. At mangyayari lamang iyon kung gagawa siya ng paraan para makalapit rito. Pero bago iyon, kailangan muna niyang tiyakin kung nobya ba ito ng kaklase niyang si Jason? Dahil kung siya ang tatanungin, mukhang hindi. Dahil malakas ang pakiramdam niya na ang magic moment na ito ang dahilan kaya siya napadpad dito sa Maynila. At si Ara iyon.

Hindi siya naniniwala sa love at first sight pero kung ano ba ang nararamdaman niyang klase ng damdamin ngayon, hindi niya alam kung ano ang itatawag niya. Isang malakas na enerhiya ang parang gustong maglapit sa kanilang dalawa at bakit parang siya lamang ang madalas na makakita niyon?

Tama, dahil ba siya ang lalaki at siya ang dapat na unang gumawa ng paraan?

Noon bumalik si Daniel sa loob ng kanilang classroom para kuhanin ang kaniyang sling bag. Bago niya makalimutan, kailangan din pala niyang kumain ng lunch at baka mawala iyon sa isip niya kakaisip sa magandang babaeng iyon, kay Ara.

Sa huling naisip ay muli na naman niyang pinagtawanan ang kaniyang sarili.

May nararamdaman siyang kakaiba at hindi niya iyon maipaliwanag. At curious siya kung para saan ang nararamdaman niyang iyon.