Chereads / FIND ME: A Love Through Eternity (FILIPINO VERSION) / Chapter 8 - CHAPTER 7 "THIEF OF MY HEART 1"

Chapter 8 - CHAPTER 7 "THIEF OF MY HEART 1"

SA paglipas ng mga araw ay napansin ni Ara ang pagiging close nina Jason at Daniel. Wala namang problema iyon sa kanya dahil kung tutuusin wala rin namang nagbago sa pagiging mabait sa kaniya ng una. Pero dahil nga sa pirming inis na nararamdaman niya para sa huli ay siya na mismo ang umiiwas sa mga ito.

Ayaw rin naman kasi niyang mapikon kapag inasar na naman siya ni Daniel, although after nang naging pag-uusap nila noon sa baggage counter ng library ay hindi na iyon nasundan kahit mahigit isang buwan na ang nakalilipas.

"Ah, Ara, hindi ako makakasabay ng lunch sa'yo ah, pag-uusapan kasi namin ni Daniel iyong tungkol sa project namin," si Jason ilang minuto bago ang pananghalian at pareho silang may duty sa library.

Mula sa pag-e-encode sa harapan ng computer ay tumawa ng mahina si Ara. "Okay," ang sabi niyang tumawa muli ng mahina.

Nakita niya ang pagsasalubong ng magagandang kilay ng matalik niyang kaibigan kaya muling nagsalita si Ara. "Hey, what? Why are you looking at me like that?" ang tanong pa niya.

"Nagseselos ka ba kay Daniel?" anitong tumawa.

Sukat sa naitanong na iyon sa kanya ni Jason ay hindi napigilan ni Ara ang matawa ng malakas. "Baliw ka ba? Bakit naman ako magseselos?" pagsasabi niya ng totoo.

Noon umangat ang mga kilay ng binata. "Sumabay ka sa amin minsan, para mas makilala mo siya," paanyaya pa nito sa kanya.

Magkakasunod na umiling si Ara saka ibinalik ang pansin sa mga ine-encode na titles ng libro. "No thanks, okay lang akong mag-isa, walang problema," ang tanging sinabi niya para hindi na humaba pa ang usapan.

Narinig niya ang mahinang tawa na narinig niyang naglandas sa lalamunan ng binata. "Halata ko naman na hindi mo gusto si Daniel. Alam mo delikado iyan," pabiro pero may laman ang tono ng pananalita ni Jason.

Nagtatanong ang mga matang nilingon ni Ara si Jason na nang mga sandaling iyon ay naupo naman sa upuan na nasa harapan ng mesa ng librarian kung saan siya nagta-trabaho.

"The more you hate the more you love," anitong tumawa muli ng mahina pagkatapos.

Umikot ang mga mata ni Ara sa narinig. "Hindi ako naniniwala sa mga ganyan, sorry. Saka isa pa, hindi ko naman siya hate, masaya nga ako na aside sa akin ay nandiyan siya para samahan ka."

Iyon naman talaga ang totoo. Masaya siya na aside sa kaniya ay nandiyan si Daniel para kay Jason bilang kaibigan nito. Although open din naman siya sa mga posibilidad ng pakikipagkaibigan kay Daniel. Ang tanging problema ay hindi niya alam kung kailan mangyayari iyon.

"Iyon naman pala eh, bakit hindi mo subukang kilalanin iyong tao. Para naman mo na siya kailangang iwasan pa," tukso parin sa kaniya ng kaibigan.

Umiling si Ara bilang pagtanggi sa gustong mangyari ni Jason. "Sige na, iwanan mo na ako dito para naman matapos na ako dito sa ginagawa ko," pagtataboy niya sa binata.

Narinig niyang nangalatak si Jason habang nakangiti. Nasa mga mata nito ang panunukso sa kaniya. "Okay, huwag kang magpapagutom," bilin pa nito bago siya iniwan.

Nang mapag-isa ay sandaling natigilan si Ara.

Bakit nga ba panay ang iwas niya kay Daniel? To the point na pati ang bestfriend niya ay hindi na niya nakakasabay sa pagkain ng lunch nang dahil dito?

Noon siya nagpakawala ng buntong hininga saka tumingin sa orasan na nakasabit sa dingding ng malawak na library. Pagkatapos noon ay naramdaman niya ang pagkalam ng kaniyang sikmura dahil sa nararamdamang gutom.

Bakit nga ba iwas siya ng iwas kay Daniel?

Ang muling naitanong niya sa kaniyang sarili.

Dahil kahit hindi niya aminin, alam niyang crush niya ang lalaki. At hindi niya matanggap na sa kabila ng pagiging proud nito at maging ang matindi niyang pagtanggi sa sariling hanggaan ang lalaki ay nahulog parin siya sa charm nito.

Hindi niya kayang aminin iyon sa sarili niya at kahit kailan ay hindi niya aaminin para naman hindi na iyon mag-grow.

Doon lihim na pinagtawanan ni Ara ang kaniyang sarili.

Nababaliw na talaga siya.

Ganoon nga siguro katindi ang atraksyon na nararamdaman niya para kay Daniel at nagagawa pa niyang tiisin si Jason para hindi lang ito makita. Pero talagang nagugutom na siya at wala sa plano niya ang magpagutom kaya naman kumilos na si Ara para kumain.

Sa canteen ng university niya naisipang kumain. Aminado siya na inis siya kay Daniel pero hindi rin niya maitatanggi ang ilang beses na pagkakataong hinagad niyang makita ang lalaki, kahit man lang mula sa malayo kung saan hindi siya nito makikita.

Pero iyon nalang ang pagka-dismaya na naramdaman niya nang matapos niyang suyurin ng tingin ang loob ng canteen at nakita niyang wala roon ang kaniyang hinahanap. Nang mula sa kaniyang likuran ay magsalita ang isang pamilyar na tinig na kamuntik pang magpatalon sa kaniya dahil sa labis na pagkagulat.

"Ako ba ang hinahanap mo?" ang tinig mula sa kaniyang likuran.

Noon mabilis na napahawak si Ara sa kaniyang dibdib kasabay ang impit na tili. "Ano ka ba! Bakit ka nanggugulat?" ang galit niyang tanong kay Daniel na kinakitaan naman niya ng matinding katuwaan sa mukha. Dahilan kaya lalo siyang nairita sa binata.

"Ang sungit mo naman, may ibibigay lang kasi ako sa'yo," anitong tumawa pa ng mahina.

Hindi pinansin ni Ara ang sinabing iyon ni Daniel at sa halip ay naglakad na palabas ng canteen. Paano nangyari nandito ngayon ang lalaking ito samantalang ang alam niya ay nag-lunch ito kasama si Jason.

"Ano ba, Ara," nasa tono parin ni Daniel ang amusement kahit nakikiusap na ito habang sinusundan siya.

Pero hindi niya ito pinansin at sa halip ay mas binilisan pa niya ang paglakad kahit sa kaibuturan ng kaniyang puso, alam niyang masaya siya dahil nakita niya si Daniel.

How can you hate and like someone at the same time?

Noon pasimpleng ipinilig ni Ara ang kaniyang ulo para lang mapasinghap ng malakas nang maramdaman niya ang matinding boltahe ng kuryente na mabilis na nanulay sa bawat himaymay ng katawan niya. Dahil iyon sa kamay ni Daniel na mahigpit na nakahawak sa braso niya.

"Sandali lang," anito sa kanya saka siya tinitigan ng mataman sa kaniyang mga mata.

Parang nahihipnotismong sandaling nawala sa sarili niya si Ara nang mapagmasdan ang maiitim at magagandang mata ni Daniel. Hindi rin napansin ng dalaga na nakanganga pala siya habang nakatingala sa lalaki. Nalaman lang niya ang tungkol doon nang magsalita ito sa muli ay nang-aasar na tono.

"Ara, isara mo ang bibig mo, baka pasukin ng langaw," anitong tumawa pa ng mahina saka hinawakan ang baba niya para isara ang kaniyang bibig.

Parang binuhusan ng malamig na tubig si Ara dahil sa tindi ng pagkapahiya na kaniyang naramdaman gawa ng sinabi at ginawang iyon ni Daniel.

"Demonyo ka talaga!" ang nanggagalaiti niyang sabi saka inis na inis na binawi ang sariling braso mula sa lalaki.

"Anong demonyo, ako na nga itong nagmamalasakit sa'yo eh," sagot ni Daniel sa tono na alam niyang nagpipigil na muling matawa. "alam ko naman na gwapo ako, pero dahil sa nakita kong reaksyon mo, feeling ko ako na ang pinaka-gwapong lalaki sa buong mundo," pagpapatuloy pa nito na naging dahilan ng tuluyan nang pagsingkit ng mga mata ni Ara dahil sa matinding inis.

"Ang lakas din talaga ng bilib mo sa sarili mo eh. At saka ano bang problema mo? Bakit sunod ka ng sunod sakin, close ba tayo?" aniyang muli itong tinalikuran saka naglakad pero muli ay pinigil ni Daniel ang braso niya.

Muli, sa ikalawang pagkakataon ay naramdaman ni Ara ang malakas na boltahe ng kuryente dahil sa simpleng pagkakadantay ng kamay ng binata sa braso niya. Noon parang wala sa sariling umigkas ang kamay niyang dumapo sa kaliwang pisngi ni Daniel.