KINABUKASAN ang unang araw ng pagsisimula ng duty ni Daniel sa library bilang student assistant. Maraming ang natuwa karamihan ay mga babae, pati na ang librarian nilang si Ma'am Shiela ay hindi nakaligtas sa kamandag ng karisma ng binata.
Si Jason, bilang kaibigang ni Daniel ay masayang-masaya rin.
Expected naman na niya iyon, pero siya, hindi siya masaya.
Siguro nga sinungaling siya sa parteng iyon. Pero kahit aminado kasi siya na kinikilig siya sa kagwapuhan ni Daniel ay hindi parin niya mapigilan ang makaramdam ng inis para rito dahil sa sobrang lakas nitong mang-asar.
At ang tipo ng pang-aasar ni Daniel ay hindi lang simple, may halong kapilyuhan na nagagawang pabilisin ang tibok ng kaniyang puso. At iyon ang totoong dahilan ng inis at iritasyon na nararamdaman niya para sa binata.
"Kapag sinuswerte ka nga naman," ang sarkastikong bulong ni Ara sa kanyang sarili habang nakatingala sa schedule ng duty nilang mga student assistants sa library para sa susunod na linggo.
"Maswerte ka talaga kasi makakasama mo ako ng buong isang linggo! Tayong dalawa lang, sa loob ng library."
Nang mula sa kaniyang likuran ay narinig niya ang pamilyar na boses na iyon, agad na tumahip ang dibdib ni Ara, dahil sa kaba.
Sa kabila ng awtomatikong inis na naramdaman ni Ara dahil sa sinabing iyon ni Daniel ay minabuti ng dalaga ang hindi na lamang ito patulan at sa halip ay tinalikuran na lamang ito. Pero kabaligtaran ng inasahan niya ang ginawa ng lalaki. Sinundan siya nito sa na naging dahilan ng mas higit pang pagtutumindi ng inis na nararamdaman niya.
"Galit ka parin ba sa akin?" ang tanong nito nang nasa baggage counter na siya para palitan si Nancy na siyang nakaduty doon noon.
Hindi siya kumibo at inabala ang sarili sa pag-aayos ng mga number cards na nasa tray na gawa sa kahoy.
"Ang sungit mo naman talaga, nakikipag-kaibigan na nga sa iyo ang tao eh," si Daniel sa mas mababang tono.
Aminin man ni Ara o hindi, deep inside ay nakaramdam siya ng kurot sa kaniyang kunsensya dahil sa hinimig na iyon ni Daniel. Kaya naman parang may sariling isip ang mga mata niyang kusang tumitig sa binata at tinagpo ang tingin nito.
Ilang sandaling parang nahipnotismo si Ara sa ganda ng mga mata ni Daniel. Mabuti nalang narinig niya ang tinig ng kaibigan niyang si Jason na tinatawag siya kaya parang nagising sa isang malalim na pagtulog siyang nahimasmasan.
"Hanggang anong oras ang duty mo?" tanong sa kaniya ni Jason na nakita niyang tinapik pa sa balikat si Daniel.
"Pagkatapos ng lunch ni Nancy, bakit?" aniya sa kaibigan.
Tumango-tango si Jason saka nilingon si Daniel. "Sabay ka na sa amin mamayang lunch?" tanong nito pagkatapos sa kanya.
Sa tanong na iyon ay agad na pinaglipat-lipat ni Ara ang paningin sa dalawang lalaking nasa kaniyang harapan ngayon. Noon, sa hindi maipaliwanag na kadahilanan ay hindi napigilan ng dalaga ang mapangiti dahil sa tindi ng amusement na kaniyang nararamdaman.
"Is that a yes?" si Daniel iyon na katulad niya ay nakangiti narin.
Napabuntong hininga si Ara na nagbuka ng bibig pero naunahan ng kaibigan niyang si Jason. "Pumayag ka na, willing naman kaming maghintay ng isang oras," anito pa sa kaniya.
Noon tumawa ng mahina si Ara saka tumanggo. "Okay, basta libre ninyo?" biro pa niya.
Nakita niyang nagpalitan ng tingin ang dalawang binata. "Walang problema," si Daniel ang sumagot na tinapik ang balikat ni Jason saka binigyan ng makahulugan na tingin.
KATULAD nang napagkasunduan ay sumabay siya sa pagkain ng lunch kina Daniel at Jason. Sa simula ay nagtatalo pa ang mga ito kung sino ang sasagot ng kinain niya pero sa huli si Daniel parin ang gumawa noon. Pati nga ang kinain ni Jason ay ito narin ang nagbayad na ikinatuwa naman ng husto ng bestfriend niya.
Over lunch ay naging tahimik lang si Daniel.
Si Jason as usual ay ma-kwento.
Habang siya naman, nakuntento nalang sa mahihinang pagtawa na pinakakawalan niya dahil ang totoo, masyadong matindi ang nararamdaman niyang discomfort. Hindi na siya nagtaka roon dahil ganoon naman talaga ang nangyayari sa kanya tuwing nasa paligid lamang si Daniel.
Pagkatapos kumain ay nagpaalam na siyang didiretso na sa kaniyang susunod na klase. Habang ang dalawa naman ay sa library nagtuloy.
Iyon na ang last subject niya para sa araw na iyon kaya naman automatic nang pagkatapos ay sa library na siya tutuloy para sa mga huling oras ng kaniyang duty.
"Hatid na kita?" si Jason nang magkakasama na silang naglalakad sa mahabang pathway ng canteen.
Tumawa ng mahina si Ara saka wala sa loob na napasulyap kay Daniel na nang mga sandaling iyon ay tahimik lang na nakatingin sa kanilang dalawa ni Jason.
Agad na sumikdo ang hindi maipaliwanag na sikdo ng kaba sa dibdib ng dalaga dahil sa simpleng pagtatamang iyon ng paningin nila ni Daniel. Kaya katulad narin ng nakasanayan na niyang gawin, mabilis siyang umiwas ng tingin sa binata kahit pa hindi nakaligtas sa kaniyang mga mata ang matinding amusement na kumislap sa mga bintana ng kaluluwa ng lalaki.
Bwisit na lalaki ito, nagagawa parin talaga niya akong i-bully kahit sa simpleng facial reactions lang!
Ang kabilang bahagi ng isipan niya.
"Ano ka ba? Hindi na kailangan iyon, mauuna na ako," ang isinagot nalang ni Ara kay Jason saka na tinalikuran ang dalawa.
Natapos ang subject ni Ara na wala siyang naintindihan sa kanilang lesson dahil nang mga sandaling iyon si Daniel lang ang laman ng isip niya. Naiinis siya sa sarili niya pero wala siyang magawa dahil ang totoo hindi rin naman siya nagtataka kung bakit sa kabila ng inis na nararamdaman niya para sa binata ay hindi parin niya ito mapigilan ang lihim itong hangaan.
"Okay ka lang?" naglilipit na siya ng kaniyang mga gamit nang marinig ni Ara ang tanong na iyon sa kaniya ni Jenny, ang seatmate at masasabi niyang pinakamalapit sa kaniya sa kanilang klase.
Nilingon niya ito saka nginitian. "Oo, bakit mo naitanong?" aniya pa habang nakangiti.
Nagkibit ng balikat nito si Jenny. "Wala naman, parang wala ka lang kasi sa sarili mo sa buong period natin," sagot nito na tumawa pa ng mahina saka na tumayo. "mauuna na ako, kailangan ko pang tulungan ang nanay ko sa bakery," pagpapaalam nito sa kaniya.
Tumango lang si Ara. "Sige, see you tomorrow," aniyang kinawayan ang kaibigan pagkatapos.
Sa library inabutan ni Ara si Nancy na naka-duty sa bagage counter. Sa loob siya naka-assign para sa oras na iyon kasama si Daniel, sa huling naisip ay napailing na lamang ang dalaga. Good luck sa kaniya dahil hanggang closing ay silang dalawa ang magkasama sa loob.
"Hello," ang nakangiting bati sa kaniya ni Daniel nang makapasok siya sa loob ng opisina.
Hindi niya sinagot ang lalaki at sa halip ay matalas lang itong sinulyapan.
"Oh, galit ka parin sakin? Akala ko pa naman iyong lunch ang start ng friendship nating dalawa?" anito sa napakasiglang tono na mabilis namang nakapagpainit ng ulo niya.
"Tumigil ka, huwag mo akong simulan at baka masipa kita diyan!" aniya sa mahina pero galit na tono saka muling pinukulan ng mabalasik na titig ang binata.
Narinig niya ang mahinang tawa na pinakawalan ng binata bago ito nagsalita. "Okay, lalabas na ako," anitong hindi nagawang itago ang matinding amusement sa tono ng boses nito.
Hindi nagsalita si Ara at nagbuntong hininga nalang saka sinimulan ang pag-e-encode ng mga titles ng libro sa harapan ng computer. Alam niyang hindi siya mananalo kay Daniel, dahil bukod sa katotohanan na mukhang nag-doctorate ito kung paano siya inisin, nagiging malaking advantage para sa binata ang lihim na nararamdaman niya para rito. Kaya sa tingin niya mas maganda kung hindi nalang niya ito papatulan, mas okay narin iyon para hindi na mag-react ang emosyon niya para rito.
Palubog na ang araw nang matapos si Ara sa ginagawa kaya lumabas na siya ng office at sinimulan na ang pagliligpit sa mismong aklatan. Kapag ganoong oras hindi naman masyadong marami ang estudyante pero hindi ang maraming libro na kailangan niyang ibalik sa mga shelves.
Kasama naman sa policy ng library ang pagsasauli sa shelves matapos gamitin ang libro, pero may mga estudyante lang talagang hindi sumusunod o kung minsan ay nakakalimutang gawin iyon.
Anyway okay lang naman iyon, at least dahil sa mga ganoong klase ng estudyante nagkaroon siya ng trabaho at nakakapag-aral siya sa ganitong eskwelahan ngayon. Malapit na siyang matapos nang mapansin na medyo inaalikabok na ang ilang libro sa shelve na iyon kaya naisipan niyang magpunas. Mahirap na, baka makita pa iyon ng librarian nila, tiyak na mapapagalitan siya dahil siya ang naka-duty.
Natatandaan niyang nilabhan niya kahapon ang kaniyang paboritong basahan saka iyon pinatuyo sa roof deck ng library.
Sa naisip ay napangiti ang dalaga.
Oo, mayroon siyang paboritong basahan na ginagamit niya sa pagpupunas ng libro. At hindi siya pumapayag na gamitin iyon ng kahit sino. Ayaw kasi niya ng maruming basahan kaya nilalabhan niya iyon kaagad pagkatapos gamitin at pinatutuyo sa roof deck.
Nasa roof deck na siya nang mamataan ang isang pamilyar na bulto na nakaupo ng patalikod sa kaniya.
Si Daniel.
Sa puntong iyon hindi napigilan ni Ara ang mapangiti.
May hawak itong gitara na kasalukuyan nitong tinutugtog at sinasabayan ng isang pino at mahusay na pagkanta.
Agad na nanuot sa puso ni Ara ang masarap na klase ng kilig.
In fairness maganda ang boses ni Daniel. At pamilyar sa kaniya ang kantang Fallin', ang title ng awitin kasalukuyan nitong kinakanta at tinutugtog gamit ang gitara nito na pinasikat ni Janno Gibbs.
My Guitarman!
Ang dalawang salitang agad na nagpangiti sa kaniya na mabilis rin naman na itinanggi ng isipan niya.
Paano ako makaka-move on sa feelings na mayroon ako para sa iyo kung palagi mo akong binibigyan ng dahilan para lalong hangaan ka?
Sa tanong na iyon ngiti nalang ang muling isinagot ni Ara sa sarili niya saka minabuting umalis na. Kahit naman hindi niya aminin, napapasaya siya ni Daniel. Kaya lang hindi maganda ang naging simula nilang dalawa. Kaya mabilis na nahahaluan ng kilig na nararamdaman niya sa tuwing naiisip niya ang binata.