Chereads / Salamin [BL] / Chapter 15 - Salamin - Chapter 15

Chapter 15 - Salamin - Chapter 15

"Ano nangyari sa likuran ko? Nagmamaang-maangan ka lang pala. Alam na alam mo pala na ikaw yumurak sa..." ang talak ko sa kanyang napigil sa lubos na galit.

"Ang galing mo rin umarte no Randy? Puro ka pala pagpapanggap. Kung iniisip mong nagpanggap akong hindi ako bakla nagkakamali ka. Sino ba sa ating dalawa ang galit na galit sa mga bakla? Sino ba?" ang pagpapamukha ko pa sa kanya ngunit gulong-gulo naman ang mga galit na mata niyang nakatitig lang sa akin.

"Ginawa mo na akong kaladkaring kanang kamay, ginawa mo pa akong puta na pwede mong gamitin kahit kelan mo naisin!" ang dagdag ko pang pambubungaga sa kanya sabay dukot ng teleponong ibinigay niya sa akin mula sa aking bag at pabatong ihinagis ito sa ibabaw ng kanyang kama.

"Kung tingin mo lahat ng sa akin maidadaan mo sa pera, Randy. Puwes, mula sa araw na ito wala na akong koneksyon sa iyo. Huwag kang pakasisigurado na pera lang ang habol ko sa iyo." ang wika ko pa sabay tungo palabas ng silid matapos ibato sa kanya ang banig ng gamot na aking hawak.

Halos makalabas na ako ng pintuan nang muli kong lingunin si Randy.

"Malaman ko lang na kumalat sa school na nagahasa ako, hindi ako magdadalawang isip na ipagkalat na ikaw ang guma noon sa akin at unang una kong sasabihin kay Alice. For your information, mas maniniwala sa akin si Alice kaysa sa iyo." ang babala ko naman sa kanya sabay tuluyang lumabas sa pintuan at pabaksak na isinara ito.

Dali-dali akong lumabas ng kanilang bahay. Hindi ko na mapigilan ang pagbuhos ng aking mga luha sa pait na aking nararamdaman. Nagsisisi ako sa aking sarili dahil nagpaloko ako, nagamit ako at lalo pa akong nagpagamit sa kanya. Bukod dito, nagsisisi akong sinisi ko si Rodel ang gumawa ng kababuyang nangyari sa akin. Gulong-gulo na ako.

Palabas na ako ng gate nang makita ko si Don Amante na nasa harapan muli ng kanyang bahay kasama ang kanyang mga alalay.

"Jiho, bakit ka umiiyak?" ang pananawag niya sa akin habang ako nama'y nagdalawang isip na huminto habang patuloy ang paglalakad.

"Jiho, ano ang problema?" ang panawagan niyang muli sa akin habang kumakaway na pinalalapit ako sa kanya. Nilingon ko lang siya sabay punas ng aking mga luha matapos bagalan ang aking paglalakad sa harap ng gate nila Randy.

"Halika dito. Ano ang problema, jiho?" ang tanong niya sa akin. Lumapit na lang ako sa kanya dahil sa mataas ang paggalang ko sa mga matatanda.

"Bakit ka umiiyak?" ang tanong niya habang bakas ang awa sa kanyang mga tingin.

"Wala ho, sir. Ikinalulungkot ko po pero aalis na ako sa banda ni Randy. Sige po, aalis na po ako." ang agad kong paalam sa kanya sabay talikod na upang umalis. Hindi na siya nakapagsalita pa at hinayaan na lang akong lumayo.

Nilakad ko ang kahabaan ng main road ng Ayala Alabang hanggang sa makarating na ako sa highway tapat ng Alabang Town Center sa Madrigal upang pumara ng jeep. Hindi ko mapigilan ang pag-agos ng aking mga luha kahit nasa loob na ako ng sasakyan pauwi. Pilit kong sinalo ang bawat luhang nalalaglag sa aking mga mata habang ang ibang pasahero ay pinapanood ako sa aking paghikbi.

"Anong tinitingin-tingin mo?! Ngayon ka lang ba nakakita ng umiiyak?! Hindi ka ba nanonood ng TV o mas maganda ako umiyak kaysa sa mga napapanood mo doon?!" ang pagtataray ko sa babae sa aking harapan na pinakamatagal na tumigin sa akin. Sa sobrang hiya marahil ay humarap na lang siya ng bintana ng jeep palayo sa aking mga galit na titig.

Bago makarating ang jeep sa aming kanto ay napilit ko ang aking sarili na tumahan sa pag iyak. Naglakad ako pauwi nang nakayuko upang itago ang aking mukha sa mga maaari kong makasalubong sa paglalakad.

"Bakit naman kasi Jasper sa lahat ng gagawin mo pag tulog ka doon ka hahawak? Gagong Randy yun. Naisahan ako ng tarantado. Tinatakam pa ako ng gagong iyon kung siya pala mismo ang nakauna sa akin." ang sabi ko sa aking sarili habang nakapako na ang aking mga tingin sa sahig.

"Jasper!" ang panawag ni Mariah mula sa kanyang parlor at kumakaway habang ako'y napadaan na sa harapan nito.

Agad ko siyang nilingon ngunit hindi ko naalis ang galit sa aking mukha.

"Wala ako sa mood ngayon Mariah. Mamaya na lang tayo mag-usap." nagpatuloy na lang ako sa aking paglalakad pauwi ng bahay.

Nang makarating ako sa tapat ng aming halos maagnas nang pintuan ng aming bahay na nakasara ay napatigil ako upang magpakawala ng isang malalim na buntong hininga pilit inaalis ang natitirang galit sa aking dibdib bago ako makita ng aking mahal na ina.

"Nay! Nasa bahay na po ako!" ang masiglang sigaw ko habang ako'y papasok sa loob ng bahay. Nakita ko ang aking ina na nasa hapag kainan at mukhang katatapos lamang kumain at tinititigan ang apat na tabletas sa ibabaw ng isa niyang palad na halos nakalapit sa kanyang mukha. Malungkot ang kanyang mga tingin dito at puno ng panghihinayang.

"Nay, inumin mo na po iyan." ang wika ko habang ako'y papalapit na sa kanya.

"Ikaw pala iyan anak. Paki-abot naman sa akin yung kutsilyo." ang utos niya sabay turo sa kung saan ito nakalagay.

"Bakit nay? Ano gagawin mo?" ang tanong kong agad dahil sa tila alam ko na ang kanyang binabalak.

"Hahatiin ko sa gitna, anak. Para mapatagal ko ng kaunti yung nabiling gamot.

"Nay, kailangan mong inumin ng buo yan dahil pag hinati mo na iyan hindi na tama ang dosage na nainom mo. Kailangan mo inumin ng tama yang Rifampicin, Isoniazid, Pyrazinamide, at Ethambutol na nireseta sa iyo ng duktor mo." ang pangangaral ko sa kanya.

"Sorry, anak. Hindi ko alam kung paano ako makakatulong sa pagtitipid sa gagastusin natin sa sakit ko." ang wika niya at tumulo ang luha sa kaliwa niyang mata.

"Nay, ano pa ba ang ititipid natin? Tayo na ang pinakamatipid sa buong compound na ito. Ginagawan ko naman ng paraan ang paggagamot mo. Hangga't kaya ko nay, magkapera lang tayo panggamot mo gagawin ko." ang pagpapalagay ko sa kanya sabay haplos sa kanyang balikat na bakat na ang buto gawa ng matagal niyang pag-ubo at nitong huli ay talagang nangayayat siya gawa ng kanyang sakit.

"Sige na anak, kumain ka na. Mamamalengke lang ako muna ako." ang paalam niya sabay lagok sabay-sabay ng kanyang gamot at uminom ng isang basong tubig.

"Nay, ako na ang mamamalengke. Nakatulog naman ako kagabi ng sapat." ang sabi ko sa kanya sabay patong ng aking bag sa gilid ng mesa upang simulan nang kumain.

Natapos ako sa pagkain habang ang ina ko nama'y nanatili sa loob ng bahay. Paikot-ikot, paupo-upo, tila di makali dahil marahil sa pagkabagot na wala siyang ginagawa. Ako na ang naghugas ng aming pinagkainan at tulad ng aking pangako ay ako na ang namalengke. Tanghali na nang ako'y makabalik ako na rin ang nagluto ng aming tanghalian. Tulad ng kinagawian namin ni ina, sabay kami kumain na naguusap ng aking mga karanasan liban sa mga bagay na mapapait at tungkol sa aking pagkatao. Hindi ko rin sa kanya binanggit na wala na akong pagkakakitaan. Naaawa ako sa aking ina, kailangan kong makahanap ng pagkakakitaan ko ng pera. Naalala ko si Mariah.

Nagpaalam agad ako kay inay upang kausapin si Mariah at sa ako'y may takdang lakad din na makipagkita kay CX4U sa hapon sa Metropolis. Nagbihis ako ng maporma gamit ang mga damit na ibinigay sa akin noon ni Randy. Kailangan kong magpaimpress kay CX4U sa unang pagkakataong magkikita kami ng harapan.

Sa di kalayuan sa parlor ni Mariah ay kita ko na siyang nakikipagchismisan sa mga baklang tambay roon tila wala siya gaanong customer sa mga ganoong oras.

"Jasper! Ang suplado mo kanina? Nireregla ka ba ngayon?" ang pambungan ni Mariah sa akin nang makita akong papalapit.

Humihirit ang mga kasama niyang bakla nang ako'y kanilang makita. Pinanood ko lang silang kinikilig habang hindi naman ako makangiti sa aking dalahin.

"Sorry talaga Mariah. Bad trip ako. Pwede tayo mag-usap ng tayo lang?" ang seryoso kong pakiusap sa kanya sabay hila sa kanya sa loob ng parlor na walang tao. Inilock ko ang pintuan upang walang sumilip at habang dumudungaw naman ang mga naiwan sa labas ay sinaraduhan ko ng kurtina. Si Mariah naman ay nagtatakang hinintay ang aking mga sasabihin habang siya'y nakapamaywang sa mismong likuran ng pituan ng parlor.

Walang patumpiktumpik na binulalas ko sa kanya ang lahat ng aking gustong sabihin.

"Naguguluhan ako, nakitaan ko ng Valium kanina si Randy. Pero straight siya eh, puwedeng nakuha iyon mula sa kanya o bukod sa kanya isa sa kanila ay mayroon din noong ganong gamot. Mariah, nalaman na ni Randy na ganito ako. Wala na ako sa banda. Wala na akong pagkakitaan. Baka pwedeng magtrabaho muli ako sa parlor mo at kung may kakilala ka baka pwede naman pakiusapan mo na pagtrabahuhin nila ako para lang talaga sa gamot ni inay." ang desperado kong wika kay Mariah na nabigla naman sa aking unang mga sinabi.

"Sige, tutulungan kita sa bagay na iyan pero hindi ko maipapangakong may mahahanap pa akong pwede mong pasukang trabaho sa mga kakilala ko ha? Alam mo naman tayo sa lugar natin puro dukha lang. Basta huwag ka na magpapagamit sa mga bakla ha?" ang sagot naman niya sabay hawak sa aking mga kamay.

"Kahit gaano karaming pwede kong pasukan kumita lang, Mariah." ang sagot kong umaasa.

"Ma-iba ako, Jasper. Bakit napakaporma mo ngayon? Saan ka lalakad este lalandi? Aber?" ang tanong niyang naiintriga sa aking itsura ngayon.

Nangiti ako't napakamot ng aking bunbunan.

"Ah... Eh... May eyeball kasi ako ngayon sa Metropolis." ang nahihiya kong sagot sa kanya.

"Sama ako diyan. Gwapo ba?"

"Oo eh... Okay na ba ang itsura ko ngayon?"

"Ikaw pa, Jasper? Wala sa itsura mo ang pagkadukha mo at ang gwapo mo kahit nakapambahay ka lang na gusgusin. Huwag kang kabahan. Kung di lang tayo talo ikaw na ang idedate ko eh." ang wika naman niyang nagpalakas ng aking loob humarap kay CX4U.

Nagtungo kaming dalawa sa Metropolis taliwas sa plano namin ni CX4U na ako lang ang makikipagkita sa kanya. Nakarating kami ni Mariah sa tapat ng Jollibee sa bukana lang ng Metropolis sa takdang oras naming pakikita ni CX4U. Makatabi kaming naghinay ni Mariah nang nakatayo roon pinanonood lamang ang mga taong nagsisidaanan.

"Ang tagal naman dumating ng ka-eyeball mo! Naiinip na akong makita yang gwapong sinasabi mo na yan. Sana maging jowa mo na yan." ang wika ni Mariah na halata na ang matinding pagkainip.

"Hindi kita pinilit sumama ikaw itong nagprisinta. Hintay lang dadating din yun. Mahal na daw niya ako at gustong gusto ko na rin naman siya kaya di malayong maging kami noon." ang sagot ko namang naiirita.

Sa di kalayuan ay may papalapit na matabang lalaki na maitim ang balat, sarat ang ilong, at di maayos pumorma na nakatitig sa akin at nakangiti. Hindi siya presentable at sadyang hindi mo siya papansinin sa kanyang itsura. Nakaramdam ako ng matinding hindi pagkapakali nang magsalubong ang aming mga tingin. Nagsisimula na akong mainis at kabahan dahil sa kutob kong naloko lang ako.

"Nandiyan na ba siya?" ang naiinip na tanong ni Mariah matapos akong kalabitin ng mapansin niyang nakatingin na ako sa malayo.

"Hindi ko alam, wala pa akong nakikitang hawigin ni Alfred Vargas sa paligid." ang dismayado ko nang sagot sa kanya habang hindi naman maalis ang titig ko sa papalapit nang lalaki na taliwas sa kahit isang katangiang taglay ni Alfred Vargas.

Hindi siya magkakamali sa akin dahil nakita na niya ako sa webcam at sa aking mga pictures.

Binalot ako ng matinding kilabot at nagsimula akong pawisan ng malamig nang makalapit na sa amin ang lalaking nasa taas na 5'5 lamang.

"Hi! Ikaw princeofhearts di ba?" ang tanong niya sa akin habang abot tenga ang kanyang mga ngiti.

Isang matalim na titig ang binigay sa kanya ni Mariah. Hindi ako makasagot gawa ng biglang natuyo ang aking lalamunan. Pilit ko rin pinigil ang aking sariling magalit sa pagkadismaya matapos kong marinig ang kanyang tanong sa akin.

"Ah... Sino po sila?" ang tanong ko sa kanya sabay tago ng aking kamaong nagsisimula nang bumilog sa galit.

"Ako si CX4U! Di ba kahawig ko si Alfred Vargas?" ang pagmamalaking pakilala niya sa akin habang nagpapacute tila contestant ng Mr. Pogi.

Napaubo si Mariah matapos niyang marinig ang kanyang sinabi at ako nama'y kumukulo na sa galit. Naisahan niya ako. Niloko niya ako. Marami na kaming napag-usapang galing mismo sa aking damdamin. Ang aking mga lihim at naisin sa buhay. Hindi ko maipagkakailang nagkagusto akong lubos sa kanya sa aming usapan pa lamang sa chat at kahit umabot na sa punto na nagkaroon na rin kami ng palitan ng naughty topic.

"Tarantadong ito. Gaguhin ba ako?" ang sabi ko sa aking sarili.

"Ikaw si princeofhearts di ba?" ang tanong muli niya sa akin at akmang aabutin sana ang isa kong kamay na nakabalot na rin. Hindi na ako nakapagpigil.

"Ako si princeofhearts... " ang inis kong sagot sa kanya sabay yuko sa sahig.

"Oh bakit? Hindi ka ba masaya na nagkita na tayo mahal ko?" ang tanong niya sa aking na kumurot sa aking poot. Isang matalim na mga titig ang ihinarap ko sa kanya at pagkabigla naman ang mga tingin niya sa akin.

"Mahalin mo mukha mong putang ina ka! Niloko mo ko! Afred Vargas?! Mukha kang baboy-damo! Gago ka pinaasa mo kong puta ka! Sa picture mo pa lang niloko mo na ako paano ko pa paniniwalaan lahat ng pinagusapan natin dati? Ako mahal mo? Umasa ka! Niloko mo ko! Di ako papatol sa katulad mo! Poser!" ang galit na galit kong sigaw sa kanya na umagaw ng pansin ng mga tao sa aming paligid. Nanlaki ang mga mata niya.

Kumapit si Mariah sa aking braso upang ako'y pigilan ngunit hindi niya rin napigilan ang kanyang sarili.

"Kasi naman, ang mga pangit, pangit talaga! Makapanloko ng tao itong hukluban na ito. Nilaro mo damdamin ng kaibigan ko! Huwag ka ngang feeling! Chaka nitong baklang 'to. Nanay mo lang magsasabi sa iyo na kahawig mo si Alfred Vargas puta ka!" ang sigaw niya kay CX4U sabay pakawala ng isang malakas na sampal.

Nagmamadali si Mariah na hinila ako paalis at nagpaubaya na lang akong nakatitig sa sahig sa sobrang galit.

"Chaka mong bakla ka! Mamatay ka na! Hindi magkakajowa ang friend ko ng mga pangit na tulad mo! Humarap ka minsan sa salamin at uminom ka ng kape para kabahan ka sa itsura mo!" ang pahabol na sigaw ni Mariah sa hiyang hiyang si CX4U at nagpatuloy kami sa paglalakad.

Hindi maiwasan naman ni Mariah na mainis sa mga usisero sa paligid na tinititigan na rin niya ng masama.

"Ano? Ano tinitingin-tingin niyo diyan? Wala ba kayong gagawin o pupuntahan maliban dito? Hindi 'to palabas at walang napatay kaya magsilayas na kayong mga walang drama sa buhay! Umuwi na lang kayo at manood ng TV!" ang mataray niyang sigaw sa kanila nang matigil sa paglalakad habang isa-isa niya silang tinuturo.

"Tama na Mariah, uwi na lang tayo. Nakakahiya na. Masyado ka naman affected kesa sa akin. May sampal ka pa na nalalaman. Actress ka talaga. Tara na nga." ang natatawa kong sinabi sa kanya at hinila na siya upang magpatuloy sa paglalakad para makauwi na.

"Eh ikaw kasi pwede mo naman sabihin na 'Hindi kita type. Sorry. Goodbye'. Affected tuloy ako sa mga sinabi mo pakiramdam ko ako yung sinasabihan mo kaya sa kanya ko nilabas yung galit ko." ang sagot naman niya at kami ay nagtawanan na lang.

Ilang buwan ang lumipas na umaasa lang ako sa mga temporary na trabaho bukod sa paglilingkod ko sa parlor ni Mariah. Bagaman binalaan niya akong huwag na magpapagmit sa mga bakla ay lihim kong ginawa ito sa kabilang baranggay. Hindi ako makapasok sa pagiging crew man lang ng mga fastfood restaurants dahil hindi ako natatanggap sa mga interview tila malas lang talaga ako sa mga inaapplyan ko.

Sa school naman ay hindi na kami nagpapansinan ni Randy at Rodel. Hindi ko naman kinakausap noon pa si Nestor. Si Alice naman ay tila nahahalata na ang lagi kong pag-iwas bagama't alam niyang umalis na ako sa banda at tumigil na sa pagsama sa kanila sa kadahilanang may ibang trabaho na ako at mas lublob ako sa aking pag-aaral. May mga araw na hindi na ako nakakapasok sa kawalan ng pera. Natapos ang school year at hindi na ako nagparamdam sa kanila.

Si Mariah, mas naging maganda ang pagsasama nila ni Abet Limpot ngunit may mga pagkakataon na binubugbog na niya si Mariah sa dahilang hindi rin sa akin sinasabi ni Mariah. Madalas si Mariah sa computershop ni Abet ngunit hindi na ako nakakasama dahil sa paghahanap buhay at upang alagaan ang lumalalang kundisyon ng aking ina.

Si inay naman ay maputla na at napapadalas na ang pagsuka ng dugo. May mga araw kasi na hindi na siya nakaiinom ng gamot sa kadahilanang hindi na kami makabili. Sa paglala ng kanyang sakit at sa takot na ako'y mahawa at sa beauty parlor na ako ni Mariah natutulog.

Isang umaga habang ako'y nagwawalis sa loob ng parlor upang maghanda sa pagbubukas at pagdating ni Mariah.

"Jasper." ang tawag sa akin ng isang pamilyar na boses na galing sa nakabukas na pintuan ng parlor habang ako'y nakayukong sinusungkit ng walis ang ilalim ng mga upuan at nakatalikod sa taong tumawag sa akin.

Tumayo akong nag-ayos ng sarili bago ko harapin ang tumawag sa akin.

Nang lumingon ako sa kanyang kinaroroonan ay nanlaki ang aking mga mata at di ko alam kung ano ang aking sasabihin sa pagkabigla na makita ang taong hindi ko inaasahang makikita kong muli matapos ang aking matagal na katahimikan. Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa aking kinatatayuan sa mga oras na iyon. Tila namanhid ang aking mga kamay at nabitiwan ko ang aking hawak na walis at daspan.