Chereads / Salamin [BL] / Chapter 16 - Salamin - Chapter 16

Chapter 16 - Salamin - Chapter 16

Nakatayo si Rodel akay ang aking nanghihina nang ina. Mas nakuha ng aking ina ang aking pansin nang makita ko sila.

Puno ng dugo ang kanyang damit mula sa kanyang dibdib tungo sa bandang puson na tila gumapang na paibaba sa dami. Parang natapunan lang ng isang basong kape ang kanyang daster ngunit sana'y kape na lamang ito.

Malalim na ang kanyang mga mata at mataas na ang kanyang mga balikat sa tindi ng hirap sa paghinga at madalas na pag-ubo. Ilang gabi na rin siyang di makatulog dahil dito. Hindi makakain dala ng kawalan ng gana sa pagkain. Sa madaling salita, bumibigay na ang katawan niya.

Nakakapit na siyang sumandal sa pinaka poste kung saan nakakabit ang pintuan ng parlor pilit umaalis sa alalay na bigay ni Rodel. Lubhang napakapayat na niya ngayon. Tila hindi tumatalab ang mga iniinom niyang gamot sa kadahilanang ilabg beses na rin natigil ito sa kawalan ng pera. Ang pambili namin sa pagkain ay ilang beses na rin namin nagasta para bumili kahit ng kanyang antibiotic.

"NAY!!!!!!" ang sigaw ko sabay karipas ng takbo tungo sa kanya upang saluhin siya sa kanyang akmang pagbagsak sa tarangkahan ng pinto. Agad ko naman siyang nasalo ngunit sa natitira niyang lakas ay itinulak niya akong palayo. Nasalo ko na lang siya sa aking mga hita nang ako'y mapaupong paluhod inaalala lang na baka siya mabagok sa sahig.

"Anak, mahahawa ka! Gusto lang kitang kausapin." ang wika niyang hinang-hina na sabay pakawala ng puwersadong ubo kung saan ang nakatakip niyang kamay ay nabugahan niya ng may karamihang dugo. Winisik niya ito sa sahig at tinitigan niya ako ng kanyang mga naluluhang mga mata.

"Nay! Bakit pa kayo pumunta dito hindi niyo na lang ako hinintay sa bahay! Uuwi naman ako agad pagkatapos ko maglinis nitong parlor! Nay!" ang paninisi ko sa kanya sa kanyang lagay pilit pinipigilan ang aking matinding awa at takot na nararamdaman sa mga oras na iyon.

"Anak, mahina na ako at di na kaya ng katawan ko ang mga gamot. Huwag ka sana magalit sa akin o kay Mariah. Itong huling punta namin sa duktor ay sinabi ko kay Mariah na huwag sasabihin sa iyo ang..."

"Basilia!!!!!" ang nakabibinging sigaw ni Mariah na nakatayo na pala sa harapan ng parlor kita kami ni inay sa bukana ng pintuan. Nagmamadali siyang lumapit sa akin di pansin si Rodel at kinuha niya sa aking mga bisig si inay at inabutan niya ako ng kanyang panyo upang itakip sa aking bibig at ilong. Itinaboy ko lang ito at niyugyog si inay na nasa mga bisig na ngayon ni Mariah.

"Nay!!! Ano yung hindi niyo sa akin sinasabi ni Mariah?!!"

Agad kong nilingon si Mariah na puno ng awa ang aking mga mata. Awa lang din at pagsisisi ang nakita ko sa mga lumuluhang mata ni Mariah.

"Mariah?! Ano yung sinasabi ni inay na hindi mo pwede sabihin sa akin?" ang pagmamakaawa ko sa kanya.

Si inay ay umuubo na ng umuubo habang umiiyak. Tila kawalan ng pag-asa ang nakita ko sa mga mata nila. Gulong-gulo na ako at takot na takot sa isang lihim na hindi ko na mahintay marinig mula sa kanila.

"Sorry, Jasper. Pinakiusapan kasi ako ni Basilia na huwag na sabihin sa iyo. Kaya hindi ako tumutulong na sa pambili ng gamot ay dahil sa nalaman na namin na kailangang taasan na niya ang dosage niya dahil sa pagliban niya sa pag-inom ng gamot kadalasan ay lumakas ang sakit ng inay mo. Hindi rin pwede ang doble dahil sa gamot na ipinaiinom sa kanya nagkaroon na rin ng complications sa liver inay mo." ang pag-amin niya sa akin sabay abot sa aking kamay na nakakapit sa braso ni inay upang ito'y pisilin.

Nabigla ako sa aking narinig at di na nakapagsalita pang tinitigan na lang ang aking inang kasing puti na ng papel ang mukha ang pagkakaputla. Tinitigan ako ng aking ina na may pilit na mga ngiti ang kanyang labi.

"Anak, ayaw na kitang pahirapan pa. Gusto kitang mamuhay ng masaya at gusto kong mamuhay ka na para sa iyong sarili. Pasensiya anak kung hindi ako masyadong magtatagal sana patawarin mo ako. Masaya ako kahit paano'y alam kong kaya mong abutin ang lahat ng gusto mo sa buhay. " ang wika niya sa akin habang umaagos ang mga luha sa kanyang mga pisngi. Agad akong yumakap sa kanya ng napakahigpit na tila wala nang bukas na naghihintay. Di ko na pansin kung mahahawa ako sa kanya at sa mga dugong sumalin na rin sa aking dilaw na shirt. Hindi ako nakuntento sa mga yakap kaya't hinalikan ko pa siya ng paulit-ulit sa kanyang noo at mga pisngi.

Si Rodel ay walang nagawa kung di ang panoorin lang kami sa aming lagay at maawa.

"Nay!!! Huwag kang magsalita ng ganyan inay!!! Sabi mo gusto mo akong makitang magtapos ng college!! Sabi ko sa iyo pagkagraduate ko magtatrabaho ako at kikita ako ng limpak para gumanda buhay natin!!! Huwag na huwag mo akong iiwan nay!!!" ang pagmamakaawa ko sa kanya. Naninikip ang aking dibdib parang gusto nang lumuwa ang aking puso palabas sa sakit ng aking damdamin na takot mawalan ng natatanging kapamilya.

"Anak, hindi mo man sa akin sinasabi pero alam ko na ang pagkatao mo mula pa nang naging kayo ni Rodel. Ibang saya ang nakikita ko sa iyo mula noong magkakilala kayong dalawa. Ang mga kinukuwento mo sa akin noon na ginagawa niya, mga binibigay niya sa iyo, at ang parating pagsasama niyong dalawa ang nagbigay sa akin ng idea. Hindi kita ikinahihiya anak dahil kahit ganyan ka, higit ka naman sa isang tunay na lalake. May paninindigan ka, responsable ka, matalino ka, at bukod sa lahat, maabilidad. Kaligayahan mo ang nais ko, sana'y magkaayos kayo ni Rodel. Kung hindi man, gusto kong maging kayo ni Andrew kung sa lalake ka rin lang mapupunta. Ina mo ako, alam ko kasi anak kita." ang mga wika naman niyang pilit kumurot sa aking puso habang matamis ang kanyang mga ngiti.

"Nay! Hindi bakla si Andrew." ang natatawa kong sagot sa kanya. Binalot naman ng pagtataka ang mukha ni Rodel kung sino yung tinutukoy ni ina na Andrew ang pangalan.

Humagulgol kaming dalawa ni Mariah sa sinabi ng aking ina. Lalong humigpit ang yakap ko sa kanya sa kahit kaunting kaligayahang dulot ng pagkakaalis ng tinik na matagal nang nakatusok sa aking damdamin sa lihim kong itinago sa aking ina.

"Salamat, inay..."

"Nagugutom na ako. Magsiligo nga kayong tatlo agad baka kayo mahawa. Uminom kayo agad nung antibiotic pag dating niyo sa bahay. Alalayan niyo ko pauwi ng bahay." ang wika ng aking ina. Natawa kami sa pagtataray ng aking ina na unang beses lang din namin nakita ni Mariah.

"Mana pala sa iyo si Jasper. Kasing taray mo anak mo. Buti na lang nakapambahay pa lang ako wala akong susuutin ngayon kung nataon pag ginupitan ko na mga suki ko." ang wika ni Mariah na tinawanan ng aking ina at ni Rodel.

Inalalayan namin siya pauwi ng bahay at nagpaalam na si Mariah nang maihiga na namin si inay sa kama. Agad naman kami naligo ni Rodel ng hindi sabay tulad ng bilin ng aking ina bago ako nagsimulang magluto ng aming almusal. Humiram muna si Rodel ng aking pambahay pamalit bilang pagsisigurado kahit nakainom na kami ng gamot.

"Anak, kuwento ka naman ng tungkol sa inyo ni Rodel mo." ang pakiusap niya sa akin habang ako'y naghihiwa ng bawang sa hapagkainan namin. Nahiya ng kaunti si Rodel sa kanyang narinig at napayuko na lang sa sahig.

Tagilid siyang nakahiga sa kanyang papag pinanonood kaming dalawa habang ako nama'y abala sa aking gawain. Si Rodel ay nasa aking tabi lamang at tahimik na nakikiramdam sa amin. Nahihiya marahil dahil alam na ng aking inay na naging magkasintahan kami.

"Nay, si Rodel, niligawan po ako nung start pa lang ng classes. Nagkita kami sa lobby nung nag-eenrol po ako, nagtanong ako sa kanya kung saan ako pupunta. Since ahead siya sa akin ng isang taon at alam na niya pasikot-sikot sa school, inalok niya akong samahan na daw niya ako. Naging magkaibigan kami mula noon. Tapos, napansin ko na lang isang araw na iba na yung mga titig niya sa akin hanggang sa ayun nililigawan na pala niya ako, nagkagusto naman ako sa kanya.... Ayun.. Ganun lang..." ang kuwento ko sa kanya na nagpabagal sa akin sa aking ginagawa ngunit hindi naalis ang aking titig sa aking hinihiwa. Natatawa naman si Rodel na kanina pa nananahimik habang binabalikan din ang aming nakaraan.

"Anak pipikit lang ako ha? Gisingin mo na lang ako kapag naluto na iyan. Kuwento ka pa, naaalala ko tuloy yung mga araw na nililigawan din ako ng itay mo." ang sagot naman niya sa akin.

Tinignan ko siyang pumikit habang nakangiti pawang inaalala ang kanila ni itay o ginuguhit sa kanyang isipan ang aking mga nakaraan kay Rodel habang patuloy naman ako sa pagluluto.

Nakapagsaing na ako't inaahon na sa mantika ang pritong tinapang galunggong. Nilingon ko siya at nakitang mahimbing na ang tulog niya. Hindi na ako nagpatuloy sa aking pagkuwento.

"Nay, kakain na po tayo." ang imbita ko sa kanya habang inihahanda na ang aming mga gamit pangkain. Hindi siya sumagot. Pinagmasdan naman siya ni Rodel na nagtataka sa lagay ng aking ina.

Nilapitan ko siya at marahang tinapik-tapik sa kanyang hita.

"Nay? Gising na po inay. Kakain na po tayo. Nay?" ang sabi ko sa kanya habang inuuga na siyang marahan para gumising. Hindi pa rin siya nagigising. Napailing na si Rodel sa kanyang nasaksihan.

Binalot agad ako ng takot at pagkabigla sa hindi pagsagot ng aking ina. Hindi ko mapigilang maalis sa aking isipang patay na ang aking ina sa mga sandaling iyon. Napalakas ang pagyugyog ko sa kanya. Agad lumapit sa akin si Rodel upang haplusin ang aking likuran.

Di ako nakuntento, kumapit ako sa magkabilang braso niya at inuga siya habang patuloy na tinatawag siyang gumising.

"NAY!!!! KAKAIN NA TAYO INAY!!!! GISING NA NAY!!!!!" ang sigaw kong panawagan sa kanya sa abot kaya ng aking lalamunan. Wala na akong pakialam kung marinig ng mga kalapit bahay.

Bumuhos ang mga luha sa aking mga pisngi nang matanggap kong hindi lang natulog ang aking ina. Niyakap ko siyang mahigpit di alintana ang malagkit na dugong natuyo na sa kanyang mukha at dibdib.

Gusto kong magalit ngunit hindi ko magawa. Gusto kong matuwa dahil tapos na ang paghihirap niya ngunit hindi pa rin dahil sa ako'y ulilang lubos na. Hindi ko na alam ang aking gagawin sa mga oras na iyon.

"Jasper... Tahan na... Masaya na nanay mo, tapos na ang paghihirap niya. Tutulungan kita sa pagaasikaso ng libing ng inay mo..." ang pagpapalagay naman niya sa akin. Agad siyang umalis sa aking tabi at may kinuha sa bulsa ng kanyang suot na shorts kanina na envelope na puti. Hindi ko na siya pinansin dahil abala ako sa pagtangis sa pagkawala ng aking natatanging kapamilya.

Kinalabit niya ang aking likuran nang makabalik siya sa aking tabi upang iabot sa akin ang puting envelope.

"Ano yan?! Pera?!! Hindi na maibabalik ng perang iyan ang buhay ng nanay ko!! Huli na ang lahat!! Bakit ka nga pala nandito, Rodel?! Hindi ka ba masaya sa buhay mo ngayon na lahat nasa iyo na kailangan mo pang makita na nawalan ako ng isa sa mga natatanging pinahahalagahan ko sa buhay?! Ano?!! Masaya ka na bang makitang patay na ang ina ko?! Matapos niyo akong babuyin ni Randy?!!!!" ang galit kong bulyaw sa kanya. Sa di ko maintindihang dahilan ay poot ang agad na napuno sa aking dibdib nang makita ko si Rodel na inaabutan ako ng envelope na puting kutob ko'y pera ang laman. Hindi naman siya nakasagot sa akin at nabigla lang sa aking nasabi ukol sa bintang ko sa kanya at kay Randy.

Lahat sila kaya ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng pera, kami ay wala ni isang kusing. Namumuhay kaming isang kahig isang tuka lamang at dahil dito wala na ang aking ina. Sa mga oras na iyon, tila nakabuo ako ng sama ng loob sa mga mayayaman.

"Lumayas ka Rodel! Lumayas ka sa harap ko! Bigay mo naman sa akin yang mga suot mong iyan kaya't huwag ka nang magpalit! Huwag ka nang babalik dito!" ang utos ko sa kanya habang nakaturo sa bukas naming pintuan. Hindi na siya nakipagtalo. Agad siyang lumabas matapos iwan sa tabi ng aking inay ang ibinibigay niyang envelope. Sabay niyang kinuha ang kanyang mga hinubad na damit palabas ng aming pintuan.

Lumipas ang isang oras na tumatangis ako sa tabi ng aking ina. Hindi ko na alam ang aking gagawin. Balot na ng matinding pangungulila ang aking kalooban. Sa huling pagkakataon ay tumabi ako sa kanya na parang bata hanggang sa maramdaman kong unti-untian nang lumalamig ang katawan niya.

Bumangon ako sa kama matapos ang isang sandali nang kahit ang noo niya'y wala na rin kahit kaunting init. Muli ko siyang pinagmasdan at nakitang parang natutulog lang ang aking ina. Kinuha ko ang nakabalunbon niyang kumot na nasa kanynag tabi at ibinalot ito mula kanyang talampakan hanggang sa kanyang ulunan.

"Basilia?!" ang bulalas ni Mariah nang makarating siya sa harapan ng aming pintuan. Hindi na ito nagpatumpiktumpik pa at yumakap sa aking upang umiyak din. Nag-iyakan lamang kaming dalawa hanggang sa kami ay napagod na. Umupo kaming magkaharap sa mga silyang naiwan namin ni Rodel kanina.

"Ako na ang maghahanap ng punerarya at paglilibingan ni Basilia sa pampublikong sementeryo dito sa Muntinlupa. Nalaman ko agad kanina pag daan ni Rodel sa tapat ng parlor kanina. Pinalayas mo daw siya. Sabi niya babalik pa rin daw siya at pasensiya na kung dalawang libo lang ang naidagdag niya kasi yung lang ang laman ng wallet niya hindi pa siya nakapaglabas sa ATM niya. May limang libo daw yung envelope na puti. Gamitin mo na daw rin yun. Suhol daw sana sa iyo yun para bumalik ka sa banda ninyo." ang wika ni Mariah sa akin sabay abot niya sa akin ng dalawang libo na galing kay Rodel.

Nilingon ko ang punting envelope na naiwan ko sa tabi ng aking ina. Kinuha ko ito at inabot kay Mariah.

"Ikaw na bahala sa pera Mariah, kung ano man ang kukulangin sana pautangin mo pa rin ako. Sa pagkakataon naman na ngayon sigurado akong karamihan sa kikitain ko sa paghahanapbuhay ipambabayad ko na sa mga utang ko namin sa iyo." ang sabi ko naman sa kanyang hiyang-hiya na ngunit kapit na ako sa patalim upang mahimlay lang ng maayos ang aking ina sa kanyang huling hantungan.

Tulad ng pangako ni Mariah, siya mismo ang naglakad ng punerarya at libingan ng aking ina. Bukod dito, tumulong din siya sa pag-aasikaso ng mga nakiramay sa aming mga kakilala namin at upang makabawi sa nagastos ay nagpasugal na lang kami sa burol ng aking ina.

Sa huling gabi ng burol ni inay habang abalang nagtotong-its si Mariah at ang ng iba pang mga naroon sa labas ng aming tahanang gutay-gutay na nagkaroon ng liwanag salamat sa nahiram na generator. Madaling araw na ng mga oras na iyon.

"Hoy! Huwag ka muna umuwi! Gusto ko pa makabawi sa pabiskwit at pakape ko no." ang pangungulit ni Mariah sa isa niyang kasugalan.

Nakaupo lamang ako sa kanyang tabi na pinagmamasdan ang kanyang pakikipaglaro habang nilalanghap ko ang bawat buga niya ng kanyang sigarilyo. Ilang araw din akong hindi nakatulog mula nang mamatay ang aking ina. Tila manhid na pareho ang aking katawan at damdamin sa lahat ng mga nangyayari sa akin.

"Hoy, Jasper. Kumain ka na! Puro ka na lang biskwit di ka na kumakain ng kanin! Heto, pumunta ka muna sa lugawan sa kanto at kumain ka doon. Hindi ko kakayanin na magburol agad ng isa pa ngayon. Buti na lang may mga nalapitan tayo sa gobyerno at yung DSWD malaki ang naitulong sa atin." ang sabi niya sa akin matapos ibaba ang kanyang binalasang deck ng baraha sabay abot ng isang daan mula sa mga perang nasa tapat niya sa ibabaw ng mesa.

"Busog pa talaga ako sa kape at biskwit kanina, Mariah." ang tanggi ko sa kanya sabay tulak palayo ng kanyang kamay habang nakatingin ako sa aking mga paang pinagkikiskis ko dahil sa kati ng kagat ng mga lamok na dumapo dito.

"Hay nako! Tama na ang drama! Kung buhay pa si Basilia sigurado ako magagalit sa iyo 'yon." ang wika niyang nababanas.

"Oh... Tignan mo kung sino ang parating. Huwag kang mag-aamok ha?! Igalang mo nakaratay mong inay." ang babala niya sa akin nang makita niya sa di kalayuan ang parating na bisitang makikiramay.