Chereads / Bihag Ni Dakum [BxB, SPG] (Tagalog) / Chapter 4 - Ikatlong Kabanata: Bangayan

Chapter 4 - Ikatlong Kabanata: Bangayan

ᜁᜃᜆ᜔ᜎᜓᜅ᜔ ᜃᜊᜈᜆ

Ikatlong Kabanata

Sa likod ng kurtina ay nagpakita ang isang matangkad at makisig na lalaki. Kulay tanso ang kaniyang pantay na balat na kumikinang habang tinatamaan ito ng takas na sinag ng araw. Sumisigaw ang kaniyang pagiging brusko malaking pangangatawan at sa makapal na katad niyang bahag na maharlika lang ang tanging nakakapagsuot.

May mga marka siyang puti at ginto sa kaniyang balat, katulad ng mga alagad niya. Marami siyang gintong palamuti sa katawan na matatagpuan sa ulo, balagat at baywang.

Ang lahat ay lumuhod sa kaniyang harapan, ang mga kawal na humuli sa amin at mga alipin na kasalukuyang pabalik-balik na naglalakad dahil abala sa pag-aayos ng mga gamit sa paligid. Agad ding nakisabay kaming mga nabihag.

"Sino naman ang mga taong ito? Bakit niyo sila dinala sa pamamahay ko?"

Malalim ang kaniyang boses habang seryoso ang kaniyang pagtanong sa aming harapan. Walang may isa sa amin ang nagsalita hanggang sa humakbang ang isa sa mga dumakip sa'min upang tumugon.

"Pinuno, nahuli namin sila sa ilog kung saan tinabunan natin ng maraming bato. Nadatnan namin silang nagtatago roon at para bang nagpaplano ng mga hakbang kung paano nila tayo lulusubin."

"Nasa amin ang kanilang mga dalang sibat at kalasag. Sapat na 'tong ebidensya para patunayan na may binabalak silang masama sa atin," sabi naman ng isa pa sa kanila.

Tumango ang kanilang pinuno. Nagtama ang kaniyang paningin sa aking mga mata. Nagtitigan kami sandali, ngunit bago ko inihilis ang aking paningin ay para bang napansin ko ang kaniyang pamimilog ng mata, pagkatapos ay napalitan ito ng pagiging matalim.

Para saan ang mga makahulugang tingin na iyon? Ano naman kaya ang iniisip niya tungkol sa akin?

Sana hindi niya ako paghinalaan sa tunay kong katauhan.

"Nasaan ang pinuno niyo? Bakit hindi niyo siya isinama rito?"

Bigla akong napahinga ng maluwag. Ibig sabihin ay hindi niya alam kung sino talaga ako. Wala siyang kamalay-malay na isa sa amin ang pinunong nais niyang isama rito.

Naramdaman ko ang kanilang mga mata sa akin. Ang iba naman ay umiwas ang tingin upang hindi ako mahuli at mapaghinalaan. Marahan akong umiling upang ipabatid na huwag nila akong ituro. Ginawa ko ito sa pamamaraan na walang ibang may makakapansin maliban sa mga kasamahan ko.

Seryoso lang ang aking mukha at hindi naglalabas ng kahit anong emosyon ngunit  tumingin ako sa kanan at nakita ang isa kong kasamahan na binulungan ng isang kawal. Nakita ko ang panggagalaiti sa kaniya nito, samantalang nanginginig siya sa takot.

Pagkatapos no'n ay dahan-dahan siyang tumingin sa'kin. Napansin ito ng kawal at napatingin din sa direksyon ko. Marahan itong tumango. Huli na bago ko pinilig ang aking ulo upang hindi niya ako mapansin.

Patay na. Alam na ng panig nila kung sino ako. Masama ang kutob ko sa mga susunod na mangyayari.

Agad na tumabi ang kawal sa trono ng kaniyang pinuno.

"Pinuno, siya raw po ang hinahanap niyong pinuno nila! Mukhang nag-anyong dukhang kawal ang lalaking ito para hindi maitago ang kaniyang pagkakakilanlan bilang maharlika," turo sa akin ng kawal. Lumingon ako sa aking kasamahan na nagturo sa akin. Nakayuko siya at napakagat sa kaniyang labi dahil sa pagkamuhi.

Mahabagin! Anong na ang dapat kong gawin ngayon?!

Mariin na tumitig sa akin ang pinuno nila at sinuri ang aking buong katawan.

"Ikaw ba talaga ang pinuno nila?" tanong niya, at sa aking pagtataka ay medyo huminahon ang kaniyang boses, ngunit malalim pa rin ito.

Tumayo ako mula sa pagkakaluhod ay magiting na tumindig.

"Oo, ako nga!"

Bahagyang umangat ang dulo ng kaniyang labi. Para ba siyang naaaliw sa akin.

Mukha ba akong katawa-tawa?

"Kung ganoon, bibigyan kita ng pagkakataon upang ipaliwanag sa akin ang pagpunta niyo rito. Dapat ko ba talaga kayong parusahan?"

"Sa tingin ko ay hindi. Nagkakamali kayo ng bintang!" matapang kong sagot.

Pinagaan ko ang aking lalamunan at umubo ng bahagya. Pinabatid ko sa kaniya ang tungkol sa ilog na kanilang tinakpan at kung ano ang dinulot nitong kapahamakan sa ka-nayon ko.

Kumurap siya at umiling.

"Alam niyo, nabalitaan ko kasi na ang nayon niyo ay nagkaroon ng masaganang huli ng mga isda sa ilog nitong mga nakaraang araw. Akin nga lang na ipinagtataka kung bakit kabaligtaran iyon sa naging lagay ng aming pangingisda. Sa amin unang umaagos ang mga nahuhuli niyo, kaya talagang kami ang mas may katapatan sa ilog namin."

Ilog nila?

"Hindi ko maintindihan ang mga dahilan mo. Ano naman kung mas masagana kami kumpara sa inyo? Hindi pa rin sapat iyon na dahilan para pagtakpan ang ilong natin. Hindi lang kayo ang nagmamay-ari diyan. Hindi lang mga isda ang tanging pangangailangan namin. Nauubusan kami ng tubig na maiinuman."

"Ano naman kung gano'n? Wala ka sa posisyon para hamakin ang aking naging desisyon."

Umiling-iling ako sa kaniya. Sa katunayan, ang kaniyang naging desisyon ang tunay na naging sanhi ng lahat ng ito.

"Hindi niyo ikakaangat ang pananapak niyo sa amin. Kahit magdulot pa kayo ng tagtuyot, hindi niyo iyon ikakasagana."

"Mali ka, hangal. Naging masagana kami sa lamang dagat ngayon kaya tumahimik ka!"

Umalingawngaw ang kaniyang sigaw sa buong tahanan. Pinipilit kong maging mukhang matapang at hindi nagpatinag sa kaniyang mga sinasabi, sinusubukang ilihim ang pangangatog ng aking binti.

Hangal... Ito ang unang beses na sabihan ako ng gano'n.

Nasa bingit kami ng panganib. Kung makasarili nga ng tunay ang kanilang pinuno ay maaaring isalang niya kami sa kamatayan. Kailangan pa ako ng aking mga tao at ang paghuli sa akin ay magdadala sa kanila sa kapahamakan. Maaari nila kaming gawing alila.

"Hindi kailanman ako nagkamali sa aking mga naging hakbang. Mas magaling ako sa'yo. Tandaan mo 'yan."

Nanggagaliiti ako sa kaniyang kayabangan. Nais kong ilihis ang aking atensyon at kagatin ang labi upang ipakita ang hindi pagsang-ayon sa kaniya.

Huminga ako ng malalim at sinubukang tumugon.

"Wala akong balak na mailiitin ang kakayahan mo! Hindi ito ang tinungo namin. Ang nais lang namin ay ibalik niyo ang dating agos ng ilog namin!"

"Sa tono ng boses mo, mukhang mas ninanais mo pang magpanguna ng digmaan sa pagitan nating dalawa," iyon lang ang sinabi niya.

"Hindi totoo 'yan. Hindi nga ako nagtawag  malaking hukbo para labanan kayo. Kaunti lang kaming nagtungo rito dahil nais nga namin talagang maki-usap sa inyo. Kung gusto talaga namin ng digmaan, ganoon na ba kami kahangal para hindi ito paghandaan?"

"Oo, hangal ka nga at hindi ko hahayaan ang sarili ko na mabilog sa mga sinasabi mo," patinag niya sa aking mga dahilan. Nakikinig ba talaga siya sa'kin?

"Mas hangal ka," simple kong sagot pambawi sa kanina pa niyang pang-iinsulto sa akin.

"Mas masagana kami kumpara sa inyo. Sa palagay ko ay sapat na iyon para sabihin na mas magaling ako sa makitid mong utak," mariin niyang singhal.

"Ano bang pinagsasabi mo? Hindi ako nagpunta dito para makipaglokohan sa iyo--" bigla niyang pinutol ang aking sinabi.

"Kayo ang nagsimula ng lahat ng ito. Ang masasabi ko nalang ay: kung naapektuhan kayo, hindi na namin kasalanan iyon."

Napapikit ako sandali at pinanliitan siya ng mata.

"Sakim ka nga talaga. Oo, hindi niyo kami responsibilidad pero dapat naman kayong magkaroon ng konsiderasyon sa amin. Idadaan nalang sana namin ito sa mabuting usapan, pero yung utak mo talaga may ubo!"

Nabigla ang lahat sa aking sinabi.

Huminga siya ng malalim na para bang kinakalma ang sarili at saka hinilot ang kaniyang sentido. Bakit siya pa ang galit sa amin?

"Ang drama mo. Huwag kang umakto na ikaw lang ang nahihirapan dito. Iniisip mo lang naman siguro 'yang sarili mo," mariin kong sabi. Nanatili lang ang galit niyang ekspresyon. "Galit ka? Bakit 'di mo 'ko saktan? Suntukin mo 'ko, ungas!" hamon ko sa kaniya at ipinakita ko ang aking kamao sa ere.

Napatikom din ang kaniyang kamao habang lumalapit siya sa'kin. Agad akong naalarma dahil alam ko ay susugurin niya ako para masaktan. Pero bago niya pa magawa iyon ay inunahan ko na siya.

Sinipa ko siya sa kalamnan.

Agad siyang natumba at sapo ang kaniyang tiyan na namimilipit sa sakit. Nais ko siyang tawanan ngunit wala ako sa panahon na pwede akong lumigaya. Kailangan kong magseryoso.

Malakas ang kaniyang pag-aray na umalingawngaw sa buong paligid.

Lumingon ako upang tingnan ang aking mga kasamahan. Ngunit huli na ang lahat nang maramadaman ko na may sumuntok sa akin. Imposibleng yung mayabang na pinuno ang gumawa nito ngunit hindi ko naman alam kung sino. Maaaring isa sa mga kawal niya.

Naramdaman ko ang pag-untog ng aking ulo sa muwebles. Nilamon bigla ng dilim ang aking paningin at wala nang ibang naalala pagkatapos no'n.