ᜁᜃᜂᜈᜅ᜔ ᜃᜊᜈᜆ
Ika-unang Kabanata
"Pinuno, tuyo na po ang pinagkukunan natin ng inumin. Nauuhaw na ang buong nayon! Hinihintay po namin ang desisyon niyo. Nagkakasakit na po kami dahil wala kaming mainom."
Tanghaling-tapat at sobrang init ang ibinubuga ng araw, dahilan para pagpawisan ako hindi lang sa kaba.
Pabalik-balik akong naglakad habang pinanunuod ako ng maraming tao. Nababalisa. Pinakikinggan ang mga hinaing ng taumbayan. Nagsalita na rin si Luwad tungkol dito, siya kasi ang nagsisilbing tagapaghatid ng problema sa panananim.
Nasa likod niya lang ang mga manananim ng aming nayon. Kapwa nakikiprotesta sa problema. Dumalo din sa pagpupulong ang iba pang mga ordinaryong mamamayan na nauuhaw dahil sa kawalan ng tubig.
Wala tuloy kaming panangga sa alinsangan kun'di ang mga abanikong yari sa tuyong dahon ng niyog.
"Hindi yan pwedeng mangyari! Noong nakaraang limang araw lang ay bumuhos naman ang malakas na ulan, 'di ba? Wala pa tayo sa panahon ng tagtuyot. Napakaimposible!" ani ko.
Patuloy akong nag-iisip kung ano ang dahilan ng katuyuan ng ilog, ngunit wala ni isang ideya ang sumagi sa aking isipan. Pinaparusahan ba kami ng mga diyos sa langit? Sa anong dahilan ba?
"Malulutas lamang siguro ito kapag nalaman natin ang puno ng mga pangyayari. Sa ngayon, hayaan niyo muna akong mag-isip. Pwede ba umalis muna kayo," sabi ko sa kanila. Labis lang akong naguguluhan kapag nakikita ko yung mga hitsura nilang parang bigong-bigo. Wala ba silang tiwala sa'kin?
"N-naku, sa katunayan nga po pinuno, alam na po namin ang dahilan. Nanghingi na po kasi kami ng tulong sa mga edukadong tao dito sa nayon natin. Siniyasat nila yung ilog, at anila, hinarangan daw ng ating karatig-nayon ang daluyan ng tubig kaya nahito ito doon," medyo nanginginig niyang saad.
"Bakit naman?!"
Nangunot ang nuo ko. Ano naman ang kanilang dahilan para gumawa ng ganitong pamiminsala sa aming lupain. Humahanap ba sila ng sarili nilang gulo? O sadyang makikitid ang kanilang utak upang isipin na sa ganitong paraan nila masosolo ang ilog na pinaghahatian namin?
"O, siya! Maaari na kayong umalis sa'king harapan. At ikaw, Luwad, inuutusan kita tawagin si Adamin at papuntahin siya dito sa aking balay."
"Masusunod, pinuno."
Tumango lamang ako at tumalikod upang ihanda ang aking sibat at kalasag. Ihahanda ko lang ang aking sarili kung piliin man nila na kami'y kalabanin sa gitna ng aming pag-aayos. Hindi ko ito sisimulan sa digmaan, susubukan ko munang ayusin kung ano man ang dahilan kung bakit nila ito ginagawa.
"Pinuno, ipinatatawag niyo raw po ako," ani ng aking kapatid sa aking likuran. Napalingon ako sa kaniya.
"Sinabi ko na sa'yo 'di ba, huwag mo na akong tawaging pinuno. Hindi ko ikinararangal na marinig 'yan, Adamin, dahil kapatid kita at hindi isang hamak na alagad."
Umiling lang siya sa'kin.
"Hindi naman sa ayaw kitang maging kapatid, ngunit kapag narinig ako ng ibang tao na tinawag kitang 'kuya', baka isipin pa nila na hindi kita ginagalang. Kaya dapat ay masanay ka na, pinuno," pabiro niyang tawag sa akin habang nakangiti. "Anlayo na kasi ng narating mo! Hindi na talaga kita mapapantayan."
Tumawa lang ako sa kaniya. "Hindi na bali basta ang hindi ko lang matatanggap ay ang mga haka-haka nila tungkol sa'yo. Sabihin mo sa akin kung may naninira sa'yo dito sa nayon! Maaari ko silang patawan ng parusa," seryoso sabi ko sa kaniya.
Mabilis siyang umiling sa'kin. "Huwag na, pinuno! Nais ko lang din maging patas sa kanila. Ayoko lang na sabihin nila na tumataas ang ranggo ko dahil sa'yo. Kailangan kong gumanap bilang isang ordinaryong mamamayan na kasapi ng hukbo... at lahat ng mga mandidirigma, tinatawag kang 'sagrado' sa bayan. Ngayon mo sa'kin sabihin na hindi kita dapat galangin at itrato lang bilang kuya. Tsk."
Sabay kaming tumawa sa sinabi niya.
Noong mga araw na isa pa lang akong heneral, madalas pa kaming magkasama at nagkakaroon ng mga kaswal na pag-uusap. Pero nung pumanaw si Ama ay ako ang ipinalit kahit hindi pa niya ako kasing-galing sa pamumuno.
Kaya't masakit isipin na ang sarili mong kapatid na naging kaibigan mo sa buong buhay mo ay hindi mo na dapat kausapin tulad ng nakagawian. Siya nalang ang natitira kong pamilya kung tutuusin.
Kung sakali ay tatanggalin ko na sa sistema ang hindi pantay na pagtingin sa mga mamamayan.
"May kailangan akong gawin kaya kita pinapatawag."
Mabilis na naging seryoso ang kaniyang mukha na para bang handa na sa ipag-uutos ko.
"Gusto kong samahan mo ako para kausapin ang karatig-nayon na nagharang sa ilog na pinagkukunan natin ng tubig. Natutuyuan na tayo ng inumin. Dapat natin silang pakiusapan na tanggalin nila ang harang sa ilog kung saan dumadaloy ang natatangi natin pinagkukunan ng tubig."
Nanlaki ang kaniyang mga mata sa balita.
"May alam ba kayo kung ano ang naging rason nila?"
"Malay ko ba kung ano ang dahilan nila, Adamin. Wala akong kilalang kahit sinong tiga-roon. May kalayuan din naman kasi sa atin yung nayon na 'yon. Wala naman tayong ginagawa sa kanila kung tutuusin kaya susubukan ko silang kausapin para malaman kung ano ang dapat gawin para tanggalin na nila yung harang."
"Ngunit pinuno, may alam ako tungkol sa kahariang iyon!" masigla niyang sabi. Gusto kong pakinggan ang kaniyang sasabihin.
"Sabihin mo sa'kin!" sabi ko. Buti nalang at may alam si Adamin.
"Kilalang-kilala sila, pinuno! Marami silang yaman at lubos silang makapangyarihan. Pero kilala din sila sa pagiging makasarili at pang-aabuso ng iba pang mga nayon na nakapalibot sa kanila. Ilang digmaan na ang kanilang naranasan at lahat ng iyon ay kanilang pinalunan. Malawak na ang kanilang mga lupain dahil sinakop na nila ang iba sa mga nayon na pinaslang nila!"
Umiling ako nang dumaan sa isip ko ang pag-atras sa planong ito. Ano pa bang ibang paraan para maresolba ang problemang ito? Wala! Dahil yung ilog na yun mismo ang natatangi namin pinagkukunan ng tubig. Wala kaming bukal, talon, lawa at iba pang anyong dagat sa paligid.
"Dapat tayong mag-ingat dahil hindi maganda ang ugali ng kanilang pinuno. Pero sa tingin ko, hindi sapat na sila ang magsimula ng gulo. Marahil tingin nila ay lubos na silang makapangyarihan!"
"Kung gan'on, ang kailangan nating gawin ay magtiwala sa isa't isa. Dalawa lang ang ating pagpipilian, ang mamatay sa uhaw o mamatay sa digmaan. Walang mangyayari kung nandito lang tayo at hahayaan ang kanilang pagiging gahaman!"
Tumango siya sa'kin bilang pagsang-ayon. "Kung gano'n, magtitiwala ako sa inyo, pinuno. Alam kong hindi mo kami bibiguin."
Kailangan ko nang kumilos!
Dapat kang maging magaling na pinuno, Aparo. Pantayan mo ang galing ng ama mo, kun'di ay madidismaya ang lahat sa'yo.
Huminga ako ng malalim at inisip na simple lang ang aking gagawing pangungumbinsi sa isang mabangis na nayon.
Kakausapin ko lang sila at maaari na kaming makakuha ng tubig.
"Susulong tayo... sa maayos na paraan, Adamin. Pero kapag may ginawa na silang masama, tsaka lang tayo susugod para patayin sila."
Pagkakataon mo na ito, Aparo. Patunayan mo sa kanila na nananalaytay sa iyong dugo ang galing ng iyong mga ninuno.