"Mom, I'm hungry."
"Wait for your sister to come home."
"But mom, I'm⸻"
"Wǒ shuō, děng nǐ jiějiě. (I said, wait for your sister.)"
Marahang tumalikod ang batang nasa sampung taong gulang pa lang. Naglakad ito patungong sala habang hinihimas ang tiyan. Kumakalam na ang sikmura niya at kailangan pa niyang hintayin ang kakambal na kapatid galing sa paglalaro. Pagdating naman niya sa sala ay naroon ang ama niyang may ginagawa. Abala ito sa mga papel sa ibabaw ng center table. Maya-maya pa ay galit na galit na ang ina niyang sumugod sa ama niya. Nagtatalo na ang dalawa patungkol sa kanilang negosyo habang naririnig niya ang salitang kaniyang kinagisnan.
Laki siya sa marangyang pamilya at may lahing intsik. Mahalaga sa mga magulang niya ang bawat sentimo na kanilang pinaghihirapan lalo na sa mga negosyo ng mga ito. Namulat na siyang hindi rin pantay ang pagtingin sa kanila sa pagitan ng kakambal niyang kapatid. Alam niyang mas mahal ng mga ito ang kapatid niya kaysa kaniya. Ultimo pagkain niya, kailangan pang hintayin ang kapatid niyang makakain bago siya.
Mabilis siyang nagtago sa isang nakaawang na pinto at sumilip sa mga magulang na nagtatalo pa rin. Madalas mag-away ang mga ito. Minsan negosyo ang dahilan, minsan siya. Isa lang naman ang puno't dulo ng lahat kung bakit ganoon ang trato ng mga ito sa kaniya. Ang pagkamatay ng kaniyang ama o ang lola niya.
Siya ang itinuturong may kasalanan gayong aksidente naman ang lahat. Limang taon na ang nakakaraan, nasa bakasyon sila sa tagaytay noon at naglalaro sila ng kakambal niya. Nasa wheel chair ang ama niya nang itulak siya ng kakambal niya patungo rito. Saktong hindi naka-lock ang wheel chair nito at dire-diretsong gumulong sa burol ang kaniyang ama. Nabagok ang ulo nito at tuluyang binawian ng buhay. Malubha ang parusang inabot niya noon sa kaniyang mga magulang kaya hanggang ngayon ay pinagdurusahan pa rin niya.
"Rosie, come here." Tawag sa kaniya ng yaya Ising nila sabay hinawakan nito ang braso niya. "Nagugutom ka 'di ba? Huwag mo ng silipin ang mga magulang mo at madadamay ka na naman."
Sumama siya sa kaniyang yaya patungong kusina.
"Oh, heto." Sabay iniabot nito ang isang sandwich. "Itago mo na agad iyan. Bumalik ka na sa kwarto mo at baka makita ka pa ng mommy mo."
"Toshia. (Thank you.)"
"Walang anuman. Sige na at baka bumalik ang mommy mo."
Bahagya siyang ngumiti. "Sige po."
Mabilis siyang tumakbo at umakyat patungong kwarto niya. Itinago niya ang sandwich sa ilalim ng kaniyang damit at pagdating sa kaniyang kwarto ay nilantakan na niya ito. Lumapit siya sa kaniyang study table at nagpatuloy sa pag-aaral. Namamalisbis pa ang mumunting mga luha niya habang nagsusulat sa kaniyang notebook. Sa musmos niyang kaisipan, nangako siya sa sariling magsisikap siya at magtatayo ng sariling negosyo. Hihiwalay na siya sa kaniyang mga magulang anuman ang mangyari.
Hanggang sa siya ay tumuntong ng kolehiyo. Lahat ng mga paghihigpit ng kaniyang mga magulang ay tiniis niya. Nagsikap siyang makapag-ipon ng sapat na halaga mula sa mga baon niya at sa tulong ng kaniyang diku ay nakapunta siya ng ibang bansa. Ito lang ang tanging naniniwala sa kakayahan niya at hindi rin nito sinabi sa mga magulang niya ang lihim nitong pagtulong.