Chereads / roadtrip / Chapter 1 - Tagaytay, Alas Onse ng Gabi

roadtrip

🇵🇭marxgalang
  • --
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 19.4k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - Tagaytay, Alas Onse ng Gabi

Alas onse na ng hating gabi ngunit pauwi palang ako galing paaralan. 'Di naman ga'nong kalayuan yung dorm ko – sampung minutong lakad lang siguro, depende kung nagmamadali kang pumasok dahil tanghali ka nang nagising – pero sa ganitong oras, mabagal ang pagtakbo ng kamay ng orasan kapag nasa labas ka pa at malapit ka sa Recto.

Bukas na kasi yung inaabangan naming lahat na Heavenly Bodies 2020. Papalapit na rin ang Undas kaya may mga ganitong uri ng paligsahan sa aming Pamantasan; per class ang pagaent na ito kaya ang init ng mga paghahanda ng bawat klase. Iniisip nalang naming lahat na pagkatapos ng paligsahang ito ay makabyabyahe na kami pabalik sa kani-kanila naming probinsya.

Kinampay ko ang aking pangginaw nang makatuntong sa intersection ilang hakbang lamang sa labas ng gate ng Pamantasan. Pabagal ay kumaliwa ako rito. Nauna na akong lumabas sa mga kaklase ko, wala na rin naman iba pang kailangang gawing paghahanda. Pagkatapos nilang magpictorial at mamangha sa aming mane obra ay sisimulan na rin siguro nila ang pagliligpit.

Pagdating ng ikaapat na kanto mula sa intersection ay kumaliwa ulit ako. Dito – sa may bungad lang ng kanto – matatagpuan ang tinitirhan ko, pero kahit na pagod na at gabi nang matapos ay ayoko pang umuwi at manatiling mag-isa sa kwarto. Napag-isip-isip ko na manatili na muna sa ikaapat na kantong ito at magpahinga sa dami-rami ng aming ginagawa. Lumingon ako sa kantong kinagisnan ko nang halos dalawang taon na.

Sa bungad matatagpuan ang dorm ko. Sa baba nito ay ang computer shop na pambansang pinagpriprintan ng mga late at minadaling papeles na sa gabi naman ay nagiging tambayan ng kabataang walang ibang magawa. Katapat naman nito ay ang palabahan na madalas pinagdadagsaan ng mga mag-aaral kapag Sabado o Linggo; kaya siguro nakasanayan ko na rin na sa Miyerkules o Huwebes magpalaba. Kapag tatahakin din ang dulo ay madadatnan lamang ang pinaglumaang ilaw ng poste at pader ng aming pamantasan.

Kung titignan pang mas maigi ay makabuluhan din ang ikaapat na kantong ito. Maluwang tignan ang kanto dahil kakaunti lamang ang sasakyan na nakaparada dito. Sa kaliwa matatagpuan ang dalawang magkasunod na dorm na nilalabas-pasukan ng iba't ibang estudyanteng nag-aaral sa U-belt. Nagpapaligsahan ang dalawang gusaling ito sa pataasan ng palapag at pagandahan ng kanilang lobby: yung isa, may mga malalaking couch at may vending machine pa; yung isa naman, ang ganda at ang liwanag ng aranya na pati ang kanto'y naliliwanagan na. Kung didiretsuhin, mayroong bakanteng lote na pinaikutan ng barbed wire at karatulang "Lot 4 Sale" na nakatayo sa gitna. Bali-balita ay mayroon nanamang magtatayo ng dorm doon; hindi naman kasi kumokonti ang estudyante sa siyudad na ito, kaya siguro papitas-pitas ay dumarami na rin ang mga kapitalistang nakapag-isip-isip na pagkakitaan ang landas na ito.

Kung ang tatahakin naman ay sa kanan ng kalsada, may dalawang matandang bahay na tila napagdaanan at napaglisanan na ng pag-unlad ng siyudad ng Manila. Makaluma ang pundasyon at materyal ng magkatabing bahay na ito at namumuti na ang kulay pula nilang yero. Ang nasa bungad, kulay puti at dalawa ang palapag. Ang nasa dulo, isang palapag lang na kinulayan ng kayumanggi. Kung dederetsuhin pa ang kanang bahagi ng kalsada ay ang sari-sari store ni Ate Fels. Madilim na sa bahagi na ito ngunit malalaman mo kung bukas kila Ate Fels kapag nakasindi ang puting bumbilya sa harap ng kanyang tindahan. Katabi nito ay ang kulay green na gate nila; kung papasukin 'yon ay makikita ang kaniyang mahiwagang karinderya. Masarap sana puntahan 'yon ngayon ngunit dahil nga alas onse na ay sarado na sakanila.

Ngayong gabi, dito lang ako sa may dulo ng kanto.

Madilim. Tahimik. Tulog na ang lahat. Kahit ganito ay lalo akong naliliwanagan sa diwa ng kantong ito.

Pumwesto ako sa gitna ng kalsada, tahimik lamang ako at pinagmamasdan ang kalangitan. Kinapkap ko ang aking bulsa at nahawakan ang pinagmamalaking lighter at isang kaha. Marlboro. Pula. Paubos na dahil pinaghati-hatian din namin 'tong magtotropa simula kahapon nang hapon pa. Bago ko pa masindihan ang pula ay nabugabog ako ng matalas na kahel na ilaw na nanggangaling sa isang papasok na sasakyan sa bungad ng kanto. Pamilyar kung sa'n nanggagaling 'tong ilaw na 'to.

Nagtitigan kami ng nakasisilaw na ilaw. Walang kumikibo kun'di ang garalgal ng makina nito at ang gulong na dahan-dahang gumagapang papalapit sa akin. Nabubulag na ako pero ayokong magpadaig sa may ari ng Civic na ito. Parang tanga man, nanatili kami sa ganitong posisyon hanggang sa kadikit ko na ang napamahal na sa'king sasakyan. Si Vicky.

"Hoy, Rus." Bati ko nang hindi na kinaya ang talas ng ilaw ni Vicky. Pumunta ko sa tapat ng driver's seat para malaman kung anong balak ni Rusca sa buhay. Unti-unti niyang ibinaba ang salamin na sumalubong sa nag-aabang niyang titig sa'kin. Tila ba sabog, nag-intay pa kami ng ilang segundo bago may magsimula.

"Hoy pre. Tara, Tagaytay."

Nagkatitigan pa kami ng ilan pang segundo. Iniintay ko siyang tumawa at tantanan na yung pangboboka niya kung nagbibiro lang siya, ngunit ang makina lang ni Vicky ang naririnig kong tumatawa.

"Sige, tara."