"Wala ka bang balak magkwento, Andi? Sayang gasolina ko sa'yo ee. NagTagaytay pa tayo kung ganyan lang bungad mo sa'min." panggagago ni Rus.
"Oo nga 'tol. Alam kong masarap yung bulalo dito lalo na kapag libre mo pero sayang din naman yung libre mo kapag hindi mo masasabi 'yang mga gusto mo talagang sabihin sa'min." pangsusulsol ni Pula. "Magkwento ka na, pre. Kapag naiiyak ka, kainin mo yung bulalo mo para bumalik sa loob ng mata mo yung luha."
Ang babaw pero natawa kaming lahat, pati na si Andi.
"Oo na nga. Eto na nga ee, inuunahan niyo pa 'ko." sabi niya. Natahimik siya bahagya. Sinimulan niyang ibuhos sa kanyang kanin yung sabaw ng bulalo. Si Pula, bumalik nanaman sa pagngunguya.
"Tangina kase." bungad bigla ni Andi.
"'Yan na, 'yan na." pagbibiro ni Pula habang nakangisi.
"Parang gago kase ang putangina. Makikipagbreak na nga lang sa text pa. Putangina niya." matagal na naming alam ang kalagayan ni Andi sa syota niya. Hindi rin naman namin itinatago sa kanya ang nararamdaman namin tungkol dito.
"Boss isa pa pong kanin dito!" paanyaya ni Pula doon sa mga taong nakatambay sa counter ng karinderya.
"Ako rin pre kuha mo 'ko."
"Ako rin. Dagdagan mo na rin yung kay Ston. 'Tas pakuha ka na rin ng kalamansi at sili. Tsaka pala toyo."
"O boss apat na kanin na pala tsaka pahingi na rin po ng kalamansi, sili, at toyo. Salamat!"
"Sige kumain nalang tayo, 'di na'ko magkwekwento" pagtatampo ni Andi.
"Luh. Kumuha lang kami ng extra rice, para ganahan lalo kami sa kwento mo." balik sa kanya in Pula.
"Samahan mo na rin ng Juicy Lemon para may panulak tayo."
"Sa'kin din pre. Padagdag pa ng isa."
"De pre sa'kin naman, Pepsi."
"Coke nalang yung sa'kin."
"Boss padala na rin po ng dalawang Juicy Lemon, isang Pepsi, tsaka isang Coke po. Salamat po!"
"Bahala kayo sa buhay niyo. Kayo magbayad ng mga extra rice niyo." sabi niya.
"Dali na tuloy mo na kwento mo! Rami pang tampo ee." singit ni Rus.
"Oo nga pre. Pati sa'ming tropa nagtatampo ka pa." sabi ni Pula.
"Ee ayon nga. 'Di ba nga bukas na yung Heavenly Bodies. Amputangina nagseselos sa kapartner ko sa pageant? Ano gusto niyang gawin ko? Ako pa ba mag-aadjust sa mga insecurities niya? " galit na galit ang pagkakasalita ni Andi at tuloy-tuloy. 'Di na ata niya nakain yung inorder niya sa bilis ng pananalita, ngunit pagkatapos naman magsalita ay nilantakan din ang pagkain.
"Hindi naman ako naging babae at naging girlfriend niya para tanggalin yang mga insecurities niya na 'yan ee. 'Di ako therapist, yawa siya." pagkanguya at lunok ng pagkain ay dinagdag niya.
"Pre matagal naman na kasi naming sinasabi na ekis 'yang lalaki na 'yan. 'Di ka naman nakikinig sa'min." giniit ni Rus.
"Sus. Ewan ko ba do'n. Sobrang laking red flag niya." banggit ni Andi. Dumating na rin 'yung apat na kanin na umuusok pa – saktong-sakto para sa Pares. Sabayan pa ng toyo at sili at kalamansi na 'di ko rin maintindihan kung sa'n nakuha ni Rus, pero masarap na kombinasyon para sa kinakain namin.
Natahimik kaming lahat sa ipinadalang extra rice. Ako, pinagmasdan ko ang kapaligiran habang sinisipsip sa babasaging bote yung Juicy Lemon ko. Nadatnan namin ang karinderyang ito na 24 hours open habang nag-iikot sa kalsada ng Tagaytay. Bago pumasok sa loob ng gusali ng karinderya, may makikitang mga pulang pahabang lamesa at puting monoblock na upuan sa labas; pagkapasok, nasa kanan ang counter ng karinderya. Sa likod nito makikita ang mga pagpipiliang pagkain. Sa dulong kaliwa naman ang nag-iisang banyo at hugasan ng kamay. Nakapaikot sa buong silid ang mga lamesa at upuan na katulad din noong nasa labas. Nandito kami sa loob, may kalapitan sa counter ngunit katapat ng mga bintana.
"Gusto ko pa ng isang extra rice pre." bati ni Pula.
"Isa na nga, extra pa. Rami mo namang gustong kanin pre." sagot ni Rus. Natawa kami ni Ston at Andi.
"Sige pagpatuloy mo." tawa ni Pula.
"Pulang pula ka nanaman, boy." sinagad pa ni Rus.
"Ba't ba sa rice ko tayo napunta." sabi ni Pula sabay turo kay Andi. "Ikaw Andi, ano na plano mo?"
"Aba putangina niya bahala siyang bogo siya." sagot ni Andi.
"Isa ka pa Andi pulang pula ka kasi ee." sabi ni Rus.
"Omsim." pagsusulsol ko.
"Alam niyo, kayo na nga nilibre, kayo pa ganyan sa'ken. Ang sasama ng mga ugali niyo, ba't ko ba kayo naging tropa." kapag naiinis si Andi ay lumalabas ang puntong binisaya niya. Nakakunot na ang noo niya at nakatingin sa pagkaing paubos na.
"Suuuuuuus." patawang sabi ni Rus habang papalapit ang kanyang katawan at mukha kay Andi. Nasa may kanan siya ni Andi sa may dulo ng lamesa.
"Nagtatampo ka nanaman ee. Quota ka na sa tampo boy." dagdag ni Pula, nasa may kaliwa siya ni Andi.
Pilit na pinapatawa nilang dalawa si Andi, na pati ako'y natatawa na rin sa pinaggagagawa nila. Sinusubukan nilang kilitiin at harutin si Andi, at sawakas ay natawa siya.
"Alam niyo ang kukupal niyo talaga. Tara na nga." nilabas ni Andi ang kanyang wallet habang tumatawa. "Kuya bayad po. Pakihiwalay sa ibang listahan yung mga extra rice at softdrinks."
Nang matapos kaming kumain at magbayad ay tumayo na kami para tumungo kay Vicky na nakaparada sa tapat ng karinderya.
"Boss, pwede po bang magyosi dito sa labas?" tinanong ni Ston sa mga tao na nasa may counter.
"Opo. Patapon nalang po nang maayos yung mga upos niyo."
Tumungo na kami sa tabi ni Vicky para makapagsindi ng sigarilyo. Habang bumibili si Ston at Rus sa tindahan sa kaliwa ng karinderya, nakapaikot kami kay Vicky. Si Andi, nakaupo sa driver's seat; kami ni Pula, nakasandal kay Vicky.
"Shet may pasok pa nga pala bukas." biglang bati ni Andi.
"Gago kawawa ka bukas. MagHeaHeavenly Bodies ka pero mukha kang bangkay!" pagbibiro ni Pula. Natawa ako kasi naiisip ko yung magiging itsura ni Andi bukas; puno ng make up at magarbong costume pero nangingitim ang mata dahil sa puyat naming lahat ngayong gabi.
"'Di 'yan, kaya 'yan. Wala ba kayong tiwala sa'kin ha?" pagmamayabang ni Andi.
"Isipin mo nalang pre pagkatapos bukas, Sabado na. Malay mo magkaganap pa tayo bukas since Friday night na. Tsaka, after exams naman next week, Undas na ee. Konting tyaga nalang." pagsisigurado ko sa kanya.
"Tangina oo nga pala exam na sa Lunes!" nagulat si Pula. Hindi ko alam kung seryoso ba siyang hindi niya alam o nagpupula-pulahan nanaman siya.
"Review tayo this weekend kela Ston?" tinanong ni Andi.
"Pwede naman. Pero gusto ko may ganap bukas nang gabi. Sayang naman ang Friday 'pag walang ganap." sabi ko.
"Omsim." sagot ni Andi.
Natahimik kami nang kakaunti at bumalik na si Rus at Ston. Dala-dala nila ay isang kahang pula. Bukas na ito at nasa bibig na nilang dalawa ang tig-isang stick. Pagkalapit sa'min ay iniabot niya ang kaha kay Andi. Pagkakuha naman ni Andi ay iniabot niya kay Pula, at pagkatapos ay iniabot sa akin. Nang makakuha na kaming lahat, ako naman ang nagpaikot ng lighter ko sa buong tropa.
"Galing kay Stella 'yang lighter na 'yan, 'di ba?" biglang tanong ni Rus bago pa makaabot sa kanya ang lighter. Tumawa lang ako sa tanong niya.
Nang makabalik sa akin ang lighter ay tinitigan ko ito. Tatak Marlboro yung lighter, makalumang tignan at saktong-sakto lang para sa kamay. Hugis parisakot ito at mukhang isang kaha, at kung paano buksan ito ay kahalintulad din ng pagbukas ng isang kaha. Pagkabukas ay automatic na nag-iinit ang gitna ng ibabaw ng lighter na pinangsisindihan ng mga yosi namin. Rechargeable, kaya pangmatagalan. Mag-iisang taon na rin sa akin itong lighter na 'to. Simula Grade 11 ay ito na ang lighter na pinangsisindi ng sigarilyo naming magtotropa.
Inihip ko ang stick na hawak, tumingin sa nakaliligaw na kinang ng mga bitwin sa Tagaytay, at binuga ang usok na likha ng stick na pula.
"Gusto ko talagang magpicture du'n sa Starbucks pre." biglang sabi ni Andi na tumigil sa aming katahimikan.
"Ang kulit ng lahi, sarado nga kanina 'di ba." sabi ni Rus.
"Eeee. Pleaaase?"
"Nagpapacute ka pa akala mo naman effective."
"Dali na minsan lang ako humiling sa inyo o!"
"Sigurado ka? Minsan lang? Kaya nga tayo nasa Tagaytay kase gusto mo kamo magTagaytay ee."
"Last na talaga. Please? Pleaaase? Para mapasaya niyo nang sobra yung gabi ko." Nakakapit na sa braso ni Rus si Andi. Si Rus kunwaring tigasin pero alam kong sa loob-loob niya ay hindi niya matatanggihan si Andi – lalo na ngayong may problema siyang pinagdadaanan. Nakatingin lang kaming lahat kay Rus, nag-iintay kung anong isasagot niya bilang siya naman ang magpapaandar kay Vicky.
"Please?"