Chereads / roadtrip / Chapter 6 - Tagaytay, Alas Dos Imedya ng Madaling Araw

Chapter 6 - Tagaytay, Alas Dos Imedya ng Madaling Araw

"So pa'no niyo balak magpicture sa Starbucks?" ako na ang nagtanong sa kanila ng pinakaobvious na kailangan naming malaman.

Ang Starbucks sa Tagaytay ay matatagpuan na nakadungaw sa tanawin ng Taal. Pababa ang estruktura nito kaya naman kita sa kalsada ang bubong ng gusali. Kakailanganin mong maglakad sa dalawang palapag ng hagdan o kaya naman sa matarik na daanan ng sasakyan upang dumiretso sa gusali o kaya naman sa katabi nitong lugar para sa paradahan. Kani-kanina lang, nandito rin kami. Buti nalang madadaanan talaga namin itong Starbucks bago makabalik sa SLEX, kaya naman pumayag na si Rus na huminto saglit upang pagbigyan ang hiling ni Andi. Ang tanong nalang ay kung paano kami makapupunta sa tanawin nito sa may paradahan, kung ganitong nakasarado na ang daanan ng tao at ng sasakyan.

"Pre." sabi ni Pula nang makaikot siya sa paligid. Kami naman, nakatambay lang sa labas in Vicky na nakaparada sa tabi ng kalsada.

"O?" tanong ni Rus.

"Wala namang gwardya." bati ni Pula.

"Oh?" nilakasan ni Rus yung boses niya at may matalim na tono.

"Ede akyatin na natin yung harang." sabi ni Pula. Lumapit kaming lahat sa kanya.

Tinuro niya yung daanan ng mga sasakyan pababa sa paradahan. Tumingin siya kay Rus, at matapos ang ilang segundo ay kinindatan niya ito.

"Gago, 'wag." sagot ni Rus.

Si Pula, parang inintay lang si Rus na magsalita. Mukhang desidido na naman siya kahit na ano pang maging sagot namin. Kaya imbis na sumunod kay Rus, naglakad na siya papunta sa harang na daanan ng mga sasakyan. Hinawakan niya ang kadena na nakadikit sa dalawang poste sa magkabilang dulo ng kalsada papasok sa paradahan. Mababa lang yung dalawang maliit na poste kaya't kayang -kayang talunan ang kadenang harang. At parang magkamukha kami ng isip, hinakbangan na niya yung kadena. Nang makarating sa kabila ng harang, tumingin ulit siya sa amin.

"Ano?"

Tumingin ako kay Rus, tapos kay Andi, tapos kay Ston. Nakatinginan ko si Ston. At parang magkamukhang isip din, nang inalok ko siya gamit ang pagtango ng mukha, naglakad na kami papalapit kay Pula. Hinakbangan din naming yung harang – nauna siya – at sumunod ako. Tumingin ako kay Rus, humihindi yung mukha niya pero umooo yung itsura niya.

"Tara na, KJ ka pa ba?" sinabi ni Andi sa kanya. Kaya ayon, sabay silang naglakad palapit sa amin, at sabay na rin silang humakbang sa kadenang naghaharang sa kalsada.

"Tangina, kinakabahan ako."

Nauna si Pula na maglakad pababa sa paradahan. Madilim ang paligid at ang tanging liwanag lang na sumisinag sa amin ay yung mga poste ng ilaw sa kalsada. 'Di na namin masyadong makita ang isa't isa ngunit kung tititigan nang maayos ay maaninag pa naman namin ang paligid. Naglakad si Pula pababa at 'di nagtagal ay sinundan na namin ito ni Ston. Medyo matarik ang kalsada na ito na pababa kaya konting harot o isang maling hakbang lang ay dadausdos kami pababa. Tahimik lang ang aming paglalakad; hindi rin kami sigurado kung may gwardya ba sa baba o CCTV o kung ano mang bantay na makapanghuhuli sa amin.

Matapos ang ilan pang hakbang ay namalayan ko na diretso na ang daan at hindi na pababa. Diretso na rin ang paligid na naghuhudyat na nandito na kami sa paradahan. Naaninag ko pa silang apat ngunit hindi ko na matantya kung sino ang sino. Ang dalawang anino sa harapan ko – malamang si Ston at si Pula – ay dumiretso na sa dungawan ng Taal. Ako, hinintay ko pa ang dalawang anino sa likod ko bago ako magsimula ulit maglakad.

Nang makarating sa dulo, kanya-kanya kami sa pagpwesto upang matitigan ang kadiliman ng kapaligiran. Wala akong makitang iba ngunit iniisip ko nalang na umaga na at nakikita namin ang tanawin ng Taal. Sa kaliwa, makikita ang nagkukumpulang mga ilaw ng mga bahay at gusali na kasabay naming dumudungaw. Sa kanan naman ay kadiliman lang maliban sa pailan-ilang mga poste ng ilaw at sasakyan.

"Ang ganda sana nito kung may nakikita tayo." Biro ni Pula. Naririnig ko ang boses niya sa kanang bahagi ko. Matapos noon, nalulon kami sa matagal na katahimikan.

"Ano kase, pre." biglang bati ni Andi habang tulala kami sa kalangitan. Rinig ang paos at pagdadalawang-isip sa boses niya, na nanggagaling sa kaliwa ko.

"Ano 'yon, boy? Ilabas mo na lahat." sabi ko sa kanya.

"Hindi lang kasi 'yon 'yung problema ko." paiyak na ang kanyang boses. Inakbayan ko siya upang mapalakas ang kanyang loob. Ipinatong ko ang kamay ko sa kanyang ulo at sinimulan hawiin ito't paglaruan.

"Habang nakikipag-away ako sa jowa ko, rinig na rinig kase sa kwarto pre." Itinuloy niya. Konting salita pa siguro ay hahagulgol na siya. Tahimik lang kaming lahat.

"Rinig yung sigawan nila Mama at Papa. Rinig ko yung mga pagdadanog pre. Rinig ko 'yung pag-iyak ni Mama." tumulo na ang luha niya. "Akala nila hindi ko napapansin pero ilang araw nanaman silang gano'n. Gabi-gabi.

"Ilang araw na'ng umuuwi ako at wala man lang buhay sa bahay. Mag-isa lang akong magluluto ta's kakain ng hapunan. Pagpasok ko sa kwarto ko, maririnig 'yung mga sigawan nila. Ang sakit pre ee. 'Di ko alam ang gagawin ko." Matapos nito'y tumuloy na ang kanyang paghahagulgol.

Umikot kaming lahat sa kanya para sa isang malaking yakap. Matapos nito'y ginawa namin ang lahat upang patahanin siya.

"Tara na nga Andi kukuhanan ka na namin." sabi ni Rus.

Naglakad kami papunta sa kaliwang sulok ng dungawan. Pumwesto si Andi sa sulok na ito at kami naman ay nakabuntot kay Ston. Siya kasi ang may pinakabagong iPhone. Inabot ni Ston ang kanyang cellphone kay Pula, at sinimulan na niyang pumwesto at umanggulo para kay Andi. Nakita namin ang ngiti ni Andi na nagniningning kabalikat ang kadiliman ng paligid. Namamaga man ang mata niya'y 'di mahahalata sa ganda ng ngiti niyang ito.

"Three, two, one."