Chereads / roadtrip / Chapter 4 - Tagaytay, Ala Una ng Madaling Araw

Chapter 4 - Tagaytay, Ala Una ng Madaling Araw

"San tayo pupunta ne'to, pre?" tanong ni Rus.

Binigay sa'kin ni Rus ang lighter ko at inabutan ako ng isang stick ni Ston. Nilagay ko sa bibig ko ang dulo ng stick, sinindihan ito, at inihip. "Hindi ko rin alam ee." sabi ko pagkabuga ng usok.

Inabot ko kay Pula ang lighter. Sinindihan na rin niya ang stick, inihip, at binuga. Nakapaikot kami at nagtititigan habang sinusulit ang kapayapaan habang nagyoyosi break.

Tumingin ako sa taas, walang buwan sa ngayon pero bilang nandito na kami sa Tagaytay ay maliwanag ang kalangitan dahil sa kinang ng mga bitwin. Tumingin ako sa aking paligid, at napag-isip-isip kong humiwalay sa ikot naming magkakasama.

Nasa may dulo kami ngayon ng bulubundukin na sumisilip sa loob ng mahiwagang Taal. Ang plano sana namin ay dumiretso sa sikat na Starbucks dito sa Tagaytay na matagal na rin naming pinaplano pero hindi magawa, ngunit pagdating namin doon ay patay na ang mga ilaw at nakaharang na ang paradahan ng kapihan. Kaya ayon, sa labas nalang ng Starbucks namin ipinarada si Vicky at sabay-sabay kaming naglakad papalayo sa lugar na ito. Nang makahanap na ng magandang puwesto kung saan walang dumudungaw na gusali o kaya nakaharang na kung anumang tindahan o bahay o poste ay huminto na kami at tumambay.

Inilagay ko ulit ang yosi sa bibig at umihip. Ang taimtin ng lugar. Mapayapa. Kapag kaharap ang lawa ng Taal, wala kang masyadong makikita kung hindi ang pasulyap-sulyap na imahe ng maliit na bulkan sa loob nito na hindi na rin masyadong kita. Kung lalapitan ang paningin, kasabay mong umaaninag sa madilim na kapaligiran ang mga puno at halaman; gising na gising sila dahil sa lakas ng hangin. Gininaw ako bigla nang mapagtanto ko ito. Pagkabuga ng usok, isinuot ko ang kanina pang nakakampay na pangginaw sa balikat.

"Okay ka lang, pre?" nagulat ako nang biglang katabi ko na pala si Pula.

"Nakakagulat ka, man. Oo naman. In-eenjoy ko lang yung view."

"View view ka pang nalalaman ee wala ka namang nakikita." tawa ni Pula. Tumahimik kami bigla, hudyat ng pag-ihip muli namin sa stick na hawak naming dalawa.

"Balita nga pala sa Performance Task niyo? Babagsak ka raw kapag 'di ka tumulong sa Heavenly Bodies niyo a, sabi ni Sta. Ana?" tinanong ko sa kanya.

"Oo nga pre ee. Buti na nga lang pumasok ako kanina. Nakakatamad kasi araw-araw pagtsagaan yung mga costume na 'yan. 'Di ko pa trip yung concept nila sa costume. Pero buti nalang kinwento sa'kin ni Sta. Ana na balak na pala nila 'kong ibagsak sa Theology. Ede ayon, buong araw, ako yung runner nila. Nakasampung balik siguro ko sa Nationals sa labas para mabili yung mga materials. Wala na nga 'kong pera ee, wala ata silang balak bayaran yung mga pinang-abono ko." kwento niya sa'kin.

"'Yan kase. Ang trick kase dyan, lagi kang aattend sa mga after classes na gawaan. Para kahit nakatambay ka lang at walang masyadong tinutulong, nagmumukhang meron. Tignan mo'ko." sabi ko sa kanya.

"Ee okay lang siguro 'yon. Nakakatamad talaga ee. Kayo ba ni Rusca? Huling-huli na raw kayo sa Chapter 2 niyo sa PR 2?" tanong niyo sa'kin. Umihip ulit kami ng isa pa sa mga stick namin sabay buga.

"Oo nga ee. Nakakatamad kasi gawin, 'di pa namin madalas nakakasama si Luna. Tus kase si Luna ngayon ee, di'ba nga du'n sa alis natin nung isang linggo. Tapusin nalang siguro namin bukas buong araw. Hanggang bukas ng 11:59 pa naman 'yon ee." sabi ko.

Inihip na namin nang huling beses ang hawak naming stick sabay buga. Tinignan ko ulit ang mapayapang tanawin ng Tagaytay. Imbis na itapon sa labas ang upos, hawak-hawak lang namin ito. Nakaugalian na rin kasi ng tropa na 'di nagtatapon kung saan-saan. Nagagalit kasi si Andi, 'wag na raw naming dagdagan ang kalat sa paligid. Kaya 'yon, siya na rin yung nagbayad at nagpalagay ng ashtray sa loob niVicky.

"Tara." paanyaya niya sa'kin.

Bumalik na kami sa ikot ng magtrotropa. Nagtatawanan silang magkakasama sa 'di namin maintindihang kwentuhan. Bagong sindi ang hawak na stick ni Rus at binabalik na ni Ston ang kaha sa kanyang bulsa. Si Andi ang dumadaldal sa kanilang dalawa. Tinignan ko siya sa kanyang mga mata, sabay bati gamit ang pagtaas ng kilay.

"Sa'n tayo neto?" tanong ko sa kanya.

"Pre, gusto ko ng Bulalo ng Tagaytay." sabi niya.