Chereads / roadtrip / Chapter 3 - Tagaytay, Alas Dose ng Madaling Araw

Chapter 3 - Tagaytay, Alas Dose ng Madaling Araw

Maganda ang mata ni Andrei del Prado kapag masaya siya. Kaya siguro sa mga ganitong pagkakataon ay hindi mo mahahalata na natural pala ang kayunmanggi niyang mga mata. Kulot at buhaghag kadalasan ang kanyang mahabang buhok na kakulay ang pinaitimang kayumanggi at abot-baywang. Mukhang may lahi si Andi kung ang itsura ng mukha niya ang magiging basihan: matangos ang ilong, mahaba ang pilik mata, at laging malinis tignan ang kanyang natural na kilay. Pati ang hulma at kapal ng kanyang bibig ay nagpapamukha ng ibang lahi. Ngunit magbabago ang lahat ng ito kapag hinaluan na ng kilos, kulay, at boses ni Andi. Laki sa Kabisayaan, may kaitiman ang kanyang kulay at kaliitan ang halos lampas limang talampakan lamang na tangkad. Lagi mong mapapansin ang braces niya dahil laging nakangiti si Andi, ngunit ngayong gabi, malungkot siya.

"Ano pre, kaya mo pa?" sinubukang biruin ni Pula si Andi. Isang pilit na ngiti lamang ang ibinalik sa kanya ni Andi.

"Puro ka ngiti, uwi na kaya tayo kung ngingitian mo lang kami?" tanong ni Rus sa kanya. Lumipat kami ng pwesto ni Andi pagdating sa tapat ng bahay nila sa may Quezon City; siya ngayon ang nasa harapan na upuan ni Vicky, katabi ni Rusca. Kami nitong si Pula ang nasa dalawang bintana ni Vicky sa likuran.

Nasa may dulo na kami ng EDSA, patungong SLEX. Ang nakasasalubong nalang namin sa daan ay mga truck at bus na paluwas o pabalik sa kanya-kanya nilang destinasyon. Bukod doon ay iilang sasakyan nalang na siguro'y may mga pinuntahan pa bago umuwi sa kani-kanilang tahanan. Ngunit eto kami, paalis palang at nagsisimula palang ang gabi.

"Oo na, oo na. Mamaya, magkwekwento ako. Magpatugtog ka nga, Rusca." binungad ni Andi habang sinusubukang pasiyahin ang sarili. Nagbago na ang tono ng kanyang boses; kanina'y pilit ang tono ngunit ngayo'y nagiginhawaan at nasasabik na.

"Buksan mo na yung kaha pre. Kay Andi na yung una, para good luck." bukambibig ni Ston. Magugulat ka nalang talaga minsan na nandyan pala si Ston. Katabi na pala namin ni Pula dito sa likod pero ngayon palang siya umimik.

Syempre, susunod kami kay Winston Caballero. Siya ang kapre ng tropa, isang salita palang niya ay alam na naming lahat ang nais niya. Walang araw na kasama namin siya at wala kaming kaha. Kapag nandyan si Andi o si Luna, Marlboro yung binibili niya; kapag kami-kami lang nila Rus, Sta. Ana, o Pula, 'matic na Winston ang ambag niya. Maliit na tao lang si Winston; maputi, medyo may hugis ang katawan, at hindi mo nalalaman na kasama pala siya. Sobrang tahimik na tao kasi ni Winston; siguradong sigurado siya sa mga sinasabi niya kapag nagsasalita na siya. Ang tanging pagkakataon lang siguro na maingay o maharot si Ston ay kapag umiinom kami o sagad-sagaran na ang mga biruan. Kadalasan, makikita mo lang siyang nakangiti, pangisi-ngisi, nakatingin sa malayo, o kaya bumubuga ng usok mula sa yosing dala niya. Tahimik lang 'yang si Ston pero wala pa ata kaming gala na nalampasan niya.

"Hindi nagsabi si Andi na kasama ka na pala niya. Buti nando'n ka, pre." sabi ni Rus, sabay kuha ng stick nila ni Andi sa harapan. Ngumisi lang si Ston at nagpatuloy sa pagpapaikot ng kaha sa tropa.

Kanya-kanyang ihip, kanya-kanyang buga. Natapos namin ang tigi-tigisang stick na walang umiimik at walang nagsasalita. Ramdam naming lahat ang malungkot na presensiya na 'di namin maintindihan kung pa'no tatanggalin. Tinapon namin ang upos ng sigarilyo sa ashtray na nakadikit sa pagitan ng driver's seat at shotgun, sa may likod ng kambyo ng manual na sasakyan na ito. Ang nahuling magtapon ay si Andi.

"Hati-hati na sa toll o." sabi ni Rus. Nandito na pala kami sa SLEX. Bago pa buksan ang wallet, inabutan na ng isang daan ni Ston si Rusca.

"Magpatugtog nga kayo." imik ni Rus nang makapagmabilis na sa highway si Vicky.

Hinablot agad ni Pula ang AUX cord na nakakabit sa harapan. 'Yan lagi ang ambag ni Pula kapag may gala kami; kung hindi tigapagbiro, siya ang tagapagpatugtog. Matapos ang ilang segundo, dumagundong na ang pinaayos na speaker ni Vicky na rinig hanggang puso ang pagyanig. Swabe lagi ang playlist ni Pula, at ngayong gabi, pinatugtog niya ang kanyang paboritong playlist: oldie but goldie. Ang pinakaunang tumugtog, Billie Jeans ni Michael Jackson.

"Ayan na nga ba sinasabi ko!" pasigaw na banat ni Rusca habang hinahampas ang manubela dahil sa sabik.

"Swabe nanaman si Pula!" dagdag ko.

Nakikita ko nang sumasabay ang pagkampay ng ulo ni Andi sa beat ng kanta. Si Pula, tuwang-tuwa na at sinasabayan na ang tono ng kanta. Si Ston, nakangiti na. Si Rus, napapabilis nalang lalo sa pagmamaneho.

Mukhang magiging masaya ang gabing ito.