Saktong tao lang si Rusca Lofranco. Sakto lang sa height; 'di matangkad, 'di bansot. Sakto lang din ang kanyang kulay; 'di maitim, 'di maputi. Sakto ang katawan; 'di mapayat, 'di mataba. 'Di mo siya mapapansin kapag sinalang siya sa nagdadagsaang tao. Kayang-kaya niyang mawala sa masa ngunit 'yon din ang naging kagandahan ng isang Rusca; kayang-kaya niyang makisama sa masa.
Itim ang buhok, itim ang mata; lagi siyang nag-aahit kaya malinis tignan na sinabayan pa ng makinis na mukha. Laging nakahawi sa gitna ang chupoy na ayos ng kanyang mahabang buhok na madalas punong-puno ng pomada para ayusin, kaya kapag madaling araw o hating gabi ay buhaghag lang at nakatinghas ito. Ang pinakatangi-tanging mapapansin sa kanya ay ang kanyang pahabang peklat mula kanang balikat hanggang puno ng kanyang leeg na minsa'y dumudungaw kapag nakasando o nakahubad siya.
"Sa'n na raw ba si Pula, pre?" Malalim ang boses nitong si Rus; may tulis at may punto kaya lagi siyang mukhang seryosong magsalita, ngunit kapag manggagago o kaya mabibo ay tumitinis ang boses niya at nagiging pabiro ang tono.
"Ayon, akala niya Ministop. Ando'n sa kabilang kanto." sabi ko. 'Di ko rin maintindihan kay Pula kung bakit minsan hindi niya ginagamitan ng utak ang mga salita't galaw niya.
"McDo usapan tapos Ministop pinuntahan? Pulang pula nanaman utak no'n a." biro ni Rus. Natawa na rin ako. Basta kapag si Pula pinag-uusapan, nakakatawa. "Pre tawagan mo na rin si Andi. Gamitin mo na cellphone ko para 'di siya mailang."
Inabot niya sa'kin ang kanyang telepono at nagsimula nang magmaneho papuntang Ministop. Binuksan ko ang pambansang telepono ng tropa at nadatnan ang dire-diretsong missed calls at texts ni Andi kay Rus.
Tinawagan ko siya, at ang unang bati sa'kin ni Andi ay ang kanyang hikbi at pilit na pagtahan.
"Nasa Sta. Mesa kami, sa looban, dinaanan lang si Pula. 'Wag kang aalis dyan, pre." inunahan ko na siyang magsalita.
"Sige, sige... Dito lang ako." Paunti-unti ang kanyang matinis na pagsasalita na para bang pinag-iisipan niyang maigi ang bawat salitang inilalabas niya.
"Sige pre, intay ka lang dyan. Malapit na kami. Kupal 'tong si Pula ee, McDo usapan pero sa Ministop pumunta." biro ko sa kanya.
Narinig ko ang kanyang mahinang tawa na sana'y hindi pilit para sa kanya. Huminto kami sa tapat ng Ministop at sumilip sa malalaking bintanang humuhubad sa nilalaman ng Convenience Store. "O, eto na pala si Pula. Hoy, dyan ka lang. Papunta na kami dyan."
"Ingat". Siya na ang nagpatay ng tawag. Bago ko pa ibalik kay Rus ang cellphone niya'y binuksan na ni Pula ang pinto sa may likuran. Nilingunan ko siya sa likod habang si Rus naman ay nakatingin sa kanya doon sa rear view. Nagtawanan kaagad kaming tatlo.
Si Jared John Baluarte ang nagkatawang-taong representasyon ng katatawanan. Walang araw na nakaiinis o nakagagalit tignan si Pula; kahit ikaw na ang iniinis niya ay matutuwa ka pa. Mahirap isipin, ngunit hindi rin namin alam kung ang kilos ba ni Pula ang nakatatawa o ang mukha niya.
May kakapalan ang kilay na nagdidikit at naghihiwalay depende sa emosyon niya, si Pula ay may kalakihan ang mata na ganap na nagsasaad ng kanyang mga nararamdaman. May kahabaan ang straight na buhok na kadalasan ay nakabagsak lamang at ang kanyang tenga naman ay pinamamahayan ng mga hikaw at kung anu-ano pang alahas na makintab. May kaitiman ang kanyang balat at kapanguan ang kanyang ilong, at dinagdagan pa ito ng kanyang naiibang punto, mahahalata mo agad na si Pula ay isang probinsyano. Kahit na nakatatawa siya ay 'di dapat maliitin dahil lampas anim na talampakan ang kanyang tangkad at batak ang buong katawan bilang varsity siya ng basketball sa dati niyang paaralan.
"Hoy! Ang layo ng McDo sa Ministop, pulang pula ka na naman!" tawa ni Rusca.
"Sorry na boy, choppy ee." pabiro ni Pula. Pati boses at pananalita niya ay nakagagaan ng loob.
"Sus. Choppy pero sa text ko sinabi? Pulang pula talaga." sabi ko. Nagtawanan kami muli.
Pagdating sa intersection, sumakto sa green ang stoplight. Kumaliwa na si Rus paderetso sa Q.C. para madaanan na namin si Andi.