"NAGBABASA ka pa ng comics?"
Nagulat pa si Desiree nang paglabas ng rest room ay magsalita si Soto na noon ay mag-isa na lang sa locker room. Wala na roon si Theo.
"Marami akong bago, binibenta ko ang isang bundle ng 300 pesos."
Gusto niyang magtanong kung hindi ba ito galit sa kanya tungkol sa nangyaring pagtatapat niya sa kasintahan nito pero mukhang hindi na kailangan.
"Ilang piraso ang bawat bundle?"
"Lima."
Nag-uusap sila ng normal bilang seller at buyer. Walang personalan. Ipinakita pa nito sa kanya sa pamamagitan ng selpon ang mga sample na larawan. Maging ang online shop nito ay sinabi rin sa kanya.
"Type ko 'yong CEO/employee, king and concubine, saka highschool student and teacher relationship tapos ito... ito rin." Turo siya nang turo sa sobrang dami niyang nagustuhan.
Nilista ang mga iyon ni Soto bago sila nagkasundong dadalhin nito one of these days ang librong nasabi.
Napasandal siya sa locker nang mapag-isa siya. Sinilip niya ang pitaka. Puwede pa. Comics is life ang isa sa motto niya. Dati-rati nakikibasa lang siya sa library tapos nang maging nobyo si Reynold, ito lagi ang request niya nang tumungo na itong Japan. Binabayaran niya siyempre kahit pa ayaw nito. Sa huli, libre na lang nitong pinapadala sa kanya na hindi na niya kinontra.
"Des, sa baba ka raw ngayon sabi ng team leader."
Nasapo niya ang dibdib at napalingon sa sumulpot na si Karina. Kung saan-saan talaga siya nakatoka. Wala siyang permanenteng puwestong nililinisan.
"Sige, sige... pagkapalit ko ng uniform."
"Oh, maalala ko lang... ako na sa kusina mamayang gabi, ipinapatanong ni Alena kung gusto mo rin ba ng chopsuey. Alam mo, may nakita akong recipe, hindi ko naman hahaluan ng carrots, promise." Nagtaas pa ito ng kanang kamay.
Siya itong hindi mayaman sa magkakaibigan pero siya itong mapili sa pagkain at kabisado na siya ng mga ito sa parteng iyon.
"Thank you. You're the best!" Ngumuso pa siya at napailing naman si Karina.
"I am not! Si Alena pa rin ang pinakamagaling sa lahat!"
Talo sila ni Alena sa academics noong estudyante pa sila, sa ganda pati sa tangkad at pangangatawan pero hindi naman naging isyu dahil wala itong pakialam doon kung hindi sila kumpletong tatlo.
"Pag narinig ka ng babaeng 'yon... baka kutungon tayong pareho."
At nagkatawanan pa sila pero mayamaya kinabig siya ni Karina. Abot lang siya sa dibdib nito kaya talagang nasubsob siya roon.
"Hindi 'yon kasi talo ko 'yon sa wrestling."
Hinawakan pa siya nito sa mukha at pagkatapos hinalikan siya sa noo. "I always love you, kayo ni Alena."
"A-alam ko." Hindi niya alam kung bakit siya nauutal. Siguro dahil ngayon lang ito ginawa sa kanya ni Karina nang wala sa harap nila ang nobya nitong si Alena.
"Basta sunod ka na lang sa baba, okay?" sabi nitong mabilis dumistansiya saka dali-daling umalis.
Natapos ang maghapon at uwian na naman. Nauna na siyang umuwi. As usual. Hindi naman talaga sila nagsasabay ni Karina tapos nauuna pa ritong umuwi si Alena na nasa Northbound ang trabaho o kaya naman ang mga ito ang sabay.
Ang ginawa niya pagdating bahay, nahiga at umidlip saglit. Pagkagising niya, naririnig na niya ang ingay sa kusina. Abala roon si Karina nang lumapit siya.
"Si Alena?" agad niyang usisa nang hindi ito mahagilap ng mata.
"Pinauwi siya sa kanila. Doon daw siya mag-overnight."
Napatango-tango si Desiree. Nakaramdam siya ng kakulangan. Hindi masaya kapag kulang ng isa. Hindi niya iyon pinagtutuunan ng pansin dati. Puro lalaki ang inaatupag niya pero ngayon hindi na siya sanay kapag wala si Alena.
"Ikaw ba? Hindi ka na bumibisita sa inyo?" usisa niya.
"Dadaan lang tapos balik din dito. Alam kong may naghihintay sa akin, e." Inilagay na ni Karina ang niluto nitong mga gulay sa pinggan at hinain iyon sa mesa. "Bakit ikaw?" baling nito sa kanya.
Nagsandok naman si Desiree ng kanin at nilagay sa bandehado bago sinagot ang tanong ng kaibigan.
"May kanya-kanya na kaming buhay, walang sasalubong sa akin doon kaya dito lang din ang diretso ko," pagtatapat niya.
Lima silang magkakapatid at bunso siya. May pamilya na rin ang mga ate at kuya niya. Ang magulang naman niya, kung kailan tumanda saka nagsipag-asawa ng iba.
"Hindi ka na maghahanap ng boyfriend ulit? I mean, may nagugustuhan kang bago di ba?"
Noon biglang rumehistro sa utak niya ang mukha ni Clare. Napailing-iling pa siya. Mali. Imposibleng magkagusto siya sa taong 'yon. Bakla ito at isa pa hindi ito matangkad. Kaya lang niya iniisip ang lalaki sa nagdaang mga araw dahil baka may namagitan sa kanila noong nalasing siya. Tama, iyon lang ang dahilan.
"Wala, a!"
Napangiti si Karina. "Pero halimbawang isa sa amin ni Alena ang magkagusto sa 'yo, sasagutin mo ba? Matatangkad kami."
Nanlaki ang mata niya pero dahil alam niyang palabiro rin ito ay binalewala niya iyon.
"Lesbian kami, remember?"
Ngayong ipinaaala nito ang tungkol doon ay napaisip siya. "Kung sakali man, hindi ang sagot ko. Kaibigan ko kayo at ayokong masira iyon."
"Good point! Sana hindi ka magbago."
Naging tahimik na ang hapag matapos niyon. Hindi na rin siya inimikan ni Karina kahit na tabi sila sa higaan. Namalayan na lang niyang umaga na. Bakante na ulit ang inokupa nito at tinanghali na naman siya ng gising.
Sumakay siya ng taxi para mabilis pero inabot na siya ng isang oras, hindi pa rin niya nararating ang South. Dasal siya nang dasal. Pinadalhan na rin niya ng mensahe si Karina na baka mahuli siya nang ilang minuto, na ito nang bahalang magpaliwanag sa boss nila.
Bumaba na siya. Lalakarin na lang niya. Hindi kasi talaga kaya. Ayaw umusad ng mga sasakyan. Siksikan.
"Desiree?"
Napalinga siya at nakita niya ang kumakaway na si Clare, katapat nito ang isang apartelle. Pasakay pa lang itong motorsiklo. Nawala sa kanya ang lahat ng alalahanin at lumapit dito. Nakiusap.
"Puwede mo ba akong ihatid sa South? Please."
"Ha? Hindi ko duty ngayon kaya mamaya pa akong hapon doon," nag-aalangan nitong sabi. "Nandito lang ako kasi may binigay akong pagkain sa kapatid ko," sabi pang nilinga ang dalawang palapag na gusali. "First day niya sa work. Alam mo na, supportive dapat tayo." Tumawa pa si Clare. Hindi na niya tuloy magawang makiusap ulit. Nagpara na lang siya ng dyip.
"Wait! Hindi ako mabilis magmaneho pero palagay ko, aaabot naman tayo."
"Thank you so much!" Umangkas na nga siya. Wala nang arte-arte pa.