12:00 AM
Kakasara lang ng resto bar. Imbes matulog, heto si Clare sa second floor, nasa kama pero nakatago sa kumot habang nagse-search ng kung anu-ano sa internet.
How to become taller naturally?
Sa edad na beinte kuwatro, ngayon lang siya na-concious sa height niya. Kung sa pag-apply lang naman kasi ng trabaho ang pag-uusapan hindi naman naging isyu ang pagiging maliit niya. Walang bad impression.
Maraming tips ang lumabas sa bawat scroll niya pati mga dapat kainin tulad ng karne. Ang umagaw lang ng atensiyon niya ay ang, 'Get plenty of sleep.'
Mukhang kailangan nga niya iyon. Nag-off na siya ng mobile data at umayos ng higa. Dinalaw siya ng antok kasama ng pag-iisip sa sinabi ni Desiree.
"Don't worry, hindi kita type. Hindi ka matangkad."
Nagising siyang mga bandang alas siete na nang umaga pero natulog siya ulit. Namalayan na lang niya, tanghali na.
Napahilot siya sa sentido. Hindi na normal ang daily routine niya. Naparami nga ang tulog niya, gutom naman siya.
"Lunch?" ang nakasilip sa pintuang si Fourth. May dinidilaan itong lollipop. "Maraming nilutong beef broccoli si dyowa. Tara sa baba."
"Wait, maghihilamos lang ako," aniyang bumangon na at tinupi ang kumot, inayos ang kama saka tinungo ang banyo na nasa loob lang din ng kuwartong iyon.
Sumandal lang sa pintuan si Fourth at talagang hinintay siya. Tumawa pa ito pagkalabas niya roon tapos lumapit sa kanya.
"Nagsuklay ka ba?" Hinawi nito ang ilang hibla ng buhok ni Clare.
"Okay na ako," aniyang tinali na iyon. Kinuha ang selpon at pitakang nasa kama lang nakatiwangwang.
Bumaba na nga silang pareho at ang nakakunot-noong si Jonas ang sumalubong sa kanila.
"Ang tagal ha. Malamig na lang ang ulam." Parang nanay nitong asta at nakapameywang pa. Nilapitan lang ito ni Fourth saka hinalik-halikan sa noo kaya ngumiti na.
Napaiwas na lang ng tingin si Clare sa paglalambingan ng dalawa. Itsapuwera talaga siya kapag nagsama na ang mga ito. Parang gusto na rin niyang magkaroon ng love life ulit.
"Sa labas muna ako, bibili ng kape," palusot niya para makaalis doon.
"Pero Matt, meron na tayo---"
Hindi na niya narinig ang kasunod niyon dahil nakalayo na siya sa bilis ng mga hakbang niya. Saktong paglabas niya ay may dumaan naman motorsiklo. Sinundan niya iyon ng tingin dahil sa pamilyar na plate number.
Hindi nga siya nagkamali nang huminto iyon sa tapat ng South Filinvest condominium. Bumaba ang isa at nagtanggal ng suot na helmet dahilan para lumakas ang kalabog ng puso niya. Ang back view nito ay alam niya kung sino.
"I miss you, I really do... Soto."
Napatakip siya sa bibig at lumiko na ng ibang daan sa walang makakakita sa kanya kung umiyak man siya.
Isang taon na rin mula nang maghiwalay sila pero naroon pa rin ang damdamin niya. Hindi naman kasi niya balak mag-move on. Ayaw niya itong kalimutan. Ito ang first love niya buhat nang mapagtanto niyang nagkakagusto siya sa kapwa niya lalaki.
Dati trip lang niya ang magdamit ng pambabae dahil nga bagay iyon sa kanya sabi ng kanyang ina at isa pa babae ang kasarian niya sa birth certificate. Kailan lang niya ipinabago, noong ika-beinte uno anyos niya at nakaluwag-luwag na siya sa buhay.
May nag-vibrate sa bulsa niya kaya napapunas siya ng luha. Kinapa niya ang selpon doon at sinilip kung ano iyon. Tawag galing sa isa sa mga kapatid niya.
"Bakit, Ate?"
"Magpapadala ka na ba? Wala nang panggatas si Buninay. Dagdagan mo rin sana dahil may babayaran akong utang."
Napangiwi siya. Ilan ba ang umaasa sa kanya? Isang pamilya. Bale apat na tao at kung hihirit ang ama magiging lima. Ang ina niya lang ang maunawain sa lahat. Pangalawa siya sa magkakapatid at siya ang maalwan pagdating sa usaping pinansiyal. Siya rin nagpatapos ng kolehiyo sa bunso nila na ngayon ay may trabaho na.
"Kay Junjun kayo humingi. Wala pa akong bala sa ngayon," ang bunso ang tinutukoy niya dahil saktong suweldo nito sa makalawa.
"Nagbigay na 'yon noong nakaraan. Ikaw na lang ang hindi pa. Claro ha, huwag mong kalimutang ako ang nagpatapos sa 'yo ng hayskul. Baka gusto mong makutusan."
Panunumbat. Doon magaling ang nakatatanda niyang kapatid. Palibhasa hindi rin naman maayos ang kinikita ng asawa at nangungupahan lang din. Talagang naging palaasa na ito sa kanya.
Napabuntong hininga siya. "Sige, sige, magpadala muna ako ng dalawang libo."
"Sabi kong dagdagan mo, e! Wala ka pa namang asawa, libre rin ang tirahan mo kaya sa amin muna ng pamangkin mo, okay?"
Parang gusto niyang magwala ng mga sandaling iyon pero hindi niya magawa. Wala siyang karapatang magreklamo dahil tama naman ito.
"Oo na, oo na," pagsuko niya at ibinaba na ang tawag para silipin ang laman ng pitaka.
Napamura pa nang makitang sakto lang para sa sinabi niyang halaga ang laman niyon. Ipinang-abono niya kasi ang iba sa inuming hindi nabayaran ni Desiree. May ipon naman siya sa bank account niya pero ayaw lang niyang bawasan.
"Problema ko rin 'yan minsan... kaya hindi ka nag-iisa."
Napaangat na siya ng tingin at nakita ang nakangiting dalaga. Si Desiree. Ang isa sa dahilan kung bakit hindi na siya natutuwa sa pagiging pandak niya.
Kasalanan mo 'to, iyon ang gusto niyang isatinig pero nagsalita ito ulit.
"Magaganda 'yong damit pero halatang branded ang karamihan. Para tuloy nakaiilang isuot kung hindi naman importante ang pupuntahan."
"Ha? Paano mong nalamang branded?" Tinanggal na niya ang etekita ng mga iyon kaya imposibleng mapansin pa.
"May ebidensiya at saka gawain ko kaya naiintindihan kita." Tumawa si Desiree
Tumawa siya. "May habit ka rin pala..."
"Thank you. First time kong bigyan ng damit na galing sa isang lalaki, na sakto sa akin at kapareho ko pa ng habit."
"Sa paggupit ng brand name?"
Napatango ang dalagang. Namumula pa rin ang pisngi nito at hindi niya maintindihan kung bakit natutuwa siyang makita iyon. Saglit niyang nalimutang sisingilin niya dapat ito sa dalawang beses na hindi nito pagbayad ng inumin pati ang kakapusan niya sa pera.
"Miss Clare, short ka sa pera di ba?"
Oh, shoot! Ipinaalala nito. Nakadama siya ng hiya.
"Hindi. Kasya pa naman." Nagsisinungaling siya. Pakiramdam niya kasi kabawasan sa pagkatao niya ang tungkol doon.
"Dumaan talaga ako sa work mo para magbayad pero ang sabi ng boss mo lumabas ka raw. Mabuti at natanaw kita rito."
Hindi niya alam ang paiiralin niya. Pride ba o ang pangangailangan ng salapi?
Sa huli, tinanggap na rin niya ang bayad ni Desiree. Nagpaalam din naman ito agad pero may sinabi muna.
"Pupunta ako ulit mamaya. I can't wait to taste your blue cocktail."
At dali-dali na itong naglakad palayo.
Napaawang siya saglit. Bakit pakiramdam niya double meaning ang sinabi nito?
"Ang babaeng 'yon..."