Chereads / Sol at Luna / Chapter 9 - Kabanata 7: Ayos ka lang?

Chapter 9 - Kabanata 7: Ayos ka lang?

- - -

M A V Y

Hindi talaga ako makapaniwala na nanalo kami! Sobrang nakakakaba naman kasi, una kayong sasayaw. Dagdag mo pa na ako 'yong hinayaan nilang gumawa ng solo. Ang tagal na simula nu'ng sumayaw ako. Pero, iba talaga ang pakiramdam kapag nagagawa mo pa rin 'yong mga bagay na may katuturan para sa'yo. Sobrang sarap lang talaga sa pakiramdam. Medyo kulang pa kami sa practice at kung minsan nag-aaway pa, pero sobrang sulit 'yong pagod namin.

"Dalang - dala mo ang audience sa solo mo! Grabe, p're!" sabi ni Edgar, "The best ka talaga!"

"Ta's sasabihin mong nangangalawang ka na? You liar!" asar ni Ian bago niya ginulo niya ang buhok ko.

"Oh, so pa'no hatian natin?" bungad ni Prince.

"Gago, Princess, magpapa-opera ka na naman ba?" asar sa kaniya ni Karen.

Binatukan siya ni Beya, "Prince na nga siya ngayon!"

"Aray! Kasi naman kakapanalo pa lang natin..."

"Siraulo! 'Bayaan mo 'yung tropa natin kung masaya siya du'n." aniya ni Beya, "CONGRATS SA'TIN MGA 'TOL!"

"Saka na natin pag-usapan ang hatian, sa ngayon, mag-picture muna tayo!" hiyaw ni Boy at lahat kami nagkumpulan.

Sobrang laking grasya nito at sobrang hindi ko maipinta ang saya na nararamdaman namin.

Matapos namin mag-picture sa kaniya - kaniyang cellphone, bumaba na kami sa stage at sinalubong kami ni Carlos. "MGA DUDEPARECHONG!" hiyaw niya.

"CARLOS! NA-MISS KA NAMIN!" sabi ni Prince at sinugod na siya nila Freya, Beya, at Ian.

"Balita ko kayo na raw ah?" turo ni Carlos kina Beya at Ian.

Natawa na lang ako nang magkumustahan silang lahat. Nilapitan ako ni Ate at niyakap nang mahigpit.

"Ang galing galing mo! Proud na proud ako sa'yo!" sabi niya.

"Salamat, Ate. Ang sarap sa pakiramdam." ngiti ko.

"Ate Malaya!!! Namiss ka namin!" Sumigaw bigla si Boy at sumali sa akapan naming dalawa. Biglang nakipagkumpulan sa aming tatlo lahat ng iba kong tropa hanggang sa magkakaakap na kaming lahat.

Matapos ang ilang segundo ay bumuwag din ang akapan, pero kaniya kaniyang daldalan pa rin at kumustahan. Paglingon ko sa may likuran ni ate ay nahagilap ng mga mata ko si Sabrina. Hindi ko alam kung natatandaan pa niya 'ko pero tandang - tanda ko siya.

Sa pangatlong beses na nakita ko siya, pangatlong beses na nakilatis ang mukha niya, ay doon ko lang nakumpirma na siya nga ang nakabangaan ko sa park.

Pero, siya nga rin ba si Luna? Hindi ko kasi matukoy kung totoo ba 'tong akala ko. Sabi nga nila, maraming namamatay sa maling akala.

Napatingin siya sa direksyon ko at umiwas ako ng tingin. Buti na lang tinawag din ako bigla ni Prince.

Maya - maya ay hinila ako ni Carlos, "May gustong mag-congralutate sa'yo."

Parang alam ko na kung sino. Tumingin ako sa likod ni Carlos at nakita ko siya doon pero...

Sino 'yung lalaking humihila sa kaniya?

Tinanong ko si Carlos. "Si Sabrina ba?"

"Pa'no mo alam?" Sumunod lang ang mga mata ko kay Sabrina at sa lalaki. Sino 'yon?

"Ikaw lang ba kasama niya?" Tila napa-kunot ng noo si Carlos sa tanong ko.

"Oo, bakit?" hindi ko na siya sinagot at bigla akong naglakad.

"Huy! Sandali sa'n ka pupunta?"

Nakakaramdam ako na may mangyayaring masama. Hindi ko alam kung nag-iisip lang ako masyado pero ang lakas talaga ng kutob ko. Isa pa, kung si Carlos lang naman kasama niya, sino 'yun? Nanginginig nanaman ang mga kamay ko habang naglalakad. Kailangan ko malaman sino 'yon.

Wala masyadong tao sa labas dahil lahat sila nasa backstage o nasa loob. Sa'n kaya niya puwede dalhin si Sabrina?

"Huy! sa'n ka ba pupunta? Hinahanap mo ba si Sabrina?" nahabol ako ni Carlos.

"Oo, may humila sa kaniyang lalaki." sabi ko at sumilip sa mga hallway.

"Putcha, baka si Elias 'yon."

Elias?

"YOU WON'T GET AWAY WITH THIS!" napatingin kami ni Carlos.

"Si Sab 'yon! Tara!"banggit ni Carlos.

Tumakbo kami kung saan-saan at nagsimula na ring mag-uwian ang ibang tao. Nasaan kaya sila? Anong ginagawa nu'ng Elias na 'yon? Kailangan ko sila mahanap. Sobra akong kinakabahan para kay Sabrina.

"Mavy! Dito! Nakita ko silang lumiko doon!" Tumuro si Carlos sa isang hallway lagpas sa grupo ng mga taong naglalakad na palabas ng building.

Nang tumatakbo pasunod sa kanila ay nasalisihan kami ni Sabrina. Mag - isa na lang siya, mabilis ang lakad palabas, at halatang hindi talaga kami nakita.

Nagkatinginan kami ni Carlos. Umamba akong maglalakad patungo sa pinanggalingan ni Sabrina pero hinarang ni Carlos ang kamay niya sa akin.

"Ako na bahala sa gagong 'to. Sundan mo si Sab." sabi ni Carlos at sinundan si Elias.

Hinabol ko si Sabrina at sinubukang hanapin. Nakarating ako sa labas ng building at nakita ko siya naka-upo sa may hagdan, nakayuko, bagsak na bagsak ang buhok. Bumilis tibok ng puso ko, hindi ko alam gagawin ko. Dapat bang tumabi ako? O antayin ko na maramdaman niyang nakatingin ako sa kaniya?

Huminga ako nang malalim, hindi naman ako masamang tao. Kaya ko 'to.

Dahan - dahan akong naglakad papunta sa kaniya. Mas nakikita ko na humihikbi siya, umiiyak siya. Ano kayang nangyari? Umupo ako malapit sa tabi niya. Ni hindi man lang siya lumingon. Bahagya ko lang siya tinitignan. Hanggang sa nagsalita na lang siya.

"Putanginang buhay talaga 'to, Carlos."

Carlos? Akala niya ako si Carlos. Magsasalita dapat ako nang naunahan niya ako.

"Hanggang dito sinusundan ako ni Elias tapos may— may plano siya para sirain buhay ko. Hindi—puta, hindi ko na alam gagawin 'ko. Pagod na pagod na'ko. I don't want to live anymore..." tinitignan ko lang siya. Hindi ko alam kung magsasalita ba'ko.

Nakayuko pa rin siya, "Is my life really worth it? Lagi na lang ba ko minamalas? Gusto ko nang mamatay!" sabi niya at inangat niya ang ulo niya.

Napatigil ako sa paghinga ko nang tumingin siya sa'kin. Pinaghalong gulat at pagtataka ang nakikita ko sa kaniyang mga mata. Tinignan ko siya ng may pag-aalala, at dahan dahang hinawakan siya sa may siko.

"Ayos ka lang?"

~ ~ ~

C A R L O S

Humanda 'tong lalaking 'to sa'kin. 'Pakagago mo talaga, Elias. Pati babae papatulan mo? Bibigyan mo ng trauma? You're trash. Papatayin kita.

Susugurin ko na sana ngunit napatigil siya nang maramdaman niyang may sumusunod sa kaniya. Biglang tumunog ang cellphone niya at may kausap na siya sa telepono.

"Yes, Tito? Opo nandito siya." Tito? Tatay ba ni Sab, 'yun?

Nagtago ako sa isang kanto. Nag-e-echo ng boses niya sa hall. Bakit ang mga taong mayabang, hirap kontrolin ang boses?

"I'll be there in less than 20 minutes. I warned Mikaela about what I would do to her kung hindi siya susunod. I'll have her as my girlfriend, Tito. Then, the deal would be over." sabi pa niya at binaba na niya ang telepono.

Umalis na siya at nadaanan lang ako. Buti na lang madilim. Hay, Lord. Kailangan 'to malaman ni Sabrina. Parang ang tindi naman ng daddy niya. So tama nga siya, dahil lang sa pera kung bakit niya hawak-hawak sa leeg anak niya. 'Paka-gahaman talaga!

Talaga bang mas mahalaga ang negosyo mo kaysa sa anak na ikaw ang kailangan?

Nakaka-putangina.

Naglakad ako pabalik sa mga gamit namin. Wala akong ibang iniisip kun'di kalagayan ni Sabrina, nakakausap na niya kaya pinsan ko? Sana maayos usapan nila. Nakaka-bother 'yung mga narinig ko. Sabrina deserves more. Gets ko na kung bakit sobrang tuliro niya minsan at mas lalong naiintindihan ko na ngayon bakit galit na galit siya kay Elias at sa Tatay niya.

Wala nang tao sa videographer's station, pati rin sa auditorium. Iniisa-isa ko nang iligpit ang mga bag at equipment namin, binitbit ang mga ito at naglakad na palabas nang—

"Carlos..." napalingon ako at nakita ko si Ate Malaya. Hinabol niya ako at sinabayan sa paglabas.

"Ate?"

"'Yung Sabrina ba, close sila ni Mavy?" Napalunok ako, sabay buntong hininga.

"Naku-kuwento ko naman sila sa isa't isa. Magkakilala siguro, pero sa pangalan lang."

"Sigurado ka?" Napalingon na ako sa kaniya habang naglalakad.

"Ha? Ate bakit mo ba natano—"

Napatigil ako nang matanaw na namin ang mga hagdanan sa labas. Rekta mula sa kinatatayuan namin, tanaw ang likuran ni Sabrina, na nakasandal sa balikat ni Mavy. Naramdaman kong tumingin si ate Malaya sa akin. Nilingon ko siya at tinaasan niya ako ng kilay.

"Gets mo na 'yung tanong ko?" Dahan-dahan akong napa-iwas sa mata niya. Prinaktis ko muna sa ulo ko 'yung sasabihin sa kaniya.

"Ate... naalala mo pa 'yung kaibigang dinala ni Mavy sa bahay dati?"

"Hm. Ano meron?"

"Ate may sasabihin ako ha," Sinulyapan ko sila Sabrina, ta's tingin ulit kay ate.

"Pero sana intindihin mo kung bakit ko tinago."