Chereads / Her and Her / Chapter 13 - 13

Chapter 13 - 13

"NGAYON mo na sasabihin sa magkapatid?" aniya bago niya itinulak ang main door ng dating bahay-ampunan. 

"Gusto kong makita kung anong magiging reaksiyon nila." 

Excited na si Apollo. Ramdam niya iyon. Dalawang paperbag ang bitbit nito na naglalaman ng kanilang pinamiling damit at ilang kagamitang pambabae. Talagang handa na ito.

Walang tao sa sala pero dahil sa halimuyak na nagmumula sa kusina ay agad silang dumiretso doon. Ang magkapatid ang naroon. Nakatingin ang mga ito sa steamer na nakasalang. Doon nanggagaling ang amoy. Nagbilang pa sila ng tatlo bago napagdesisyunang magsalita.

"May sasabihin kami!"

Sabay na lumingon ang mga ito. Si Nato ay nakangiting lumapit sa kanila. "O, Miya! Mabuti at dumating ka na. May niluluto akong shrimp dumplings, baka gusto mo." 

"Kaya pala ang bango? Tamang-tama gutom na kami ni Apollo," aniyang sumulyap dito.

"Pero hipon din ulam natin---" hindi na natuloy iyon dahil inilayo na ni Nato si Nazmiya.

Nagbago ang mood ni Apollo. Si Naneth ang nilapitan niya. "O, binili namin ni Miya para sa 'yo."

"Talaga? Thank you!"

Tumalikod na siya at walang sabing-sabing naglakad paalis pero narinig pa niya ang sinabi ni Nato kaya napahinto.

"May nakikitulog sa kuwarto mo. Si Ely iyon. Pakigising na lang para sabay-sabay na tayong magmeryenda."

Kung puwede lang magdabog ginawa na niya. Hindi niya alam kung para saan basta gusto niyang magwala ngayon. Pabalibag niyang sinara ang pinto nang makapasok sa silid na inookupa niya.Nabulahaw niya si Ely dahil doon. Bumalikwas kasi ito ng bangon.

"Hah! Anong oras na? Si Felicity." Inaayos na nito ang higaan. Nanatili siyang nakasandal sa pintuan. Nang iumpog niya ang ulo roon ay saka lang siya nito napansin.

"Hi, bro. Sorry ha. Wala ka kasi kanina kaya dito na lang ako tumuloy, nakitulog." 

Mabibigat ang hakbang niyang tinungo ang kama. Nahiga.

"Mainit ang ulo ko ngayon, Ely kaya hindi kita mae-entertain. Pasensya na. Pakisara na lang pinto pagkalabas mo," iyon lang at pumikit na siya.

Narinig lang niya ang buntonghininga nito bago ang pagsara ng pinto.

Nagmulat siya. Naririnig niya ang tawanan sa baba. Napatagilid siya ng higa. Napatingin siya sa kaliwang kamay. Ikinuyom niya iyon nang rumehistro sa utak niya ang mukha ng babaeng hindi lang minsang nahawakan ng kamay niya. Kung hindi siya nito nabuko ay malamang itutuloy niya ang diskarte ng isang lalaki---ang mapalapit dito kagaya ng ginagawa ni Nato. Wala talagang lihim ang hindi nabubunyag.

"Hindi kita itinuring na babae."

Saan kaya nanggaling ang lakas ng loob niyang sabihin iyon?

Mariin siyang napapikit. Kagat ang pang-ibabang labi at nagpadyak-padyak pa siya. Parang kakapusin siya ng hininga. Ano bang nangyayari sa kanya? Parang kanina lang excited siyang ipagtapat ang totoong pagkatao niya tapos ngayon ay parang pipiliin na lang niyang manahimik. Kaya nga heto siya, nagkukulong, nag-iisa.

Napatalukbong siya ng kumot. Gumulong-gulong. Tumama lang siya sa matigas na bagay kaya nahinto.

"Apollo!" 

May tumatawag mula sa labas ng pintuan niya. Bumangon siyang sapo ang noo at pinagbuksan ang kung sinong naroon. 

"O, dinalhan kita nito."

Naisara niya muli ang pinto. Nanaginip yata siya ng gising. Bakit nandito ang kanina lang ay laman ng isip niya? Hindi ba't naririnig niya ang mga halakhak nito sa baba?

"Hey, Apollo! Okay ka lang ba? Sorry kanina hindi natuloy ang plano."

Binuksan niya ulit ang pinto. Kinuha niya ang dala nitong nasa platito bago ito hinatak sa loob.

"Miya, sabihin mo gusto mo ba itong ganito ako o 'yong kaninang nasa mall tayo?"

Nakita niya ang pagkunot ng noo nito. Inilapag niya muna sa side table ang platito habang naghihintay ng sagot.

"Kahit ano pero mas bet ko itong ngayon."

"Ngayon?"

Tumango ito. "Saglit, nagrereklamo nga pala si Naneth. Malaki raw ang mga iyon sa kanya. Bakit mo kasi binigay?" Sumimangot ito.

"Hindi ko rin alam. Naiinis lang talaga ako kanina."

Pero ang pagsimangot na iyon ay napalitan agad ng ngiti. Saglit nga lang iyon at hindi niya alam kung bakit. 

"Tara na sa baba. Nandoon pa sila. Puwede mo nang ipagtapat." Hinila pa nito ang laylayan ng damit niya. Doon na ito nakatingin.

"Nagbago na ang isip ko."

Gulat itong napatingin sa kanya. Kumindat lang siya at pagkatapos inangat ang baba nito. Pinag-aralan niya ang bawat sulok ng mukha ng dalaga.

"Apollo! Anong binabalak mo?" pinandilatan siya nito. 

"Inaalam ko lang kung bakit ganoon na lang kung ipagkait ka sa akin ni Nato."

Itinulak siya nito. May kasamang mahihinang paghampas. "Alam mo, Apollo! Pa-fall ka! Naiinis na ako sa 'yo. Akala ko pa naman..."

Hinayaan niya ito sa ginagawa. Hindi naman iyon nakakasakit. Alam naman niyang kaunting atras ay nasa kama na siya. Siguradong hihinto rin si Nazmiya. 

"Tuwang-tuwa ka bang paglaruan ang damdamin ko? Ang hirap kayang magpigil. Alam mo namang gusto kita. Bad ka! Bad ka!"

Narinig niya ang pagsingkot nito. Hindi man niya nakikita dahil nakayuko ay alam niyang umiiyak na ito.

"I'm sorry, Miya. Hindi na mauulit." Nahahabag siyang inaangat ang mukha nito at pinunas ang luha. "Halika nga, maupo tayo." Sa sinabi niya ay parang bata itong nagpaakay.

Nakaupo na sila sa kama. Nilalantakan na rin niya ang dumplings. Si Nazmiya naman ay nakatingin sa paa. Dinuduyan-duyan iyon.

"Umm... masarap ang pagkakagawa nito, a!" komento niya.

"Oo, sinabi ko nga rin iyan kay Nato. Pero sabi niya ay dahil iyon sa kay mommy. Tumawag ito at siya ang nakasagot ng phone ko. Wala, inusisa na rin niya kung anong mga paborito ko."

"Seryoso talaga siya sa 'yo. How about giving him a chance."

"Anong chance naman, Apollo?" angil nito. "Bukod sa sinasabi mong gusto niya ako at ipinagkakait, e wala naman siyang nababanggit kapag kami na lang dalawa," patotoo pa.

Napahinto siya sa pagtusok sa dumpling. "Oh! Alam ko na, torpe ang isang 'yon. Sa akin lang laging naghahamon."

"Sa palagay ko normal ang ipinapakita niya dahil kaibigan ko siya. Normal lang na ipagkait ako dahil ipinagkasundo kami. Si Naneth nga kapag na-overwhelm, e nanghahalik."

Saglit lang ang pagkagulat niya at sumulyap na kay Nazmiya. Sa nakikita niya ay balewala lang dito ang nasabi pero siya ay gusto nang sugurin si Naneth, komprontahin. Sakalin kung iyon ang nararapat. Naiinis siya. Nabali ang wooden chopsticks dahil gigil ng pagkakahawak niya doon.

"Apollo, hey!" untag nitong nagpabalik sa kanya sa katinuan.

Nailayo na nito ang platito pati ang chopsticks.

"Why did you let her?"

Napamaang si Nazmiya. Malamang sa tanong niya ay nalilito na ito sa ugali niya. Maging kasi siya sa sarili ay hindi na niya alam kung bakit bigla-bigla siyang nagkakaganito.