Chereads / Her and Her / Chapter 16 - 16

Chapter 16 - 16

IPINAGPARA muna nila ng traysikel ang mag-asawa. Hinintay makasakay. Hinatid ng kaway bago nila hinarap ang isa't isa.

"Ano palang sinabi mo sa kanila?" sa pagitan nang pagtulak ng gate pasara ay tanong ni Apollo sa kanya.

Sumandal siya sa kabilang bahagi niyon. Hindi malayo, hindi rin ganoon kalapit bago tumugon.

"Sinabi kong dahil sa 'yo kaya naging paborito ko na ang potato fries."

Nahinto sa pagkandado si Apollo at napasulyap sa kaniya. "Iyon lang ba?"

"Sinabi kong close talaga tayo at harmless ka."

Kakaiba ang naging ngiti ni Apollo. "Talaga? Paano kung hindi sila naniwala?" Isang hakbang lang ang ginawa nito at nakorner na siya.

"S-sasabihin ko kung gaano kita kagusto." Ewan niya pero iba ngayon ang approach ni Apollo kaya hindi niya napigil sabihin ang mga iyon.

"Then, tell them next time," pagkasabi ay sumandal na rin ito.

Hindi pa man siya nakakabawi sa sinabi nito, tumunog na ang selpon niya. Miss Santillan ang pangalan ng nasa screen niyon kaya dali-dali niyang sinagot.

"Po? Mamayang alas dose? Baby pink? Saan po ang reception? Dumaan sila rito pero walang sinabi. Sige po, makakarating kami. Opo, nandito siya." Tumingin pa siya kay Apollo na noon ay nagtataka namang nakatingin sa kanya. Pagkababa niya ng tawag ay saka niya sinabi para maunawaan nito ang nangyayari.

"Ikakasal na si Miss Santillan at imbitado tayo." Inalog-alog pa niya si Apollo sa labis na kasiyahan. May tumikhim lang kaya kumalma siya at napabitiw rito.

"Iyon nga sana ang ibabalita ko pero nakausap mo na pala." Si Nato iyon. May bitbit itong bag. Sa laki niyon ay hindi na niya kailangang manghula pero nag-usisa pa rin siya.

"Uuwi ka na?"

Tumango si Nato. "Nalalapit na kasi ang pasukan. Mas malapit ang bahay namin sa university kaya doon muna ako," tugon nitong sinundan ng ngiti.

Iba ngayon ang ipinapakita ni Nato kaysa sa dati o sadyang nagkukunwari lang itong walang alam, walang nakikita. Aware siya sa ugali ng kaibigan pero ngayon hindi na siya sigurado dahil kalmado ito.

"Okay. Ingat!"

Tumango na naman ito at pagkatapos nilagpasan na siya. Napapihit siya. Sinundan ito ang tingin.

"Basta bro ingatan mo si Nazmiya," pagkasabi ay tinapik pa sa braso si Apollo at saka dire-diretso nang tinungo ang gate.

Pinagmasdan lang niya sa ginagawa nitong pagbukas sa kandado. May kanya-kanya silang susi--- silang apat kaya hindi nakapagtataka iyon. Hindi niya maiwasang mapabuntonghininga nang mabuksan na iyon. Hanggang sa namalayan na lang niyang nakasakay na itong traysikel. Nalungkot siya kahit paano. Siguro dahil naninibago siya.

"Hey! Magkikita pa naman kayo sa pasukan di ba?"

Tumango siya sa sinabing iyon ng nakatanaw rin doon na si Apollo at pagkuwa'y inabot niya ang kamay nito. "Tara na sa loob! Nagugutom na ako."

Tumawa lang ito nang mahina at nagpatianod na. Sa kusina ang tuloy nila. Sabay pa sila sa pagbukas ng ref. Nagkatinginan bago parehong bumitiw roon.

"I think, may natirang kanin at lomo barbeque kagabi, pagsamahin ko na lang isangag ang mga 'yon. Ano sa palagay mo?" konsulta nito sa kanya sa pagitan ng titigan nila.

"I-ikaw ang masusunod."

Nakangiting binuksan ni Apollo ang ref at nilabas ang lalagyan ng nasabing putahe. Saka iyon hinanda sa mesa na pinanood naman niya. Nag-umpisa na itong magtatad ng bawang. Humila naman siya ng upuan upang ipagpatuloy ang panonood dito. Nangalumbaba. Wala talaga doon ang isip niya. Si Nato ang umookupa niyon. Pakiramdam niya kasi nasaktan niya ang kaibigan nang hindi sinasadya. Oo nga't hindi nito nabanggit ang tinutukoy ni Apollo pero ramdam niya.

"Miya?"

Napaangat siya ng tingin, saka tingin sa itinatabi na nitong tinadtad na bawang tapos balik tingin kay Apollo---sa taong dahilan kung bakit hindi niya masusuklian ang pag-ibig ni Nato. Nakakakonsensiya pero iyon ang totoo. Pasalamat na lang talaga siya at hindi nangahas magtapat ang kaibigang niyang iyon. Siguro masyado siyang halata hindi niya ito magugustuhan talaga.

"Seryoso ka sa mga sinabi mo kanina?"

Napaawang ang labi niya sa tanong ni Apollo. Hindi siya slow. Kung hindi siya nagkakamali ay karugtong lang iyon nang naudlot nilang usapan.

"Mahihintay mo ba kung kailan ako magiging handa? Hindi ka ba maiinip, Miya? Kung pagod ka na sabihin mo ha."

Dito na siya tumayo siya. Hinuli niya pa ang kamay nito. "Tungkol diyan, wala kang dapat ipag-alala, alam ko sa sarili ko ang ginagawa ko. Minsan lang akong magkagusto kaya handa akong maghintay, Apollo."

Nangislap ang mata nito. "S-salamat---" hindi niya ito pinatapos. Hinapit na niya kasi ang baywang nito.

"Sa ganitong puwesto para tayong mag-asawa tapos ikaw ang misis ko."

"Miya, ano ba 'yang mga sinasabi?" Nagpumiglas pa ito.Tumatawa tuloy siyang kumalas dito. Mabilis ang naging pagdistansiya nito sa kanya. Hindi nga lang nakaligtas ang namumula nitong mukha.

Umupo na siya at nagkasya na lang sa panonood sa nakatalikod nitong bulto. Naisalang na rin nito ang kawali kaya hindi na niya kinulit pa.

"Sinong may sabing ako ang misis dito? Tinawag mo pa nga akong Daddy Apollo." Sumulyap pa ito sa kanya at pagkatapos bumalik na sa ginagawa.

Kitang-kita niya ang umaalog nitong balikat. Tumatawa ba ito nang walang tunog? Kung ganoon, ituturing niya iyong cute side nito.

Nang sumapit ang tanghali. Hindi siya magkandaugaga sa paghahanap ng masusuot. Nakailang ulit niya pang sinipat ang  ilang bulaklaking bestidang nakahanger sa closet niya. Wala roon ang babagay sa okasyong pupuntahan niya. Nagsisi tuloy siyang kaunting damit lang ang dala niya. Mayroon naman siyang pants at blusa pero dalawang pares lang iyon. Luma na. Hindi talaga puwede.

Tumunog message tone kaya nahinto siya roon. Mensahe iyon galing sa mommy niya.

Dear, I left something on the couch. See it for yourself. I hope you like it!

Sa sobrang excited ay dali-dali na nga siyang bumaba. Muntik pa siyang mapatid pero ayos lang. Worth it, ika nga dahil nakita niya naman doon ang malaking paper bag. Napahagikgik siya nang mapagtantong isa sa magagandang bestida niya ang laman niyon. Problem solved!

"Teka, si Apollo!" Nang maalala ito ay napabalik siya sa taas.

Nasa harap na siya ng pinto ng silid nito. Makailang ulit na rin huminga nang malalim. Nagtatalo ang isip kung kakatukin ito o hindi. Hanggang sa nag-angat na siya ng kamay at gumawa ng mahihinang katok.

"Hey! Ready ka na?" pagkabukas nito ay tanong sa kanya ng bagong ligong si Apollo. Nakasuot na rin ito ng pants at sando. "Tuloy ka," pormal nitong sabi na pinaunlakan naman niya.

Sa kama nito ay naroon ang ilang polo shirt na halos pare-pareho lang style, kulay lang ang naiba. Nahulaan niyang katulad niya pumipili rin ito ng babagay na kasuotan pero kaso nito, doon siya biglang napailing.

"Ito lang dala ko. Hindi ko naman kasi inaasahang may kasalang magaganap," problemado nitong paliwanag.

"Sa bahay ninyo?"

Napatingin ito sa kanya. "I mean, sigurado akong mas marami kang pagpipilian doon."

"Marami pero baka masisikip na iyon," anitong inumpisahan nang ligpitin ang mga damit at ibinalik sa closet.

"Bihira kasi akong um-attend sa mga ganitong okasyon. Iniiwas din naman ako ni Daddy."

"Halika nga! Ako nang pipili para sa 'yo."

Iyon nga ang ginawa niya. Sinipat niya ang mga 'yon kay Apollo hanggang makuntento siya. May touch of pink ang kulay ng polo shirt na napili niya. Tinulangan pa niya ito sa pagsuot pati pagbutones niyon.

"Oh see?" Hinagod niya ng tingin kaya napangiti ito.

"Paano ka?"

Noon niya inilabas ang laman ng nasa lapag na paper bag. Paghanga ang una niyang nabasa sa mga mata ni Apollo. Kaya naisip niyang tuksuhin ito.

"You wanna try?"

"No, I'm happy being like this." Umiwas pa ito ng tingin. Inakala niya tuloy na napikon ito.

"I'm sorry."

"Magbihis ka na. Hindi ako titingin."

Naghubad na nga siya ng pambahay. Nakapagpalit nang hindi sinusulyapan ni Apollo.