Chereads / Her and Her / Chapter 17 - 17

Chapter 17 - 17

Tirik na tirik ang sikat ng araw. Wala ring hangin. Hindi sapat na magkasukob lang sila sa payong kaya kailangang magpaypay ni Nazmiya. Naroon sila sa gilid ng kalsada. Nag-aabang ng masasakyang taxi dahil iyon lang ang puwedeng makapasok sa nasabing munisipyo kung saan gaganapin ang nasabing kasal.

"Wala yatang daraang taxi ngayon kasi lunch time na," si Apollo na napatingin sa suot na relo bago tumingin sa kanya. Ito ang may hawak ng payong. "Nagugutom ka na ba?" Naitanong iyon dahil nakikinitang matatagalan pa sila roon.

"Kaya pa naman." Walang patid pa rin ang paypay.

At ilang minuto pa ay nakahinga sila nang maluwag nang may humintong kotse sa harap nila. Pagbaba ng glass window niyon ay agad nilang nakilala ang drayber. Si Ely iyon. Nakasuot ng baby pink na polo shirt. Malawak ang pagkakangiti.

"Hop in! Pare-pareho lang naman yata tayo ng pupuntahan."

"Yeah, yeah. You're right." Si Apollo ang unang nakabawi at pinagbuksan pa ng pinto si Nazmiya. Nang makasakay ito ay saka siya umikot para sa front seat sa tabi ni Ely.

"Best choice, Apollo!"

Hindi na niya pinansin dahil nasa seatbelt ang atensiyon niya. Pasimple lang ang ginawa niyang paglinga kay Nazmiya bago sumandal at tumingin sa unahan. Ilang segundo pa ay naramdaman niyang may humawak sa kamay niya. Sa gilid ng mata niya ay nakita niyang nakangiti ang may-ari niyon. Hindi siya nagsalita. Tinanggal din naman kasi nang may tumawag dito.

"Naman! On my way. Of course! You can sit beside her."

Nanatili siyang tahimik. Nakikiramdam. Parang nahuhulaan na niya kung sino ang kausap ng mokong niyang kaibigan at tumama nga ang hinalang iyon nang matanaw sa unahan ang todo pormang si Nato.

Wala siyang nagawa nang sumakay ito backseat. Narinig pa niya ang pagpuri nito sa suot ni Nazmiya at kung gaano naman kasaya ang dalaga dahil doon.

"Bakit wala si Naneth?"

"Nauna na siya. Sumabay kay Dad."

Muli, ay naramdaman niyang hawak ni Ely ang kamay niya. Ang hindi lang niya inaasahan ang sunod nitong ginawa.

"O, mainggit kayo! Kayo lang ba ang may karapatang magligawan?" anitong itinaas pa ang kamay nila na hindi niya nagawang tanggalin dahil ibinaba rin naman.

"Duma-the moves, Ely, a!" panunukso ni Nato.

Gusto niyang malaman ang reaksiyon ni Nazmiya pero pinigil niyang huwag lingunin. Baka hindi niya kayanin. Pero sa isang bahagi ng isip niya ay gusto niyang malaman ang nararamdaman nito. Nagseselos kaya ito? Ayaw man niyang aminin pero sa mga oras na iyon ay napagtanto niyang may pakialam na siya kay Nazmiya--- sa mararamdaman nito. Gusto na niyang updated siya.

"Anong the moves, Nato? Tayo rin naman naghahawak-kamay kahit magkaibigan, a!"

Mariin siyang napapikit sa binitiwang salita ni Nazmiya. Kunsabagay, ginagawa rin naman nila iyon pero hindi sila magkaibigan kundi dahil gusto siya ito at gusto niya ang ganoon sa pagitan nila. Inalis niya ang kamay sa pagkakahawak ni Ely. Nilagay niya iyon sa ulunan at nagtulug-tulugan.

"Kunsabagay, kung nobya kita hindi lang holding hands ang gagawin ko."

Naiinis siya sa sinabi ni Nato pero maiinis siya dahil wala na siyang narinig na iba. Walang tugon doon si Nazmiya. Hindi niya tuloy maiwasang makadama ng takot. Bumigat na ang talukap ng mata niya. Bahala na nga!

"Hey!"

May malamig na dumikit sa pisngi kaya nagmulat siya. Sobrang lapit ni Ely sa kanya kaya inusog niya ang mukha nito. Mahirap na.

"Uminom ka nito. Huminto muna tayo kasi hindi na rin naman aabot pa sa wedding ceremony."

Kinuha niya ang bottled water at uminom doon bago iginala ang paningin. Wala roon ang dalawa kaya sumulyap siya kay Ely.

"Nasa convinience store pa---o, hayan na pala sila," nguso nito sa gawi niya kaya napatingin siya roon.

Ikinangiti pa niya nang makita kung paano hinawi ni Nazmiya ang pagkakaakbay ni Nato. Sinundan lang niya ang mga ito ng tingin hanggang makapasok sa loob.

"Oh, hi Apollo, gising ka na rin sa wakas!" masayang bati ni Nazmiya na dumukwang pa upang makalapit sa kanya.

"May binili akong burger para sa 'yo," sabi pang ipinakita ang maliit na plastic bag.

Napasinghap siya sa pagkakalapit nilang iyon habang iniisip na, pag siya ba ang gumagawa niyon nagiging uneasy rin kaya ito?

"You don't have to worry, I'm not jealous," bulong pa nito at pagkatapos bumalik na sa upuan. Nakangiti. Hindi inaalis ang pagkakatingin sa kanya.

Saglit pa niyang iniisp kung para saan ang sinabi nito bago siya umayos ng pagkakaupo. Pinagdiskitahan na niya ang burger. Nakangiti pa siyang kumagat doon.

Naging tahimik na ang buong biyahe nila matapos niyon. Mahigit trenta minutos pa ang lumipas bago huminto ang kotse. Sa tapat iyon ng restaurant na may nakapaskil na eat-all-you-can. Doon gaganapin ang reception ayon sa sinabi ni Miss Santillan.

Pagkapasok nila ay nakitang maraming batang lansangan ang nakapila. May kanya-kanyang dalang plato ang mga ito. Pagkatapos mabigyan ng serbidura ay may naka-aasign naman para umalalay sa mga ito papuntang upuan.

Naaliw sila sa pagmamasid at nalimutan ang totoong pinunta roon kaya nang may magsalita sa maliit na entablado ay nagulat pa sila.

"Narito na po ba sina Apollo, Ely, Nazmiya at Nato?" anang emcee na nakatingin sa hawak na papel.

Nagkatinginan pa silang apat. Sila ang nabanggit na iyon at ganoon din ang arrangement nila. Si Apollo ay akbay ni Ely. Siya ay akbay ni Nato.

"Kung narito na po ay mangyaring diretsuhin ang kanang hallway para masaksihan ang bagong kasal."

Iyon nga ang ginawa nila. Habang magkakasabay silang maglakad, sa likuran ay hinuhuli ni Nazmiya ang kamay ni Apollo. Nang magtagumpay ay saglit nagtama ang mga mata nila tapos tingin na sa unahan.

Nagbitiw rin ang kamay nila nang makapasok na sa malawak na dining hall. Naghihiwa na ng cake ang bagong kasal. Sila naman ay pumunta na sa upuan kung saan naroon ang mga magulang. May paminsan-minsang sulyapan. Si Nazmiya kay Apollo. Si Ely kay Apollo. Si Nato kay Nazmiya. At kung sino man ang nayayamot at natutuwa sa mga sandaling iyon ay sila lang din ang nakakaalam.

Matapos nang wine toast. Inanunsiyo nang puwede nang kumain. Walang nagse-serve kaya kanya-kanya na lang sila ng kuha sa nakahain sa mahabang mesa. Marami namang pagpipilian at talaga hindi sila mabibigo sa lasa.

Nawala sa paningin ni Nazmiya si Apollo nang magsitayuan lahat. Hindi niya pansin ang kanina pang kasabay at salita nang salitang si Nato. Lumapit din sa kanya si Naneth na matipid lang niyang nginitian pagkatapos palinga-linga na naman siya. Kulang na lang magkandapilipit ang leeg niya sa ginagawa.

"Oy, Miya! Hindi ka pa kumukuha? Heto, o!" si Nato na binigyan na siya ng platong may laman na.

"Sino ba kasing hinahanap niyan, Kuya?" Narinig niyang tanong ni Naneth kaya sumulyap siya rito bago tinanggap ang bigay ni Nato.

"Wala. Upo na tayo," palusot niya at tinungo na nga ang bakanteng mesa pero bago man sila makapuwesto ay nakita niya ang kumakaway na ina.

"O, nandoon din si Daddy," hagikhik ni Naneth na nagpatiuna namang pumunta roon.

Pigil ang hininga niya nang umupo sa tabi ni Apollo. Abala ito sa pagbabalat ng hipon. Natatakam siya roon pero wala siyang magagawa, lumpiang shanghai ang nasa plato niya.

"Bakit Miya? Hindi mo ba type? Palit na lang tayo kung gusto mo."

Dito lang niya napansing pinagigitnaan siya ng dalawa dahil si Nato ang nasa kaliwa niya. Naghihimay rin ito ng hipon. May piping hiling pa siya na sana mali ang iniisip niya.

"I'm fine. Masarap din naman ang shanghai," aniya at kumagat pa roon. Pagbaba niya ng tingin ay nanlaki pa ang mata niya nang sabay ang dalawa sa paglagay ng binalatang hipon sa plato niya.

"Oh! Mr. and Mrs. Safar, your daughter is really cute," ang komentong iyon ay alam niyang galing sa daddy ni Apollo.

Nang marinig niyang nagtawanan ang mga ito ay sinubo niya lahat ang lumpiang shanghai at hinawakan ang kamay ng dalawa. Pareho niya pang pinandilatan ang mga ito kaya napaayos naman ng sarili.

"Sabi ko nang okay na ako sa shanghai, di ba?"

Nakitawa rin si Naneth kaya pati ito ay inirapan niya.

"Choose wisely, hija. Hindi puwedeng dalawa, ha." Galing iyon sa daddy ni Nato.

"Talagang hindi dahil nakapili na ang anak ko, di ba, honey?" ang mommy niya.

"That's right!" ang dad niya.

Sa mga sandaling iyon hindi lang siya ang namumula dahil maging si Apollo ay ganoon na rin.